Espasiyo ng Pusa

Von MiCynnamon

1.8K 75 5

A compilation of one shot stories of different genres. This compilation may include humor, romance, horror, f... Mehr

Lavender
Sa Muling Pagtatagpo
Pulang Rosas
Sighisoara, Romania: Eros & Miya
Daisuki Da Yo (I Really Like You)
The Latin
Kalapating Mababa ang Lipad
29th Day of February
Maruja
Pan de los Muertos
Sunday with Anastasia
Sweet Delights
Pluviophile
Gruss Vom Krampus
S.A.W.I.: Single at Walang Iniintindi
21st Century Machine
Tanikala't Rosas

The World Beyond the Moon

52 2 0
Von MiCynnamon

———

MARAHAN akong tumingala at pinakatitigan ang bilog na buwan na nagmamagandang gabi sa lahat. Naghahari ang liwanag nito sa madilim at mapanglaw na kalangitan. Mariin kong ipinikit ang aking mga mata nang manumbalik sa aking isipan ang mga katagang nabasa kanina.

"Ang manunulat sa mundo ng pantasya."

Umiling ako bago muling pinagmasdan ang pula at hugis pusong talaarawan ni Mama. Muli akong humugot ng malalim na hininga bago ito binuklat.

"Oras na," malumanay at waring naglalambing ang tinig na nagmumula sa pulang talaarawan .

Matapos mag-alay ng kuwento, ngumiti ako nang bahagya bago nag-umpisang isulat ang mga letra ng salita at numero ng taon sa blangkong pahina.

"Sa mundo ni Mama. Taong 1993."

Sa bawat letrang ginagawa ng lapis na aking hawak, katulad noong una ay unti-unting lumitaw ang mga asul na alitaptap. Nagkalat ang mga ito sa paligid na waring mga bituin na sumasayaw sa langit.

Sa pangalawang pagkakataon simula nang sumapit ang araw ng aking ikalabing anim na kaarawan ay muli ko na naman narating ang mundo ng aking ina—ang mundo ng pantasya.

Muli kong nasilayan ang kagandahang hatid ng matingkad na kulay lilang kalangitan. Ang hugis suklay at kulay melocoton na buwan, ang mga ulap na kulay rosas na animo'y mga koton kendi, isama na rin ang mga bituin na may iba't ibang kulay at tila kumikindat sa akin. Lumapad ang ngiti sa aking mga labi. Lalo pa nang malanghap ko ang hangin sa paligid—ang tamis! Animo'y mga matatamis na pagkaing pinaghalo-halo.

Muli kong hinanap ang daan patungo sa bahay ng aking ina. Hindi katulad sa mundo ng mga tao, kakaiba ang bahay nila rito. Lahat naman yata ng narito ay kakaiba.

Sa pakiwari ko ay buwan ng Nobyembre sa mundo ni Mama, kahit na ang totoo ay papatapos pa lang ang buwan ng Marso sa mundo ng mga tao. Marahil ito ay dahil sa itsura ng paligid. Nakahilera sa daan ang ulo ng mga kalabasang may disenyo ng isang mukha. Umiilaw pa ang mga ito na katulad sa disenyo ng mga tao sa aming mundo. Ang mga puno naman ay tila ba patay na, wala itong mga dahon. Ngunit makikita ang mga sapot at buhay na higanting gagamba sa itaas nito.

Dito ay napagtanto ko na ang mga halaman ay nakagagalaw. Ilang hakbang pa mula sa akin ay naroon naman ang madilim na gubat. Nang mapasok ito, nakita ko ang mga punong sumasayaw kasama ng mga alitaptap. Nakarinig din ako ng hagunos at lagaslas ng tubig na nanggagaling sa malapit na talon.

Sa dulong bahagi ng gubat, tanaw ko na ang bahay ni Mama na yari sa tsokolate. Katulad ng ibang bahay na narito na pawang gawa sa mga tinapay, wafol, at pankeyks, ang ibang parte ng kanilang bahay na gaya ng bintana at pinto ay gawa naman sa kendi.

Mabilis akong nagyuko ng ulo bago dumiretso nang takbo sa malaking puno na nasa tabi ng bahay ni Mama nang marinig ang tawanan ng mga bata mula sa kung saan. Habang nagtatago, pinagmasdan ko kung paano habulin ng mga batang nakasuot ng damit na parang sa mangkukulam ang mga lumilipad na paniki.

Ngumiti ako nang makita ang sigla sa mukha ng mga bata. Ganoon sila rito. Ang mga bagay na kung para sa mga normal na tao ay nakatatakot katulad ng mga paniki, ahas, iba't ibang kulay ng mga palaka, bungo, malalaking gagamba, para naman sa kanila ay labis itong nakatutuwa.

Sa tuluyang paglayo ng mga bata, muli kong pinagmasdan ang paligid ng bahay. Nakita ko ang pagngiti ng mga bulaklak sa aking pagdating. Umihip ang malakas na hangin at naramdaman ko sa aking katawan ang malamig na atmospera.

Mula sa kinatatayuan ay nakita ko ang pagdungaw ng isang babae mula sa bintana. Namangha agad ako sa kagandahang taglay niya. Kasing ganda niya ang bulaklak ng isang lotus. Walang papuring sasapat upang isalarawan ang kaniyang taglay na ganda. Pinagmasdan ko ang maamo niyang mukha habang nakatingala siya sa kalangitan. Nakasuot siya ng kulay puting naytgaun, at mahaba at maalon ang kulay olandes niyang buhok. Matingkad din ang kaniyang pulang-pulang mga mata.

"Mama," sambit ko habang nakatitig dito. Naramdaman ko ang paglandas ng isang luha sa aking pisngi.

"Oras na para bumalik." Tila hinalikan ng hangin ang aking pisngi sa narinig. Muli kong sinulyapan ang kulay pulang talaarawan sa aking kamay.

Malungkot akong bumuntong-hininga. Nang muli kong tapunan ng tingin ang babae, sandali itong huminto at lumingon sa kinaroroonan ko. Hindi ko malaman kung pinaglalaruan ba ako ng aking imahinasyon, ngunit nakita ko ang pagsilay ng ngiti mula sa mapupula niyang mga labi. Tila siya isang bituin sa madilim na kalangitan.

Mabilis akong nagtago at agad na binuklat ang talaarawan.

"Sa mundo ng mga tao. Kasalukuyang taon, 2015."

LUMAKI ako sa bahay ampunan. Simula noong sanggol ako, walang may gustong umampon sa akin dahil sa naiiba kong anyo. May buhok akong kulay kahel, mga matang kulay esmeralda. Matalim din ang may kaliitan kong mga pangil, at mahaba at patusok ang aking magkabilang tainga.

Noon pa man, nangungulila na ako sa pagmamahal ng isang magulang. Umaasa na balang araw, mahahanap ko rin ang daan pabalik sa kanila.

Hanggang sa sumapit ang gabi ng aking ikalabing anim na kaarawan. Ibinigay sa akin ng madreng kinalakihan ko ang pulang talaarawan. Kasama raw ito sa loob ng bakol na pinaglalagyan ko noong makita nila ako. Noong gabing iyon, nalaman ko ang buong katotohanan—ang katotohanan tungkol sa tunay kong pagkatao.

"Miss Kato, Calisson!"

Mula sa blangkong kuwaderno, nalipat ang aking tingin sa mukha ng babaeng matalim na nakatitig sa akin habang naka-arko ang isang kilay. Nangangapal ang mukha nito sa rami ng kolorete, pati ang mga labi ay pulang-pula rin dahil sa produktong pangkulay.

Lumunok ako sa labis na kaba. Kumakabog nang malakas ang aking dibdib habang tila kinakapos ako ng hininga. Kumurap-kurap pa ako ng ilang beses bago tuluyang tumayo at naglakad patungo sa harap ng pisara.

Hawak ko sa aking kaliwang kamay ang kuwadernong walang anumang sulat, at sa kanan naman ang pulang talaarawan ni Mama.

Hindi ko alam kung saan mag-uumpisa. Oo, hindi ako handa. Binigyan kami ni Ma'am Hermosa ng isang buong araw kahapon upang mag-isip ng isasagot sa katanungan nitong, "Ang manunulat sa mundo ng pantasya. Alin ang pipiliin mo; ang iyong talento, o ang tiyansang magkaroon ng kapangyarihan at magamit ito sa ating mundo?"

Muli akong lumunok. Bigla ang pagdamba ng kaba sa aking dibdib nang masilayan ang nanunuring mga mata ng aking mga kaklase. Alam ko, na maliban sa palihim akong kinukutya ng mga ito dahil sa aking itsura, hinihintay rin nila na magkamali ako.

Simula pa noon, lagi ko nang nasusungkit ang pinakamataas na marka pagdating sa pagsusulit sa kahit na anong asignatura. Isa rin akong manunulat. Sa edad kong ito, kilala na ako ng nakararami dahil sa pagiging manunulat ko. Tinatangkilik ng ilan, ngunit labis na kinaiinisan ng iba sa hindi ko malamang dahilan.

Ngunit sa pagkakataong ito ay wala akong maisulat. Dahil hindi ko alam kung ang sarili ko bang talento, o kapangyarihan ang dapat na piliin.

"Maaari ka nang mag-umpisa," malamig na wika ng aming guro.

Tila ba dumaan ang malakas na hangin sa aking likuran. Pinagpapawisan din ako nang malapot.

Muli kong tinitigan ang mukha ng aming guro. Masungit ito kung pagmamasdan, laging matalim ang mga titig, laging nakataas ang kilay, ngunit ito naman ang pinakamaganda sa lahat ng titser na nakilala ko. Habang nakatitig sa kaniyang mukha, nagbalik sa akin ang pangyayari noong unang beses kong nagamit ang pulang talaarawan ni Mama.

"HANDA ka na bang makita ang mundo na lampas sa buwan?"

Nakatulala pa rin ako habang pinagmamasdan ang pulang talaarawan sa aking harapan. Umawang ang aking bibig nang mag-umpisa itong umangat sa ere. "T-totoo ba ito?" tanging nasambit ko.

"Walang imposible sa mahika."

Naramdaman ko ang lamig na dulot ng gabi. Mula sa teraseng kinatatayuan, lumingon ako sa paligid at pinagmasdan ang hardin ng bahay ampunan. Sumasayaw ang mga dahon sa pag-ihip ng hangin at tila ba nahiya ang buwang biglang nagkanlong sa mga ulap.

"P-paano tayo pupunta ro'n?" nauutal kong tanong.

"May dalawang paraan upang makapunta sa daigdig ng mahika. Pero dahil isa kang kalahati, hindi ka maaaring pumunta sa mundo nila sa taong hinaharap."

Saglit akong natigilan sa narinig. Matulin akong umiling dahil hindi pa rin ako makapaniwala sa mga nangyayari. Isang mangkukulam ang aking ina, at patay na ang aking ama na isa namang tao. At kahit pa kalahating mangkukulam ako, hindi pa rin ako maaring magpunta sa mundo ni Mama?

"Una, ang iyong talento, at ang buwan." Mabilis akong tumingala sa bilog na buwan nang marinig ang sinabi ng pulang talaarawan.

"T-talento?" nagugulumihanan kong tanong.

"Alam mo, Calisson, ang nagpapalakas sa aming mundo ay ang talento ng bawat mangkukulam. Kapag dumating ang araw na wala nang taong tatangkilik sa ating mga talento, mawawala na rin ang mundo na lampas sa buwan."

"I-iyong pangalawa?"

Lumakas ang tibok ng aking puso nang makitang bumuklat ang talaarawan at isang blangkong pahina ang bumungad sa akin.

"Kailangan mong gamitin ang iyong talento. Magsulat ka ng kuwento, at ialay mo sa akin ang istoryang nagawa mo. At pagkatapos, maari ka nang magsulat ng kahit na anong taon sa pahina. Isulat mo rin ang mundo ng iyong ina. Sa pamamagitan niyon, mapupunta ka sa mundo nila sa mismong taon na iyon."

Sumilay ang malapad na ngiti sa aking mukha. Mabilis kong kinuha ang aking lapis, at matapos ng pag-aalay, sandaling nag-isip bago nag-umpisang magsulat sa blangkong pahina ng talaarawan.

"Sa mundo ni Mama. Taong 1983."

Nanatili akong tahimik habang nakatayo sa terase. Pinakiramdaman ko ang paligid sa maaring mangyari. Ngunit lumipas na siguro ang isang minuto, wala pa ring nangyayari o nagbabago sa paligid ko. Naroon pa rin ako sa terase ng aking silid.

Muli ko na sanang ibubuka ang aking bibig upang magsalita nang matigilan dahil sa narinig.

"Grande lumière," bulong ng pulang talaarawan.

Mayamaya, umikot na ang aking paningin. Nakaramdam ako ng pagkahilo. Unti-unti ring lumitaw ang mga asul na alitaptap na ngayon ko lamang nakita sa tanang buhay ko. Paparami ito nang paparami hanggang sa tuluyan ko nang hindi makita ang aking paligid.

Tulala akong nakatitig sa kawalan. Sumilay ang kunot sa aking noo habang matulin kong pinipihit ang aking ulo.

"Nasaan ako?" ang unang mga salitang namutawi sa aking bibig.

Bumungad sa aking paningin ang walang hanggang tubig na sa palagay ko ay isang tubig-dagat, ngunit hindi ako sigurado. Dahil kulay rosas ito. At amoy limonada!

Tumingala ako, bumungad sa akin ang kulay lilang langit. Nakamamangha, lalo na nang mapagmasdan ko ang mga bituing may iba't ibang kulay. May mga tao pang lumilapad sa ere na may kakaibang mga kasuotan.

"Nasaan ako?" ulit ko pa.

Muli kong pinagmasdan ang lahat. Punong-puno ng matatamis na pagkain ang buong paligid at may mga brilyanteng bato pa'ng nagkalat sa lupa!

Mariin kong hinawakan ang pulang talaarawan, dinala iyon sa tapat ng aking dibdib at saka niyakap nang mahigpit.

"I-ito na ba ang mundo ni Mama?" namamangha kong tanong.

Natigilan ako saglit nang hindi kalayuan, natanaw ko ang isang dalagita sa malawak na lupaing kaniyang kinatatayuan. Marahan nitong hinubad ang suot na sapin sa paa, at habang hawak ang sapin sa kaniyang mga kamay, umindayog ito ng sayaw kasabay ng hangin. Malayang tinatangay ng hangin ang mahaba at alon-alon niyang buhok.

Napangiti ako sa nakikita. Hindi ko namalayang unti-unti na akong naglalakad patungo sa kinaroroonan nito. At nang mapansin ang presensiya ko, huminto ito sa pagsayaw saka ibinaling sa akin ang buong atensiyon.

"Bakit mo ako tinititigan?" Tumaas ang hintuturo nito sa gawi ko. "Magpakilala ka," utos pa nito sa matigas na tinig. Ngunit kahit na matalim ang mga titig nito, hindi pa rin nagbabago ang mukha niyang maamo at tila ba anghel.

"A-ako si Calisson," pagpapakilala ko.

Sumilay ang ngiti sa kaniyang mukha, na naging dahilan upang makita ko ang pagdungaw ng matatalim niyang mga pangil.

"Calisson—isang tradisyonal na kendi na binubuo ng pinaghalong timpla ng minatamis na prutas at mga almond—kay tamis ng iyong pangalan." Lumapad ang ngiti nito matapos sabihin iyon. "Ako naman si Persimmon. At ikinagagalak ko ang makilala ka."

Namilog ang aking mga mata sa narinig. Sandali akong natigilan habang pigil ang hiningang pinakatitigan ang mukha ng dalagita sa aking harapan.

"M-mama... " bulong ko habang unti-unting sumisilay ang luha mula sa gilid ng aking mga mata.

Hindi ako makapaniwalang nasa harap ko na ngayon ang aking ina. Sumilay ang malapad na ngiti mula sa aking mga labi. Pakiramdam ko ay abot iyon hanggang sa aking magkabilang tainga. Ang taong ipinagdarasal ko gabi-gabi na makita, heto at nasa harapan ko na.

Matapos ng ilan pang katanungan ay niyaya ako nitong sumama sa kaniya. Pupunta raw kami sa lugar na madalas niyang puntahan.

Nagtungo kami sa pinakapusod ng gubat, at bumungad sa akin ang isang mataas na talon. Kasing linaw ng salamin ang tubig na naroon. Hindi gaya sa nakita kong tubig-dagat kanina na kulay rosas. At kagaya ng ibang mga bagay na nakita ko sa mahiwagang mundo ni Mama, matamis din ang lasa ng tubig sa talon. Kasing tamis ito ng nektar ng bulaklak na santan.

Pinaliligiran din ang talon ng iba't ibang bulaklak at mga prutas na lepote. Paminsan-minsan ay nagyeyelo pa ang ibabaw na bahagi ng talon sa manaka-nakang pag-ihip ng hangin.

Maraming bagay ang ikinuwento sa akin ni Mama. Gaya ng kung paano nasawi ang kaniyang ina sa nagdaang digmaan sa pagitan ng mga mangkukulam at mga dambuhala, kaya ngayon, sila na lamang ng kaniyang ama ang natitirang magkasama sa buhay. Naikuwento rin nito ang kagustuhan niyang maging susunod na reyna ng kanilang mundo, upang mas mapangalagaan ang daigdig na lampas sa buwan. Pati na rin ang talento niya sa pagpipinta na binabalak niyang gawing sandata sa pakikipaglaban sa mga dambuhala sa hinaharap.

Nang ako naman ang kaniyang tanungin, wala akong ibang masabi kung hindi ang maagang namatay ang aking ama, at hindi ko pa nakikilala ang aking ina. Matagal niya akong tinitigan habang nakakunot ang noo. Sinalubong ko naman ang dalawang pares ng mapula niyang mga mata.

Sinulit ko ang oras na magkasama kami. Hindi kami huminto sa pag-uusap tungkol sa mga bagay-bagay. Paminsan-minsan pa ay naglalaro din kami sa loob ng gubat. Naging masaya ako. Kahit na pagod, labis-labis ang naging kasiyahan ko.

Sana narito rin si Papa. Sana mabigyan din ako ng pagkakataong makasama siya, na makumpleto kaming tatlo, na kahit makilala ko lang ito sa pamamagitan ng alaala ni Mama sa pulang talaarawan, masaya na ako.

Tila ba huminto ang aking mundo at muling nagbalik ang mabigat na pakiramdam sa aking dibdib nang marinig ang bulong na nagmumula sa talaarawan.

"Ubos na ang iyong oras. Kailangan na natin bumalik, Calisson."

Naluluha kong tiningnan si Mama habang payapa itong sumasayaw kasama ng iba't ibang mga halaman sa paligid. Nang tapunan ako nito ng tingin ay napahinto ito at mabilis na sumilay ang kunot sa sariling noo.

"Ano ang iyong problema? Bakit tila kay lungkot ng iyong mga mata?"

Marahas akong umiling habang ramdam ang pagbuhos ng luha sa aking pisngi. Tinakbo ko ang natitirang pagitan sa aming dalawa at mahigpit siyang niyakap.

"Salamat," bulong ko sa kaniya. "Pero kailangan ko nang umalis."

Naramdaman ko ang dalawang kamay nitong yumakap din sa akin. "Kailangan mo na ba talagang lumisan? Hindi ba at ipakikita ko pa sa 'yo ang aking salamangka at mga gayuma?"

Kumalas ako sa aming yakap at mabilis na pinalis ang mga luha na naglandas sa aking pisngi.

"Kailangan na." Muli akong ngumiti sa kaniya bago tuluyang itinaas ang kamay. "Paalam, mama... " bulong ko.

"MAGSASALITA ka ba o mamarkahan na kita ng sero?" Tumaas ang isang kilay ni Ma'am Hermosa bago umiling sa akin. Muli naman akong lumunok bago humugot ng malalim na hininga.

"Ang pinipili ko ay talento. Para sa akin, mas mahalaga ito kaysa sa kapangyarihan na maari kong makuha at magamit sa ating mundo. Bakit? Dahil ang talento, bigay ng Diyos at maaari nating gamitin upang makatulong at makapagpasaya ng ibang tao. Kung may talento ka at ginamit mo ito sa mabuting paraan, daig mo pa ang may kapangyarihan."

Napangiti ako nang makita ang pagsilay ng ngiti mula sa mga labi ng ilan kong kaklase. May ilang tinaasan ako ng kilay, habang ang ilan naman, pumapalakpak para sa akin.

"At masasabi kong, proud ako sa talento ko. Dahil kahit isang hamak na manunulat lang ako sa mata ng iba, gamit nitong kakayahan ko, kaya kong maiparating sa mundo ang lahat ng ninanais kong sabihin. Kabilang na rito ay kung gaano ako kasaya ngayon. Na kahit hindi ko man kapiling ang aking mga magulang, masaya pa rin ako dahil alam kong bunga ako ng kanilang wagas na pagmamahalan."

Sa pagkakataong iyon, nilingon ko si Ma'am Hermosa at ngumiti. Nagtaka pa ako nang makita ang lungkot sa kaniyang mga mata, ngunit naroon ang ngiti sa kaniyang mga labi.

Itinaas nito ang kanang kamay saka iyon ikinumpas sa ere. Sa isang iglap, huminto ang lahat. Huminto ang aking mga kaklase, ang paligid, at ang pagtakbo ng oras.

Tumayo si Ma'am Hermosa bago matuling naglakad palapit sa akin. Ang nakapusod nitong kulay itim na buhok ay unti-unting nagkulay olandes. Napatda ako nang masilayan ang pagpula ng kaniyang mga mata. Ganoon din nang magsimulang mag-iba ang damit nito. Mula sa uniporme nilang pangguro ay unti-unting naging kakaiba ang kaniyang kasuotan na gaya sa nakikita kong suot ng mga mangkukulam sa tuwing bumabalik ako sa nakaraang alaala ni Mama. At mula sa kung saan, biglang lumitaw ang mga asul na alitaptap. Sumasayaw ang mga ito sa aming paligid.

"Hindi nga ako nagkamali." Pinagmasdan ko ang naluluhang mukha ni Ma'am Hermosa nang marinig ang sinabi niya. "Ikaw ang babaeng nakausap ko noon."

Bumilis ang tibok ng aking puso. Ramdam ko ang panlalamig ng aking mga kamay nang umihip ang malakas na hangin.

"Calisson... ako ito."

Dumulas mula sa aking mga kamay ang hawak na kuwaderno at talaarawan. Hindi ako nakapagsalita. Tila ba naputol ang aking dila sa nakikita at naririnig.

"T-totoo ba ito?" tanging nasambit ko.

Pero bigla ko ring naalala, walang imposible sa mahika.

Wakas

Weiterlesen

Das wird dir gefallen

800 212 8
Sylvie Kalie Santos was a girl who admired a famous singer and model. Sylvie was a young adolescent when she saw the music video song on TV and was i...
137M 5.3M 131
Masarap mapunta sa Section na may pagkaka-isa. Meron mang hnd pagkaka-unawaan, napag-uusapan naman. Panu kung mapunta ka sa Section na ikaw lang ang...
10.8M 219K 24
Seven years ago, Sheenalyn Ybarra made a mistake of joining a fraternity, seven years later, Sheenalyn Ybarra made a mistake of entering Sancho Consu...
4.6M 121K 53
"She doesn't have a heart." Iyan ang pagkakakilala ng marami sa kanya. She can do everything - humiliate everyone, hurt anyone, if she likes to. She...