Nakatira ako sa dulong bahagi ng Erewhon. Bata pa lamang ako ay nasaksihan ko na ang paghihirap at pagpupursigi ng mga taong naninirahan dito. Mahirap ang buhay ngunit palagi silang nakangiti at nagtutulungan. Maliit lang ang bayan namin ngunit mayaman naman ito sa mga isda at pananim. Dahil dito, madami ang mga nagtatangkang pabagsakin at sakupin ito. Pagtuntong ko sa edad na labing dalawa ay nagsanay na agad ako. Kakaunti lamang ang bilang ng mga taong nagtataglay ng natatanging kakayahan dito kaya naman ay nagsasama-sama kami upang bantayan at panatilihin ang kapayapaan sa aming bayan. Ngunit makakaya ko bang iligtas ito kung pati ang mga nasa taas ay naghahangad nang burahin ito nang tuluyan sa mapa? Maliligtas ko ba ang mga minamahal ko sa buhay at mapapanatili ko ba ang mga ngiti sa kanilang mga mukha? Hindi ako isang bayani, ngunit sisikapin kong iligtas ito. Hindi ko hahayaang mapunta ito sa mga mapanlinlang at mapang-abusong tao. Ang aking misyon ay ang iligtas ang Erewhon.