MONARKIYA

767K 22.9K 32.7K
                                    

NAG-ANGAT NG tingin si Maxpein sa mataas na punong naroon sa kaniyang harapan. Maganda ang panahon, palibhasa'y tagsibol. Naghahalo ang init at lamig ng hangin. Ang sinag ng araw ay natatakpan ng makakapal na ulap. Payapang lumilipad ang mga ibon, magiliw na sumasayaw ang mga puno, at tila likas na awit ng kalikasan ang bawat pag-ampyas ng tubig sa dagat.

Inilabas niya ang dalawang bayoneta at iyon ang ginamit upang maakyat ang pinakamataas at siya ring pinakamatibay na sanga ng punong iyon. Nang marating niya ang tuktok ay tinanaw niya nang nakangiti ang dagat.

Pero hindi nagtagal ang ngiting iyon sapagkat agad na sumagi sa isip niya ang pinagdaanang proseso. Kung saan isa sa mga kasamahan niyang babaeng rangoang sapilitan siyang itinulak sa bangin para lamang manalo. Hindi niya malilimutang sa proseso ay matira ang matibay. Na kahit magkasama kayong lumaki, kumain, magutom, lamigin, mapagod, masugatan, masaktan...naroon ang trayduran.

May mga sandaling nakaligo na siya sa dagat. Isa iyon sa hindi niya pinagsasawaang gawin mula pagkabata. Bagaman ni minsan ay hindi niya narating ang mas malalim pa sa limang beses ng kaniyang taas, hindi siya takot sa dagat, maging sa mga nakatira roon. Ngunit nang sandaling iyon sa proseso ay mukhang hindi niya na uli gugustuhing makatapak pa sa tubig niyon. Hindi niya na makita ang sariling nakalutang at lumalangoy sa dagat. Kontento na siyang nakikita, pinanonood, naririnig at naaamoy ito.

Marahan siyang pumikit nang dumaan ang makapal na ulap sa araw at tumama ang liwanag niyon malapit sa kaniyang paningin. Doon ay mas narinig niya ang paghuni ng mga ibon, ang wasiwas ng mga puno at nanghihikayat na himig ng dagat.

Wala sa sarili siyang nangingiti. Ganoon ang dulot sa kaniya ng masarap at masayang pakiramdam dahil sa kalikasan. Sandali niyang nalilimutan ang lahat. Ngunit oras na umandar na ang isip niya, ang ngiti ay mabilis na napapalitan ng pait, bagay na hindi niya maiwasan kahit pa anong gawin niya. At nakalulungkot isiping ganoon kababaw na nga lang ang kasiyahan niya, hindi pa pangmatagalan.

Agad na gumuhit ang mga luha sa nakapikit niyang mga mata nang maalala ang pritong manok na pinagpuyatang iluto ni Maxwell para sa kaniyang kaarawan. Narinig niya mula sa mga taga-silbi na si Maxwell mismo ang nag-alaga sa mga manok na iyon sa loob ng mahigit dalawang buwan. Hindi rin umano hinayaan ng nakatatanda niyang kapatid na may magbalat sa mga ito maliban dito. Si Maxwell ang gumawa sa lahat hanggang sa pagpiprito. Ngunit wala siyang kinain maski na isa sa mga manok na inihanda nito.

Bagaman nakangiti si Maxwell ay batid niyang nasaktan ito sa pagtanggi at pagtalikod niya. Lahat ay nagulat sa kaniyang pagtanggi. Natural, naghanda ang mga ito para sa kaniyang kaarawan ngunit hayun siya at nasa tuktok ng puno, nakapikit at binabagabag na ng konsensya.

Ngunit nang magmulat siya ng mga mata, 'ayun at salubong na ang mga kilay niya. Naalala niya na naman ang kaniyang pinagdaanan, at hindi sapat ang napakaraming pritong manok upang makalimutan niya ang mga iyon. Hanggang ngayon ay hindi niya maintindihan ang batas ng kanilang bansa. Hindi niya alam kung hanggang kailan niya tatanggihan ang mga pasalubong at mabubuting gawi ni Maxwell. Hindi niya alam kung hanggang kailan niya babale-walain ang presensya ni Maze. Hindi niya alam kung hanggang kailan siya magbibingi-bingihan sa mga pagtawag ng cheotjae. Hindi niya alam kung hanggang kailan siya susunod sa mga salita ng chairman para pasakitan ang ilan. Hindi niya alam kung kailan niya tatanggapin ang mga paumanhin ng kaniyang ama. Hindi niya alam kung hanggang kailan siya makokontento nang sina Mokz at Maxrill lamang ang itinuturing na totoo. Marahil ay kapag lubos niya nang naunawaan ang mga bagay na ayaw niyang unawain sa ngayon.

Nabura ang lahat ng laman ng kaniyang isip nang may maliliit na tinig na unti-unti niyang naririnig. May mga daraan sa punong kinaroroonan niya. Napamilyaran niya ang mga boses at hindi niya inaasahang hihinto at mag-uusap ang mga ito sa ilalim ng paborito niyang puno.

MOONWhere stories live. Discover now