Part 11

486 37 1
                                    

KUNTENTO nang bumalik si Jaypee sa farm niya sa Iguig. Tila higit pa sa ginto ang paraan ng pag-iingat niya sa calling card na ibinigay sa kanya ni Jenny. Bago pa niya iyon itinago, inilagay na niya sa cell phone ang numero nito. At nangangati na rin siyang tawagan ang dalaga.

Pero nagpigil siya. May palagay siyang kasama pa nito si Larry. At gusto niya, kapag nakausap niya si Jenny ay wala nang asungot sa tabi nito.

Itinuon niya ang isip sa gagawing pakikipag-usap kay Jenny. Ayaw niyang isiping malapit na itong ikasal. Mas gusto niyang isipin na hangga't hindi kasal, may pag-asa siya. At ang pag-asang iyon ang panghahawakan niya.

"God, I love her," usal niya. At higit pa sa sapat na makita niya itong muli para sumigla ang buong sistema niya. Pasipol-sipol pa siya nang makabalik siya sa farm.

"Boss, buti bumalik na kayo agad. Nandiyan na iyong buyer," wika sa kanya ni Badong.

"Naipaliwanag mo na ba ang presyuhan natin?"

"Siyempre, Boss. Kaya lang mukhang gusto pang tumawad. Isang daang manok daw ang kukunin nila kapag nagkasundo kayo sa presyo."

Napangiti siya. "Kung sentimo lang naman ang diprensya, di ibigay na natin." At tumuloy na siya sa munting opisina niya.

Napasunod na lang ng tingin sa kanya si Badong. Alam niya, malamang na nagtataka ito. Mahigpit siya sa presyo ng produkto niya. sa ilang buwan niya sa negosyong iyon, marami na siyang natutuhan. Dalawang beses na siyang nag-harvest ng poultry. Sapat na ang karanasan niya doon para malaman na niya ang pasikut-sikot ng negosyong pinasok niya.

Bakasyon lang sana ang pakay niya sa Cagayan. Sa Peñablanca siya pansamantalang umuwi, sa kaisa-isang kapatid ng namayapa niyang ama, kay Auntie Perlita.

Kinausap siya ni Auntie Perlita. Ipinaalala nito sa kanya may lupang nakatiwangwang lang sa Iguig. Magkaparte ito at ang ama niya sa lupang iyon. Malawak iyon at matagal nang hindi napapakinabangan. Inalok siya kung gusto niyang pagtayuan ng poultry.

Tinawanan niya noong una. Ano ba ang malay niyang mag-alaga ng manok? Laking-Maynila siya. Mas sanay siyang nasa opisina at nakaharap sa nakalatag na papel. Pero iba ang convincing power ni Auntie Perlita. Nag-offer pa ito na paluluwalan ang pampagawa ng building kung papasukin niya ang negosyong iyon.

Naisip niya, bakit nga ba hindi niya subukan? Kung hindi man niya makakaya, puwede pa naman siyang bumalik sa Womanly Magazine. May stocks pa nga siya roon. At kahit na mag-negosyo siya ng iba, intact pa rin ang share niya sa kompanyang iyon.

Supportive sa venture niya pati mga pinsan niyang sina Santi at Seb. Gumamit pa ito ng koneksyon para magkaroon siya ng feed suppliers na ubod ng baba ang presyo. Koneksyon na rin ang ginamit para hindi na siya mahirapang mag-alok ng harvest niya. Ang mga iyon na ang dumadayo sa farm upang mamakyaw ng manok at itlog.

In a few months time, nag-iba ang buhay niya. Nag-seryoso na siya sa poultry nang matuklasan niyang malaking pera din pala ang iniaakyat niyon. Naka-break even lang siya noong unang harvest, pero iyong sumunod, bawing-bawi siya. Binayaran niya si Auntie Perlita ng kalahati ng nagastos nito sa mga ipinagawa sa farm. Ang iba ay itinabi niya para sa sarili niya. Sa susunod na ani, palagay niya'y mababayaran na niya ng kumpleto ang tiyahin.

Naging business-minded niya. Sa tantiya niya, bago matapos ang taon ay mabibili na rin niya kay Auntie Perlita ang kaparte nito sa lupang iyon. Ang tiyahin naman niya ang nag-alok sa kanyang bilhin na ang kaparte nito. Hindi na ito interesado sa lupang iyon sapagkat mayroon nang mga lupang naipamana kina Santi at Seb. Malamang ay ibibigay na lang na cash sa dalawang lalaki ang ibabayad niya.

Noong isang buwan ay nakipag-tie up na rin siya sa Vitarich. Ito ang nag-supply ng mga sisiw sa kanya. Pati feeds at gamot, sa kompanya rin galing. Pagdating ng harvest, ito rin ang kukuha ng mga manok. Sa kuwenta niya, hindi naman siya lugi sa usapan nilang bayad. Kahit hindi kasing-laki ng perang kikitain niya kung siya ang mismong mamumuhunan ng lahat, hindi naman masyadong risky ang ganoon. Magkapeste man ang mga manok, matatalo lang siya sa labor, hindi sa mismong puhunan.

But he still had his own investment. Kalahati lang ng mga manok niya sa farm ang nakakontrata sa Vitarich. Ang iba ay siya pa rin ang namumuhunan. Iyon din ang dahilan kung bakit maya't maya ay may buyer na dumarating sa farm niya.

Bilib na bilib ngayon sa kanya ang mga pinsan niya't tiya. May Midas touch daw pala siya sa negosyo. Ngayon, isinusulong naman siya ng mga ito na magtayo na rin ng piggery. It was a good idea pero naisip niyang mas mabuti kung sa buong taong iyon ay mag-concentrate muna siya sa poultry. Maybe next year, he would try that.

"Mura na iyong presyo namin dito. Dressed na iyong mga manok kapag p-in-ick up ninyo. Hanggang doon na lang ang presyo namin, eh," nakangiti pa ring paliwanag niya sa buyer kahit gusto na niya iyong iwan. Madalas iyong pumunta sa farm niya. At bagaman kabisado na ang presyo niya, kung bakit ubod pa rin ng barat. Kung tumawad ay walang-wala sa puhunan.

"Baka naman puwedeng free delivery na lang? Malapit lang naman dito ang Gattaran," hirit nito.

Umiling siya. "Limandaang ulo ang minimum namin for free delivery. Saka malayo din ho ang Gattaran. Matatalo kami sa gasolina."

"O, sige, pick-up na lang. Puwede bang mamayang hapon na?"

Bakit ba may customer na ubod ng demanding gayong hindi naman kayang kumagat sa presyo niya, palihim na himutok niya. "Manong, alas kuatro na ho ng hapon. Hanggang alas singko lang ang mga tao ko dito. Hindi naman nila puwedeng iwan iyong una nilang ginagawa. First come first serve ho dito. Kung gusto ninyo, bukas bandang alas dies, puwede nang ma-pick up. Seventy-five percent ho ang down payment."

Tila nagulat pang tumingin sa kanya ang lalaki gayong ganoon naman ang kalakaran niya mula't mula pa. Hindi siya nagpapakatay ng manok kung hindi rin lang magda-down payment. Mahirap nang mabulukan ng manok kung hindi babalikan ng buyer.

Bandang huli, sumunod din sa patakaran niya ang buyer niyang makunat.

"Badong," tawag niya sa alalay niya. "Ikaw na ang bahala dito kay Manong. Nasa akin na iyong down payment. Iyong taga-Vitarich, dumating na ba?"

"Yes, boss. Kadarating nga lang. Ipinaparada pa iyong sasakyan nila."

Lumabas na siya at personal nang sinalubong ang mga partners niya. Mas gusto niyang estimahin ang mga iyon kaysa sa matandang buyer na hatalang hirap na hirap bitawan ang perang iniabot sa kanya. Ayaw niya ng ganoong klaseng buyer. Minsan ay naghahatak pa iyon ng mga kuripot na buyer. Tumutumal ang dumadayong buyer sa farm niya.

--- itutuloy ---

Maraming salamat sa pagbabasa.

Facebook Page : JasmineEsperanzaAuthor

Booklat | Dreame : Jasmine Esperanza

Instagram | Twitter | Tumblr : jasmineeauthor

My Shopee Shop : MicaMixOnlineDeals

Places & Souvenirs - CAGAYAN 3 - PJ, I Love YouWhere stories live. Discover now