Chapter Six

213K 3K 468
                                    

Nagising akong nasa higaan ko na. Nawala na rin ang sakit ng ulo ko. Tumingin ako sa orasan at nakitang alas once na pala nang gabi. Bumangon ako para magbihis. Suot ko pa rin kasi 'yung damit na suot ko kaninang umuwi ako. Hindi ko maalalang pumasok ako sa kwarto ko pero malamang 'di ko na lang 'yun namalayan dahil nga sa migraine ko.

Nakaramdam ako ng gutom kaya nagmadali na ako ng kilos para makakain. Hay, ito ang hirap sa nag-iisa e, kailangan ko pang magluto kahit na masama na ang pakiramdam ko. Magi-instant noodles na lang siguro ako.

Kumunot ang noo ko nang pagbukas ko ng pinto ay marinig ang ingay ng TV mula sa sala. Mahina lang 'yun kaya hindi ko rinig 'pag sarado ang pinto. Dali-dali agad akong pumunta roon at nakita ko si Maico na nagco-concentrate sa palabas.

Naramdaman niya 'ata ang presensya ko kaya bigla siyang tumingin sa akin.

"O, gising ka na pala," aniya sabay tayo at lumapit sa akin. "Ayos na ba ang pakiramdam mo? Nakatulog ka na kanina sa sasakyan kaya ako na ang nagdala sa'yo rito. Pinakialaman ko na 'yung bag mo para makuha ang susi."

Tumango ako. "Ayos na ako. Salamat." Tumalikod na ako sa kanya para pumunta sa kusina. Ramdam ko naman ang pagsunod niya pero'di ko na lang siya pinagtuunan nang pansin.

Pagkarating ko sa kusina ay may pagkaing nakahanda sa mesa. Napalingon agad ako kay Maico para sana tanungin siya kung siya ang may gawa nun pero inunahan niya na ako.

"Hindi ka na kasi nakapag-hapunan sa bahay kaya naisip kong gutom ka na pagkagising mo kaya naman pinakialaman ko na 'yung ref mo. Uhm, sinigang 'yang niluto ko. Mas mainam sa'yo kung may sabaw ang pagkain mo."

"Nagluluto ka?" nagtatakang tanong ko.

Bahagya siyang ngumiti saka binuksan yung kaldero. "Yup! Mas gusto ko lang talaga ang luto mo noon kaya hindi ako nagluluto. Pakiramdam ko kasi naroon 'yung puso mo sa niluto mo—" napatigil siya na parang may mali siyang nasabi. "Never mind."

Napangiti ako sa sarili ko. Ewan ko ba, pero natuwa ako sa sinabi niya. Kahit na apat na taon na ang nakalipas nun ay 'di niya pa rin 'yun nakakalimutan. Bigla kong naisip si Elaine. Pinagluluto niya rin kaya si Maico? At ngayong wala na siya, napilitan nang magluto ang huli?

"Ipinagluluto ka rin ba ni Elaine?" tanong ko.

Kunot noong napatingin siya sa akin saka umiling. Hindi na siya nagsalita at kinuha ang mangkok ng sinigang mula sa mesa. Pagkatapos ay inilagay niya 'yun sa microwave para painitin. Malamig na nga siguro 'yun dahil ilang oras na rin ang nakalipas mula nang makatulog ako.

"Bakit nga pala hindi ka pa umuwi? Maayos naman na ako," naisip kong itanong.

Dapat kasi noong nadala niya na ako dito sa unit ay umuwi na siya.

"Hindi kasi ako mapapalagay hangga't hindi ako siguradong maayos ka na nga," aniya kasabay ng pagtunog ng microwave oven. Binuksan niya 'yun at kinuha ang bowl saka inilapag sa harap ko. "Kumain ka na."

"Ikaw?"

"Tapos na ako." Naupo siya sa harap ko saka pinagmasdan lang akong kumain. Dahil na rin sa gutom ay 'di ko na lang inindang may nanonod sa pagkain ko.

Napangiti ako sa lasa ng niluto niya. Bakit ba ako pa ang pinipilit niyang magluto dati e mas masarap naman ang luto niya? 'Yung luto niya 'yung tipo na magpapataba sa'yo kasi hindi mo titigilan ang pagkain.

Dahil nga sobrang nasarapan ako sa pagkain ay kumuha pa ulit ako ng kanin. Iba talaga 'yung luto niya, para ngang mas masarap pa sa luto ni Lana. Napatingin ako sa kanya nang marinig ko 'yung impit na tawa niya.

"Bakit?" tanong ko agad.

"Para ka kasing ilang buwan na hindi kumain." Tawa pa siya nang tawa habang tinitignan 'yung pinggan ko na puno na ulit ng kanin.

"Tse!" nangingiting sabi ko. "Gutom lang talaga ako. Saka, ang sarap ng luto mo. Dapat pala ikaw na lang ang pinagluluto ko nung tayo pa."

