Part 9

452 34 1
                                    

"GUARD, lumabas na ba si Jenny? Iyong sa Life's Spice?" anxious na tanong ni Jaypee sa guwardiyang nakaposte sa entrance ng building.

Tiningnan muna siya nito. "Fan kayo?"

Sandali siyang nagulat saka mabilis na tumango. "Oo. Gusto ko sana siyang makilala. Nandiyan pa ba siya."

Kinonsulta nito ang logbook. "Nasa loob pa. Kung gusto mo, maupo ka na lang diyan. Dito rin naman iyon dadaan kapag lumabas siya. Ituturo ko lang sa iyo kung siya na nga iyon."

"Sige, pare. Pakisuyo na lang, ha?"

Ngumisi sa kanya ang guwardiya. "Mukhang hindi ka naman fan, eh. Mukha kang manliligaw."

Sinupil niyang mapangiti. "Bakit, may mga manliligaw ba si Jenny na dumadayo pa dito?"

"Si Boss Larry lang ang bantay-sarado kay Miss Jenny."

Dumilim ang mukha niya. "Asawa niya?"

"Hindi pero mukhang malapit na."

Napatango na lang siya at tahimik na naupo sa divan. Hindi naman siya mapirmi ng upo doon. Hindi niya alam kung dapat niyang ipagpasalamat na may kadaldalan ang guwardiya. At pagkuwa ay napangiti rin siya.

Hindi pa nag-aasawa si Jenny!

Ipinako na lang ni Jaypee ang isip niya sa ideyang iyon. Isang pag-asa ang hatid niyon sa kanya kaya lalo tuloy siyang nakadama ng pananabik na muli itong makita.

Maya't maya ang sulyap niya sa hagdanan. Bawat tunog ng yabag doon ay nakaabang na agad siya upang kilalanin iyon. Hindi rin nakakaligtas sa kanya ang mga taong lumalabas buhat sa isang pasilyo sa ground floor.

At bagaman nabibigo siya na hindi si Jenny ang nakikita ay hindi niya magawang mainip. Masyado siyang excited na makita itong muli para matalo iyon ng pagkainip.

Nang muli ay mapabaling ang tingin niya sa pasilyong iyon. Napanganga siya. Hindi niya alam kung matutuwa o sasakit ang kalooban.

There was Jenny. Tila mas lalo pang gumanda kaysa dati. Iyon nga lang, iba rin ang dating ng ngiti nito. She was smiling like a woman in love. At magkakawit pa ang mga kamay nito sa kanilang bewang.

Parang nablangko ang utak niya. Pansamantala niyang nakalimutan kung ano nga ba ang ipinunta niya roon. Hindi na siya tuminag sa pagkakaupo. Nagmukha na lang siyang estatwa roon.

"Miss Jenny, may naghahanap ho sa inyo," wika ng guwardiya nang palapit na sa exit ang dalaga.

Tila noon lang siya nagising. Nang magkatinginan sila ng guwardiya ay saka pa lang siya tumayo. Hindi na kailangang sabihin pa na si Jenny iyon. Alam na niya. Kaya nga mukha siyang sinaksakan ng anesthesia dahil sa nakita niya.

"Where?" wika ni Jenny.

"Jenny," he called at lumapit dito.

Mahirap bigyan ng kahulugan ang naging tono niya. Hindi iyon ang tinig ng isang kaibigan na nasasabik magkita. Parang nabura ang excitement na naramdaman niya kanina. Mas lamang doon ang panibugho. Panibugho sa lalaking katabi ni Jenny—na parang walang balak bitawan ang dalaga.

Hindi na niya masyadong napansin ang tila pagliwanag ng mukha ni Jenny nang mapabaling sa kanya. Basta ang alam lang niya ay napansin na rin siya nito. At humakbang palapit sa kanya.

"PJ!" she said gladly. At pagkuwa ay yumakap sa kanya.

Parang nagulat pa siya. Ang ubod ng taray na Jenny na kilala niya, kusa pang yumakap sa kanya? Her scent filled his senses. At kung hindi pa nagbadyang mangati ang ilong niya, hindi pa siguro siya maniniwala na niyakap nga siya nito.

"Ayan ka na naman," nanunudyong bitaw sa kanya ni Jenny. "Huwag kang magbabahing dito, babatukan kita!" kunwa ay banta nito.

Huminga siya at mabilis na pinisil ang ilong. "Naka-cologne ka na naman, eh," nakuha na lang niyang sabihin.

"Sorry ka na lang. Bahagi na iyon ng buhay ko, eh. What brings you here? Ang tagal na nating di nagkita!"

Sa labis na kasiglahan ng tinig ni Jenny at dahil na rin sa mainit na pagsalubong nito sa kanya, parang nakalimutan na rin niya ang pagseselos niya. Kahit na nakikita niyang nasa likuran lang nito ang lalaking nakayakap pa sa bewang nito kanina, parang balewala na iyon ngayon sa kanya.

"Ako nga ang dapat na magtanong niya, di ba? Bigla na lang hindi na kita na-contact. Kung hindi pa aksidenteng narinig ko ang boses mo sa radio, I'm still clueless."

"Oo nga, 'no? Nawala kasi iyong cell phone ko. Wala naman akong back-up nu'ng mga numbers doon. Mabuti pa, huwag na lang nating pag-usapan ang tungkol doon. Nakakainis lang. So how are you, PJ?"

Isang tikhim ang umagaw sa sana ay isasagot niya.

"Oh," tila naman nanghihingi ng paumanhin na wika ni Jenny. "Sorry, I got carried away. Oo nga pala, PJ, this is Larry, my fiancé. And Heidi, she's the producer of my show. Guys, si PJ. Bagong kaibigan na muntik pang mawala."

Fiancé.

Sandaling naglapat ang mga labi ni Jaypee. Nakatingin lang sa kanya ang lalaki. Tila maramot ang ngiti sa mga labi. At sa pagsusukatan nila ng tingin, parang may na-establish na agad na rivalry doon.

"Hello, PJ." Unang bumati sa kanya si Heidi. She even offered her hand kaya naman maagap niya iyong tinanggap.

"Hi!" At siya na rin ang bumaling kay Larry.

"Kumusta," kulang sa init namang sabi nito.

He just shrugged his shoulders.

"Wait, nandito ka na rin ba sa Cagayan? I mean, do you stay here?"

"Sa Iguig ako," ibinuhos niya ang buong atensyon sa dalaga. "Actually, nu'ng magkasakay tayo ng bus, dito na nga ako sa Cagayan pumirmi. Ikaw, mukhang dito ka na rin?"

"Of course, she's here for good," bagot na sabad ni Larry. "Taga-rito akong talaga, eh," na para bang sinasabi sa kanyang teritoryo nito iyon. "Kumbidado ka sa kasal namin. Padadalhan ka namin ng imbitasyon."

Parang magtatagis na naman ang mga bagang ni Jaypee. Alam niya ang kahulugan ng tono nito. Ipinamumukha nito sa kanya na hindi na malaya si Jenny para maligawan ng ibang lalaki.

"Oo ba. Tiyak na dadalo ako," sport namang sagot niya.

"Darling, may lakad pa tayo." Nang bumaling si Larry kay Jenny, naging ubod ng lambing ang tinig nito.

Napatango naman si Jenny. At may panghihinayang sa mukha nito nang tumingin sa kanya. "Let's keep in touch, PJ. Here, that's my card. Send me na lang your number. Huwag kang mag-alala. Kung mawalan man uli ako ng cell phone, you can contact me here at the station. Dito ako nagtatrabaho."

Maluwang ang naging ngiti niya nang abutin niya ang calling card nito. Sinulyapan pa niya si Larry na tila nang-iinggit.

"So, we'll go ahead," paalam ni Jenny.

Tumango siya. "Okay. Nice to see you again."

"Aakyat pa uli ako," wika naman ni Heidi na nauna nang lumayo sa kanila. "Bye, PJ. Nice meeting you."

Ngumiti din naman siya sa babae. 

--- itutuloy ---

Maraming salamat sa pagbabasa.

Facebook Page : JasmineEsperanzaAuthor

Booklat | Dreame : Jasmine Esperanza

Instagram | Twitter | Tumblr : jasmineeauthor

My Shopee Shop : MicaMixOnlineDeals

Places & Souvenirs - CAGAYAN 3 - PJ, I Love YouWhere stories live. Discover now