Ikalimang Ikot - Muling Pagtatagpo

262 11 0
                                    

Huminga muna nang malalim si Cassandra bago siya unti-unting lumapit sa kanilang kusina kung saan tahimik na nagluluto ng hapunan ang kanyang ina. Alam niyang naramdaman nito ang kanyang paglapit.

"'Nay, puwede po ba kaming makahiram ng pera?" tanong niya nang harapin siya nito.

Tinitigan muna siya nito kaya napayuko na lang siya sa hiya. Alam niyang nagtatampo pa rin ito sa kanya kaya hindi niya alam kung pagbibigyan siya nito.

"Sige, iaabot ko na lang sa 'yo mamaya, anak," mahinahon nitong sagot bago muling humarap sa niluluto.

Napangiti siya nang maisip niyang hindi talaga siya kayang tiisin ng kanyang ina kaya bahagya niya itong niyakap mula sa likuran nito. "Salamat po, 'Nay."

Hinaplos naman nito ang ulo niyang nakahilig sa balikat nito. "Oh tulungan mo na 'ko sa paghahanda ng mesa tapos tawagin mo na ang ate mo," kapagdaka'y utos nito.

"Opo."

Kasisimula lang nila sa pagkain nang dumating si Jerome sa kanilang bahay. Lumapit agad ito sa kanyang ina upang magmano.

"Sige, kumain ka na anak," sagot nito.

Napatingin sa kanya si Jerome dahil sa pagbabago ng pakikitungo ng kanyang ina rito.

"Kain ka na, mahal," aniya saka niya nilagyan ng pagkain ang plato nito.

"Salamat, mahal."

Nang matapos sila sa pagkain ay silang mag-asawa ang nagboluntaryong magligpit at maghugas ng kanilang mga pinagkainan.

"Okay na ba 'ko kay Nanay?" usisa sa kanya ni Jerome habang naghuhugas ito ng mga plato.

Nginitian na lang niya ang kanyang asawa, na alam niyang naunawaan na nito.

Unti-unti nang nagbago ang pakikitungo ni Aling Natasha sa manugang niyang si Jerome. Sapat na ang pagsisikap nito sa pagtatrabaho upang mapatunayan nito ang sarili sa kanya. Bilang tulong ay siya ang nagpapahiram ng allowance rito sa loob ng dalawang linggo. Hindi na rin mahalaga sa kanya kung mabayaran agad iyon kapag sumahod si Jerome.

HALOS isang linggo na rin ang nakakalipas mula nang makabalik si Raymond sa kanyang trabaho. Naisip niyang mas lalo pang magsipag upang agad na mabayaran ang kanilang mga utang.

"Darling, easy ka lang. Very wrong 'yan. Mag-breaktime ka muna kaya. Alas dos pa naman tayo uuwi eh."

Napangiti na lang siya dahil sa paglapit ni Mikki habang naglilinis siya ng mga floor mattings para sa footbath. Kinalabit pa siya nito ng ilang beses upang pumayag siyang sumama sa pagbi-breaktime.

"Sige na susunod na 'ko," sagot niya. Tuwing linggo nang ala syete ng umaga niya nililinis ang mga iyon kaya hindi siya nakakapag-break ng alas-otso. "Kailangan kong matapos 'to bago pa dumami ang mga taong maglilinis dito," katwiran pa niya.

Hindi na sumagot pa si Mikki bagkus ay tinutulungan na siya nito sa paglilinis. Kaya ang mahigit isang oras niyang paglilinis ay inabot lang ng halos kalahating oras.

"Thank you sa tulong, darling," pabiro niyang pasasalamat kay Mikki habang nagpapalit sila ng damit.

Nabigla ito sa mga sinabi niya kaya pinisil nito ang kanyang ilong. "Binobola mo na naman ako eh. Sige ka baka mag-enjoy ako sa pagtawag mong darling," natatawa nitong sagot.

Kaleidoscope (BL)Where stories live. Discover now