Ikatlong Ikot - Arianne

325 12 0
                                    

Marahang hinaplos ni Raymond ang ulo ng kanyang kapatid na si Diosanne upang muli itong makatulog nang mahimbing.

"Be, sana gumaling ka na para 'di na kami malungkot ni Mama," malambing niyang bulong dito.

Halos magtatatlong araw ng nananatili si Diosanne sa Valenzuela Medical Center. Marami na ring isinagawa test sa kanya gaya ng CT Scan, EEG at MRI upang malaman ang totoong kalagayan ng kanyang ulo dahil sa sakit niyang epilepsy o seizure disorder. Kailangan niyang tulungan ang kanyang ina sa pagbabantay dito kaya humingi siya sa kanyang supervisor ng dalawang araw na leave sa trabaho.

"Gagawin namin ang lahat, lalo na si Kuya para hindi ka na mahirapan pa..." pangako pa niya matapos niya itong halikan sa noo.

Mag-aalas siyete na ng gabi nang makabalik sa hospital ang kanilang ina. Umuwi ito sa kanilang bahay kaninang alas dyis ng umaga upang makapahinga ng maayos mula sa ilang gabing pagpupuyat.

"Mon, matulog ka muna. Ako na ang magbabantay sa kanya," utos nito habang inaayos nito ang mga dalang gamit mula sa kanilang bahay.

"Opo, pero 'di na 'ko uuwi sa bahay. Sa labas na lang po ako matutulog para makabalik agad ako rito," sagot niya.

"Sige, anak..." Kinuha na lang nito ang isang baunang naglalaman ng pagkain at tubig para sa kanyang hapunan. "Oh kumain ka na. Maaga akong natapos sa paglalabada kay Tita Heidi mo, kaya nakapagluto pa 'ko."

Naawa siya sa kanyang ina dahil nagawa pa rin nitong maglaba upang kahit paano ay kumita ng kaunting halaga sa sa kabila ng pagod na nararamdaman nito.

"Dalhin ko na rin po 'to sa labas, baka masita na tayo," sagot niya dahil isang bantay lamang ang pinapayagan ng pamunuan ng hospital sa bawat pasyente. "Palo-load-an ko na rin po kayo para matawagan n'yo ako agad kapag may nangyari," paliwanag niya.

"Sige. Mag-iingat ka sa labas ha," bilin pa nito.

Tumayo na siya at isinuot ang kanyang itim na jacket. "Opo."

Pumunta siya sa maliit na gusali sa harap ng hospital upang doon kumain. Iyon ang lugar kung saan pinapayagang maghintay ang sinumang may kaugnayan sa mga pasyente.

Katatapos lang niyang kumain ng makatanggap siya ng tawag mula kay Sir Yosef. Kinakamusta nito ang kalagayan ng kanyang kapatid.

"Sir, hinihintay na lang po namin ang mga resulta ng mga test na ginawa sa kanya," sagot niya.

"Okay. Tumawag nga pala ako para sabihin rin sa 'yo na puwede ka pang mag-extend ng leave mo kung kailangan," paliwanag nito.

"Talaga po sir? Salamat po."

"Wala 'yon Raymond. Basta magpakatatag ka para sa Mama at kapatid mo. Tawagan mo lang ako kung may maitutulong kami sa 'yo."

"Salamat po uli, Sir Yos."

"Sige, bye na."

Pagkaputol ng tawag ay ikinabit na niya ang headset ng kanyang cellphone upang makinig ng musika. Sa tulong ng mga himig ay magiging magaan ang kanyang pagtulog.

Ilang minuto pa lamang siyang nakakaidlip nang magising siya dahil sa malakas na pag-iyak ng isang babae.

"Bilisan n'yo baka mamatay ang Papa ko!" histerikal nitong sigaw habang ibinababa sa ambulansya ang ama nito. Mabilis namang kumilos ang mga nurse upang agad itong magamot.

Kaleidoscope (BL)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon