1. Kathang Isip

494 72 6
                                    

Nakita ko ang pag-ibig sa isang nilikha na ni minsan ay hindi ko pa nakasalamuha.

Siyang nilalang nasa isip nagmula.
Siyang nabuo sa pamamagitan ng malikhaing salita,
Na bagaman aking nababasa ngunit hindi ko nakikita.

Paano ko mahahagkan ang mga letra?
Paano ko maipapakita ang aking pagsinta sa isang nilalang na binuo sa papel at tinta?

Ako'y nagmuni-muni sa gabi't umaga,
Ang nararamdaman ko sa kanya ay tila hiwaga.
Pigilan ko man ang aking sarili, ngunit hindi ko magawa, sapagka't batid kong ako'y umiibig na sa isang katha.

Oo, batid ko na isa lamang siyang katha, ngunit totoo itong aking mga luha.
Oo, batid kong isa lamang siyang katha, ngunit bakit sa loob ko'y may pag-ibig na lumilikha?

Gumuguhit na parang majika, sa loob ko'y inililibid sa kanya.

Maaaring isipin ng iba na ako'y nasisiraan ng bait, ngunit mali nga bang umibig sa isang kathang-isip?

Paano ko pipigilin itong nagpupumiglas kong damdamin?
Paano ko papatirin itong taling nag-uugnay sa amin?

Maaaring isa nga siyang kathang-isip, ngunit hindi nito mababago ang nararamdaman kong pag-ibig.

Maaaring isa nga siyang kathang-isip, ngunit nakatitiyak akong totoo itong aking pag-ibig.

Love's Tapestry: Weaving Words of RomanceTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon