Ikawalong Ikot - Pag-amin

193 10 1
                                    

Tahimik pa ring nakayuko si Jerome sa isang upuan sa labas ng Operating Room nang dumating ang ina ni Raymond. Patakbong lumapit si Aling Felicidad sa pinto ng kwartong iyon ngunit hinarang siya ng isang nurse. Kaya wala na siyang nagawa kundi umiyak na lang habang naghihintay sa magiging resulta ng operasyon.

"Jerome?" Agad siyang nilapitan ni Aling Felicidad nang makilala nito ang kanyang mukha kahit mahigit pitong taon na ang lumipas nang huli silang magkita. "Ano'ng nangyari kay Raymond? Bakit magkasama kayong dalawa? Sino'ng sumaksak sa kanya?" Sunud-sunod na tanong nito kaya hindi na niya alam kung paano sasagutin ang mga iyon.

Hanggang ngayon ay hindi pa rin niyang kayang harapin si Aling Felicidad sapagkat malinaw pa rin sa kanyang isipan ang mga sinabi nito noon. Na kalimutan at layuan niya si Raymond dahil masamang impluwensya lamang siya rito.

Muli siyang napayuko upang patuloy na maghintay sa paglabas ng doktor. "Lord, kapag iniligtas N'yo si Raymond ay nangangako akong patatawarin ko na siya. Hindi ko na rin hahayaang magkalayo kami uli..." taimtim pa niyang panalangin.

Iniwan siya ni Aling Felicidad nang makita nitong lumabas na ang doktor sa Operating Room.

"Ligtas na po ang pasyente, misis. Hindi po ganoon kalaki at kalalim ang tinamo niyang saksak sa tiyan kaya ligtas na siya ngayon. Marami pong nawala sa kanyang dugo mabuti na lamang naagapan iyon. Maya-maya po ay pwede na siyang ilipat ng kwarto..."

Tuliro pa rin siya habang nakikinig sa mga ipinaliwanag ng doktor. Hindi niya akalaing muli silang pagbubukludin ng tadhana ngunit sa ganitong sitwasyon pa.

"Mon, aalamin ko kung sino ang nambugbog at sumaksak sa'yo." giit niya sa sarili.

Muli siyang nilapitan ni Aling Felicidad matapos nitong makipag-usap sa doktor.

"Maraming salamat sa pagtulong mo sa anak ko. Makakaalis ka na." bungad nito kaya nag-angat na siya ng ulo upang harapin ito. "Sa ngayon, di ko pa alam ang nangyari sa kanya, pero kapag nalaman kong ikaw ang dahilan nito...hinding-hindi kita mapapatawad." giit nito at tinalikuran na siya.

Gusto sana niyang manatili sa hospital upang muling makita si Raymond ngunit kailangan na niyang umuwi sa kanilang bahay dahil kanina pa siya pinapadalhan ng mga mensahe ni Cassandra.

Kaya hanggang sa pag-uwi ay balisa pa rin siya dahil hindi pa rin mawala ang pag-aalala niya kay Raymond. Nasasariwa pa rin ng isip niya ang duguang katawan nito kanina at noong pitong taon na ang nakakaraan kaya hindi na rin siya nakatulog pa.

Kinabukasan ay agad na kumalat sa buong Ingresia ang nangyari kay Raymond. Napag-alaman pa niya mula kay Mikki na nahuli nang umagang iyon ang isa sa mga suspek. Muli ring naapektuhan ang kanyang trabaho dahil hindi niya pa rin kayang iwaksi sa kanyang isipan si Raymond.

---------------------------------------------------------------------------------------

Nang magising si Raymond ay agad niyang hinanap si Jerome ngunit natigilan siya dahil sa matatalim na tingin ng kanyang ina.

"Bakit kasama mo ang taong 'yun? Ginugulo n'ya ba uli ang buhay mo Mon?" pag-uusisa nito.

Hindi siya umimik kaya nagpatuloy ito sa pangangaral sa kanya. "Akala ko makakalimutan mo na s'ya, pero hindi pala. Talaga bang babalewalain mo lang ang nangyari sa'yo noon dahil sa kanya?" panunumbat pa nito.

Muli niyang napatunayang hanggang ngayon ay hindi pa rin napapatawad ng kanyang ina si Jerome sa kasalanang hindi nito ginawa. Buo pa rin ang paniniwala nitong ang matalik niyang kaibigan ang masamang impluwensya sa unti-unting pagbabago ng kanyang pagkatao.

Kaleidoscope (BL)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon