Part 22

445 40 1
                                    

"SI LARRY!"

Hindi man niya gusto ay nagkaroon ng takot sa tinig niya. Pagliko pa lang sa kantong patungo sa bahay niya ay natanaw na niya ang lalaki. Nakasandal ito sa kotse habang nakalarawan sa mukha ang magkahalong pagkabagot at galit.

Inabot ni PJ ang kamay niya at masuyo iyong pinisil. "Relax, Jen. Wala kang dapat ikatakot. Wala kang ginawang masama."

Bahagya lang iyong nakabawas sa tensyong agad na dumagan sa dibdib ni Jenny.

Nang ihinto ni PJ ang pick-up sa tapat ng bahay niya, hindi pa man siya ganap na nakakababa ay sumalubong na sa kanya si Larry.

"Saan ka galing? Bakit kasama mo iyan?" tila dagundong na wika nito.

"Namasyal lang kami sa farm," mababa ang tinig na sagot niya.

"Pare, inimbitahan ko lang siya sa farm ko sa Iguig," sabad naman ni PJ na bumaba na rin sa pick-up.

Galit na tiningnan ito ni Larry. "Huwag mo akong tawaging pare," angil nito. "Saka huwag kang makialam. Hindi kita kinakausap. Nasaan ang susi ng bahay mo, Jennifer? Doon tayo sa loob mag-usap!"

"Teka muna!" daing niya nang halos kaladkarin na siya ni Larry patungo sa gate.

"Dahan-dahan naman. Nasasaktan na sa iyo iyong tao, eh," sabad uli ni PJ.

"Pakialamero kang talaga, ha?" wika ni Larry sa binata at pasalya siya nitong binitiwan.

Napatili na lang siya nang bigla na lang nitong bigwasan si PJ. "Tama na iyan!" hilakbot na wika niya nang makitang sumadsad sa mababang pader ang binata. Napuruhan yata ito sapagkat hinimas pa ang panga. Nang umunat ito ng tayo, nakita niyang kuyom nito ang sariling kamao. "Oh, God! Please, tigilan ninyo iyan!"

Hindi na siya nag-isip pa. Nang sumugod si PJ, iniharang na niya ang sarili sa gitna. "Please?" she begged. "Please leave, PJ. Hayaan mo na ako rito."

Nakita niyang dumilim ang anyo nito. His knuckles turned white. At may isang sandali na pati siya ay natakot sa ekspresyon nito. Pero bago niya nagawang makiusap uli dito ay tinabig na siya ni Larry. Napangiwi siya nang sumadsad siya sa kotse.

"Kanina mo pa siya sinasaktan!" mariing sabi ni PJ at sinuntok nito si Larry.

Isang malutong na mura ang ginawa ni Larry matapos itong bumalandra sa pader. Tila asong- ulol na susugod ito kay PJ pero nagawa na uli niyang makatindig ng maaayos. Ipinagitna na naman niya ang sarili sa dalawa.

"Tama na iyan, ano ba kayo?" umiiyak sa galit na wika niya. "Larry, tumigil ka na! Nauna kang sumuntok kaya napilitan siyang gumanti!" Bumaling siya kay PJ. "Ikaw naman, nakaganti ka na. Patas na kayo. Tumigil na kayo!"

"Iyang gagong iyan, eh," putak ni Larry. "Unang kita ko pa lang diyan, kumukulo na ang dugo ko riyan. Mukhang aahasin ka pa sa akin!"

"Gago ka rin!" ganti ni PJ. "Kung mang-aahas ako, hindi ko na sana siya ibinalik dito. Itatago ko na siya sa lungga ko."

Napamura na naman si Larry. Anyong susugod na naman ito kaya hindi na siya nag-isip na yakapin ito. "Tama na, please! Nakakahiya na sa mga kapitbahay!" Parang kumakatal na ang katawan niya sa tensyon. At nadagdagan pa iyon nang mapansin siyang lumilikha na sila ng usyoso sa paligid.

Mukha namang sumirit hanggang langit ang ego ni Larry dahil sa ginawa niyang pagyakap. Tila na-relax ang kalamnan nito. At iniyakap din ang isang kamay sa bewang niya.

"Nakita mo na? Ako ang pipiliin ni Jenny kaysa sa iyo. Kaya kung ako sa iyo, umuwi ka na!" buong kayabangang sabi nito kay PJ.

Tiningala niya si Larry. "Don't say that. Baka mamaya magkagulo na naman kayo." Nilingon niya si PJ. "Salamat sa paghahatid mo sa akin." Nasa tono niya ang pagtataboy na rin sa binata.

