16th Chapter: Seigo's Deal

2K 89 10
                                    

NAPAPATINGIN si Genna tuwing tumutunog ang chime ng KopeeBook sa pinto. May hinihintay kasi siyang "bisita." Naroon siya sa branch sa labas ng Luna Ville para hindi magtagpo ang landas ng mga kaibigan niya at ni Seigo.

Oo, si Seigo ang haharapin niya. Tinawagan niya kagabi ang binata at pumayag naman itong makipagkita sa kanya.

"Good morning, Miss."

Nalingunan niya ang isang lalaki na naka-face mask. Bagsak na bagsak ang itim na itim na buhok na may-kahabaan at halos tumabing na sa mga mata. He was tall and lean and he had a strange aura around him. Kahit may face mask, may kung ano sa mga mata ng lalaki na nagsasabing hindi ito basta-basta. He looked smart, and his whole being screamed of confidence and power.

"Pasensiya ka na sa itsura kong 'to. I have a cough so I have to wear a face mask. I'm glad the people in this shop are nice and accommodating. Kung sa iba siguro ako nagpunta, baka pinaalis na ako," kuwento ng lalaki sa parang naaaliw na boses. Pagkatapos ay inilahad ang kamay. "I'm 'Shade,' by the way. I'm a regular customer of this shop, pero sa ibang branch nga lang."

Ngumiti si Genna at tinanggap ang pakikipagkamay sa kabila ng nararamdaman niyang "kakaiba." "Ako si Genna, ang may-ari ng KopeeBook. Maingat ang coffee shop ko pero marunong din namang kumilatis ng customer ang mga tauhan ko," aniya, saka mabilis na binawi ang kamay.

Nakita niyang parang nangislap ang mga mata ni Shade. "I see. Anyway, naglakas-loob akong lumapit sa 'yo just to say I really love your coffee. I read about your coffee shop in a magazine. Lalo akong humanga sa 'yo nang nalaman kong ikaw mismo ang gumagawa ng timpla ng mga kape mo." Iniabot nito sa kanya ang isang calling card. "That's my number. Alam kong hindi mo pinapa-franchise ang KopeeBook. But if you change your mind, please give me a call."

Isang alanganing ngiti ang isinagot niya. "Thank you. I'll keep that in mind."

Bahagyang yumukod si Shade bago nagpaalam. Pag-alis ng lalaki ay saka niya tiningnan ang calling card na hawak niya. Nakasulat doon ang buong pangalan ni Shade, ang pangalan ng kompanya at ang numero nito.

Sean Dion Emanuel "Shade" Matsumoto, CEO of Matsumoto Corporation.

Nanlaki ang mga mata niya. "That Matsumoto? The real estate and land development company that could be at par with the Velaroso Corporation?!"

Ano naman ang kailangan ni Shade sa isang coffee company na tulad ng KopeeBook?

"Genna."

Pag-angat niya ng tingin ay sumalubong sa kanya si Seigo. "Oh. You're here. Sit down."

Tumalima ang binata. "So, what do you need from me? I thought you never wanted to see me again."

Nag-iwas siya ng tingin. "Seigo, may hihingin sana akong pabor sa 'yo."

"Oh. So, what is it?"

Sinalubong niya ang tingin nito. He was unusually calm. "Puwede bang harapin mo na ang ama n'yo ni Melvin?"

Mapait na ngumiti ang binata. "Whoa. Ganyan mo ba kagusto si Melvin na nagawa mo akong harapin para lang pakiusapang makipag-ayos na sa ama namin? For what? For his sake? For his happiness? Kung may isang bagay man na hindi ko ibibigay kay Melvin, 'yon ay katahimikan at kaligayahan."

Kung hindi niya siguro kaharap si Seigo nang marinig niya ang mga salitang iyon ay baka nagalit na siya. Pero ngayong nakikita niya ang sakit, galit, at kalungkutan sa mga mata nito, mabilis na natunaw ang puso niya para sa binata. She knew he was hurting himself, too. Pero kailangan niyang tatagan ang kanyang loob.

"Masakit din sa 'kin ang makita kong sinasaktan mo ang sarili mo, pero wala akong magawa para sa 'yo, para sa inyo ni Melvin. I feel so useless. Kaya ngayon, kahit alam kong huli na ako, gusto ko pa ring subukang protektahan kayo ni Melvin. So please, Seigo, let me help you. Simulan natin 'yon sa pakikipag-ayos mo sa pamilya mo," pakiusap ni Genna. Bumuntong-hininga siya. "Seigo, I'm doing this for both of you. Nasasaktan si Melvin tuwing sasaktan mo siya, at alam kong gano'n ka rin kapag sinasaktan mo ang kapatid mo. So please, let me help you. Simulan natin 'yon sa pakikipag-ayos mo sa pamilya mo."

Tumawa nang pagak si Seigo. "You really love Melvin that much, huh? You say you're doing this for me as well, but this is just all for Melvin's sake, right?"

Hindi siya nakaimik.

He smiled bitterly. "There's only one way to make me face the Wu family. And you're the only one who can do that."

Kumunot ang kanyang noo. Masama kasi ang kutob niya sa sinasabi nito. "A-ano 'yon?"

"Leave Luna Ville."

Luna Ville Series 5: Lucky Golden Artemis (COMPLETE)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon