Ikasampung Ikot - Jerssandra

193 8 0
                                    

Isang malaking surpresa ang ipinangako ni Jerome kay Raymond kaya napapayag niya itong sumama sa kanya patungo sa Dasmarinas Cavite. Mag-aalas onse na nang umaga sila nakarating roon kaya pansamantala silang nanuluyan sa bahay ng kanyang Tiya Caridad upang makapagpananghalian na rin doon.

Mag-aalas dos na ng hapon nang yayain niya si Raymond papunta sa isang malaking puno ng acacia na matatagpuan lamang sa harap ng lumang bahay ng kanyang Lola Manuela, na may bago ng nagmamay-ari ngayon.

"Ano bang gagawin natin dito Rome?" pag-uusisa ni Raymond sa kanya, na kasalukuyan pa ring nakapiring ang mga mata.

Gusto talaga niyang masurpresa ang kanyang pinakamamahal kaya hindi na siya sumagot pa. Naupo na lang siya sa ilalim ng puno at nagsimulang maghukay sa lupang naroroon gamit ang isang maliit na pala.

"Okay. Sige na nga, di na 'ko magtatanong." natatawang sabi ni Raymond at marahan itong sumandal sa puno upang maghintay.

Sumilay ang matingkad na ngiti sa mga labi ni Jerome nang maaninag na niya ang isang mahabang babasaging garapon na nakabaon sa lupa. Ilang paghuhukay pa ang kanyang ginawa upang tuluyan iyong makuha.

'Buti na lang nandito ka pa rin.' aniya sa sarili habang nililinis ang garapong iyon. Pansamantala niya itong itinago sa kanyang likod upang hindi agad makita ni Raymond. "Mon, okay na. Pero dahan-dahan mo lang alisin ang piring mo ha." pakiusap pa niya rito.

Mabilis na tinanggal ni Raymond ang kanyang piring kaya natawa na lang siya dahil sa reaksyon nito. "Oh, nasa'n na 'yung big surprise mo?" kunot-noo nitong tanong sa kanya.

"'Wag kang excited Mon." pang-aasar pa niya habang unti-unti ipinapakita ang laman ng nasabing garapon. "Ito ang kaleidoscope na ipinangako kong ibibigay sa'yo noon. Ang simbolo ng ating pagkakaibigan..."

Agad iyong kinuha ni Raymond sa kanyang kamay. "Pagkaka-ibigan Rome..." nakangiti pa nitong pagtatama sa kanya.

Napangiti na rin siya habang mataman nitong sinusuri ang ibinigay niyang kaleidoscope. Ibinaon niya ito roon bago siya pumasok sa boystown sa pangakong magkasama nila itong huhukayin. Kahit pa hindi siya sigurado kung posible pa silang pagtagpuin ng mapaglarong tadhana.

"Sigurado na 'ko. Pareho nga nito 'yung ibinigay sa'kin ni Papa bago siya namatay." paliwanag sa kanya ni Raymond habang nakatitig sa kaleidoscope na may bahagharing disenyo.

"Kaya nga natagalan akong palitan 'yung dati mo kasi naghanap ako ng kaparehong-kapareho nun." paliwanag naman niya.

"Talaga Rome? Maraming salamat.." Mahigpit siyang niyakap ni Raymond dahil sa sobrang kaligayahan."Akala ko talaga hindi ka na babalik pa nun." anito na umiiyak na pala sa kanyang balikat.

Umalis siya noon dahil sa pagseselos sa pagiging malapit nina Raymond at Marius. Sapagkat magmula nang dumating ang lalaking iyon sa buhay ni Raymond ay unti-unti na siyang iniwasan nito. Sa kabila noon ay hindi niya nakuhang magalit sa kanyang matalik na kaibigan ngunit inaamin niyang nagtampo siya rito. Kaya nang magbalik siya ay ikinagulantang ng kanyang mundo ang naabutang pang-aabuso ni Marius dahil hindi niya matanggap na iyon pa ang isinukli nito sa pagpapahalagang ibinigay ni Raymond.

"Hindi kita pwedeng kalimutan Mon. Ikaw lang ang kakampi ko sa buhay kaya hindi kita iiwan." katwiran niya.

Kumawala si Raymond sa kanyang mga bisig at hinawakan ang kanyang mga kamay. "Ako ang magiging kakampi mo habang buhay Rome kaya hinding-hindi kita rin iiwan..." anito habang nakatitig sa kanyang mga mata.

"Maraming salamat Mon." sagot niya.

Muli silang nagyakapan upang damhin ang init ng kanilang pagmamahalan. Nasa ganoon silang posisyon nang unti-unting bumuhos ang ulan. Agad silang sumilong sa ilalim ng puno upang hindi sila mabasa.

Kaleidoscope (BL)Opowieści tętniące życiem. Odkryj je teraz