Part 20

507 43 3
                                    

"WOW, big time!" bulalas ni Jenny nang dalhin niya ito sa farm.

"Anong big time. Big time syndicate?" biro niya. Para sa kanya, walang kasing-liwanag ang sikat araw sa sandaling iyon. Kahit na hindi pa rin niya natitiyak kung tama nga bang ihayag niya sa dalaga ang tunay na nararamdaman niya, maligayang-maligaya na siya na kapiling ito ngayon.

"Huwag kang magpa-humble, PJ. You know what I mean. Iyo ang lahat ng ito? Wala kang partner?"

"Wala. Walang gustong magtiwala na makipagsosyo sa akin, eh."

"O baka naman ikaw ang may ayaw na kasosyo? Sa tingin ko, hindi mo kailangan ng capital from the outside. Mukhang nai-finance mo na itong mag-isa, eh."

Tumabi siya ng tayo dito. Nasa balkonahe ito ng bahay-opisina niya. mula roon ay tanaw ang maraming hilera ng poultry building.

"Nakakadaya lang tingnan. Actually, tinulungan ako ng tiya ko at mga pinsan para itayo ito. May utang pa ako sa kanila. Pero kung tuluy-tuloy ng dating ng suwerte, mababayaran ko ang lahat ng obligasyon before the end of my fiscal year. By then, puwede ko nang i-consider ang sarili kong big time."

"Puwede ka nang mag-asawa."

Tumikhim siya. "Kahit naman ngayon, puwede na akong mag-asawa. I have other resources. Kayang-kaya ko nang bumuhay ng pamilya."

"Di, mag-asawa ka na."

"Ganoon lang ba kadali iyon?"

"Di ba sabi mo, nakapag-move on ka na? Di maghanap ka na ng babaeng pakakasalan mo."

"Nakahanap na ako." Tinitigan niya ito pero nang magtama ang kanilang mga paningin ay mabilis itong umiwas. Nakita rin niya sa anyo ng dalaga na tila ito naasiwa.

"Nasaan siya?" tanong nito pagkuwa. "Bakit inaya mo ako dito? Baka mamaya, sugurin na lang ako noon at bigla na lang sabunutan."

Tumikwas ang isang sulok ng labi niya. Ang akala niya, ang pagkaasiwang nakita niya sa mukha nito ay palatandaang maski paano ay naiparamdam niya rito ang damdamin niya. Pero hindi pala. At gusto niyang kastiguhin ang sarili. Bakit ba parang na-torpe siya sa ngayon sa babae? Hindi naman siya takot manligaw dati, ah?

This must be true love. Dahil ang true love daw ay hindi makasarili. Ang true love daw ay nagagawang magparaya. At dahil alam niyang nakakompromiso na si Jenny sa iba, hindi na baleng manahimik na lang siya kaysa naman guluhin ang buhay ng dalaga.

"Dito ka muna, ha?" he said gently. "Titingnan ko lang kung okay na iyong ipinahanda kong pagkain." His eyes lingered on her bago niya ginawang tumalikod.


NAPASUNOD na lang ng tingin si Jenny kay PJ na lumiko sa bandang dulo ng balkonaheng paikot sa buong kubo. Bakit ba ang lambing ni PJ? Kahit na minsan ay napipikon siya sa biro nito, magaling naman itong maglambing.

She sighed. Nakahanap na ng girlfriend si PJ. Kung sinuman ang babaeng iyon, she's lucky. At naghahalo ang lungkot at saya sa damdamin niya. She must be happy. Dahil kaibigan niya si PJ at dapat lang na masaya siya na magiging masaya na rin ito.

But why the sadness? Dahil ba noong isang gabi lang ay naisip niya na masarap sigurong maging girl friend ni PJ? At hindi lang basta curiosity ang nagtutulak sa kanya kundi parang natutukso na rin siyang pantasyahin kung paano maging girlfriend ng binata.

"Bulaga!" buhat sa likuran niya ay bigla na lang sinundot ni PJ ng mga daliri nito ang magkabilang tagiliran niya.

Napatili siya. "Ano ka ba!" natatawang sumbat niya rito. "Mukha kang multo. Bigla ka na lang sumusulpot!"

Places & Souvenirs - CAGAYAN 3 - PJ, I Love YouWhere stories live. Discover now