Tinitigan siya nito. At hindi niya mawari kung bakit gusto niyang lapitan ito nang malungkot itong napailing. Tila laglag ang mga balikat nito nang sumakay ito sa pick-up.

Napabitaw lang siya ng tingin dito nang hilahin siya ni Larry. "Pumasok na tayo sa loob. May betadine ka ba?" may gaspang pa rin sa tinig nito.

Napatango na lang siya. Hindi niya magawang mag-angat ng noo dahil sa sulok ng mga mata niya ay nakamata pa rin ang mga kapitbahay na nag-uusyoso.

"KANINA pa ako contact nang contact sa cell phone mo. Unattended naman," wika sa kanya ni Larry habang ginagamot niya ang pumutok na kilay nito.

"Na-empty ang battery ko, eh," katwiran niya. Ang totoo, buhat nang ilagay niya sa bag niya ang cell phone, nakalimutan na rin niya iyon. Nawala sa isip niya na sa panahon ngayon, parang bahagi na rin ng katawan ng tao ang cell phone.

"Ilang beses na akong pabalik-balik dito, saradong-sarado ang bahay. Pati si Millet, hindi ko mahagilap. Wala akong mapagtanungan kung saan ka nagpunta," reklamo nito.

"Nagpunta sa Enrile. Dinalaw iyong kaibigan niya. Nagpaalam nga na baka bukas na raw uuwi."

"Mabuti na lang may nakakita sa iyo na kaibigan ko. Itinawag niya sa akin na nasa Calvary Hills ka. Ano ang ginagawa mo roon? Saka bakit ka sumama sa lalaking iyon? Nakakahiya. Ikakasal ka na, sumasama ka pa sa iba. Mabuti na lang hindi madaldal iyong kaibigan kong iyon. Di kung nagkataon, kalat na dito na iniiputan mo ako sa ulo."

Tinapos niya ang paggagamot sa sugat nito. "Larry, hindi ako nagtataksil. Sa palagay mo ba, may magtataksil na sa Calvary Hills pupunta? It's an open field. Kahit isang libong dipa ang layo sa iyo ng tao, makikita pa rin nila ang kilos mo," pikong wika niya.

"Pero bakit ka pumunta doon?" tanong pa rin nito. "At kasama pa ang lalaking iyon."

"Sinabi niya sa iyo kanina, di ba? Inimbitahan niya ako sa farm niya. Malapit lang doon iyong farm niya kaya pumasyal na kami doon," iritadong paliwanag niya.

"Farm? Kapag may farm, natural may kubo."

"Of course. Doon ang mismong bahay niya."

Dinakot nito ang braso niya. "Damn you, Jenny. Bakit ka sumama doon?" puno ng pagdududa ang tinig nito.

Hiniklas niya ang kanyang kamay. "Larry, tingnan mo akong mabuti. Wala akong ginawang masama. Kaibigan ko iyong tao. Nakakahiyang tanggihan ko ang imbitasyon niya."

Sa itsura nito ay tila hindi pa rin ito naniniwala. "Malalaman ko rin," wika nito at kinabig ang kanyang batok.

Nanlaki ang mga mata niya sa marahas na paraan ng paghalik nito. Parang nais siyang kainin ng buhay. Ilang sandali lang at nagpipiglas na siya.

"Stop it! Nasasaktan ako!"

Pero hindi siya nito pinawalan. "Ngayon ka lang tumanggi sa halik ko. Bakit, mas nagustuhan mo ba ang halik niya?" bruskong tanong nito.

"What?!" she said at hindi na nag-iisip pang sinampal ito.

Kapwa sila nagulat pagkatapos.

"You hit me," mahinang wika ni Larry na para bang hindi pa makapaniwala.

"Yes," sagot niya na nakabawi na. "You deserved that. Umalis ka na, Larry. Get out of my sight. Now."

"Jenny—"

Parang wala siyang narinig. Tumayo siya at tinungo ang pintuan. Maluwang niyang ibinukas ang pinto at matigas ang ekspresyon na nilingon si Larry.

Tila naman wala nang magagawang tumindig na rin ang lalaki. "Darling."

"Huwag mo muna akong tangkaing kausapin, Larry. Mag-aaksaya ka lang ng pagod."

--- itutuloy ---

Maraming salamat sa pagbabasa.

Facebook Page : JasmineEsperanzaAuthor

Booklat | Dreame : Jasmine Esperanza

Instagram | Twitter | Tumblr : jasmineeauthor

My Shopee Shop : MicaMixOnlineDeals

Places & Souvenirs - CAGAYAN 3 - PJ, I Love YouWhere stories live. Discover now