Ikalawang Ikot - Diosanne

373 14 0
                                    

Makalipas ang isang buwang pananatili sa Ingresia ay naging gamay na si Raymond sa kanyang trabaho. Kilalang-kilala na rin siya ng mga regular na empleyado dahil sa angkin niyang kasipagan. Nagkaroon na siya ng mga bagong kaibigan mula sa iba't ibang ahensya sa loob ng planta.

"P're, naghihintay na 'yong darling mo oh."

Palabas na siya sa Production Area nang bigla siyang tawagin ng kaibigan niyang si Jack, isang FAWC (Friends At Work Corporation) production crew. Hindi na niya ito nilingon dahil nakita na niya ang tinutukoy nito; si Mikki na matamang naghihintay sa kanyang paglabas.

"Darling, tara breaktime na tayo," malambing pang sabi nito nang makaharap na niya.

"Sige, susunod na 'ko sa locker," sagot niya.

Napangiti pa siya nang mapansin niyang nakatingin sa kanila ang mga tao sa paligid. Marahil ay iniisip talaga nila na siya ang boyfriend ni Mikki. Minsan pa nga dahil sa pagiging malapit nila sa isa't isa ay nalaman niyang kinaiingitan si Mikki ng mga kaibigan nitong bakla.

Sabay silang nagpunta at kumain sa canteen kaya pakiramdam niya ay marami na namang mga matang nakatingin sa kanila. Kaya unti-unti na talaga siyang nakakaramdam ng pagkailang sa kanilang pagkakaibigan.

"Oh tikman mo 'tong chocolate na binili ko kahapon," alok sa kanya ni Mikki, na akma pang isusubo ang pagkaing iyon. "Para lang sa 'yo 'to, darling," paglalambing pa nito.

"Kayo na ang sweet gurl," pang-aasar sa kanila ni Maui, na isa sa mga kaibigan nito. "Daig n'yo pa ang Kathniel eh."

Tinablan na siya ng hiya kaya kinuha na lang niya ang chocolate sa kamay nito saka niya kinain.

"Sayang ang moment oh. Pa-hard to get ang peg ng darling mo, gurl," hirit pa ni Angel, na katabi lang ni Maui.

Natahimik na lang siya nang mapansin niyang napanguso si Mikki dahil sa kanyang ginawa. Alam niyang sumama ang loob nito pero nagpanggap lang itong hindi nasasaktan.

Simula nang araw na iyon ay mas lalo pang naging malambing sa kanya si Mikki kaya napagtanto na niyang higit pa sa pagkakaibigan ang inaasam nito.

AYAW niyang makasakit ng tao kaya naisip niyang kausapin na ito nang maayos. Kaya nang magkaroon siya ng pagkakataon ay sinadya niyang magpaiwan sa kanilang locker upang makapag-usap na silang dalawa.

"Mikki, may gusto sana 'kong sabihin sa 'yo," panimula niya.

Hinarap siya nito at naupo sa tabi niya. "Ano 'yon darling?"

"Ano'ng nagustuhan mo sa 'kin?" diretsahan niyang tanong kaya nginitian siya nito.

Pinisil pa nito ang kanyang ilong ng marahan bago sumagot. "Ikaw kasi ang ideal guy ko, darling. Matangkad ka na, ang tangos pa ng ilong mo kaya lalo kang gumaguwapo," kinikilig nitong paliwanag habang nakatitig sa kanya.

"Binobola mo naman ako eh." Napakamot na lang siya sa ulo dahil mukhang hindi nito siniseryoso ang pag-uusap nila.

"Hindi ah, very wrong kaya 'yon," pagtanggi nito sabay hawak sa kanyang kanang kamay. "Higit sa lahat, nagustuhan ko ang misteryoso mong mga mata, kaya nga minsan pakiramdam ko natutunaw ako kapag nakatingin ka sa 'kin eh."

"Okay, naiintindihan ko na," seryoso niyang sagot. Ilang beses siyang napalunok upang ihanda ang kanyang sarili sa mga gusto niyang ipaintindi kay Mikki. "Alam kong masasaktan ka sa sasabihin ko pero sana maintindihan mo 'ko, Mikki. Ayaw kitang patuloy na saktan, kaya gusto kong malaman mo na pagkakaibigan lang talaga ang kaya kong ibigay sa 'yo..."

Kaleidoscope (BL)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon