34_DNA Result

3.1K 44 4
                                    

Pangatlong at huling araw na ng lamay ni Tatay Roger.

Nandito ako sa Samar, kung saan siya lumaki at nagka-asawa’t anak.

“Alex, matulog ka na muna.” Utos sa akin ni Kuya Roj, ang panganay na anak ni Tatay Roger. Mas matanda ito sa akin ng pitong taon.

“Ok lang ako, Kuya Roj. Kaya ko pa naman. Ikaw, mas kailangan mo nang pahinga.” Turan ko dito. Halata namang wala pang pahinga si Kuya Roj dahil nangingitim na ang ilalim ng mata niya. Imbis na magpahinga ay tumabi siya sa akin.

“Alex, alam kong masakit pa rin sa dibdib mo ang pagkawala ni Papa, pero huwag mo sanang sisihin ang sarili mo sa nangyari.” Simula kasi nang dumating ako dito ay panay ang paghingi ko ng tawad sa kanila. Para sa akin naman talaga ang saksak na ‘yon.

“Kuya Roj, sorry talaga.” Nagsimula na naman tumulo ang mga luha ko.

“Alex, tumigil ka na sa kakaiyak at kakasisi sa sarili mo. Sa tingin mo ba, matutuwa si Papa kapag nakita ka niyang umiiyak?” pinahid ko naman ang mga luha ko.

“Alex, ginusto ni Papa na iligtas ka. Tinuring at minahal ka ni Papa na parang tunay na niyang anak kaya huwag mo sanang ilugmok ang sarili mo sa nangyari. Huwag mong sayangin ang pagkakataon na binigay sa’yo ni Papa.” Tumagos sa puso ko ang bawat salitang binitawan ni Kuya Roj. Hindi ko talaga dapat sayangin ang pangalawang buhay na binigay sa akin ni Tatay Roger. Kung tutuusin, pang-apat na buhay ko na ito. Muntik na din akong mamatay dati dahil sa aksidente at pananakal ni Carmi.

“Opo, Kuya Roj.” Ngumiti ako sa kanya at gumanti din ito ng ngiti sa akin saka naman ako hinawakan sa ulo.

“Ayan, mas maganda ka kapag naka-ngiti.”

“Bola!” asar ko dito.

“Hindi ako nambobola, Alex. Maganda ka, kaya hindi na ako magtataka kung hanggang dito ay sinundan ka ng boyfriend mo.” Oo nga pala, hindi ko nasabi sa inyo. Sinundan ako ni Casey dito sa Samar. Hindi kasi ako pumayag na sumama siya sa akin dahil walang mag-mamanage ng bar niya pero nagulat na lang ako ng dumating siya noon sumunod na araw. Pasaway talaga.

Lumingon ako sa gawi kung nasaan si Casey. Busy siya sa pag-aalok at pagtitimpla ng kape para sa mga dumalaw sa puntod ni Tatay Roger.

“O sige na. Magpahinga ka na, Alex. Maaga pa ang libing bukas. Kami na ang bahala dito.” Tumango na lang ako. Tumayo na ako at nilapitan si Casey para ayain bumalik sa hotel.

“Casey, uwi na daw muna tayo sa hotel sabi ni Kuya Roj. Balik na lang tayo ng maaga bukas para sa libing.”

“Ok.” Hinalikan muna niya ako sa noo bago tinapos ang ginagawa niyang kape.

Nagpaalam na muna kami kanila Kuya Roj at sinabing babalik na lang kami bukas ng umaga para sa misa. Pagkadating namin sa hotel ay humiga ako kaagad sa kama. Ilang araw na ang nakalipas pero parang sariwa pa lahat sa memorya ko ang nangyari.

Nagkalat ang dugo sa kamay at damit ko nang isinakay kaagad si Tatay Roger sa ambulansya. Sumabay na si Tito Danny sa ambulansya para asikasuhin ang lahat.

Nanginginig pa rin ang buong katawan ko sa nangyari nang ipasok ako ni Ate Alexis sa loob ng bahay. Pinaliguan at binihisan ako ni Ate Alexis dahil sa iyak pa rin ako ng iyak sa pagkawala ni Tatay Roger. Sinisisi ko ang sarili ko sa nangyari.

Bago ako sumunod sa ospital ay pinuntahan ko muna ang kwarto ni Tatay Roger. Isang papel at passbook ang nakita ko sa ibabaw ng kama nito. Isang authorization letter pala ‘yon. Binibigay nito ang karapatan sa panganay na anak niya na si Kuya Roj para withdrawhin ang pera na laman ng passbook. Binuklat ko ang passbook. Malaking pera din ang iniwan ni Tatay Roger. Iniipon pala niya lahat ng kinikita niya bilang driver para sa mga anak niya.

Lab U, Insan! (Book I)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon