MAXPEIN MOON : PART 7

527K 23.5K 20.8K
                                    

KINABUKASAN AY maaga akong bumangon at agad na pumuwesto sa parang kung saan kami nag-eensayo. Madilim pa ang langit, malamig at tahimik ang paligid. Sa t'wing iihip ang hangin ay naririnig ko ang hampas nito sa mga damo at dahon ng puno. Sinimulan kong mag-isa ang ensayo. At gaya ng inaasahan ko, makalipas ang ilang minuto ay nagsipaglabasan ang mga lalaking rango na makakasama kong mag-ensayo.

"Kay-aga mo namang magsimula, Moon?" natatawang anang isa.

Inihinto ko ang pagsipa sa ere upang tingnan siya. Mamahalin ang suot nitong hanbok maging ang nakapaibabaw roon na jeonbok, pati na rin ang gat na nasa ulo nito. Patunay lamang ang mga suot nito na mula ito sa marangyang pamilya. Kung saang parte ng Emperyo nakatira ito ay hindi ko alam. Ngunit sa paraan ng pagbibiro nito sa akin, mukhang hindi siya natatakot sa pangalan namin.

"Kunsabagay, bumagsak ka nga pala sa ensayo ng mga babae. Hindi na bago sa iyo ang bumangon nang maaga," dagdag niya.

Inilagay niya sa likuran ang parehong kamay at saka nagpalakad-lakad sa aking harapan. Doon ko naman napansin na maging ang kaniyang namaksin, iyong sapin niya sa paa ay maamahalin. Gusto ko tuloy tanungin kung mula rin ba ito sa Emperyo. Baka kasi nagkakamali lamang ako.

"Magsisimula na ang ensayo," anang masungit na boses.

Nang lumingon ako ay nagtama ang paningin namin ni Bitgaram. Ngunit agad akong natinag, muntik nang mawalan ng balanse, nang madunggol ng mga nagmamadaling lalaki sa pagpila. Nang muli kong lingunin si Bitgaram ay naroon na siya sa pinakaunahan, wala na sa akin ang paningin.

Natakpan nang natakpan sa aking paningin si Bitgaram nang mapuno ng pila ng kalalakihan ang aking harapan. Hindi hamak na mas matatangkad sa akin ang mga ito. O sa madaling salita, ako talaga ang pinakamaliit sa lahat nang naroon.

"Pumarito ka sa harapan, Moon." Muling nangibabaw ang pamilyar nang tinig ni Bitgaram. Nanlaki ang mga mata ko at agad na tumalima.

Naramdaman ko ang paningin ng lahat sa akin habang nilalagpasan kong isa-isa ang kalalakihan. Ang karamihan sa kanila ay panay nakakaloko ang tingin. Ang iba naman ay kinakikitaan ng takot at paggalang kahit papaano.

Tumango ako matapos huminto sa harapan ni Bitgaram. Namangha ako at nagulat nang matingnan ko ang kaniyang kabuuan. Hindi hamak mas mamahalin ang kaniyang mga suot kompara sa lalaking hambog na kumausap sa akin kanina. Hindi lang damit ang mamahalin kundi maging ang mga ornamento at burda na makikita mula sa ulo hanggang sa talampakan ng hanbok niya.

Kung ako ang tatanungin ay higit na mamahalin pa roon ang mga isinusuot na hanbok ni Maxwell, walang makatatalo doon maski sinong mamamayan ng Emperyo. Minsan pa ngang pinuri ng hari ang kaniyang suot nang magkasama kaming dumalo sa isang salo-salo. Iyong mga hogeon naman na isinusuot sa ulo ni Maxrill ay may halong ginto ang mga disenyo kaya hindi rin biro ang presyo. Hindi pumapayag si Maze nang hindi humihiyaw sa kayamanan ang suot ng mga lalaki niyang anak.

Ako lamang itong kung ano ang nasa tokador ay iyon lang ang isinusuot. Mayroon din namang mamahalin sa mga iyon, karamihan ay ibinigay ni Mokz at sinadyang bilhin ng aking ama mula sa iba't ibang bayan o kabilang bansa pa. Kompara nga lang sa suot ng mga ito sa harapan ko, lalo na sa mga kapatid ko, walang sinabi ang presyo ng mga damit ko. Bale-wala sa akin iyon. Sadyang sa damit palang ay malalaman na ang estado ng pamumuhay at trabaho ng isang mamamayan ng norte.

"Ngayon ay mag-eensayo tayo ng Hapkido," natinag ako sa pagmamasid nang muli ay magsalita si Bitgaram. "Sa susunod na linggo ay ituturo ko naman sa inyo ang Kuk Sool Won."

MOONTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon