MAXPEIN MOON : PART 6

557K 22.8K 22.2K
                                    

"ANO PO ang una nating sasanayin, eesa?" tanong ko habang ang paningin ay iginagala sa nagtataasang punong-kahoy sa kagubatan.

"Ang pagpupulot ng sanga ng punong-kahoy, mga tuyong dahon at lamog na prutas."

"Eh?" nagugulat kong tingala sa direktor saka ako tumawa. Nasisiguro kong nagbibiro lamang siya.

Ngunit hindi siya tumawa. Nagpatuloy siya sa paglalakad nang nasa likuran ang mga kamay at iginagala rin ang paningin sa bawat sulok ng gubat. Gusto kong itanong kung seryoso ba siya ngunit mukhang hindi na kailangan. Sa hitsura palang niya ay mukhang nagsasabi siya nang totoo.

Mayamaya lang ay huminto ang eesa sa matayog na punong-kahoy, may payat na katawan ngunit malalagong dahon. "'Ayun," itinuro ng eesa ang mahabang punong kahoy na may ilang dipa ang layo sa aking likuran. Nilingon ko iyon bago muling nag-angat ng tingin sa kaniya. Napanood ko siyang maupo sa naglalakihang ugat ng puno. "Pulutin mo ang sanga na iyon."

"Ganoon po ang ensayo ko?"

"Oo," seryoso niyang sagot. "Sige na."

Napatitig ako sa kaniya, ayaw maniwalang seryoso siya, saka kamot ang ulong sumunod. Tss. Gusto kong sumimangot, magmaktol at ngumuso ngunit pambabastos iyon sa eesa ng aming pamilya kaya pinigilan ko. Hindi ko maintindihan kung bakit ganito ang kaniyang pinagagawa. Masyado yata akong umasa na matinding pagsasanay ang gagawin niya sa akin. O sadyang nasanay lang ako sa lupit ng pangunahing lalaking rango at ng cheotjae.

Muli kong nilingon ang eesa nang nasa paanan ko na ang sanga na itinuro niya. "Sige, pulutin mo na," kaniyang utos. Sumunod ako at pupulitin na sana iyon nang muli siyang magsalita, "Pulutin mo gamit ang kanang kamay, Maxpein."

Nakasimangot ko siyang nilingon. "Bakit po hindi pwede itong kaliwa?"

Humalakhak siya. "Gawin mo ang sinabi ko, Maxpein. Sige na," maamo niyang sabi. "Hawakan mo nang mahigpit na mahigpit ang sanga, hindi mo iyan maaaring mabitawan."

Bagaman nakasimangot at nagtataka ay agad akong tumalima.

"Ngayon ay kunin mo ang sanga gamit ang kaliwa mong kamay, Maxpein." Muli kong pinukol nang nanlulumong tingin ang eesa. Nakangiti lang itong tumango. "Sundin mo ako."

Bumagsak ang mga balikat ko ngunit muling tumalima. Gusto kong malaman kung seryoso ba siya sa mga pinagagawa. Ngunit nag-aalala akong baka sukuan ako ng eesa sa unang araw palang ng aming ensayo kung magkukulit ako.

"Ngayon ay ilapat mo ang kanan mong braso at bitiwan ang sanga nang may isang hakbang mula sa iyo." Sa halip na magreklamo ay sumunod na lang ako. "Ngayon ay pulutin mong muli ang sanga gamit ang kaliwa mong kamay."

"Eesa?"

"Kunin mo gamit ang kanang kamay." Nakangiti muli siyang tumango. "Sundin mo ang sinasabi ko, Maxpein."

Hindi ko na naman nagawang magreklamo, at muli ay sumunod ako. Pinulot ko iyon gamit ang kaliwang kamay, kinuha gamit ang kanang kamay at saka binitiwan may isang hakbang ang layo sa akin. Matapos ay nilingon ko siya ulit.

"Ulitin mo. Pulutin mo gamit naman ang kanan," aniya na tumayo.

"Eesa..." nanlulumo kong tawag. "Ano po bang klase ng ensayo ito?"

Humalakhak siya. "Sundin mo na lamang at iyan lang ang nalalaman ko."

"Eh?" Nakangiwi akong natigilan at pinagkunutan siya ng noo. "Ngunit papaano akong matututo sa pakikipaglaban nito, eesa?"

MOONHikayelerin yaşadığı yer. Şimdi keşfedin