MAXPEIN MOON : PART 8

526K 22.5K 37.1K
                                    


DISCLAIMER: 

 This is a work of fiction. Names, characters, businesses, places, events, locales, and incidents are either the products of the author's imagination or used in a fictitious manner. Any resemblance to actual persons, living or dead, or actual events is purely coincidental.  


"MAHUSAY, MOON!" palahaw ng pangunahing lalaking rango. Tumayo siya at sunod-sunod na pumalakpak. "Napakahusay ng iyong ipinakita!"

Natigilan ako at hindi makapaniwalang tumingala sa kinaroroonan ng pangunahing lalaking rango. Napapalunok akong tumitig sa kaniya. Mabilis na nangilid ang aking mga luha. Sapagkat sa unang pagkakataon, sa loob nang mahigit isang buwan ng ensayo ay nakarinig ako ng papuri mula sa kaniya. Napakasarap sa pakiramdam dahil isa sa pinakamahirap na pagsasanay ang ginawa namin nang araw na iyon.

Katapusan iyon ng buwan nang ganapin ang matira ang matibay sa pakikipaglaban sa Hapkido. Hinati kami sa dalawang grupo at pinaglaban-laban. Ang bawat nananalo ay inilalaban sa isa pang nanalo, hanggang sa maubos. Si Bitgaram ang kalaban sa huli at ako ang nanalo.

Gusto kong isiping posible iyong mangyari pero kinokontra ako ng sarili kong isip. Sapagkat alam kong pinagbigyan lang ako ni Bitgaram kaya gano'n ang naging resulta. Pero sa naging reaksyon ng pangunahing lalaking rango ay nagbago ang isip ko. Pakiramdam ko ay nasuklian ang lahat ng pagod at sakit na tiniis ko.

"Bilang premyo ay hindi ka sasamang manghuli ng hapunan," nakangiting anang pangunahing lalaking rango. "Magpahinga ka na muna habang nanghuhuli ng hayop ang kalalakihan. Matapos ang hapunan ay maliligo ang lahat sa batis."

"Opo, pangunahing lalaking rango." Hindi ko maitago ang pananabik. Gustong-gusto kong maligo sa batis. Madalas ay sa silong lamang kami naliligo. Limitado ang tubig sa silong. Bukod doon ay natatapos akong may marurumi pa ring paa dahil sa putik na tumatalsik sa t'wing magbubuhos. Kaya naman diskontento pa rin ang katawan ko.

Gaya ng sinabi ng pangunahing lalaking rango ay pumunta ako sa silong at doon ay nakangiting nagpahinga. Napakasarap sa pakiramdam kahit pa ramdam ko pa ang panlilimahid sa aking katawan. Nakaidlipan ko ang pagod, namanhid na ngang yata ang katawan ko sa sakit.

Hindi ko namalayan kung gaano katagal akong nahimbing. Basta na lang ako naalimpungatan at nagising. Ganoon na lang ang gulat ko nang mamulatan ang pangunahing lalaking rango na nakaupo sa papag na siyang hinihigaan ko. Hindi ko mapangalanan ang bitin na ngiti sa kaniyang labi.

Marahan akong naupo at kinusot ang aking mga mata. "Bakit po narito kayo sa silong ko, pangunahing lalaking rango?"

Hindi siya sumagot. Nanatili siyang nakatitig sa akin nang may bitin na ngiti sa labi. Inosente ko lang na nilabanan ang kaniyang tingin. "Bumangon ka na riyan at maghahapunan na tayo."

Nanlaki ang mga mata ko at wala sa sariling tumakbo papunta sa silong kung saan kami kumakain. Agad na nanuot ang napakabangong amoy ng sabaw sa ilong ko. Mas pinakalam ng pananabik ang tiyan ko.

"Maxpein, dito!" tinig ni Gil Yong. Lumingon ako sa kinaroroonan niya at nakangiting lumapit.

Napangiti ako nang abutan niya ako ng plato at puswelo para sa sabaw. "Salamat," sabi ko.

"Ang dinig ko ay paborito mo ang nilagang manok na may umuusok na sabaw?" aniya.

Agad akong tumango. "Iyan ang madalas na lutuin sa bahay namin. Sinabawang manok din ang hilig naming pagsaluhan ng aking nakatatandang kapatid."

MOONTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon