Part 28

480 38 5
                                    

MATAGAL nang naririnig ni Jenny iyong sinasabi ng iba na lumulutang ang isip. Pero ngayon lang niya iyon naunawaan. Parang hindi siya makapag-isip nang matino. Nagpapatangay lang siya sa agos. Every thing seemed scripted. Ang lahat ng bahagi sa kasal na iyon ay pinangangasiwaan ng dalawang wedding coordinators na inupahan ng mama ni Larry.

Nag-take over ang mga coordinators nang ideklara ng nagkasal sa kanila na mag-asawa na sila ni Larry. Ito ang nagdikta ng mga poses para sa wedding pictures—na inabot yata ng isang oras. Hindi iilan ang nagreklamo na nagugutom na pero kailangan daw ng maraming litrato bilang alaala ng okasyong iyon.

May program sa reception. May wedding singer na hindi na niya matandaan kung anu-ano ang love songs na kinanta. Kumain sila pero pakiramdam niya ay hindi siya nabusog. Maya't maya ang lapit sa kanya ng coordinators para sa susunod na gagawin. Cake-cutting, bouquet-throwing, garter... kung anu-ano pa.

Ngiti lang siya nang ngiti. Tango lang siya nang tango. Alam naman niyang wala siyang karapatang tumanggi. It was all part of the occasion.

Nilinga niya si Larry. mabuti pa ito, nadadalang mabuti ang sarili sa okasyong iyon. He was still the same. Mataginting ang tawa sa mga bisitang lumalapit dito. At halata niyang mas may kakaibang tunog ang tawa kapag sinasabihan ng green joke.

Maya't maya rin ang pagkalansing ng mga kubyertos at kristal. Matalas ang tenga ni Larry pagdating doon. Kaagad itong babaling sa kanya at hahalikan siya.

At hindi niya alam kung wedding jitters pa rin iyon, sapagkat parang napapagod na siya sa lahat ng nangyayari sa paligid niya.

"Puwede bang bumalik muna ako doon sa kuwarto ko?" pabulong na sabi niya kay Larry.

"Bakit?"

"Para akong nahihilo. Iinom lang ako ng gamot."

Tumango ito. "Kung ano-ano na kasi ang amoy ng mga bisita. Ang tatapang pa naman ng pabango ng iba. Sasamahan pa ba kita?"

Umiling siya. "Huwag na. Nakakahiya namang pareho tayong bigla na lang mawawala dito. Baka kung ano ang isipin nila."

Ngumisi ito. "Di, hayaan mo sila. Kasal na naman tayo."

Lumabi siya. "Diyan ka na lang. Asikasuhin mo ang mga bisita." Nilisan niya ang presidential table at tinungo ang kuwarto na inilaan sa kanya ni Heidi buhat kagabing doon na siya natulog. Share sila ni Millet doon habang ang katabing kuwarto naman ay sa pamilya ng Ate Jamie niya.

"Saan ka pupunta?" pansin sa kanya ni Lulu.

"Iinom ng gamot. Nahihilo ako," matabang na sagot niya dito. Hanggang ngayon, mainit pa rin ang dugo niya sa pinsan. Sinabi niya sa sariling patawarin na ito tutal naman at kasal na sila ni Larry pero hindi pa rin niya maiwasang makadama ng inis dito.

"Nahihilo? Ibig mo bang sabihin, buntis ka na?" she asked nosily.

Tinaasan niya ito ng kilay. "Virgin bride ako," nagmamalaking saad niya.

Bigla na lang tumawa ng bahaw si Lulu. "Kaya naman pala parang mauulol sa iyo si Larry, eh. Nagpaka-hard-to-get ka pa pala. Ewan ko lang, masiyahan naman kaya sa iyo si Larry? Napakainit pa naman ng taong iyon."

Naningkit ang mga mata niya dito. "Magprangkahan nga tayo, mahal kong pinsan," puno ng sarkasmong wika niya. "Gusto mong sabihin sa akin na mas kilala mo si Larry pagdating sa bagay na iyon, di ba?"

Nakangising-aso ito nang tumango. "Kilalang-kilala. Kaya nga nag-aalala ako, eh. Duda ako kung mapapaligaya mo nang husto si Larry. Pero sa tingin ko naman ay hindi niya iyon magiging problema. Maraming mga babae ang wala pa ring balak na sumuko kay Larry. Ikaw, mahal ko ring pinsan ang mukhang magkakaproblema." Itinaas nito ang mukha na walang dudang tinutuya siya.

Nagtimpi siya. "Ano ang ibig mong sabihin? Lulu, tigilan mo na si Larry. May-asawa na siya ngayon. Gusto mo bang masabihang kabit?"

"Di ba, kung sino naman ang kabit, siya pa ang mas minamahal? Huwag ako ang pagsabihan mo, Jenny. Si Larry ang kausapin mo. Nagkataon lang na malambot ang puso ko. Madali akong maawa sa nangangailangan ng kaligayahang kaya kong ibigay." One hundred percent na kontrabida-look ang bukas ng pagmumukha nito.

"Kung ako sa iyo, magpapakadisente ako. Dalaga ka, Lulu. Huwag mong sirain nang husto ang reputasyon mo." Pakiramdam niya ay huhulagpos na siya pero sinikap pa rin niyang magpigil.

"Nakakain ba iyon? Ang motto ko kasi, kung saan ako liligaya, doon ako. Sorry na lang, pinsan. Pero kung lalapit sa akin si Larry, asahan mo, hindi ako iiwas."

"Malandi!" gigil na wika niya dito. Kung hindi lang siya nag-aalalang makalikha ng eskandalo ay sasabunutan na niya ito. Ga-hibla na lang ng sinulid ang pasensya niya.

Tumawa nang naghahamon ang babae. "Matagal ko nang alam iyan. Talent ko iyan. Being malandi."

--- itutuloy ---

Maraming salamat sa pagbabasa.

Facebook Page : JasmineEsperanzaAuthor

Booklat | Dreame : Jasmine Esperanza

Instagram | Twitter | Tumblr : jasmineeauthor

My Shopee Shop : MicaMixOnlineDeals

Places & Souvenirs - CAGAYAN 3 - PJ, I Love YouTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon