Part 27

412 34 6
                                    

"I NOW pronounce you husband and wife."

Inaasahan na ni PJ ang pangungusap na iyon pero tila nakabingi pa rin sa kanya nang ganap niyang marinig. At nang sumigabo ang malakas na palakpakan, tanging siya lang yata ang hindi nag-abala na pakilusin ang mga kamay. Blangko ang ekspresyon niya na nakatingin lang sa bagong kasal. Alam na rin niya kung ano ang susunod na mangyayari. At nang ganap na magharap ang dalawa at iangat ni Larry ang belo ni Jenny ay ibinaba na niya ang tingin.

Hindi na niya kaya. Masyado na niyang pinasasakitan ang sarili kaya mabuti pang lisanin na niya ang lugar na iyon. Tikom ang mga labi na iniwan niya ang kinauupuan. Pero bago siya nakarating sa exit ay hinarang siya ni Millet.

"Saan ka pupunta?" bati nito sa kanya. "Join tayo sa picture-taking. Nakakainis nga, eh. Umalis ako sa puwesto ko, hindi ko tuloy nakita iyong kiss-the-bride. Wiwing-wiwi na kasi ako," kuwelang sabi nito na sinalat pa ang puson.

Napilitan siyang ngumiti dito. "Kailangan ko nang umalis. May problema daw sa farm sabi ng tauhan ko," dahilan niya.

"Ay, hindi puwede! Magtatampo sa iyo niyan si Ate Jenny." Hinawakan siya nito sa braso. "Tara na doon. Magpa-picture tayo para may souvenir naman tayo. Alam mo, PJ, mas pogi ka pa kaysa doon sa abay na ipinareha sa akin. Diyos ko, mukhang taghiyawat na tinubuan ng mukha! Nasabi pang mayaman daw, maanong magpa-derma maya't maya! Hindi naman pala si Konsehal Gerald ang ipa-partner sa akin!" himutok pa nito.

"Millet, kailangan ko nang umalis," wika niya nang hinihila na siya nito.

"Mamaya na. Hindi mo pa nakikilala iyong si Ate Jamie, iyong kapatid ni Ate Jenny. Ipapakilala kita."

Napailing na lang siya at sumunod na rin. Pakiramdam niya, bihag siya ni Millet sa higpit ng pagkakahawak nito sa kanya. At naisip niya, hindi na rin mangyayari na makaalis siya nang palihim. Parang nagulat pa ang babaeng nilapitan nila nang tawagin ito ni Millet. Kilala na niya ito sa mukha. Ito ang babaeng naghatid kay Jenny, sa tabi nito ay ang asawa marahil.

"Ate Jamie, ipapakilala ko sa iyo itong kaibigan ni Ate Jenny. Si PJ, ang pogi, 'no? Bagay kami," humilig pa sa kanya si Millet.

Mabilis na nagpahid ng luha ang babae. "Kumusta?" polite na bati nito sa kanya. At hindi rin nakaligtas sa obserbasyon niya ang kalungkutan sa mga mata nito na pilit ikinukubli sa ngiting ipinukol sa kanya.

"Mabuti ho," kaswal na sagot niya at inilahad dito ang kamay.

Tinanggap naman iyon ni Jamie. "Huwag mo na akong hohoin. Mukha namang magkasing-edad lang tayo. By the way, meet Arnel. My husband."

Nagkamay din sila ng dalawang lalaki.

"Kaibigan ka kamo ni Jenny?" wika sa kanya ni Jamie. "Bakit ngayon lang kita nakilala? Kilala ko ang mga kaibigan niya."

"Bago lang kaming magkakilala. Nagkasakay kami sa bus noong papunta siya dito."

Tinitigan siya ni Jamie bago tila nakakunot ang noo na tumango. "Close ba kayo ng kapatid ko?" she asked again.

"Close sila, ate," sabad ni Millet. "Alam mo ba, nagsuntukan pa si PJ at Kuya Larry. Pinagselosan kasi siya ni Kuya Larry, eh."

"Millet," may bahid ng pagsaway na sabi niya dito.

"Hindi iyon naikuwento sa akin ni Jenny." Mula kay Millet ay tiningnan siya nito uli.

"Hon, kinakawayan na tayo ng photographer. It's time for our souvenir picture kasama ang mga bagong kasal." Sinulyapan siya ni Arnel at in-excuse ang asawa.

"PJ, I think I'd better talk to you again. Sandali lang, ha?" wika ni Jamie sa kanya bago ito ganap na tumalikod.

"PJ, tingnan mo iyong batang iyon," siko sa kanya ni Millet. "Anak iyon ni Ate Jamie. Cute, 'no? Siguro, ganoon din ka-cute ang magiging anak ni Ate Jenny. Hoy, PJ! Ano ka ba? Mukha kang natuka ng ahas!"

"May sinasabi ka?" tugon niya dito.

Sumimangot ito. "Pogi ka pa naman kaso bingi ka pala."

--- itutuloy ---

Maraming salamat sa pagbabasa.

Facebook Page : JasmineEsperanzaAuthor

Booklat | Dreame : Jasmine Esperanza

Instagram | Twitter | Tumblr : jasmineeauthor

My Shopee Shop : MicaMixOnlineDeals


Places & Souvenirs - CAGAYAN 3 - PJ, I Love YouWhere stories live. Discover now