Unang Ikot - Raymond

585 15 4
                                    

"Sige Mr. Hernandez, kumpletuhin mo na ang mga requirements mo para makapagsimula ka na agad sa orientation sa Monday."

Tuwang-tuwa si Raymond nang marinig niya ang mga sinabi ng kanyang interviewer para sa pinapasukan niyang trabaho. Sa wakas sigurado na siyang makakapagtrabaho matapos ang ilang buwan niyang paghahanap.

"Okay po. Maraming salamat po, Ma'm," magalang niyang sagot bago siya tahimik na tumayo at lumabas ng opisina nito.

Napaantanda pa siya ng krus paglabas niya roon. "Lord, maraming salamat po sa Inyo. Sana po ay magtuluy-tuloy na 'to," taimtim pa niyang panalangin.

Hindi na importante sa kanya kung taliwas sa tinapos niyang kursong Computer Science ang kanyang magiging trabaho. Wala namang masama sa pagiging utility o janitor dahil isa itong marangal na trabaho. Isa pa, mahirap magkaroon ng trabaho sa panahon ngayon dahil na rin sa kumpitesyon sa pagitan ng mga naghahanap nito. Kaya hinding-hindi niya ikahihiya ang kanyang trabaho.

Maaga pa siya nakaalis sa kompanyang Ciudad de Servicio kaya naisip niyang dumiretso na rin sa clinic kung saan siya kukuha ng medical exam. Halos alas onse na siya nakarating roon kaya minabuti niyang kumain muna ng tanghalian bago magpa-medical.

Sa loob ng tatlong araw ay nakumpleto na niya ang mga requirements na kanyang kailangan. Maaga niyang ipinasa ang mga ito kaya agad niyang naihanda ang kanyang sarili para sa limang araw na orientation. Matapos iyon ay nagkaroon naman siya ng on-job-training ng limang araw sa Fatima Medical Center.

HALOS dalawang linggo rin ang nakalipas bago siya nagkaroon ng first assignment. Sa Marulas, Valenzuela City siya nakatira kaya ang ibinigay sa kanyang puwesto ay malapit lang doon. Ang Ingresia Incorporation, na isang planta ng mga sangkap sa pagkain sa Marilao, Bulacan.

Kinabukasan ay alas tres y media ng madaling araw siya nagising upang makapasok din ng maaga sa kanyang unang trabaho. Tatlong biyahe ang kanyang tatahakin upang makarating sa Ingresia kaya naglaan siya ng sobrang oras para rito.

Alam niyang mahihirapan siyang magkaroon agad ng mga kaibigan mula sa kanyang mga kasamahan kaya ipinangako niya sa kanyang sarili na pakikisamahan niya ang mga ito nang maayos. Hanggang kaya rin niya ang trabaho ay hindi siya magrereklamong nahihirapan.

Bago sila magsimula sa kani-kanilang mga trabaho ay ipinakilala muna siya ng kanilang supervisor na si Sir Yosef Soriano. Base sa kanyang unang impresyon ay mababait naman ang kanyang mga kasamahan lalo na si Mikki Solomon na nagbiro pa sa kanya.

"Sir Yos, magkakaroon na pala ako ng darling," nakangiti nitong sabi habang nakatitig sa kanya kaya nagkatawanan ang kanilang mga kasamahan. Hindi naman siya naiilang sa paghanga mula sa mga baklang gaya nito kaya natawa na rin siya. Para sa kanya, basta alam lang nila kung hanggang saan ang limitasyon nila ay tiyak makakasundo niya ang mga ito.

"Basta behave lang kayo, okay," natatawa ring sagot kanilang supervisor.

"S'yempre po, Sir," nakangiting sagot ni Mikki. "'Di ko naman siya pipilitin. Very wrong kaya 'yon," katwiran pa nito.

"Ilang taon ka na p're?" tanong pa sa kanya ng isang lalaking may matipunong pangangatawan.

"Kuya Edison, twenty-one years old na 'ko. Single pa rin hanggang ngayon," nakangiti niyang sagot.

"Isla na lang ang itawag mo sa 'kin," suhestyon nito. "Ibig sabihin ikaw ang pinakabata sa 'ting lahat."

"Wow! Ready to mingle si Darling Raymond ko," sabad pa sa kanila ni Mikki sabay akbay sa kanyang kaliwang balikat.

Kaleidoscope (BL)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon