Ikalabing-isang Ikot - Siya o Kami?

168 7 0
                                    

Alas otso na nang gabi nakauwi si Jerome sa kanilang bahay dahil ihinatid pa niya si Raymond bago tuluyang umuwi rito. Hindi nila namalayan ang oras dahil sa masaya nilang pamamasyal sa Dasma. Hindi na rin siya nakapag-charge ng kanyang cellphone dahil pagmamadaling umuwi.

Nagulantang si Jerome nang salubungin siya ng masamang balita tungkol sa kanyang mag-ina kaya kaagad siyang sumugod sa Sta. Maria Public Hospital sa sobrang pag-aalala.

Papasok pa lamang siya sa hospital nang makasalubong niya si Aling Natasha, na agad nagsalubong ang mga kilay pagkakita sa kanya.

"Sa'ng lupalop ka nanggaling magaling na lalaki?" sarkastiko nitong tanong.

Ilang beses siyang napalunok upang magkaroon ng lakas ng loob na sagutin ito. "Pasensya na po 'Nay. Nagloan po ako para sa panganganak ni Cassandra." pagkakaila niya.

Ihinanda na niya ang kasinungaliang ito kung sakali mang mabuko nilang hindi siya pumasok sa trabaho. Tutal nakahiram naman siya ng pera sa kanyang Tiya Magda para sa panganganak ni Cassandra. Sapagkat isa rin iyon sa dahilan kung bakit sila nagpunta ni Raymond sa Dasma.

Kinuha pa niya ang pera sa kanyang pitaka at iniabot ito sa kanyang biyenan upang patunayan ang kanyang mga sinasabi. "Five thousand lang po ang na-approved na loan ko, pero makakatulong na po 'yan sa'tin." paliwanag pa niya nang maibulsa na nito ang pera.

"Salamat naman nakuha ka ng pera." Agad niyang napansin ang paghinahon ng boses nito kaya nakahinga na siya ng maluwag. "Puntahan mo na si Cassa sa room 213. Bibili muna ako ng mga gamot n'ya." habilin pa nito bago siya tuluyang iwan.

Nang makarating siya sa kwartong iyon ay kasalukuyan pang natutulog si Cassandra. Kaya ang Ate Anastasia na lang nito ang inusisa niya tungkol sa kalagayan ng kanyang mag-ina.

"Nanganak si Cassa kaninang alas-dos ng hapon. Mabuti na lang hindi napa'no ang anak n'yo dahil sa pagkadulas n'ya. Pero inilagay pa rin ng doktor si Jerssandra sa incubator para daw sa pagpapalakas n'ya." pagkukwento nito, na hindi man lang makatingin ng diretso sa kanya. Sigurado siyang galit rin ito dahil sa hindi niya kaagad na pagsunod sa hospital.

Napawi ang pag-aalala niya dahil sa inilahad ni Anastasia. Dahil hindi niya mapapatawad ang kanyang sarili kung sakaling mapahamak ang kahit sino man sa kanyang mag-ina.

Agad niyang nilapitan si Cassandra nang mapansin niyang gising na ito. "Mahal, okay ka na ba?" tanong niya matapos halikan ng madiin ang noo nito.

"Oo, kaya gusto ko ng umuwi sa bahay." sagot ni Cassandra na halatang masama rin ang loob sa kanya.

"Sige, kakausapin muna namin ni Nanay 'yung doktor kung pwede ka ng makauwi." paliwanag niya.

"Sige." sagot nito at tinalikuran na siya. "Ate Asia, pwede bang iwan mo muna kami." pakiusap pa nito sa nakakatandang kapatid.

Malugod naman itong sumunod dahil mukhang alam na nito ang pag-uusapan nilang mag-asawa. Nang makalabas nga ito ay muli na siyang hinarap ni Cassandra.

"May nararamdaman ka bang masakit mahal?" nag-aalala niyang tanong.

"Wala." diretsahang sagot ni Cassandra habang unti-unting nangingilid ang luha sa mga mata nito. "Alam ko na'ng totoo Jerome. Kaya kung gusto mo pa kaming makasama ni Jerssa ay iwanan mo na ang babae mo." pagbabanta nito sa kanya.

"Ano'ng pinagsasabi mo mahal?" pagmamaang-maangan niya. "Nagkakamali ka ng iniisip. Wala akong kabit kaya hindi ko kayo iiwan." giit pa niya habang nakatitig sa mga mata nito.

Kaleidoscope (BL)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon