Part 29

472 38 5
                                    

NAKALIMUTAN na ni Jenny na nahihilo siya. Apaw na apaw sa galit ang dibdib niya nang pumasok siya sa kuwarto. Ilang sandali na naupo lang siya roon at pilit na pinakalma ang sarili. Hindi pa rin siya makapaniwala sa naging engkuwentro nila ni Lulu. Siya pa ang na-shock sa labis na kaprangkahan nito. Ni hindi na nahiya!

"Ano ang ginagawa mo rito?" gulat na sabi sa kanya ni Millet.

"Wala," kaila niya.

"Anong wala?" sita nito. "Tiyak hahanapin ka sa labas. Ikaw ang bida, nawawala ka. Bumalik ka roon. Baka mamaya, masapawan ka ng kontrabida."

Tumawa siya nang walang sigla. "Ano ka ba? Kasal ito, hindi soap opera."

"Parang ganoon na din iyon. Si Ate Jamie, iyak nang iyak habang ikinakasal ka. Si PJ, nakita ko rin na hindi maipinta ang mukha. Si Lulu, mukhang namumulirat ang mga mata. Parang may planong hindi maganda."

"Kung may plano siya, palagay ko'y nagawa na niya. Na-bad trip na niya ako." Walang gatol niyang ikinuwento kay Millet ang engkuwentro nila ng babae.

"Saksakan talaga iyon ng landi!" nakikisimpatyang sabi nito. "Bakit ba naging pinsan natin iyon? Hindi naman ganoon si Auntie Zeny at iba niyang mga anak, ah? Kasalanan ito ni Uncle. Spoiled kasi ang babaeng 'yun sa tatay niya dahil muntik na siyang mamatay sa tigdas noong sanggol pa siya. Hayan, nakalakhan na, kung ano ang gustong gawin, basta na lang ginagawa. Wala nang makasupil sa kagagahan niya."

"Basta huwag lang si Larry ang kakalantariin niya. Makakahanap na siya ng katapat!" buwisit na ring sabi niya.  Uminom siya ng gamot sa hilo. Tumayo na siya at naisip na lumabas na uli nang mahagip ng tingin ang maleta na nasa paanan ng kama. "Millet, iyon na ba ang dadalhin ko mamaya?"

Umaliwalas ang mukha nito. "Yes, ate. Kumpleto na iyan, hihilahin na lang. Bastante na raw ang mga damit na nariyan pang-isang linggo. Sabi naman ni Ate Jamie, hindi masyadong kailangan ng damit kapag honeymoon, eh. Siyempre mas madalas wala kayong damit," ngisi pa nito.

"Luka-luka! Mabuti pang bumalik na tayo roon. Nakakahiya nga sa mga bisita kung mawawala ako."

"Sige, Ate, mauna ka na. Kaya nga pala nagpunta ako rito ay papalitan ko na itong sandals ko. Hindi ako sanay sa high-heels, eh. Magpa-flat shoes na lang ako. Hindi naman kita kasi hanggang talampakan itong gown ko."

"Okay." Paglabas niya ay natanaw niya si PJ na kausap ang Ate Jamie niya. Nilapitan niya ang mga ito. "Hi! Mabuti naman at magkakilala na kayo."

"Ipinakilala siya sa akin ni Millet," sagot sa kanya ni Jamie. "You didn't tell me about him," may himig ng panunumbat na sabi pa nito.

"Nawala lang sa loob ko," kaswal na sagot niya.

Pinagtaasan siya ni Jamie ng kilay. "He's charming."

Nakangiting tumango siya at binalingan si PJ. "Narinig mo ang sinabi ni Ate? Charming ka raw," tudyo niya.

Umangat lang ang sulok ng mga labi ni PJ.

Nangunot ang noo niya. "Kanina ko pa nga pala napansin, hindi maipinta ang mukha mo. Ano ang problema mo?" concern na tanong niya.

"Hindi mo gustong malaman," paiwas na sagot nito.

Hinampas niya ito kagaya ng nakasanayan na niya dito. "Loko ka pala, eh. Magtatanong ba ako kung hindi ko gustong malaman?"

Huminga ito. "All right, I'll rephrase it. Hindi mo gugustuhing malaman. Jen, huwag mo na lang itanong, okay? Hindi ka rin makakatulong."

Bumakas ang pagtatampo sa mukha niya. "Akala ko ba, magkaibigan tayo? Sabihin mo sa akin. Malay mo, I can help you."

"I don't think so."

Tumikhim si Jamie. "May iba pang mga bisita, Jen. Sila naman ang estimahin mo. Ako na ang bahala dito kay PJ. I enjoy talking to him."

"Baka magselos si Kuya Arnel?" pabirong wika niya.

"Hindi mangyayari iyon. He's feeling is secured," buong katiyakang sagot ni Jamie. "Saka kaming tatlo ang makakausap. Inihatid lang niya ang pamangkin mo sa yaya."

"PJ?" Binalingan na lang niya ang binata. Wala siyang ideya kung bakit ganoon na lang ang lungkot sa mukha nito. At hindi rin niya maintindihan kung bakit tila wala itong interes na sabihin man lang iyon sa kanya.

"Sige na, Jenny," banayad na taboy nito. "Marami pang mga bisita na kailangang asikasuhin. Siyangapala, mayamaya ay aalis na rin ako. Baka hindi na ako makapagpaalam sa iyo. Kay Jamie na lang siguro ako makakapagsabi."

Masama man ang loob niya ay iniwan na niya ang dalawa. Sinalubong siya ng mga wedding coordinators niya. "Table hopping time, Jenny," wika sa kanya ng isa.

"Sure," aniya. "Sandali, nasaan ba si Larry?"

Nagkatinginan ang dalawa. "Sa iyo ko nga sana itatanong, eh. Hindi namin makita. Akala nga namin, magkasama kayo." Hindi nakaligtas sa paningin niya ay nanunudyong ngiti nito.

"Hindi kami magkasama," she said at hindi niya maintindihan kung bakit bigla na lang may bumangong kutob sa dibdib niya.

"Okay, I'll look for him," sabi ng coordinator. "Basta dito ka na lang sa paligid, ha? Para hindi na mahirap maghanapan."

"No," mabilis na wika niya. "Ako na lang ang hahanap sa kanya." At bago pa nakatutol ang mga kausap niya ay nilagpasan na niya iyon.

Malikot ang mga mata niya. Surely, wala sa paligid si Larry. Dahil kung naroroon ito, hindi na magpiprisinta ang coordinators na hanapin ito. At iba ang kutob niya. Hindi man niya gusto ang ideyang nabubuo sa isip niya, ay iyon ang mismong nakikita ng balintataw niya.

"Shit!" mariing sabi niya nang makatiyak. Wala rin sa paligid si Lulu. Lalo iyong nagpatining sa kutob niya.

Tinungo niya ang hilera ng mga kuwarto na ipinrovide ni Heidi para sa entourage. Walang katau-tao roon pero hindi iyon nagpakalma sa nararamdaman niya. Nilibot niya ang paligid. Walang ibang pupuntahan si Larry kung hindi ang mga kuwartong iyon—kung tama nga ang kutob niya.

Sinubukan niyang buksan ang pinto ng isang kuwarto. Sarado iyon pero nakaawang naman ang bintana. Sumilip siya roon. Walang tao sa loob.

"Damn you both!" nag-iigting na wika niya. Alam niya, wala siyang ebidensya pero parang sapat na ang kutob niya para makadama siya ng ganoong galit.

--- itutuloy ---

Maraming salamat sa pagbabasa.

Facebook Page : JasmineEsperanzaAuthor

Booklat | Dreame : Jasmine Esperanza

Instagram | Twitter | Tumblr : jasmineeauthor

My Shopee Shop : MicaMixOnlineDeals

Places & Souvenirs - CAGAYAN 3 - PJ, I Love YouWhere stories live. Discover now