Gregorio Del Pilar II

70 3 0
                                    

"Ano, Amanda? Sa iyong palagay ba ay maganda na ang kuha sa akin? Maganda ba ang aking postura?"

"For sure maganda 'yung kuha sa'yo kasi professional photographer 'yung magtiyuhin, but I think hindi ka pa gano'n ka confident sa harap ng camera. You need to practice pa sa mga poses mo," nakangiting sabi niya.

"Hindi ko maunawaan ang ilan sa iyong mga nasabi. Maaari bang sabihin mo iyan gamit ang ating wika? Paumanhin, hehe," nahihiyang sabi ko at napakamot sa batok. Nawa'y huwag niyang isipin na mangmang ang heneral na kaharap niya.

Natawa siya dahilan upang tumigil ang mundo ko. Ang kaniyang mga ngiti at ang paraan ng kaniyang pagtawa ay sadyang nakakabighani. Hindi siya nagtatakip ng kaniyang bibig at tila hindi nahihiya sa akin. Hindi ko nga rin maintindihan ang aking sarili kung bakit tila nahuhumaling ako sa kaniyang mga kilos na kinaiinisan ko rin kung minsan.

"Wala 'yun ano ka ba! Ang sabi ko tiyak na maganda ang kuha ni Tiyo Miguel at Joven ngunit sa tingin ko'y hindi masyadong maganda ang postura mo kanina."

"Kay hirap mo namang paligayahin. Hindi ka ba natuwa sa aking postura?" Natawa rin ako sa sarili kong tanong. Ano naman sa akin kung hindi niya ito nagustuhan?

"Hoy ano ka ba? Ano pang ginagawa mo rito? Wala ka bang gagawin?" Tinaasan niya ako ng kilay.

"Tunay na kakaiba kang binibini. Pasalamat ka at may punto ang iyong sinabi kung hindi ay ipinahuli na kita," natatawang sabi niya.

"Magpasalamat ka at pinaalalahanan kita. Kung hindi ay mapag-uusapan kang walang kwentang heneral at hindi ginagawa ang kanyang tungkulin," napapailing na sabi niya. Napakapranka niya talaga.

"O siya, ako'y magroronda na. Ikinagagalak kitang mas malalim na makilala, Binibining Amanda."

Inialay ko ang aking kamay upang pormal na magpakilala kahit na magkakilala naman na kami. Bibigyan ko siya ng pagkakataong linisin ang kaniyang sarili. Goyong, baka ika'y mali at mabuti naman ang kaniyang puso. Kikilalanin ko muna siyang lubusan bago ko siya husgahan. May mali rin ako kaya naman ito, ito na ang aming bagong simula.

Nang hinawakan niya ang aking kamay ay hinalikan ko ito, simbolo ng aking respeto sa kaniya at paghingi na rin ng tawad dahil sa hindi magagandang naiisip ko tungkil sa ugali niya.

"Goyo!" Sigaw ni Rosa na tila pinagsakluban ito ng langit at lupa dahil hindi maipinta ang kaniyang mukha.

Mabilis niya akong sinampal ngunit ang mabilis na iyon ay talagang napakahapdi. Napapikit ako sa sakit. Kung tutuusin ay wala akong atraso sa kaniya, ngunit dahil babae siya, ang maliit na bagay ay kaniyang pinapalaki. Isa pa, hindi naman naging kami dahil masyado siyang pakipot gayong nahuhumaling naman siya sa akin.

"Para 'yan sa panggogoyo mo sa akin," nanggigigil na sabi niya at sinampal na naman ako sa kabilang pisngi. "Para iyan sa mga matatamis na salita na hindi naman galing sa iyong puso!"

"Hoy!" Sigaw ni Amanda. Pinisil ko ang kamay niya na hindi ko namalayang magkahawak kamay pa rin pala kami. Alam kong magsasalita ito ng hindi maganda kung kaya't nais ko sana siyang pigilan, ngunit alam kong hindi ko rin magagawa. "Tanga ka ba? Ba't sampal ka nang sampal?"

"Ano bang alam mo, Binibini? Huwag ka ngang mangialam at huwag ka ngang magpagoyo sa kaniya. Huwag kang magpadala sa pangiti-ngiti niya at sa," tumingin siya sa kamay naming magkahawak. "Sa pahawak-hawak niya. Binabalaan na kita at nawa'y gamitin mo ang iyong utak."

Susi Of Tirad PassWhere stories live. Discover now