Prologo

880 19 1
                                    

Ilang araw na hindi nakita o nakausap man lang ni Jerome ang matalik niyang kaibigang si Raymond. Sapagkat halos isang linggo rin siyang nanatili sa bahay ng kanyang Lola Manuela sa Dasmariñas, Cavite. Kaya hindi niya mailarawan ang nararamdaman niyang kasabikan habang naglalakad patungo sa bahay nito.

"Sana magustuhan mo 'tong pasalubong ko," aniya habang nakatitig sa hawak niyang isang maliit na kahon, na naglalaman ng isang bagong kaleidoscope na ipinangako niya kay Raymond. Sapagkat aksidente niyang nabasag noon ang kaleidoscope na ibinigay ng ama nito.

Ilang hakbang na lamang siya palapit sa bahay ng kanyang kaibigan nang makarinig siya ng malakas na kalabog mula sa loob nito. Agad siyang kinabahan kaya patakbo siyang pumasok doon.

Isang impit na sigaw pa ang kanyang narinig mula sa kusina kaya tahimik siyang naglakad papunta roon. Hanggang sa nanlaki ang kanyang mga mata dahil sa naabutan niyang tagpo. Nasa ibabaw ng walang malay at walang kahit anong saplot na si Raymond ang pinsan nitong si Marius. Tuwang-tuwa ang lalaking iyon habang inaabuso ang murang katawan ng kanyang kaibigan.

"Ano'ng ginagawa mo?!" sigaw niya habang hawak ng nanginginig niyang mga kamay ang maliit na plorerang handa niyang ipamalo rito.

Nataranta si Marius nang makita siya kaya agad nitong kinuha ang kutsilyong nasa tabi lamang ni Raymond at itinutok iyon sa leeg nito.

"Sige lumapit ka kung gusto mong mamatay ang kaibigan mo," pananakot nito sa kanya.

"Hayop ka Kuya Marius! Ang bait-bait nina Raymond sa 'yo tapos ito pa ang igaganti mo!" sumbat niya rito, na hindi man lang siya pinakinggan dahil nananaig pa rin dito ang ispiritu ng bawal na gamot.

Hindi niya alam kung paano maililigtas si Raymond. Hindi niya naman ito puwedeng iwan dahil tiyak tutuluyan itong patayin ni Marius.

"Alis! Umalis ka rito, Jerome!" gigil na utos sa kanya nito.

Nanlulumo na siyang napaupo dahil sa awa kay Raymond. Kitang-kita niya ang mga pasa sa mukha at sa mga braso nito. Sigurado siyang nanlaban ito mula sa kahayupang gustong gawin ni Marius.

"Ayaw mong umalis ha!" Nanlaki ang kanyang mga mata at impit siyang napasigaw nang makita niyang sinaksak nito ang tiyan ni Raymond.

Sa pagkakataong iyon ay kailangan na niyang ipaglaban ang kanyang kaibigan. Kaya patakbo niyang nilapitan si Marius at puwersahang inagaw dito ang kutsilyo.

"Papatayin kita, Marius!" sigaw niya habang ilang beses niyang inuundayan ng saksak ang likod nito. "Igaganti ko ang ginawa mo kay Raymond!"

Nanginginig niyang ibinaba ang hawak niyang kutsilyo nang makita niya ang maraming dugo sa kanyang mga kamay. Hindi niya pinagsisisihan ang kanyang ginawa dahil inabuso nito si Raymond.

Wala na siya sa kanyang sarili nang yakapin niya ng mahigpit ang katawan ng kanyang kaibigan. "Hindi ka na niya masasaktan pa..." bulong niya habang hinahaplos ang buhok nito. "Hindi na ako papayag na may manakit sa 'yo, Mon," giit pa niya.

NAKATULALA pa rin si Jerome nang dumating ang kanyang ina sa presinto. Hindi na siya nagsalita pa matapos niyang makapagbigay ng mga impormasyon sa mga pulis tungkol sa naganap na krimen. Mahigpit pa rin niyang hawak ang kaleidoscope na ibibigay niya kay Raymond.

"Misis, apat na beses pong nasaksak ng anak n'yo si Marius Magallanes sa likod. Ayon pa sa kanya, ipinagtanggol lang niya ang kaibigan niyang si Raymond Hernandez mula sa pang-aabusong ginagawa nito," paliwanag ng mga ito sa kanyang ina.

Alam niyang nagulat ang kanyang ina kaya umiiyak na ito nang lapitan siya. "Jerome, bakit mo 'yon ginawa? Sana nagsumbong ka na lang," anito habang hinahaplos ang kanyang ulo na nakasandal sa mga rehas ng kulungan. "Hindi ko kayang tanggapin na masisira ang buhay mo anak," giit pa nito.

"Misis, katorse anyos lang po ang anak ninyo kaya hindi siya makakasuhan, pero kailangan siyang dahil sa isang boystown..." paliwanag pa ng isa sa mga pulis.

"Naiintindihan ko po..." nanlulumong sagot ng kanyang ina.

Hindi siya iniwan ng kanyang ina hanggang hindi nito nasisigurong magiging maayos siya. Sa pagkakataong iyon ay muli niyang nararamdaman kung gaano siya kamahal nito. Na matagal na niyang inaasam na muling maramdaman.

Hindi agad siya nakatulog nang gabing iyon dahil sa pag-aalala sa kalagayan ni Raymond. Kaya muli niyang pinagmasdan ang hawak niyang kaleidoscope habang unti-unting tumutulo ang kanyang mga luha.

"Lord, patawarin N'yo po ako sa kasalanang nagawa ko. Sana po iligtas N'yo rin ang kaibigan ko," taimtim niyang panalangin. "Sorry, Mon kung magkakalayo na naman tayong dalawa. Hindi ko na tuloy 'to maibibigay sa 'yo," bulong niya sa kanyang sarili bago niya ipinikit ang kanyang mga mata upang makapagpahinga na.

Kaleidoscope (BL)Where stories live. Discover now