MAXPEIN MOON : PART 1

595K 23.9K 24.9K
                                    


MAXPEIN ZIN DEL VALLE-MOON

"ABEONIM! EOMEONIM!"

Halos magkandarapa ako sa pagtakbo upang makalapit sa aking mga magulang. Sabik akong ipakita sa kanila ang iginuhit kong puno na pinuri ng guro at binigyan nang mataas na marka. Sa gulat ay nagsipaglabasan upang sumilip ang mga tao ng Emperyo sa akin. Ang ilan ay iniilingan ako ngunit natutuwa, ang karamihan naman ay pinagtatawanan ako. Bawal sa Emperyo ang pagsigaw na ginagawa ko. Ngunit dahil kilala ako ng mga tao ay wala silang magawa.

"Abeonim!" sigaw ko hanggang sa magkandaubo-ubo sa pagsigaw. "Abeonim! Abeonim!" yumuko ako habang hawak ang papel na gusto kong ipakita sa aking ama. Nang hindi na ako makapagsalita dahil sa paghahabol ng hininga ay iniabot ko na lang basta ang papel sa kaniya.

"Hmm, tingnan nga natin kung ano ito?" masayang anang aking ama nang kunin ang papel ko.

"Gumuhit ako...ng puno," hinihingal kong sabi. "Pinuri ito ni Kim Seonsaeng! Sinabi niyang mahusay ako!" pagmamalaki ko.

Nakita ko nang manlaki ang mga mata ng aking ama. Wala pa man, pakiramdam ko ay pinupuri at ipinagmamalaki niya na ako. Parang hinaplos ang puso ko.

"Napakagaling mo, Maxpein Zin," emosyonal niya iyong sinabi, nasisiguro ko. Naunawaan at naramdaman nang mura kong isip ang reaksyon niya. "Humahanga ako sa iyo."

"Ipakikita ko ito sa Hwejang-nim!" nanlalaki ang mga matang sabi ko. Tatawa-tawa siyang tumango saka ako inakay. Ngunit nang hindi makapaghintay ay inunahan ko na siya at tumakbo ako papasok sa templo. "Cheotjae!" palahaw ko. "Hwejang-nim!"

"Neo..." nanunuway ang tinig ng cheotjae nang salubungin ako, tinutukoy ako. "Ano ang nangyayari at kailangan mo pang isigaw ang pagtawag sa amin, Maxpein Zin?"

Iwinagayway ko ang papel sa kaniyang harapan. "Gumuhit ako ng puno at pinuri ito ni Kim Seonsaeng!"

Talaga namang ipagmamalaki ko ang iginuhit ko kahit pa sa bawat mamamayan ng Emperyo. Hindi ako mapapagod na gawin iyon kahit pa sa magdamag. Sapagkat ang guro na iyon ang pinakaistrikto sa aming paaralan. Bihira siya kung pumuri at kung mangyari iyon ay hindi ito nagsisinungaling. Kaya talaga namang ganoon na lang katindi ang saya ko.

"Kung ganoon ay kailangang ipagbunyi ito," masayang anang cheotjae! Napapalakpak ako sa tuwa. "Magpapahanda ako ng hangwa at tteok Hindi ba't paborito mo ang mga iyon?" Niyakap ako ng cheotjae at hinimas-himas sa ulo.

"Maraming hangwa at tteok?" tanong ko na nakatingala sa kaniya. "Maraming hangwa at tteok para sa akin!"

"Maaari akong magpagawa nang maraming hangwa at tteok para sa iyo, at mas marami pa upang maibahagi mo sa iyong mga kalaro." Hindi ko inaasahan ang sinabi ng cheotjae. Napatalon ako sa tuwa!

Hangwa at tteok ang mga paborito kong meryenda. Matatamis ang hangwa habang ang tteok naman ay gawa sa malagkit na kanin. Talaga namang napakasasarap. Lalo na kapag sinabayan nang mainit at purong tsokolate. Upang matunawan ay umiinom ako ng tsa.

"Eomeonim!" bulalas ko nang tumunghay mula sa balkonahe si President Moon kasunod ang Hwejang­-nim at Eesa-nim.

Naglakad pababa ang tatlo at lumapit sa gawi namin. Mabilis kong inagaw ang papel sa choetjae at aligagang iniabot iyon sa Hwejang-nim. Gusto kong makita ang reaksyon niya. Kaya wala pa man ay pinanood ko na ang kaniyang mukha.

MOONTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon