Espasiyo ng Pusa

By MiCynnamon

1.8K 75 5

A compilation of one shot stories of different genres. This compilation may include humor, romance, horror, f... More

Lavender
Sa Muling Pagtatagpo
Pulang Rosas
Sighisoara, Romania: Eros & Miya
Daisuki Da Yo (I Really Like You)
The Latin
Kalapating Mababa ang Lipad
29th Day of February
Maruja
Pan de los Muertos
Sunday with Anastasia
Sweet Delights
The World Beyond the Moon
Pluviophile
Gruss Vom Krampus
S.A.W.I.: Single at Walang Iniintindi
21st Century Machine

Tanikala't Rosas

55 4 0
By MiCynnamon

Mataas na ang sikat ng araw ngunit hindi naman gaanong ramdam ang init sa malawak na lupain ng Hacienda Salvador.

Makulimlim ang ibang parte ng hacienda dahil sa naglalakihang puno ng mangga na hitik na hitik sa bunga. Makikita ang pagsayaw ng mga dahon sa ihip ng hangin. Napakagandang pagmasdan ng buong paligid.

Sa gitna ng malawak na lupain, makikita ang isang napakagandang babae. Marahan itong tumatakbo habang may matamis na ngiti sa mga labi. Makinis ang balat nito na animo'y pinapaliguan ng gatas araw-araw at mas tumingkad naman ang suot nitong puting bestida, lalo pa sa tuwing tumatapat iyon sa sinag ng araw.

Makikita ang natural na kagandahan ng babae. Maamo ang mukha at namumungay ang mga mata. Ang kaniyang itim at matingkad na buhok ay isinasayaw ng hangin habang siya ay tumatakbo. Animo'y isang bagong pitas na rosas na walang sinuman ang hindi mabibighani.

Maraming lalaking trabahador ang naroon ngayon sa malawak na hardin ng Hacienda Salvador, nakatulala habang nakatitig sa magandang amo. Marami sa kanila ang pinagpapantasyahan ang babae at nagnanais na manligaw rito ngunit sa kasamaang palad, hindi na malaya pa ang babae dahil pagmamay-ari na ito ni Don Emilio.

"Sinungaling!"

Isang malakas na sampal ang dumapo sa pisngi ni Barbara na ikinapiling ng kaniyang mukha sa ibang direksiyon. Namimilog ang mga mata nang muli niyang tingnan ang matandang lalaki.

"Malandi ka! Hindi pa ba sapat ang lahat ng ibinibigay ko sa 'yo?"

Naramdaman ni Barbara ang pangingilid ng luha sa kaniyang pisngi. Ilang beses siyang umiling sa pagbibintang ng matandang Don ngunit wala siyang nagawa kundi ang lumuha.

"H-Hindi 'yan totoo, Emilio! Hindi!"

Umigting ang panga ng matanda at nagkuyom ito ng kamao. Sasabog na ito na parang bulkan. Hindi na napigil pa ang sarili at muling dumapo ang kamay sa pisngi ng babae. Sa pagkakataong iyon, bumagsak sa kama si Barbara. Mabilis niyang nalasahan ang malansang dugo mula sa kaniyang pumutok na labi.

Dinuro ni Don Emilio ang batang asawa. May kung anong init ang kumukulo sa kaniyang loob na umakyat hanggang sa kaniyang ulo.

"Iyan ang nararapat sa 'yo! Akala mo ba, hindi ko napapansin ang ginagawa mo sa tuwing nasa harap ka ng mga trabahador ko?"

Lumuhod pa ang matanda sa ibabaw ng kama kung nasaan si Barbara. Marahas niyang hinila ang buhok ng babae saka ipiniling ang mukha sa kaniya.

"Hindi ka pa rin nagbabago, malandi ka pa rin!"

Nang bitiwan siya ni Don Emilio, narinig niyang papalabas ng pinto ang mga yabag nito. Sa pagkakataong iyon, hindi na niya napigil pa ang sarili. Ang luhang ilang buwan na rin niyang sinisikil ay tuluyan nang umagos sa kaniyang pisngi.

Padapa siyang nakahiga sa kama habang tahimik na lumuluha sa mapait niyang kapalaran. Ilang sandali pa, naramdaman na niya ang paghagod ng isang kamay sa kaniyang likod. Nang mag-angat siya ng mukha, bumungad sa kaniya ang naluluhang kapatid na babae. Mabilis itong yumakap sa kaniya ng mahigpit.

"Anna," nasambit niya bago gumanti ng yakap dito.

Walang patid ang pag-agos ng kaniyang mga luha. Sa ngayon ay sa nakababatang kapatid at sa ina na lamang siya kumukuha ng lakas ng loob.

"Tahan na, ate."

Ramdam niya ang panginginig ng balikat nito. Alam niyang lumuluha ito para sa kaniya.

Ilang minuto rin sila sa ganoong ayos. Para bang ayaw na niyang bumitiw sa kanilang yakap dahil natatakot siyang maiwan mag-isa kasama ang malupit na asawa. Nabalik lang siya sa reyalidad nang marinig ang sinabi ng kapatid.

"Kailangan malaman 'to ni Inay, ate. Hindi puwede ang ginagawa sa 'yo ng matandang 'yon!"

Nanlaki ang kaniyang mga mata sa narinig bago paulit-ulit na umiling.

"Huwag," pigil niya bago nagmamadaling tumayo at saka naglakad patungo sa malaking salamin ng silid. "Hindi na 'to kailangang malaman pa ni Inay. Huwag mo nang ipaalam sa kaniya."

Mabilis niyang pinalis ang mga luha sa kaniyang pisngi gamit ang likod ng kaniyang mga kamay.

"Pero, ate—"

Hindi na naituloy pa ni Anna ang sasabihin nang matalim niya itong titigan mula sa repleksiyon ng salamin. Ang dami na niyang naisakripisiyo at malayo na rin ang kaniyang narating para itapon lang ang lahat at muling bumalik sa putikan. Isa pa, may sakit ang kanilang ina, ayaw na niyang mag-alala pa ito sa kaniya.

Humugot siya ng malalim na hininga bago nag-umpisang ayusan ang sarili. Nagtungo siya sa walk-in closet nila upang mamili ng damit na maisusuot para sa gaganaping piging mamayang gabi.

Marami ang naglalaro sa kaniyang isip, maraming pagsisisi ang pilit na nagsusumiksik, pero isa lang ang sigurado siya, ilang ulit man niyang pagsisihan ang ginawa, hindi na niya maibabalik pa sa dati ang lahat.

Narinig niya ang paghugot ng malalim na hininga ni Anna. Huminto siya sa ginagawa bago nilingon at pinagmasdan ang kapatid. Mababakas sa mga mata nito ang matinding lungkot habang nakatitig sa kaniya.

Nagpakawala siya ng malungkot na ngiti bago isinuot sa katawan ang kulay rosas na roba at muling nagbalik sa tabi ng kapatid. Mahigpit niyang hinawakan ang mga kamay nito habang naroon pa rin ang malungkot na ngiti sa kaniyang mga labi.

"Ayos lang ako, Anna. Ayos lang si Ate," paninigurado niya rito.

Alam niyang hindi na ito basta-bastang maniniwala sa kaniya. Labing anim na taon na ito, hindi na bata katulad noon na madali niyang mapaniwala sa mga binibitiwan niyang pangako sa tuwing sinusubok sila ng problema.

"Sinasabi ko na, e. Unang kita ko pa lang sa matandang 'yon, alam ko nang may itinatago siyang kalupitan!" nagtagis ang bagang nito matapos sabihin iyon.

Dumungaw rin ang ilang butil ng luha mula sa naniningkit nitong mga mata.

"Bakit kasi ito pa ang pinili mo, ate?"

Sandali namang natigilan si Barbara sa narinig, mabilis na nagbalik sa kaniya ang mga alaala kung kailan mas nanaig sa kaniya ang pera kaya ngayon ay naririto siya sa sitwasyon na ito.

"Kung hindi mo lang sana pinili 'to," kusang huminto sa pagsasalita si Anna bago malayang inikot ang tingin sa buong silid.

Doble ang laki ng kuwartong iyon kumpara sa maliit nilang bahay noon sa squatter's area. At mula sa mga mamahaling gamit sa paligid, lumipat ang tingin nito sa malaking kama na kinauupuan nila.

"Kung hindi mo lang pinili ang karangyaan, ate, kahit naghihirap tayo ngayon, naging masaya ka sana," dagdag pa nito nang muling ibaling sa kaniya ang atensyon.

Nag-iwas siya ng tingin dahil alam niyang totoo ang lahat ng sinabi nito. Mas pinili nga niya ang pera, kaya ngayon, nagdurusa siya.

"Itama mo na lang ang pagkakamali mo, ate. Lahat naman ng mali, naitatama, 'di ba?"

Nabitiwan niya ang kamay ng kapatid matapos marinig ang mga sinabi nito. Lumunok siya bago muling tumayo at nagtungo sa terasa ng silid. Mula roon, napagmasdan niya sa labas ang mga abalang katulong at trabahador ng kaniyang asawa. Inaayos ng mga ito ang mga palamuting gagamitin sa mga lamesa at silya sa buong hardin.

Naramdaman niya ang paglapit ni Anna sa kaniyang tabi. Ramdam niya rin ang malamig nitong kamay na kumapit sa kaniyang braso kaya nilingon niya ito.

"Kung hindi mo man magawang baguhin ang desisyong pinili mo, puwede mo naman sigurong balikan 'yong desisiyon na hindi mo pinili, 'di ba?"

Muli siyang lumunok nang marinig ang sinabi ni Anna. Bumilis ang pintig ng kaniyang puso at doon, muli niyang naramdaman ang isang pamilyar na sakit.

"Si Kuya Agusto."

Ilang beses siyang kumurap bago muling ibinaling ang atensyon sa labas. Muli niyang pinagmasdan ang malawak na lupain ng Hacienda Salvador at isang malalim na hininga ang kaniyang pinakawalan habang unti-unting nagbabalik sa kaniya ang pangyayari mula sa nakaraan.

Hindi na mabilang ni Barbara kung ilang buntong-hininga na ang kaniyang ginawa habang ninanamnam ang masarap at malamig na simoy ng hangin. Malamlam at kulay kahel na ang langit. Pinagmamasdan niya ang unti-unting paglubog ng araw mula sa maliit na bintana ng kanilang silid. Noon, payapa ang hatid kay Barbara ng gabi ngunit ngayon—isang pighati.

"Ate, kailangan ko na ng limang daan na hinihingi ko sa 'yo. Malapit na kasi ang pagsusulit namin, e."
Nakangiting lumapit sa kaniya ang kapatid na si Anna saka siya binigyan ng isang halik sa pisngi.

"Saka nga pala, ate, ayaw na tayong pautangin ng sardinas ni Aling Donna. Mahaba na raw ang listahan ng utang natin sa kaniya."

Natigilan siya sa paglalagay ng kolorete sa sariling mukha bago kunot-noong nilingon ang nakababatang kapatid.

"Ano ba naman 'yan. Kababayad ko lang noong huling buwan, a?"

"Pero, ate, araw-araw kaya tayo umuutang kay aling Donna kaya dumarami agad ang—"

Hindi na niya ito pinatapos na magsalita. Ikinumpas niya ang kamay upang patigilin ito bago tumayo.

"O, sige na, oo na. Hintayin n'yo na lang ako ni Inay mamaya. Sa market-market na ako bibili ng pagkain."

Nakita niya ang pagliwanag ng mukha ng kapatid. Nakaramdam siya ng awa para dito. Alam niya na sabik itong kumain ng masasarap na pagkain, lagi kasing sardinas ang kanilang ulam at kung mamalas-malasin pa, minsan ay toyo lang at asin.

Bumuntong-hininga siya bago muling pinagmasdan ang sarili sa mahabang salamin sa kaniyang harap. Suot niya ang isang pulang bestida na talagang hapit sa kaniyang katawan, dahilan upang mas lalong makita ang kaniyang napakagandang kurba. Kitang-kita rin ang pinagpala niyang hinaharap. Sumilay ang isang ngiti mula sa mapupula niyang mga labi. Lalong lumakas ang taglay niyang alindog sa ganoong ayos.

Matapos maglagay ng pabango, ginulo muna niya ang buhok ng kapatid na nakatayo pa rin sa kaniyang tabi.

"O, ikaw na'ng bahala kay inay, ha? Ikandado mo ang pinto," paalala pa niya na tinanguan naman nito.

Matapos magpaalam sa kanilang ina, tuluyan na siyang lumabas ng bahay upang gumayak sa trabaho.

Dahil sa katandaan, mahina na rin ang kanilang ina at naging sakitin pa ito. May edad na kasi ito nang ipagbuntis siya noon. Maaga rin silang iniwan ng kanilang tatay kaya sa murang edad, natuto na siyang magbanat ng buto upang makatulong sa gastusin nila sa bahay lalo pa at buntis na noon ang kaniyang ina kay Anna.

Taas-noo niyang tinahak ang mahabang eskinita ng kanilang lugar. Pinagtitinginan pa siya at pinag-uusapan ng mga kapitbahay niyang tsismosa.

"Sige lang, mainggit kayo sa ganda ko!" bulong niya sa sarili.

Ngumiti siya at mas lalong itinaas ang noo. Gusto niyang ipakita sa lahat ng taong naroon ang kaniyang kagandahan, ang gandang kayang makagayuma sa kahit sinuman. Gusto niyang maalala ng lahat ng taong nangmamaliit sa kanila ang kaniyang mukha dahil ang mukhang ito ang mag-aalis sa kaniya sa kahirapan.

Samantala, nang sumapit ang alas-otso ng gabi ay maririnig na ang malakas na hiyawan ng mga manonood sa loob ng klab, animo'y tuwang-tuwa ang mga ito sa kanilang nakikita. Karamihan sa kanila ay kalalakihan. Napapailing na lang ang matandang Don sa mga lalaking tila asong-ulol habang nakatitig sa babaeng nasa entablado.

"Buong gabi ulit, sir? Table lang?"

Nilingon ng Don ang babaeng waitress na kapiraso na lang ang suot. Ngumiti siya rito bago tumango.

"Ang suwerte naman ni Barbara, Sir Emilio. Sa susunod, kami naman ang i-table mo."

Kumindat pa sa kaniya ang seksing waitress bago tuluyang umalis.

Muli naman niyang pinagmasdan ang magandang babaeng nagsasayaw sa itaas ng entablado. Malamlam ang ilaw ng paligid, mausok at maingay ngunit hindi niyon nabawasan ang kagandahang taglay ni Barbara habang sumasabay ito sa saliw ng tugtuging nakasalang.

Dahan-dahan itong gumiling pababa habang kagat ang labi na siyang nagpalakas lalo ng hiyawan ng mga tao.

Natigilan lang ang matandang Don nang biglang may lalaking umakyat sa entablado. Nais yata nitong hawakan ang babae ngunit mabuti na lang ay mabilis itong napigilan at nailayo ng mga bouncer.

Naghintay sa kaniyang table si Don Emilio hanggang sumapit ang alas-otso y medya ng gabi. Hanggang alas nuebe talaga ang oras ni Barbara sa pagsasayaw ngunit dahil nariyan ang matandang Don, kalahating oras lang siya sa gawaing iyon. Lagi siyang itinitable ng matanda hanggang sa oras ng kaniyang labas kapalit ng malaking halaga.

Tuwang-tuwa naman si Barbara sa tuwing nariyan si Don Emilio. Bukod kasi sa galante ito magbigay ng 'tip', hindi ito bastos kagaya ng iba. Ang tanging ginagawa lamang nila sa tuwing itini-table siya nito ay magkuwentuhan tungkol sa kanilang buhay. Pero syempre, lalaki pa rin si Don Emilio kaya paminsan-minsan ay hindi napipigilang gumapang ang kamay nito sa kaniyang hita o mga braso pero maliban doon ay wala na, kaya naman maraming lalaking nanggagalaiti sa matanda dahil hindi nila magawang itable si Barbara sa tuwing nariyan ang Don. Marami rin sa mga kasamahan ni Barbara ang naiinggit sa kaniya. Katumbas na kasi ng pang-isang linggong kita nila ang nakukuha ni Barbara sa isang gabing pakikipag-usap kay Don Emilio.

"Lumabas naman tayo minsan, ha?" ngumisi ang Don matapos hagurin ng tingin ang kabuuan ni Barbara.

Ngumiti naman nang ubod tamis si Barbara sa matanda.

"Don Emilio naman, alam n'yo namang hanggang sayaw lang ako."

Tumango ang Don sa narinig. Ngumisi ito nang huminto ang kotse sa kanilang harap.

"Alam ko, iha, at alam mo rin na kaya kong ibigay sa 'yo ang lahat. Isa pa, wala naman tayong gagawin. Kakain lang tayo sa labas at siyempre, ipagsa-shopping na rin kita."

Lumapad ang ngiti sa mga labi ni Barbara pero hindi na siya sumagot pa dahil baka kung saan na naman umabot ang kanilang pag-uusap.

Matapos umalis ng Don, mabilis niyang tinungo ang daan patungo sa market-market ng kanilang lugar. Malapad ang ngiti sa kaniyang mga labi dahil sampung libo rin ang nakuha niyang tip sa matanda.

"Magiging mayaman din ako," mariin pa niyang bulong habang nakatitig sa kalsada kung saan dumaan ang kotse ni Don Emilio.

Matapos bumili ng makakain, nakangiti niyang tinahak ang daan pabalik sa kanila. Hindi mawaglit sa kaniyang isip ang bagay na naikuwento sa kaniya ni Don Emilio kanina. Wala na pala itong asawa at bukod sa nag-iisa na lang sa buhay, napakayaman din nito.

"Jackpot!" sigaw ng kaniyang isip.

Kung ang matandang Don ang kaniyang mapapangasawa, maiaahon siya nito sa hirap. Mapag-aaral na niya ang kaniyang kapatid, pati na rin ang kaniyang sarili. Mabibili na rin niya ang mga gamot ng kanilang inay at higit sa lahat, makukuha na niya ang lahat ng kaniyang naisin.

Nasa ganoon siyang pag-iisip nang bigla siyang matigilan.

Isang lalaking nakasandal sa pader ng eskinita ang kaniyang nakita. Nakasuot ito ng simpleng puting kamiseta at kupas na pantalon. Napangiti pa siya nang makitang bakat sa suot nitong damit ang maskulado nitong pangangatawan. Mukhang nagbubunga na ang pagbubuhat nito ng mabibigat na bagay sa palengke. Pasimple niyang inayos ang nakalugay na buhok at ang suot na bestida.

"Agusto, ano na naman ang ginagawa mo rito?"

Napatuwid ng tayo si Agusto. Nagliwanag agad ang kaniyang mukha nang makita ang babaeng kanina pa hinihintay. Napapakamot pa siya ng ulo habang nakatingin sa maamong mukha ni Barbara.

"Pasensiya ka na, hindi ko kasi mapigilang sunduin ka. Gusto ko lang masigurong ligtas kang makauuwi."

Palihim na napangiti si Barbara sa narinig. Ang laki na talaga ng ipinagbago ni Agusto. Mula sa pagiging pulubi, ngayon ay puwede mo na itong ihilera sa mga guwapong artista sa telebisyon, kung itsura din naman ang pagbabasehan.

Nakilala niya si Agusto mahigit anim na buwan na ang nakaraan. Isa itong pulubi na palaboy-laboy sa kalsada at nangangalkal ng basura para may maipantawid gutom sa kumakalam na sikmura. Masuwerte siya dahil nang isang gabing kamuntikan na siyang gahasain ng lalaking sinundan pa siya mula sa klab, naroon si Agusto upang iligtas siya.

Bilang pasasalamat, hinayaan niya itong tumira sa maliit nilang bahay. Ayaw sana niyang pumayag noong una ngunit mapilit ang kaniyang kapatid na si Anna. Gusto kasi nito ng kuya. Pero siyempre, hindi nila sagot ang pagkain ng lalaki pero ano pa nga ba ang magagawa niya? No read, no write si Agusto, kaya wala itong mahanap na trababo. Wala na rin siyang nagawa kundi ang ambunan ito ng kakarampot nilang grasya. Sa ngayon, nagtatrabaho ang lalaki sa palengke.

"Nagpapaturo ako kay Anna kung paano bumasa at sumulat. Gusto ko kasing makahanap ng maayos na trabaho. Iyong mas malaki ang suweldo para maialis na kita sa trabaho mo."

Huminto sa paglalakad si Barbara bago nilingon ang lalaki. Siniyasat niya ito ng tingin mula ulo hanggang paa.

Nabahala naman si Agusto, naisip niyang baka hindi nagustuhan ni Barbara ang huli niyang sinabi.

"Alam mo, Agusto, kahit magtrabaho ka pa buong araw, wala kang mahihita. Mahirap ang buhay ngayon. Isa pa, baka nalilimutan mong walang seryosohan ang relasyon natin kaya tigil-tigilan mo na ang ka-e-effort diyan!" umirap si Barbara matapos sabihin iyon.

Ewan niya kung bakit sobra ang pagmamalasakit sa kaniya ng lalaki. Guwapo ito, matipuno at mabait pero hindi niya magawang mahalin dahil pareho silang dukha. Kung magustuhan, baka puwede pa.

"Naiintindihan ko."

Isang tipid na ngiti ang sumilay sa mga labi ni Agusto.

"Pero gusto ko pa ring subukan para sa 'yo, Barbara, at para na rin kina Inay at Anna."

Hindi na nakipagtalo pa si Barbara dito dahil alam niyang hindi siya mananalo kay Agusto kaya matapos ang kanilang naging pag-uusap ay dumiretso na sila ng uwi.

Inaagaw pa ng antok ang diwa ni Barbara nang malanghap niya ang amoy ng masasarap na pagkain. Nang maramdaman ang pagkalam ng sariling sikmura ay tuluyan na niyang iminulat ang mga mata at bumangon.

"Magandang umaga," bati sa kaniya ni Agusto nang makalabas siya ng maliit nilang silid.

Kinilig pa siya sa paraan ng pagkakangiti ng lalaki—ang guwapo kasi nito, pero hindi na niya napigilan pa ang tuluyang pagsilay ng ngiti sa kaniyang mga labi nang abutan siya nito ng isang piraso ng pulang rosas.

"Sa ngayon, hindi pa kaya ng bulsa ko ang isang dosena pero hayaan mo, babawi ako." muli itong ngumiti matapos sabihin iyon.

Nakahanda na sa maliit nilang lamesa na gawa sa manipis na kahoy ang ilang pirasong hotdog, dalawang itlog, tocino, kanin, at may nakatimpla pang juice.

"Wow, ang sosyal naman! May pa-juice-juice ka na ngayon, a! Saan mo naman nakuha ang perang pinambili nito, aber?" nakapamaywang pa niyang usisa kay Agusto.

Tumawa lang ang lalaki.

Nag-umpisa na silang kumain. Naikuwento sa kaniya ni Agusto na may tinulungan itong babae sa palengke kahapon. Kamuntikan nang madukutan, mabuti na lang dahil naroon ito. Binigyan naman ito ng pera ng babaeng natulungan bilang pabuya. Ayaw pa nga raw sana nitong tanggapin pero nang magpumilit ang babae, tinanggap na rin nito.

"Bibigyan niya rin ako ng trabaho, Barbara. Malaki raw ang susuweldohin ko ro'n," nakangiting wika ni Agusto habang nginunguya ang sariling pagkain.

Umismid naman si Barbara sa narinig. Mabilis na nagsalubong ang kaniyang dalawang kilay bago umirap.

"Naku, e, baka naman type ka lang ng babaeng 'yan?" masungit niyang sabi kay Agusto.

Natigilan sa pagkain ang lalaki. Kumunot ang noo nito habang pinagmamasdan ang nakasimangot na mukha ni Barbara. Makalipas ang ilang segundo, sumilay ang ngiti sa kaniyang mukha.

"Barbara, may edad na 'yong babaeng natulungan ko. Baka nga may asawa't anak na 'yon. Isa pa, kahit sino pang babae 'yan, nag-iisa lang ang laman ng puso ko."

Biglang nag-iba ang eskpresyon ng mukha ni Barbara. Namula ang kaniyang pisngi at bumilis ang pintig ng kaniyang puso.

"Ewan ko sa 'yo, Agusto! Hay naku, kumain na lang tayo," nakangiti niyang wika.
Pakiramdam niya, lumalakas ang kabog ng kaniyang dibdib sa bawat minutong kausap ang lalaki.

Labis namang ikinatuwa ni Agusto ang nakikitang reaksyon ni Barbara. Kahit papaano kasi, alam niyang may nararamdaman din ito sa kaniya dahil sa pasimpleng pagseselos nito.

Nang sumapit ang gabi, parang papel na nilukot ang mukha ni Barbara dahil sa labis na pagkainis. Wala kasi ang matandang Don sa mesa nito. Ibig sabihin, isang oras na naman siyang magsasayaw sa entablado. Hindi lang iyon, maliit na halaga na naman ang kikitain niya dahil puro mahirap ang kaniyang magiging parokyano.

Muli siyang umirap habang palakad-lakad sa loob ng dressing room ng klab. Halos mapudpod na ang kaniyang kuko sa kakakagat pero ang inis na kaniyang nararamdaman ay mabilis na napalitan ng tuwa nang malaman mula sa namamahala sa klab na hindi siya magsasayaw ngayong gabi.

"Magkita tayo sa Hardin ng Orkidya," basa ni Barbara sa nakasulat sa papel.

Inabot iyon sa kaniya ni Misis Torres at may kasama pa itong isang tangkay ng pulang rosas.

Matapos amoy-amuyin ang rosas, mabilis nang nagpalit ng damit si Barbara upang gumayak. Hindi raw alam ni Misis Torres kung kanino galing ang sulat at ang perang iniwan para sa isang gabing kasama siya pero mukhang alam na niya kung kanino ito galing.

"Saan na naman kaya siya nakakuha ng pera?" nakangiti pang tanong ni Barbara sa sarili.

Nasasabik niyang tinungo ang Hardin ng Orkidya, isang restaurant na malapit sa kanila. Nakasuot siya ng signature dress— pulang bestida na hapit sa kaniyang katawan. Nilugay pa niya ang mahabang buhok upang mas magmukhang kaakit-akit.

Nang marating ang restaurant, bumungad sa kaniya ang mga pulang rosas na palamuti sa paligid. Mula sa lamesa, silya, at maging sa daanan gayun din ang mga string lights na nakasabit sa pader. Kay ganda! Bakas sa buong pagmumukha ni Barbara ang labis na kasayahan, ngunit nang masilayan ang lalaking naghihintay sa kaniyang pagdating, unti-unting naglaho ang ngiti sa kaniyang mga labi. Hindi ito ang lalaking inaasahan niya. Pero sino nga ba ang niloloko niya? Hindi naman kayang magpa-reserve ni Agusto sa ganitong kamahal na restaurant. At sino ba ang lalaking handang magbayad nang malaki para lang sa isang buong gabing kasama siya? Si Don Emilio.

Mabilis na sumilay ang malapad na ngiti sa mukha ng matandang Don nang tuluyan siyang lumapit dito. Agad nitong inabot sa kaniya ang isang pumpon ng mga bulaklak at isang itim na kahon. Nagtaka pa si Barbara nang makita iyon, pero nang buksan ito ng matanda, sumilay ang ngiti sa kaniyang mga labi.

"Para sa pinakamagandang babaeng nakilala ko," sabi pa ng Don.

Bakas naman sa mukha ni Barbara ang pinaghalong gulat, tuwa, at pagkamangha habang nakatitig sa brilyanteng kuwintas.

Pasaso alas diyes y medya ng gabi nang makauwi si Barbara sa kanilang bahay. Isang linggo na rin ang lumipas mula nang regaluhan siya ng Don ng mamahaling kuwintas. At simula nang araw na iyon, parati na siyang lumalabas kasama nito sa tuwing natatapos ang kaniyang sayaw. Napakagalante naman kasi ng Don sa kaniya. Lagi siyang ipinapasyal sa mga mall, lagi silang kumakain sa mamahaling restaurant at lagi siyang ipinamimili ng mga damit 'tulad ngayon. Puno na naman ang kaniyang dalawang kamay ng mga shopping bags.

"Lumabas na naman kayo?"

Bumungad kay Barbara ang matalim na mga titig ni Agusto. Madilim ang mukha nito at mukhang kanina pa siya hinihintay.

Umirap naman si Barbara bago naglakad papunta sa maliit na silid ngunit mabilis siyang pinigilan ni Agusto.

"Naghintay ako sa 'yo sa labas ng klab, Barbara! 'Di ba sinabi ko nang huwag kang sasama sa matandang 'yon?"

"At bakit? Wala naman kaming ginagawang masama, a! Ipinamili niya lang ako ng mga damit!"

"At anong kapalit?"

Natigil ang dalawa sa pagtatalo nang marinig ang mga sigaw ni Anna mula sa loob ng silid.

"Ate, Kuya Agusto, si nanay— tulong!"
Nahigit ni Barbara ang hininga nang marinig ang sigaw ng kapatid. Nang pasukin nila ang
maliit na silid kung nasaan ang mga ito ay nahintakutan siya sa nakitang ayos ng kaniyang ina. Namumutla na ang ito at nahihirapan na ring huminga kaya mabilis nila itong isinugod sa ospital.

Nang makarating doon, mabilis na nanlumo si Barbara nang malamang may sakit ito sa puso at kinakailangang operahan sa lalong madaling panahon at malaking halaga ang kanilang kakailanganin. Hindi bababa sa kalahating milyon ang perang dapat ihanda para sa gagawing operasyon.

Tila pinagsakluban ng langit at lupa si Barbara nang mga oras na iyon. Hindi niya kakayaning mawala ang kanilang ina, ngunit saang kamay ng Diyos naman niya kukunin ang ganoon kalaking halaga?

Lumipas ang isang araw at naiwan sa ospital si Barbara habang lumuluha.

Napuntahan na niya ang mga taong puwede niyang lapitan para utangan ngunit kahit singkong duling ay walang naiabot ang mga ito sa kaniya.

Halos buong araw na ring hindi bumabalik si Agusto. Nagpaalam itong maghahanap ng pera para sa operasyon, pero alam niyang 'tulad niya, babalik din itong bigo. Nasa ganoon siyang pag-iisip nang maramdaman ang pag-vibrate ng kaniyang selpon. Nang tingnan niya iyon, mabilis niyang pinahid ang mga hula sa pisngi bago tumayo at nag-umpisang maglakad.

Nang marating ang bukana ng ospital, tanaw na niya sa kabilang kalsada ang kotse ni Don Emilio. Hahakbang na sana siya patungo roon nang bumungad sa harap niya si Agusto. Kagaya niya, bakas din sa mukha nito ang matinding pagod.

"Hindi ka sasama sa kaniya," mariing wika ng lalaki.

Humugot ng malalim na hininga si Barbara.

"Puwede ba, huwag ka nang makialam?"

Akmang lalagpasan na niya ito ngunit mahigpit siyang hinawakan nito sa braso.
Bakas sa mukha ng lalaki ang matinding sakit na nararamdaman nang masuyo nitong hawakan ang kaniyang kamay.

"Nakahiram ako ng pera kay Ma'am Celeste," natigilan siya sa narinig.

Kunot-noong tinitigan niya ito na puno ng pagtataka.

"Mabait siya, matutulungan niya tayo."

Sandali siyang natigilan, pero makalipas ang ilang sandali ay marahas siyang umiling bago naramdaman ang paglandas ng luha sa sariling pisngi.

"Tama na, Agusto, puwede ba? Maghanap ka na lang ng ibang babaeng mamahalin," mapait niyang sabi, "Pera ang kailangan ko, Agusto, hindi pag-ibig!"

Nagulat si Barbara nang lumuhod sa kaniyang harap ang lalaki. Unti-unting naglandas ang mga luha sa pisngi nito.

"Gagawin ko ang lahat para sa inyo, Barbara dahil kayo na lang ang pamilya ko. Parang awa mo na, huwag mong gawin ito."

Tuluyang bumuhos ang masaganang luha sa kaniyang pisngi. Nilingon niya ang kinaroroonan ni Don Emilio na ngayon ay nasa labas na ng kotse nito at nakatanaw sa kanila.

Muli siyang humugot ng malalim na hininga bago pinahid ang mga luha sa pisngi.

"Mayaman ka ba? Hindi, 'di ba? Mabibili mo ba ang mga gamot ni Inay? E, ang pag-aaral ng kapatid ko, masasagot mo? Paano naman ang mga luho ko, kaya mo bang ibigay? Hindi, 'di ba, kaya hindi rin kita kailangan!"

Napalunok siya nang maramdaman na parang may bumara sa kaniyang lalamunan. Nag-iwas siya ng tingin mula kay Agusto nang mabakas ang matinding sakit at pagkabigo sa mukha nito.

"Mas mahalaga sa akin ang pera, Agusto! Higit na mas mahalaga kaysa sa pag-ibig mong walang kuwenta!"

"Barbara, huwag— "

"Kalimutan mo na ako."

Naglandas ang luha sa mga pisngi ni Barbara matapos magbalik-tanaw sa mga alaalang pilit na niyang ibinabaon sa lupa ngunit laman pa rin ng kaniyang puso. Muli siyang nagpakawala ng malalim na hininga bago nilingon ang kapatid na si Anna.

"Hindi ko na siya puwedeng balikan. Nangyari na ang nangyari, marami na ring nagbago."

Dalawang taon na ang lumipas at maliban sa pagiging mayaman ay hindi siya naging masaya. Matapos nilang ikasal ng Don, nagbago ang ugali nito; naging mainitin ang ulo at laging nananakit. Sa kabila ng kaniyang paghihirap, nagawa naman niyang pag-aralin ang kapatid, gumaling na rin ang kaniyang ina at nakukuha na niya ang lahat ng kaniyang naisin.

Kung mayroon man siyang hindi pinagsisihan, ito iyon, ang bunga ng kaniyang desisyon—ang karangyaan.

Ngunit sapat na nga ba talaga ang pera para maging maayos ang lahat?

Sa gitna ng malawak na hardin, makikita ang mag-asawang Don Emilio at Barbara Salvador. Nakapulupot ang kamay ng Don sa baywang ng batang asawang si Barbara. Nakasuot ang babae ng puting gown na hapit sa kaniyang katawan. Nakalugay ang kaniyang buhok na ipinakulot pa niya para lang sa piging. Nakangiti ang dalawa sa kanilang mga bisita.

Hindi katagalan, dumating na rin ang isa sa pinakaimportanteng tao sa kanilang okasyon—si Celeste Andres, ang isa sa may pinakamalaking share sa kompanya ni Don Emilio. Nakapulupot ang kamay nito sa braso ng lalaking napababalitang pakakasalan nito, ang lalaking kanina pa ninanais makita ni Barbara—si Agusto.

Nagkumustahan agad sina Don Emilio at Celeste. Nang magtama naman ang kanilang paningin ng may katandaang babae, ngumiti lang ito sa kaniya bago bumitiw sa braso ni Agusto. Tumango ito sa lalaki saka niyaya si Don Emilio sa study room kasama ng iba pa nilang kasosyo. Bago tuluyang umalis, matalim na tumitig sa kaniya ang Don.

Naiwan silang magkasama ni Agusto.

"Nabalitaan ko ngang ikakasal siya," panimula ni Barbara.

"Pero hindi ko inakalang sa 'yo."

Umiling pa siya habang nakatitig sa walang emosyong mukha ni Agusto.

"Pareho lang pala tayo. Para sa pera—"

"Para sa pera, handa akong gawin ang lahat," agaw ni Agusto sa sinasabi niya.

"Ang pinagkaiba lang natin, nakahanda akong gawin ang kahit na ano, maski ito, para sa 'yo."
Umiling pa ang lalaki bago sumilay ang mapait na ngiti sa mga labi nito.

"Naisip kong kapag naging mayaman ako gaya ni Emilio, baka piliin mo na ako."

Natahimik si Barbara sa narinig. Naibaba niya ang mga kamay na kanina lang ay nakatupi sa kaniyang dibdib.

"Pero mabait si Celeste. Tinanggap niya ako sa kabila ng pagiging mahirap ko at sa tingin ko, Barbara, hindi ko na magagawang saktan ang babaeng 'yon para lang sa 'yo."

Napalunok si Barbara nang tuluyan itong matapos sa pagsasalita.

Hahakbang na sana palayo ang lalaki nang pigilan niya ito sa kamay.

"N-Natakot akong piliin ka, dahil hindi ko alam kung anong naghihintay sa atin sa hinaharap." marahas siyang umiling sa lalaki.

"P-Patawarin mo ako, Agusto. Natakot lang ako."

Malungkot naman na ngumiti sa kaniya si Agusto bago tumango.

"Tanggap ko na," halos pabulong nitong sabi.

"Barbara, lagi mong ingatan ang sarili mo."

Humigpit ang pagkakahawak niya sa kamay nito, saka malungkot na tumango.

Kahit dalawang taon na rin ang lumipas, mababakas pa rin sa mukha ni Agusto ang labis na sakit at kabiguan pero ngumiti ito sa kaniya na para bang tanggap na nito ang pagbabago sa kanilang buhay. Ang pagbabagong dulot ng mga maling desisyong pinili niya.

Bahagyang ngumiti sa kaniya si Agusto bago bumitiw sa kaniyang kamay at tuluyan siyang iniwan.

Habang pinagmamasdan ang unti-unting paglayo ng lalaki, para siyang ibinalik sa nakaraan kung kailan siya ang tumalikod dito. Kay sakit pala. Noon lang niya nalaman ang tunay na halaga ng pag-ibig; ang pag-ibig na hindi kayang tumbasan ng kahit na anong halaga, ngunit huli na ang lahat.

Gustong umalpas ng luha mula sa mga mata ni Barbara, pero mariin niya itong pinigilan. Sa halip na luha, hinayaan niyang sumilay ang isang ngiti sa kaniyang mga labi.

Nakalulungkot dahil sa kagustuhan niyang iangat ang sariling buhay ay nasilaw siya sa pera na nagresulta sa desisyon niyang pagpili sa ginto ngunit gintong tanikala naman pala.

Kung maibabalik lang niya ang oras, mas gugustuhin niyang piliin ang minamahal. Mahirapan man siya, malaya naman at masaya kasama ng kaniyang mga mahal sa buhay.

Muli siyang nagpakawala ng buntong-hininga para sa pag-ibig na kaniyang tinalikuran at para sa maling desisyon na nagdulot sa kaniya ng labis na kalungkutan.

Wakas

Continue Reading

You'll Also Like

11.9M 290K 45
Breadwinner Julian Tezan gets the biggest twist of her life when she unexpectedly crosses paths again with billionaire Demitrius Crivelli, the guy sh...
6.7M 244K 52
deceret (n.) latin word for "body to body" When Philodemus Elton Treveron's parents were slayed, the only thing that brings him closer to finding the...
46.4K 198 8
Dalawang lalaki ang makikipag agawan sa dalagang kanilang inalagaan. Si Arthur, ay ang Ama ni Celia. Minahal at inaruga niya ang dalaga hanggang sa t...
141K 219 21
Smut May mga wrong grammar lang po dyan pag pasensyahan nyo🙂