MAXWELL MOON : PART 2

525K 22.7K 40.7K
                                    



MAXRILL WON DEL VALLE - MOON

"OP...PA..." sabi ko habang isinusulat ang bawat letra sa kwadernong nakapatong sa kahoy na mesa.

Kasalukuyan kong tinuturuang magsulat ang kapatid kong babae sa ilalim ng puno ng magnolia. Nakakandong siya sa mga hita ko at pareho kaming nakayuko sa kahoy na mesa. Sobrang higpit ng pagkakahawak niya sa lapis at nagugusot ang pahina ng kwaderno sa diin ng kaniyang pagsusulat. Nakakatuwa siyang panoorin. Nakasimangot habang nagsusulat.

"Mm," aniya na inosenteng inilapag ang lapis habang ang paningin ay nasa isinulat niya. Kinusot niya ang mata at kinutkot ang labi at butas ng ilong. Nakakatuwa siyang panoorin. "Oppa," aniya saka dinutdot nang maruming daliri ang parte ng kwaderno na sinulatan niya.

Hindi ko napigilang humalakhak. "Mahusay, Maxpein," papuri ko. "Kaybilis mong natuto." Ngumiti siya na animong bumibilib din sa sarili. Tiningnan niya ang sariling isinulat at ngumiti nang todo sa akin. "Ngayon ay isusulat naman natin ang buo mong pangalan."

Sa halip na sumagot ay sinundot niyang muli ang butas ng ilong at inihilig ang batok sa dibdib ko. Tiningala niya ang puno ng magnolia at paulit-ulit na itinuro ang mga bulaklak niyon. Napansin kong hilig niya iyon. Sa t'wing may makikita siyang puno na isinasayaw ng hangin ay pinanonood niya iyon. Minsan pa nga ay bigla nalang siyang tumatawa habang nakatingin doon.

"Max...pein..." muling sabi ko habang isinusulat nang mabagal ang bawat letra niyon.

Pinanood ko siyang isulat nang mabagal at nanggigigil ang mga iyon. Pero hindi gaya nang naunang salita na ipinagaya ko sa kaniya, hindi niya iyon naisulat nang tama. Kulang ng ilang mga letra habang ang ibang letra ay mali ang pagkakasulat. Naisip kong nakadalawang salita na siya at posibleng pagod na.

Magsasalita na sana ulit ako nang maramdaman ko ang pisil ng kamay sa aking balikat. Nalingunan ko ang magandang ngiti ng aking ama na nakatunghay sa amin. Ginantihan ko siya ng ngiti at saka nagbaba ng tingin sa aking kapatid na noon ay hindi na magkandaugaga dahil nakita ang aming ama.

Naupo rin ang aming ama sa damuhan gaya namin. "Tinuturuan mo siyang magsulat?" tanong niya.

Nakangiti akong tumango. "Mahusay siya," ipinakita ko sa aming ama ang kwaderno.

"Nagmana sa iyo."

Natawa ako. "Talaga nga yata pong nasa dugo na natin ang pagiging matalino."

Tumawa rin ang aking ama ngunit sandaling nanahimik. Pinanood niya ang kamay ni Maxpein na bumabaon sa kwaderno dahil sa sobrang diin. Matapos niyon ay nakangiti niyang hinaplos ang buhok ni Maxpein. Saka palang gumuhit ang nakababahalang lungkot sa kaniyang mukha.

"Ilang taon pa ay iba na ang kaniyang pag-aaralan," mahinang anang aking ama.

Awtomatikong nawala ang ngiti sa aking labi. Batid kong ang pagiging rango nito ang tinutukoy niya. Mula nang makilala ko ang aking kapatid ay labag na sa loob kong sumabak ito sa pagiging rango. Batid ko ang batas namin pero pagdating sa kaniya ay hindi bukal sa aking kalooban na sundin iyon.

Dumaan ako sa mahigit tatlong buwang ensayo at dalawang taong proseso upang maging lalaking rango. Lalaki ako ngunit masasabi ko nang hindi ganoon kadali ang ensayo at proseso, napakahirap niyon. Hindi hamak na mas mahirap ang ensayo at proseso ng mga babae. Kaya naman gano'n nalang ang pagpoprotesta ng kalooban kong isabak si Maxpein sa ganoong parte ng kaniyang buhay.

"Maaari po bang ipagpaliban ni Maxpein ang pagiging rango?" mahinang tanong ko.

"Rango..." ginaya ni Maxpein ang huling salitang sinabi ko. Bahagya akong napilitang ngumiti. Ginulo ko ang kaniyang buhok.

MOONWhere stories live. Discover now