Espasiyo ng Pusa

By MiCynnamon

1.8K 75 5

A compilation of one shot stories of different genres. This compilation may include humor, romance, horror, f... More

Lavender
Sa Muling Pagtatagpo
Pulang Rosas
Sighisoara, Romania: Eros & Miya
Daisuki Da Yo (I Really Like You)
The Latin
Kalapating Mababa ang Lipad
29th Day of February
Maruja
Pan de los Muertos
Sunday with Anastasia
Sweet Delights
The World Beyond the Moon
Pluviophile
Gruss Vom Krampus
S.A.W.I.: Single at Walang Iniintindi
Tanikala't Rosas

21st Century Machine

28 2 0
By MiCynnamon

"May mga bagay sa mundo na hindi mo pa nalalaman, kaya kailangan mong matuklasan. Handa ka na bang alamin ang isang bahagi ng misteryong itinatago ng mundo?"
-Anonymous

NAPANGISI ang lalaki matapos ma-download ang TOR browser, nagsimula na siya sa pag-i-install nito sa kaniyang PC. Hawak ang kapirasong papel sa kaliwang kamay, ilang sandali rin ang kaniyang hinintay upang tuluyan itong matapos ma-install.

"Which of the following best describes your situation?" lumapad ang ngiti sa kaniyang mga labi dahil sa eksaytment na nararamdaman matapos mabasa sa monitor ang mga katagang iyon.

Mabilis niyang pinindot ang 'connect' sa screen at hinintay na kumonekto ang TOR browser sa TOR network. At makalipas lang ang ilang minuto, successful na siyang nakakonekta. Sa pagkakataon namang iyon, pinaandar na niya ang VPN Now sa background upang mas lalong ma-hide ang kaniyang identity. Gumamit na rin siya ng virtual machine na nagsisilbing computer niya or virtual computer sa loob mismo ng kaniyang PC, para kung saka-sakaling atakihin siya ng mga malwares, iyong virtual computer niya ang masisira at hindi maaapektuhan ang mismong computer na gamit niya.

Habang itinitipa sa search engine ang isang link na nagtatapos sa 'onion', napapangisi pa ang lalaki bago tuluyang pinindot ang 'enter' button. Ilang minuto lang ang kaniyang hinintay at nagbukas na ang website ng naturang link, saka bumungad sa kaniya ang isang deep web game na pinamagatang, "21st Century Machine Survival Horror Game".

———

ISANG malalim na hininga ang hinugot ni Ambrosio bago tuluyang iminulat ang mga mata. Bumungad sa kaniya ang walang hanggang kadiliman. Bumilis ang tibok ng kaniyang puso nang unti-unting maramdaman ang malamig at magaspang na lupang kaniyang kinahihigaan.

Ilang beses siyang kumurap bago tuluyang naigalaw ang mga kamay upang matulungan ang sarili na umupo. Naningkit ang kaniyang mga mata. Sunod-sunod siyang napalunok nang mapagmasdan ang paligid—wala siyang ibang nakikita kundi ang matataas na damo at naglalakihang mga puno—nasa gitna siya ng gubat!

Naramdaman ni Ambrosio ang patuloy na pagbilis ng tibok ng kaniyang puso. Nilukuban siya ng matinding takot habang nanginginig ang mga kamay at tuhod nang subukin niyang tumayo.

"T-Tulong..." aniya sa mababang tinig. Sinalubong siya ng nakabibinging katahimikan ng gabi at ng malamig na simoy ng hangin. Unti-unting naglandas ang isang patak ng luha sa kaniyang pisngi.

Pasalamat na lang si Ambrosio sa bilog na buwa'ng nagbibigay tanglaw sa kaniyang paligid. Ngunit hindi iyon nakatulong upang mabawasan ang takot na kaniyang nararamdaman.

Pilit niyang inalala ang mga nangyari kanina. "Paano ako napunta rito?" Iyon ang katanungang paulit-ulit na naglalaro sa isip niya. Ang huli niyang naaalala ay nasa loob siya ng sariling silid habang naglalaro ng isang deep web game. Paanong nangyaring napunta siya sa gitna ng gubat?

Nagpakawala ng buntonghininga si Ambrosio. Sa tingin niya ay nasa gubat siya na malayo sa kabihasnan. Kaya sa halip na sumigaw o umiyak sa isang tabi, pinili niyang humanap ng paraan upang makalabas doon, o kahit makahanap man lang ng matutuluyan sa gabing iyon.

Muli siyang nagpakawala ng malalim na hininga habang lumilinga sa paligid. Kung ano-anong ingay ang kaniyang naririnig; nariyan ang iba't ibang ingay mula sa mga insekto, ingay mula sa mga panggabing ibon, at ang kaluskos na likha ng mga dahon at sangang nagbabanggaan dulot ng malakas na pag-ihip ng hangin. Idagdag pa ang biglang pag-atungal ng mga aso.

Nanginig sa kilabot si Ambrosio nang biglang lamunin ng mga ulap ang bilog na buwan, naging mahamog ang kaniyang paligid, at ramdam niya ang panlalamig ng klima. Nayakap niya ang sarili bago tumingala sa kalangitan nang maramdaman ang malakas na ihip ng hangin. Tuluyan nang bumitiw ang malalaking patak ng tubig. Kaakibat nito ang mabagsik na buga ng hangin at makabasag pinggang kulog at kidlat.

Naramdaman ni Ambrosio ang muling pag-agos ng mainit na likido mula sa kaniyang mga mata. Humalo na iyon sa malamig na tubig-ulan na bumabasa sa kaniyang buong katawan.

Sa pagdaan ng mga oras, wala siyang ibang ginawa kundi ang maglakad sa dilim. Umaasang may bahay siyang mahahanap o kahit isang taong makasasalubong. Hanggang sa bigla siyang makarinig nang sunod-sunod na ungol.

Sa pagkakataong iyon, muling umalpas ang buwan mula sa mga ulap. At sa tulong ng liwanag nito, nagawa niyang maaninag ang isang babae mula sa malayo; hindi niya makita ang mukha nito dahil sa kalabuan ng kaniyang paningin, ngunit sigurado siyang nakasuot ito ng puting uniporme na parang sa isang hayskul habang lumilikha ng nakakikilabot na ungol.

Namilog ang kaniyang mga mata at parang ibinabad sa suka ang kanyang mukha. Hindi niya magawang sumigaw, ang kaniyang tinig ay tila ibinaon sa ilalim ng hukay dahil sa takot na nararamdaman. Nangangatal ang mga labi nang pilitin niya ang sarili na tumakbo palayo.

Hingal at pagod ang nararamdaman ni Ambrosio habang mabilis na tinatahak ang madilim na daan. Ang suot niyang kupas na pantalon ay punit-punit na dulot ng pagkasasabit sa mga nakaharang na sanga. Pero wala siyang pakialam. Ang tanging mahalaga lang sa kaniya nang mga oras na iyon ay ang makalayo sa nakatatakot na babae.

Nang tuluyang makaramdam ng pagod at sa isiping nakalayo na sa babaeng nakita, nagdesisiyon si Ambrosio na tumigil muna sa pagtakbo. Humahangos siyang huminto at sumandal sa isang malaking puno na naroon. Walang ibang magawa kundi ang umusal ng panalangin. Sa ganoong sitwasiyon, alam niyang ang tanging makakapitan lamang niya ay ang Diyos.

Sa kaniyang pagpapahinga, nakikita niya sa liwanag ng buwan ang ilang basag na bote at puting folder na nagkalat sa daan. Nagtaka siya kung paanong nagkaroon ng mga papeles at folder sa kalagitnaan ng gubat. Hanggang sa matigilan siya nang matanaw sa hindi kalayuan ang isang lumang gusali.

Kinilabutan agad si Ambrosio nang mapagmasdan ang tila abandonadong gusali na iyon; napaliligiran ito ng malalaking puno. Nakadagdag pa sa nararamdaman niyang takot ang manaka-nakang pagkulog at pagkidlat, ngunit nang muling marinig ang nakakikilabot na ungol ng babae habang papalapit ito nang papalapit sa kinaroroonan niya, lakas-loob siyang pumasok sa loob ng lumang gusali.

Sa kaniyang pagpasok, mabilis na nanahan ang takot sa kaniyang dibdib nang sumalubong sa kaniya ang mahabang pasilyo. Medyo kinilabutan pa siya dahil ang malamig na hanging nararamdaman sa labas ay mas tumindi pa sa loob. Ngunit pinagpapawisan pa rin siya nang malapot. Mabilis na namuo ang butil-butil na pawis sa kaniyang noo.

Habang naglalakad, napansin niya ang nangingitim na pader at kisame, napupuno na ng sapot ng gagamba ang kapaligiran, at kinakalawang na rin ang mga bakal na bintana. Hindi kalayuan mula sa kaniya, matatanaw ang isang patay-sinding bombilya na tanging nagbibigay liwanag sa paligid maliban sa liwanag ng buwan na tumatagos mula sa mga basag na bintana.

Sa tingin ni Ambrosio, base na rin sa itsura ng paligid, nasa loob siya ng isang abandonadong laboratoryo. Maraming mga lumang records ang napansin niyang nagkalat sa sahig. Nayakap pa niya ang sarili nang makita ang mga ipis at dagang gumagapang sa paligid. Gusto na niyang umatras at lumabas na lang, ngunit mas natatakot siya sa babaeng nakaputi na sumusunod sa kaniya.

Nang marating ang unang silid sa pasilyong iyon, sa tulong ng liwanag mula sa malalaking bintana sa loob kung saan tumatagos ang liwanag ng buwan, nakita niya na napupuno ng mga sirang makinarya ang kuwarto. Mabilis siyang nag-iwas ng mukha nang biglang kumidlat at panandaliang nagliwanag ang buong paligid. Sunod-sunod ang kaniyang paglunok bago nagpatuloy sa paghakbang.

Tahimik at dahan-dahan ang kaniyang paglalakad. Hanggang sa marating niya ang pangalawang kuwarto, sa bungad ng pintuan, naroon ang bukbuking mesa, nasa ibabaw niyon ang isang kinakalawang na gunting. Nang dumungaw naman siya sa loob ng silid, bumungad sa kaniya ang iba't ibang guhit sa pader. Langhap niya rin ang pinaghalong amoy ng alikabok at malansang amoy na hindi niya matukoy kung ano.

Napalunok siya bago muling humakbang. Sa pagpapatuloy niya sa paglalakad, muli siyang natigilan. Gumapang ang kilabot sa kaniyang buong katawan nang maramdamang tila may mga paang sumusunod sa kaniya.

"Diyos ko, tulungan n'yo po ako," mahina niyang usal habang mariing nakapikit ang mga mata.

Sa halip na lumingon, ipinagpatuloy niya ang paglalakad. Hindi niya kayang lingunin ang bagay na sumusunod sa kaniya. Malalaking hakbang ang kaniyang ginawa. Nananakit na rin ang kaniyang lalamunan sa pagpipigil ng iyak.

Sa pangatlong kuwarto, nahintakutan na siya nang mahagip ng kaniyang tingin ang gumagalaw na rocking chair sa isang sulok. Nanginig ang kaniyang buong katawan habang pinapakiramdaman ang paligid, bukas ang salaming bintana ng kuwartong iyon, ngunit wala naman siyang naramdamang hangin.

Ilan sandali pa, bigla siyang nakarinig ng mga yabag na papalapit sa kaniya. Unti-unting lumakas ang tambol ng kaniyang dibdib. Marahan niyang ipiniling ang ulo sa kaniyang kaliwa hanggang sa mahagip ng tingin ang nakaputing babae. Nangatal siya sa takot nang makitang bumuka ang bibig nito at muling lumikha ng nakakikilabot na ungol.

Isang sigaw ang kumawala sa kaniyang bibig bago tuluyang kumaripas nang takbo. Malakas ang kabog ng kaniyang dibdib habang tinatahak ang mahabang pasilyo. Muli na naman siyang sumigaw nang maramdamang humahabol sa kaniya ang babae. Rinig na rinig niya ang mabibilis nitong yabag mula sa kaniyang likuran.

Hanggang sa bigla siyang matigilan nang sumalubong sa kaniya ang sementadong pader.

"Diyos ko," nasambit niya sa sarili.

Nanginginig ang buong katawan nang muli niyang lingunin ang nilalang na humahabol sa kaniya. Kagaya niya, huminto na rin ito sa pagtakbo.

Napasinghap pa siya nang mag-umpisa itong kumilos. Dahan-dahan nitong hinubad ang suot na damit at bumungad sa kaniya ang namumutla nitong balat, parang sa isang bangkay! Wakwak ang dibdib nito, at ganoon din ang bituka!

Napangiwi si Ambrosio habang nakatitig sa babae. Muli niyang naramdaman ang mga luhang naglandas sa kaniyang pisngi. Matuling lumapit ang babae sa kaniya. Tuluyan naman siyang napasandal sa pader habang marahas na umiiling.

"H-Huwag... " naibulong niya.

Inangat ng babae ang kamay sa ere. Kasabay niyon ang biglaang pagkidlat. Napasinghap siya nang matanaw ang kotsilyong hawak nito, ganoon din nang mapagmasdan ang namumutlang mukha nito.

Hindi siya makapaniwala sa nakikita. "J-Juris?" puno ng sindak ang mukhang sambit niya sa pangalan ng kaibigan bago siya nito tuluyang inatake.

———

MARAHAS niyang itinapon ang VR headset mula sa kaniyang ulo. Habol-hininga si Ambrosio nang biglang tumayo at muling tinitigan ang screen ng kaniyang computer.

"Game over," muli niyang basa sa dalawang salitang naka-display sa monitor. Kinilabutan siya habang nakatitig sa kulay pulang mga katagang iyon. Nakadagdag pa sa kaniyang takot ang ginamit na font dito—chiller.

Lumabi siya habang hinihintay ang susunod na mangyayari. Lumipas na ang ilang minuto, ngunit naroon pa rin sa screen ang dalawang kataga. Sa pag-aakalang tapos na ang laro, lalapitan na sana niya ang CPU ng computer upang patayin ito, nang biglang naglaho sa monitor ang dalawang salita.

Kunot ang noong tinitigan niyang mabuti ang monitor ng computer. Muling bumalik sa eksena kung saan napatay siya ng babaeng kamukha ng kaniyang kaibigang si Juris. Labis niyang ipinagtataka ang bagay na iyon. Bakit ito kamukha ng kaibigan niya? At maliban doon, bakit pakiramdam niya, totoo ang lahat ng nangyari kanina? Para bang bigla siyang nakatulog at napunta sa loob mismo ng laro!

Sunod-sunod siyang napalunok nang gumalaw ang babae sa screen, lumingon ito sa kaniya habang walang emosiyon ang mukha, nakatayo lang at nakatitig sa kaniya. Paulit-ulit siyang umiling habang nakatitig sa mga mata nito. Pakiramdam niya ay sa kaniya mismo ito nakatingin! Parang tagos mula sa loob ng computer ang mga titig nito.

Nanginginig ang mga kamay nang subukin niyang i-exit ang game, ngunit nadismaya siya nang makalipas ang ilang minuto ay walang nangyari. Kahit anong gawin niya ay hindi siya makabalik sa kaniyang desktop. Akala niya ay nag-hang na ito. Hanggang sa bigla siyang matigilan nang biglang bumuka ang bibig ng babaeng kamukha ng kaibigan niya.

"Susunod ka," anito kaya natatarantang hinugot niya sa saksakan ang sariling computer.

"Hindi! Laro ka lang! Laro ka lang!" ang mga katagang nasabi ni Ambrosio bago naramdaman ang isang matigas na bagay sa kaniyang ulo. Kasunod niyon ang pagdidilim ng kaniyang paningin.

———

NATAGPUAN ni Ambrosio ang sarili sa loob ng isang puting silid. Nangunot pa ang kaniyang noo nang mapagmasdan ang paligid; napaliligiran ng salamin ang buong kuwarto, may ilang kalalakihang mga nakaputing gown ang nasa harap ng malaking computer. Abala ang mga ito sa kani-kaniyang ginagawa.

Nanlaki naman ang kaniyang mga mata nang mapagtanto kung nasaan siya. Nasa loob siya ng isang bilog na salamin, napupuno ng wire ang paligid nito. Nanghihina siya at halos hindi makakilos. Tanging ang kaniyang bibig, mga mata, at mga daliri sa dalawang kamay lamang ang kaniyang naigagalaw.

Pinilit niyang igalaw ang katawan, ngunit hindi siya nagtagumpay. Hanggang sa dumapo ang kaniyang tingin sa kanang bahagi ng kuwartong iyon. Kinilabutan siya nang makita ang mga nakahilerang transparent na malalaking eskaparate. Nasa loob niyon ang iba't ibang babae na pawang mga nakahubad. At isa na roon ang kaniyang kaibigan—si Juris!

"Magaling, Ambrosio! Gising ka na!"

Narinig niya ang tinig ng isang matandang lalaki. Inilibot niya ang tingin sa buong silid at sa pinakadulong bahagi ng kuwarto, nakita niya ang isang matanda. Nakaupo ito habang nakamasid sa kaniya nang may ngiti sa mga labi. Kagaya ng ibang kalalakihang naroon, nakasuot din ito ng puting gown na parang sa isang doktor.

"Sino ka!" sigaw niya rito. "Pakawalan mo ako!" malalalim ang hiningang dagdag pa niya.

Tumawa naman ang matandang lalaki. "Hindi na mahalaga kung sino ako. Ang importante, kung ano'ng mangyayari sa 'yo." Umiling ito na parang nang-uuyam.

Nangunot ang noo ni Ambrosio sa narinig. Bahagya siyang nakaramdam ng takot. "Anong gagawin mo sa 'kin!"

Muling tumawa ang matanda, umiling ito habang inaayos ang salamin sa mukha. "Habang nasa loob ka niyan, unti-unti kang manghihina. Bago ka matuluyan, kukuha kami ng DNA mo at gagawa lang naman ng mga clone. Saka kita gagawing isa sa mga tauhan sa laro ko. Magiging tanyag ka, Ambrosio!"

Tuluyan na siyang lumuha nang marinig ang mga bagay na iyon. "Baliw ka! Baliw! Pakawalan mo ako rito! Kung hindi, isusumbong kita sa mga pulis!"

Lalong lumakas ang tawa ng matanda. "Iyon ay kung makakalabas ka pa rito nang buhay..."

Nahigit ni Ambrosio ang sariling hininga sa narinig. Paulit-ulit niyang tinawag ang pangalan ng Diyos upang humingi ng tulong. Sa pagkakataong iyon, nagtungo naman sa labas ang matandang lalaki kasama ng ilan pang mga kasama nito. Pare-parehong may malalaking ngiti sa mga labi.

Naiwan siya sa loob ng silid. Saka lang niya napansin kung anong naroon sa malaking computer sa kaniyang harap. Nagulat siya sa mga nabasa.

Name...

Address...

Gmail account...

Cell phone number...

Bank account...

Credit card number...

Sunod-sunod niyang pinasadahan ng tingin ang mga salita. Sa pinakababa ng mga ito, nabasa niya ang sariling pangalan, 'Ambrosio Reyes', at ang pangalan ng laro, '21st Century Machine Survival Horror Game'.

Muling nagdilim ang computer na nasa kaniyang harap, at sa muli nitong pagbukas, bumungad kay Ambrosio ang mukha ni Gaylord, ang isa pa niyang barkada. Unti-unti namang lumabas ang mga impormasiyon tungkol dito; buong pangalan, address, gmail account, at kung anu-ano pa.

Wala siyang nagawa kundi ang lumuha. Marahas siyang umiling bago nagpakawala ng malakas na sigaw, "Huwag! Gaylord, huwag!"

———

LAMAN pa rin ng usapan ng magkaibigang sina Greco at Drei ang sinapit ng kanilang matalik na kaibigang si Ambrosio. Kasalukuyan silang nasa isang kainan habang nag-uusap, hindi pa rin makapaniwala sa katotohanang magtatatlong araw nang nawawala ang matalik na kaibigan.

"Ano ba talaga ang nilaro niya? Momo challenge? Sinabi ko na sa inyo, delikado ang mag-dive sa deep web. Hindi kayo marunong makinig, e!" umiiling na wika ni Greco. Nagtagis ang bagang nito sa nararamdamang pagkainis.

"Hindi ko naman alam na iyon ang mangyayari sa kaibigan natin! Huwag mo nga akong sisihin, Greco! Hindi ko pinilit si Ambrosio na laruin ang pesteng laro na 'yon!" Naihampas ni Drei ang kamao sa ibabaw ng lamesa bago tuluyang nahilamos sa mukha ang dalawang kamay.

Mariing naipikit ni Greco ang mga mata bago umiling ng ilang beses. "Sa deep web isinasagawa ang mga illegal transaction sa mga drugs, pedophilias at hired killing. Naroon ang mga notorious serial killers ng mundo, Drei! Isang click n'yo lang sa maling link, maari nang magresulta sa malaking problema! Wala kayong kaalam-alam, pinanonood na pala kayo ng iba't ibang tao!"

Huminga nang malalim si Greco bago nahilot ang sariling sintido. Muli niyang tinitigan ang kaibigang namumutla na sa pag-aalala.

"Ngayon sabihin mo sa 'kin, ano ba talagang nilaro n'yo?"

Lumunok si Drei nang maramdaman na parang may bumara sa kaniyang lalamunan. "Isang survival horror game," naiiling niyang wika. "Ang challenge sa laro, kailangang mapatay ng player ang pangunahing tauhan sa game, kung hindi mo magagawang patayin ang babae, ikaw ang kukunin niya."

Hindi nagawang magsalita ni Greco sa mga narinig. May ideya na siya kung anong laro ang tinutukoy nito, at kung sakaling tama nga ang hinala niya, maaring hindi na nila muling makita pa ang kaibigang si Ambrosio.

Natigilan sa pag-uusap ang dalawa nang parehong tumunog ang messenger nila. Nagkatinginan sina Greco at Drei bago nag-aalangang binuksan ang kani-kaniyang messenger. May mensahe silang natanggap sa kanilang group chat, galing iyon kay Lolita, ang nobya ni Greco.

Napalunok naman si Drei habang binabasa ang mensahe ng kaibigan. Ayon dito, nag-uumpisa na ang paghahanap sa isa pa nilang kaibigang si Gaylord. Halos isang araw na rin itong hindi umuuwi sa sariling bahay. Labis nang nag-aalala ang mga magulang nito.

"Tangina! Pati ba si Gaylord naglaro din?" baling na naman ni Greco sa kaniya. Namumula na ang mukha nito sa tindi ng galit na nararamdaman.

Tuluyan nang bumuhos ang mga luha ni Drei habang umiiling. "Greco, s-si Juris... s-si Juris kasi... naglaro siya."

Hindi niya matanggap na baka ang dahilan kung bakit hindi niya ma-contact ang nobyang si Juris mula nang magbakasiyon ito isang linggo na ang nakalilipas ay dahil din sa larong iyon.

Kung alam lang niya na ganito ang mangyayari, kung alam lang niya na totoo ang babala tungkol sa deep web game na 21st century machine, hindi na sana niya iminungkahi sa nobya at sa dalawang kaibigan ang larong ito.

WAKAS

Continue Reading

You'll Also Like

22.1M 533K 52
What H wants, H gets. And Camilla is not an exception. Montemayor Saga [ complete ] [ old story reposted ]
163K 3.8K 28
GXG
1.5M 33.2K 29
Luke and Aviona - A romance that blosssomed in a society where a governor cannot love the daughter of a prostitute. R18 Adult content
77.4K 2.3K 23
Bisaya | Completed Started: May 2020 Ended: May 2020