Natahimik siya bigla sa sinabi ko. Kahit ako ay napatigil. Hindi ko naman sinasadyang i-brought up yung nakaraan namin e. Pero nasabi ko na, hayaan na lang. Ipagpapatuloy ko na lang ang pagkain.

"Natutuwa kasi ako 'pag inaalagaan mo ako e. Kaya mas gusto kong ikaw ang nagluluto. Pakiramdam ko mahal na mahal mo ako sa tuwing hahainan mo ako ng pagkain na niluto mo para lang sakin," aniya sa malungkot na tono. Sinasabi niya iyon na parang wala siya sa sarili.

Naibaba ko 'yung kubyertos na hawak ko at tumingin ako sa kanya. Nakakunot 'yung noo niya habang nakatingin sa kawalan. Para bang may inaalala siyang mga bagay na ayaw niya na sanang maalala.

"Ganun naman kasi talaga ang nararamdaman ko." Hindi ko alam kung bakit bigla ko na lang 'yun sinabi pero pakiramdam ko kasi kailangan ko 'yung sabihin.

Nakita ko 'yung biglang pagsilay ng ngiti sa mga labi niya. Tumingin siya sa akin at bumuga ng hangin. "Mahal mo ako pero hindi mo ako ipinaglaban." Mapait na 'yung ngiti niya at umiling pa siya nang sabihin 'yun.

"Alam mo kung bakit ko 'yun nagawa." Napapikit ako. Bakit ba kasi inuungkat pa namin ang nakaraan? "Tama na nga ang usapan na 'yan. Uubusin ko lang 'tong masarap mong niluto." Nagpatuloy na ako sa pagkain at siya naman ay tahimik na lang na pinanood ako.

Marami akong gustong itanong pa sa kanya pero alam kong hindi niya naman sasagutin. Lahat naman kasi nang iyon ay tungkol kay Elaine. Nakakalungkot lang na lumaking walang ina si JM. Nagparaya ako para sana buo ang pamilya nila pero wala rin palang nangyari. Tapos ngayon, ako pa rin ang nakilala niyang ina. Ang masaklap nga lang, hindi na kami pwede ni Maico.

"Mahal mo ba talaga siya?" Nagulat ako sa tanong ni Maico. Alam kong si Anthony ang tinutukoy niya.

Uminom ako nang tubig dahil tapos na rin naman akong kumain. Tinignan ko siya at nakita kong naghihintay siya ng sagot ko.

"Oo naman."

Sa dalawang taon na nanligaw si Anthony ay natutunan ko na rin siyang mahalin. Hindi naman kasi 'yun mahirap gawin. Bukod sa nararamdaman kong mahal niya talaga ako, nakikita ko 'yung effort niya para lang makuha ang puso ko. Hindi siya nagsawang iparamdam na mahal niya ako kahit na alam niyang may ibang laman ang puso ko noon. Sa dalawang taon naman na itinagal ng relasyon namin ay wala akong maipipintas sa kanya bukod sa pagiging seloso niya. Kahit nga si Joe na kaibigan kong bakla sa States ay pinagseselosan niya. Pero naiintindihan ko naman 'yun. Mahal niya lang talaga ako kaya siya ganun.

"Nagtanong pa ako. E magpapakasal ka na nga sa kanya," aniya habang nakatingin sa singsing na suot ko. "Malamang mahal na mahal mo siya."

Hindi agad ako sumagot pero tumango na rin ako pagkuwan.

"Sige, mukhang maayos na naman na. Mauuna na ako." Tumayo na siya at nagsimulang humakbang papunta sa pinto.

"Mag-iingat ka," sabi ko mula sa likod niya. "Salamat sa paghatid at pagluluto para sakin."

Nasa labas na siya nang tumigil siya sa paglalakad at bumalik. Nagulat na lang ako na sakop na ng mga labi niya ang labi ko. Hindi ako nakakilos kaagad. Pakiramdam ko may kuryenteng dumadaloy sa katawan ko. 'Yung puso ko dumadagundong sa bilis ng pagtibok. Matagal na panahon na rin magmula nang huli ko itong maramdaman.

Hindi ko namalayang tinitugon ko na ang mga halik ni Maico. It just felt so right. Na para bang wala kaming maling ginagawa. Para bang... wala akong Anthony.

Napamulat ako bigla nang maisip ang nobyo ko. Mabilis ang ginawa kong pagtulak sa kanya at agad din naman siyang bumitiw.

"I'm sorry," aniya.

Nakatungo ako kaya hindi ko nakikita ang ekspresyon sa mukha niya. Mabilis pa rin ang tibok nang puso ko at pakiramdam ko ay kinakapos ako ng paghinga. Hindi pa rin ako kumikilos hanggang sa makita ko ang paghakbang niya papalayo.

Still Into YouTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon