Special Chapter: Orange Delight

112 8 4
                                    

Tahimik na pumasok ako sa loob ng kwarto ni Jigger, umakyat sa kama niya at naupo sa gitna niyon. Ipinaling ko ang aking ulo pakanan at saka siya pinagmasdan. Kinamot ko pa ang aking tainga nang mangati iyon bigla.

            Bwisit sa insekto, pinasok na naman yata ang tainga ko.

            Pinaikot ni Jigger ang kanauupuan niyang swivel chair at saka ako hinarap. Napakaganda ng ngiting isinalubong niya sa akin.

            “Orange!” aniya sa nagagalak na tinig. Hindi nga lang siya lumapit sa akin at mukhang kuntento na naman siya na panoorin ako.

            Ayos lang naman iyon sa akin. Gustung-gusto ko naman ang ginagawa niyang pagtitig sa akin. Pakiramdam ko kasi ay napakahalaga ko sa kanya at napakagwapo ko.

            Gusto kong mapangisi. Palagi niya kasing sinasabi sa akin na gwapo ako kaya iyon na talaga ang pinaniniwalaan ko.

            Nahiga ako sa kama niya. Ang lambot talaga ang kutson na gamit niya at amoy na amoy ko ang natural niyang bango na nahaluan ng amoy ng shampoo, sabon at gamit niyang pabango.

            Hmm…

            Pumikit ako at desidido na akong matulog kung hindi lang nagtindigan ang mga tainga ko nang marinig ko ang tunog ng cell phone ni Jigger. Nag-angat muli ako ng tingin. Nakita ko siyang nakangiting sinagot ang tawag .

            Muli ko siyang pinagmasdan, mas matiim nga lang ngayon. Patuloy siya sa pagkausap sa kung sino man ang tumawag sa kanya. Although, may ideya na ako kung sino iyon.

            Si Kell.

            Iyon ang kapit-bahay naming turned into her boyfriend.

            Hay.

            Ang sabi niya, ako lang ang mahal niya pero bakit ngayon may pa-boyfriend-boyfriend na siyang nalalaman? Hmp. Gusto kong kalmutin ang mukha ng lalaking iyon, inagaw niya sa akin si Jigger.

            Narinig ko ang paghagikgik ni Jigger. Pinatirik nito ang mga mata. “Whatever, tukmol. Basta ibigay mo sa akin ang pangako mong one-year supply kong Gatorade, masaya na 'ko.”

            Mukhang masaya naman si Jigger sa piling ni Kell kaya hahayaan ko na lang silang dalawa. Besides, simula nang makilala ni Jigger ang tukmol na iyon ay palagi na ulit siyang nakangiti. Hindi tulad ng dati… Anyway, iyon lang naman ang mahalaga para sa akin. Ang kaligayahan niya. Kaya kung ano ang ikaliligaya niya, sino ako para putulin iyon?

            Isa pa, wala akong kapag-a-pag-asa riyan kay Jigger.

            Kinamot kong muli ang nangangati ko na namang tainga. Kakainin ko talaga ang insektong ito na gusto na namang mag-camping sa tainga ko. Asar. Grrr.

            “I love you, too.” Mahina iyon ngunit matamis na sabi ni Jigger saka niya ibinaba sa desk niya ang cell phone. Bumuntong-hininga pa siya at tila nangangarap na napatingin sa kisame.

            Napatingin din tuloy ako sa kisame, nagtataka. Anong mayroon?

            Narinig ko siyang tumawa kaya muli ko siyang binalingan. Amused na nakatingin siya sa akin.

            Ipinaling ko sa kaliwa naman ngayon ang aking ulo. Bakit ganoon siya kung makatingin sa akin? May nagawa ba akong mali?

            Pinalo-palo niya ang kanyang hita saka ako tinawag. “Come here, Orange.”

            Agad naman akong tumayo at nag-inat saka tumakbo sa may paanan niya. Excited ako pero mas pinili kong hindi muna tumalon papunta sa hita niya. Mas gusto ko kasi na buhatin niya ako, na siya naman ay kanyang ginawa.

            Niyakap pa niya ako nang mahigpit saka hinalikan ang aking ilong bago niya ako ibinaba sa kanyang hita.

            Hinaplos-haplos niya ang aking balahibo sa katawan habang mas lalo kong isinisiksik ang sarili ko sa kanya. Ho-ho. Ang sarap talaga niyang manlambing, kaya mahal na mahal ko siya, e.

            “Ngiyaw,” ungot ko.

            Ngumiti siya saka ako hinaplos sa ulo. “Ang gwapo mo talagang pusa ka,” nanggigigil na sabi niya.

            Napangisi ako—syempre hindi niya alam na nakangisi ako, pusa nga ako, 'di ba?

            Huh.

            Mainggit ka, Kell. Nasabihan ka na ba ni Jigger milabs ng “ang gwapo mo”? Malamang na hindi pa. “Tukmol” kasi ang tawag niya sa iyo. Nakakaawa ka.

            Bwa-ha-ha-ha-ha!

Jigger HortalezaWhere stories live. Discover now