32. Kasalukuyan

244 40 0
                                    

Maaari mong balikan ang nakaraan sa pamamagitan ng iyong isipan, ngunit walang makabagong makina ang magdadala sa iyo patungo roon.

Dalawa lang naman ang maaaring dahilan kung bakit gusto nating balikan ang nakaraan.

Una, maaaring mayroon tayong masasayang ala-ala na gustong balikan.

Pangalawa, maaaring mayroon tayong masakit na karanasan na gustong palitan.


Kahit ano pa ang ating dahilan, hindi na natin mababago ang katotohanan na ang nakaraan ay mananatili na lang na nakaraan.

Maganda sana kung kasiyahan ang iyong dahilan. Hindi mo man mabalikan, maaari mo pa ring panatilihin sa iyong puso at ingatan. Ngunit kung pait at hinanakit lamang, huwag mo nang hayaang manatili sa iyong isipan.

Bakit kailangan mo pang balik-balikan ang mapapait na nakaraan? Bakit hinahayaan mong ang nakaraang iyon ay ika'y talian? Kaya hindi ka nagiging masaya at nakakalaya dahil ikaw mismo ang nagkukulong sa iyo sa nakaraan.

Ang nangyari sa nakaraan ay hindi na natin maaaring balikan para dagdagan o bawasan. Ngunit maaari naman tayong matuto gamit ang ating naging nakaraan sa tumatakbong kasalukuyan.

Huwag na nating ulit-ulitin ang mga pangyayaring nagbibigay lang ng sakit sa puso't isipan.

Ang iyong nakaraan ay naghatid man sa iyo ng kasiyahan o kalungkutan, ngunit hindi natin ito maaaring tirahan. Palayain mo na ang iyong sarili sa sakit ng nakaraan at tuluyan mo nang kalimutan.

Palaging madilim bago magbukang-liwayway, at hindi tayo binibigyan ng panibagong bukas upang balikan ang kahapon at dalhin ang alalahanin ng nakaraan.

Bitawan mo na ang iyong pasan, kaya ka nabibigatan kasi patuloy mo pa ring pinanghahawakan. Talikuran mo na ang mapait na nakaraan at lumakad ka na sa kasalukuyan.


Alam mo ba kung bakit may mga kwentong nagtatapos sa kasiyahan at kalungkutan? Dahil pinili nila 'yon.

Kung gusto mong maging masaya ang takbo ng iyong kwento, huwag mong tapusin sa malungkot na tagpo. Ikaw ang magdedesisyon sa magiging daloy ng wakas nito.

At palagi mong tatandaan na kahit gaano kasakit ang iyong nakaraan, ang iyong paa ay nakatapak na sa kasalukuyan.

Love's Tapestry: Weaving Words of RomanceTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon