Espasiyo ng Pusa

By MiCynnamon

1.8K 75 5

A compilation of one shot stories of different genres. This compilation may include humor, romance, horror, f... More

Lavender
Sa Muling Pagtatagpo
Pulang Rosas
Sighisoara, Romania: Eros & Miya
Daisuki Da Yo (I Really Like You)
The Latin
Kalapating Mababa ang Lipad
29th Day of February
Maruja
Pan de los Muertos
Sunday with Anastasia
Sweet Delights
The World Beyond the Moon
Pluviophile
S.A.W.I.: Single at Walang Iniintindi
21st Century Machine
Tanikala't Rosas

Gruss Vom Krampus

25 0 0
By MiCynnamon

"Kapag ikaw ang may hawak ng pluma, kontrolado mo ang tinta."

Ilang buntong-hininga na rin ang pinakawalan ni Dominique habang sakay sa pampublikong bus patungo sa probinsya ng kaniyang matalik na kaibigang si Halima. Napagdesisyonan niya kasing sa probinsya nito siya magpapasko, pero ayaw naman siyang payagan ng kaniyang kakambal na si Dominic. Wala raw kasi itong tiwala sa kaibigan niya dahil bago pa lang niya ito nakilala. Kaya hayon, sumama ang lalaki sa kanilang magkaibigan.

Wala nang magulang ang dalawang kambal, parehong only child ang magulang nila kaya nang mamatay ang mga ito, naiwan silang dalawa sa buhay. Iyon din ang dahilan kung bakit bantay-sarado talaga siya sa lalaki. Lagi itong nakaaligid at nakasunod sa kaniya saan man siya magpunta.

"Sinabi na kasing huwag na sumama, e! Ang KJ masiyado!" inis na wika ni Dominique habang magkasalubong ang dalawang kilay at nakatanaw sa labas ng bintana ng bus.

Natatawa namang umiling sa kaniya ang kaibigang si Halima. "Ikaw talaga... hayaan mo na, Nique. Nag-aalala lang naman sa 'yo ang kakambal mo. At saka, mabuti nga 'yan, dalawa na kayo ang bisita namin."

Lumingon naman si Dominique sa kaibigan habang may mabining ngiti sa labi. "Sure ka bang okay lang sa mga magulang mo, Hali? Baka kasi magalit sila. May bitbit-bitbit kang lalaki," pag-aalala niyang tanong. Ngumiti naman sa kaniya ang babae bago tumango ng ilang beses.

Kahit ilang oras na ang lumipas, hindi pa rin nawawala ang kunot sa noo ni Dominique. Malayo sa Maynila ang probinsya ng kaniyang kaibigan ngunit ni hindi niya iyon alintana sa labis na inis. Bata pa lamang ay ayaw na talaga niya sa kaniyang kakambal. Lagi kasi siyang natutukso noon na may kambal tuko raw siyang laging nakasunod sa kaniya. Kahit hanggang sa pagdadalaga't pagbibinata ay hindi nawala ang galit niya rito.

"Nique, uminom ka muna ng tubig. Hindi ka kumain ng agahan nang umalis tayo kanina sa bahay," may himig pag-aalalang sabi ng kaniyang kakambal mula sa likod.

Matalim naman ang mga titig nang bigla niya itong lingunin. "Ikaw ang uminom kung gusto mo! Pakialamero," nanggigigil niyang wika. Sobrang init ng dugo niya rito. Naiinis siya sa isiping baka pati sa pag-aasawa niya ay sumama pa rin ito sa kaniya. Kung hindi niya nga lang ito kakambal, iisipin niyang may problema ito sa pag-iisip. Super protective kasi ito to the point na nakasasakal na.

"Sorry, Nique," muli niyang narinig mula sa likod. Pero wala siyang pakialam sa kung anuman ang isipin o maramdaman ng kakambal. Nasanay na siya na ganoon ang trato niya rito, hindi rin naman nagrereklamo ang lalaki. Sa halip, ito pa ang humihingi sa kaniya ng sorry.

"Palibhasa kasi may sayad," pabulong niyang wika.

Napailing naman sa kaniya ang kaibigang si Halima. "Masama 'yan, girl... " sabi pa nito na inirapan lang niya.

Sa palagay ni Dominique, halos sampung oras din ang tagal ng kanilang biyahe bago huminto ang bus sa isang tahimik at madilim na lugar. Gabi na nang mga oras na iyon. Dahil sa labis na pagod, padabog siyang bumaba sa taas ng bus. Pinanayuan pa siya ng mga balahibo nang sumalubong sa kaniyang balat ang malamig na simoy ng hanging nagmumula sa kagubatan.

"Nasaan tayo?" tanong ng kaniyang kakambal habang nakatuon ang mga mata sa madilim na gubat. "Dito ba ang sa inyo, Halima?" dagdag pa nito.

Tumango naman nang may malapad na ngiti si Halima sa kanilang dalawa. "Welcome!" masigla nitong sabi. Tila excited itong nakauwi muli sa lupang sinilangan.

Napatingin naman si Dominique sa makipot na daan sa kanilang harapan na papasok sa gubat. Ang sabi sa kanila ni Halima, nasa loob pa raw ng kagubatan ang kabahayan ng pamilya at ilang kapitbahay nito. Nagtaka naman siya, sobrang dilim kasi roon at ang tatayog pa ng mga damo. May mga naninirahan din pala sa ganoong klaseng lugar?

Nagpatiuna na sa kanila ang kaniyang kaibigang si Halima. Nang akmang susunod na siya rito ay bigla naman siyang pinigilan ni Dominic.

"Nique, sigurado ka bang gusto mong tumira dito ng dalawang araw? Umuwi na lang tayo, pangako, gagawin ko lahat ng ipag-uutos mo—"

"Puwede bang tumahimik ka muna? Naiirita pa rin ako sa 'yo, e. Kung natatakot ka, puwes, magpa-iwan ka na lang dito! Duwag." Walang lingon-likod niya itong iniwan.

Napailing na lang si Dominic sa asal ng kaniyang kakambal. Napapalunok na nagdesisyon siyang sumunod na lamang dito. Ayaw man niyang sumama, hindi naman niya maatim na hayaan ang kakambal nang mag-isa.

Habang naglalakad ay hindi mapigilan ni Dominique na kabahan. Ang ilaw lang mula sa kanilang selpon ang nagsisilbing liwanag nila sa madilim na gubat. Nagpakawala siya ng buntong-hininga habang lumilinga-linga sa paligid. Kung anu-ano kasing ingay ang kaniyang naririnig. Nariyan ang ingay mula sa iba't ibang insekto. Ingay mula sa mga panggabing ibon, at mga kaluskos na nanggagaling sa hindi malamang mga hayop. Idagdag pa ang kaluskos na likha ng mga dahon at sangang nagbabanggaan dulot nang malakas na pag-ihip ng hangin.

Halos sampung minuto na rin silang naglalakad nang may matanaw siyang ilaw. Ang akala nga niya noong una'y mga alitaptap iyon dahil kumukuti-kutitap pa ito sa dilim pero hindi pala. Mga christmas lights ang kaniyang nakikita! Iba't ibang kulay ng christmas lights ang nakasabit sa dalawang malaking puno sa harap nang hindi kalakihan at nakabukas na de bakal na gate. May signboard pa sa harap nito kung saan nakasulat ang mga salitang, "gruss vom Krampus", na ikinalukot ng kaniyang mukha dahil hindi niya alam kung ano ang ibig sabihin niyon.

"Greetings from Krampus," sambit ni Dominic habang nakatingala ito sa malaking signboard sa kanilang harap.

Kunot-noo naman niya itong nilingon. "Ano'ng sabi mo?"

"Wow! Marunong kang mag-german, Kuya Dominic?" nakangiting tanong ni Halima sa kakambal niya.

Umiling naman ang lalaki. "Hindi, may nabasa lang ako noon tungkol kay Krampus, siya ang kasalungat ni Santa Claus. Kung si Santa, naghahatid ng regalo sa mga mabubuting bata tuwing pasko. Si Krampus naman, kumukuha ng mga batang may masasamang pag-uugali. Tapos, pinapatay niya ang mga ito. Sikat na urban legend si Krampus mula sa bansang Germany," mahaba nitong salaysay na ikinainis lang niya.

"Mr. Know-it-all. Bida-bida na naman," umiirap na wika ni Dominique rito. Natawa na lang sa kanilang dalawa si Halima saka sila nito hinila papasok sa de bakal na gate.

Sinalubong sila nang maiilaw na mga bahay. Nakangiti si Dominique habang pinagmamasdan ang buong paligid. Puno ng christmas lights at christmas decorations ang buong lugar. Pero ang saya na kaniyang nararamdaman ay napalitan ng kilabot nang makita ang ilang kalansay na nakasabit sa mga puno. Pinanayuan siya ng mga balahibo habang pinagmamasdan ang mga ito. Namumula pa ang ilan sa mga kalansay na iyon. Tila ba may naiwang bahid ng dugo.

"Dekorasyon iyan nina Lola, Nique," biglang sabi sa kaniya ni Halima. Napatango naman siya sa kaibigan. Akala talaga niya kanina ay totoong mga kalansay na ang nakikita niya. "Alam mo ba, Nique. Kuwento-kuwento noon, tuwing pasko, nagpapakita rito si Krampus. Kumukuha siya ng mga bata, tapos binabalatan niya nang buhay. Hinihiwalay niya ang laman sa buto at sinasabit sa mga puno ang kalansay ng mga bata. Kaya naging tradisyon na nina Lola na tuwing pasko, magsasabit sila ng pekeng kalansay sa mga puno bilang alay kay Krampus. Naniniwala kasi sila, na para hindi bumalik ang halimaw na iyon, kailangan nilang mag-alay ng kalansay. Kalahating demonyo kasi na may ulong tao at pang-ibabang katawan ng tupa ang halimaw na iyon."

Napalunok naman si Dominique sa narinig. "Ang creepy naman ng paniniwala ng lola mo," aniya sa kaibigan. "Pero teka, bakit parang walang tao?" tanong pa niya habang sinusuyod ng tingin ang buong lugar.

"A, maaga kasing natutulog ang mga tao rito. Alas dies na ng gabi, o. Si Lola naman nasa loob ng bahay. Halika na, Nique, ipakikilala ko kayo kay lola, para makapagpahinga na rin tayo."

Napagdesisyonan nila na ipagpabukas na lang ang pagkain dahil sa labis na kapaguran. Ayaw pa siyang payagan ng kaniyang kambal na matulog nang hindi kumakain. Ilang beses pa nga silang palihim na nagtalo nito, pero nang pinandilatan niya ito ng mga mata ay wala na rin nagawa ang kawawang lalaki.

Matapos siyang ipakilala ni Halima sa Lola nito ay nagtuloy na sila sa kani-kanilang silid upang magpahinga. Sa silid siya ni Halima matutulog habang si Dominic naman ay sa papag sa sala magpapalipas ng gabi.

Dahil sa labis na pagod, nang dumantay ang kaniyang likod sa matigas na kama ay agad-agaran siyang nakatulog. Nagising na lamang siya nang maramdaman ang ilang tapik sa kaniyang pisngi.

"Dominique, gising... " Nagmulat siya ng mga mata at ganoon na lamang ang kilabot na kaniyang naramdaman sa nakita. Ang kaniyang kakambal na si Dominic, puno ang mukha nito ng sugat at may umaagos pa na dugo mula sa ulo nito. Nang pagtuunan naman niya ng pansin ang ulo ng kakambal ay malakas na kumabog ang kaniyang puso nang makitang may taga ito sa kaliwang parte ng ulo.

"Ano'ng—"

Pinigilan siyang magsalita ng kakambal sa pamamagitan ng paglalagay nito ng hintuturo sa harap ng labi. "Kailangan na nating umalis, Dominique. Humawak ka sa kamay ko nang mahigpit," bulong nito. Saka naman niya napansin ang malalakas na tambol mula sa labas. Tila nagkakagulo ang mga tao sa labas ng bahay. Nakakikilabot ang ingay na kaniyang naririnig. Para iyong mga taong nagkakagulo kapag may ginagawang orasyon na nakikita lang niya sa mga palabas. Nang lingunin naman niya ang kaibigan sa tabi ay wala na ito.

"Kasalanan ko 'to. Dahil 'to sa isinulat ko," bulong ng kakambal niyang si Dominic. Nangangatal ang mga labi nang muli niya itong tapunan ng tingin. Mabilis naman siyang hinila nito patayo. Dahan-dahan nitong binuksan ang pinto sa kuwarto at maingat siyang inilalayan sa paglalakad.

Nagtungo sila sa likod ng bahay at nakita ang isang pinto roon. Nagtaka pa siya kung paanong nalaman ng kaniyang kambal ang tungkol sa pinto sa likod. "Kailangan natin tumakbo palayo rito. Dominique, makinig ka sa kuya... " Natigilan siya sa iniisip nang marinig ang tinuran ng kakambal. Oo nga't kambal sila, pero naunang iniluwal ang lalaki ng limang minuto kaysa sa kaniya, at gustong-gusto nito lagi na tinatawag niya itong kuya. Noong bata pa sila at hindi pa siya nakararamdam ng galit dito, kuya talaga ang tawag niya sa lalaki. "Kapag nakalabas tayo, tumakbo ka nang mabilis, ha? Kahit ano'ng mangyari, huwag kang lilingon. Sa dulo ng gubat, may kalsada. Kailangan natin makaabot doon."

Naluluha na siya habang tumatango sa kakambal. Pakiramdam niya, may naghahabulang mga kabayo sa loob ng kaniyang dibdib. Bawat tambol na kaniyang naririnig mula sa labas ay parang orasan ng demonyo sa kaniyang tainga. Habang naghihintay sa sunod na gagawin ng kakambal ay parang sasabog ang ulo niya. Unti-unting binuksan ng lalaki ang pinto sa kanilang harap, nang makalabas ay sinilip pa nito ang de bakal na gate na pinanggalingan nila kanina. May nakikita siyang liwanag na nanggagaling mula sa harap ng bahay ni Halima na sa palagay niya ay apoy. Ano'ng lugar ba itong napuntahan nila? Lugar ba ito ng mga mangkukulam? O mga aswang? Muli niyang pinagmasdan ang kakambal, nagiging kulay pula na ang puti nitong damit dahil sa sariling dugo. Namumutla na rin ito at parang naghahabol na ng hininga. Hindi niya maiwasang hindi mapaluha nang husto sa nakikita.

Nang siya naman ang sumilip sa harap ng bahay nina Halima, nakita niya ang malaking kawali kung saan may kumukulong tubig sa loob. May nakasinding apoy sa baba ng kawali. Ang ikinatindig ng kaniyang mga balahibo ay ang taong nakagapos sa isang sanga ng puno, kulay pula ang damit na suot nito at may itak itong nakatarak sa dibdib.

"Nawawala ang alay!" Bigla siyang nakarinig ng sigaw mula sa bahay na pinanggalingan nila. Hindi siya maaring magkamali, boses iyon ni Halima! Mabilis siyang hinawakan ni Dominic sa kamay at hinila palayo.

Pakiramdam niya'y halos panawan na siya ng ulirat habang tumatakbo. Hindi niya alam kung nakatakas sila o nasundan sila nina Halima, may naririnig siyang sumusunod sa kanila pero hindi na niya iyon pinansin pa, basta ang alam lang niya, kailangan nilang makalayo mula roon.

"Tigil!" sigaw ng kaniyang kakambal sa kotseng paparating sa kanila. Matapos ng parang isang oras nang pagtakbo, narating na rin nila ang kalsada sa dulo ng gubat. Hingal na hingal at puno ng pawis nang babain sila ng isang matandang babae at isang teenager na lalaki na marahil ay anak ng matanda.

"Diyos ko! Ano'ng nangyari sa 'yo, iha?" puno ng sindak na tanong ng matanda sa kaniya.

Humahangos naman at umiiyak nang sagutin niya ang katanungan nito. "Tulungan ninyo po kami ng kuya ko... tulong po!" pagtangis niya.

Inalalayan na siya ng mga ito papasok sa kotse. Habang lulan ng kotse'y hindi niya maiwasang hindi mapahagulgol sa naranasan. "Dadalhin ka namin sa hospital sa kabilang baranggay. Pakalmahin mo na ang iyong sarili."

Luminga-linga siya sa paligid. Nang mapagtantong wala ang taong hinahanap ay mabilis niyang pinigilan sa pagmamaneho ang matandang babae. "Ang kuya ko... ang kuya ko po nasaan!"

"Kuya? Sinong kuya, iha? Mag-isa mo lang, wala kang kasama."

Halos panawan ng ulirat si Dominique nang marinig ang sinabi ng matanda. Noon lang niya napagtanto na ang lalaking nakapula na kaniyang nakita kanina ay ang sarili palang kakambal. Inakala niyang nakapula ito dahil sa dugo na kumapit na sa kulay puti nitong damit.

Noon lang din niya napagtanto kung gaano siya kamahal ng lalaki. Na kahit hanggang sa kabilang buhay, siya pa rin ang iniisip nito.

"Kapag ikaw ang may hawak ng pluma, kontrolado mo ang tinta."

Muling binasa ni Dominic ang mga katagang nakasulat sa itim na pabalat ng notebook kung saan niya isinulat ang kauna-unahang maikling kuwento na kaniyang nilikha, ang "Gruss Vom Krampus". Niregalo ang notebook na iyon sa kaniya ng isang matandang pulubi na hindi niya kakilala noong nakaraang pasko, tinulungan niya kasi ang matanda mula sa mga lalaking adik. Ang sabi pa ng matanda, lahat nang isulat niya roon sa notebook ay magkakatotoo. Napangiti na lamang siya sa sinabi nito. Ngayon lamang niya nagamit ang notebook dahil sa pagiging abala niya sa pagtatrabaho para sa pag-aaral ng kaniyang kakambal na babae.

At katulad sa kuwento na kaniyang isinulat, handa siyang ibuhis ang sariling buhay para sa kakambal. Mahal na mahal niya ito dahil ito na lang ang natitirang pamilya niya, kahit na ayaw sa kaniya ng babae, mahal pa rin niya ito, maging hanggang sa kabilang buhay.

Kinuha niya sa loob ng traveling bag ang isang botelya ng mineral water saka iyon inabot sa kakambal. "Nique, uminom ka muna ng tubig. Hindi ka kumain ng agahan nang umalis tayo kanina sa bahay," may himig pag-aalalang sabi niya sa babae mula sa likuran nito. Gusto kasi nitong magpalipas ng pasko sa probinsya ng kaibigan nitong si Halima na bago lang nito nakilala. Ayaw sana niya itong payagan ngunit nagpumilit pa rin ang babae kaya sumama na lamang siya. Usap-usapan kasi na galing sa Germany ang pamilya ng kaibigan ng kakambal niya, at may lahing mangkukulam ang mga ito, wala mang pruweba, gusto pa rin niyang manigurado. Kaya kahit magalit sa kaniya si Dominique, ipinagpilitan pa rin ng lalaki na sumama sa dalawa.

Matalim naman ang mga titig nang bigla siyang lingunin ng kakambal. "Ikaw ang uminom kung gusto mo! Pakialamero," nanggigigil nitong wika.

"Sorry, Nique... " Napalunok na lang siya at napangiti nang malungkot sa naging asal ng kaniyang kakambal.

Hindi niya maiwasang hilingin na sana, kahit ngayong pasko lang, magbago naman ang pakikitungo sa kaniya ng babae.

Wakas

Continue Reading

You'll Also Like

46.5K 198 8
Dalawang lalaki ang makikipag agawan sa dalagang kanilang inalagaan. Si Arthur, ay ang Ama ni Celia. Minahal at inaruga niya ang dalaga hanggang sa t...
70.4K 167 15
SPG
117K 3K 28
GXG
4.5M 112K 46
Wild, untamed and fierce- that's Tatiana Faith Follosco. Para sa kanya, chill lang ang buhay. She loves to party with her friends and make crazy dare...