Espasiyo ng Pusa

By MiCynnamon

1.8K 75 5

A compilation of one shot stories of different genres. This compilation may include humor, romance, horror, f... More

Lavender
Sa Muling Pagtatagpo
Pulang Rosas
Sighisoara, Romania: Eros & Miya
Daisuki Da Yo (I Really Like You)
The Latin
29th Day of February
Maruja
Pan de los Muertos
Sunday with Anastasia
Sweet Delights
The World Beyond the Moon
Pluviophile
Gruss Vom Krampus
S.A.W.I.: Single at Walang Iniintindi
21st Century Machine
Tanikala't Rosas

Kalapating Mababa ang Lipad

92 3 0
By MiCynnamon

———

MALAMYOS ang panimula ng awiting pumapailanlang sa malayong radyo. Makulimlim ang kalangitan at malamig ang simoy ng hanging tila hudyat sa nalalapit na pagbuhos ng ulan.

Nakatayo si Lorenzo sa lilim ng punong mangga sa hardin ng hospital habang hawak sa kaniyang kamay ang kumpon ng kulay lilang mga bulaklak. Isang malalim na hininga ang kaniyang hinugot nang sa wakas ay nagkaroon ng lakas ng loob na lapitan ang babaeng kanina pa niya pinagmamasdan, saka inalay rito ang hawak na mga bulaklak.

"Para sa akin?" untag ng babae.

Mabilis naman niyang kinuha ang kuwaderno sa kaniyang bulsa at isinulat doon ang gustong sabihin.

"Pasensya ka na. Gusto ko lang ibigay ang mga bulaklak. Hindi kita naririnig, bingi ako."

Mababakas ang pinaghalong gulat at awa sa mukha ng babae. Tinitigan siya nito nang ilang segundo habang nakakunot ang noo, at pagkatapos ay inabot ang kuwardenong hawak niya upang magsulat doon.

"Pasensya na rin, saka maraming salamat para dito. Pero bakit mo 'to binibigay sa 'kin?"

Mabilis na gumuhit ang malapad na ngiti sa mga labi ni Lorenzo nang mabasa ang tugon ng babae. Umupo siya sa tabi nito at muling nagsulat sa kuwaderno.

"Kamukha mo kasi ang nobya ko," basa ng babae sa isinulat niya. Natigilan ito at matagal na tinitigan ang kuwadernong hawak pa rin niya. Ilan sandali pa, sumilay ang matamis na ngiti mula sa mga labi nito.

"Ano bang pangalan ng nobya mo? At nasa'n siya?"

Ngumiti si Lorenzo nang mabasa ang tanong na isinulat ng babae. Muli siyang nagsulat sa kuwaderno at matapos ng ilang minuto ay muli itong ibinalik sa dalaga.

"Lena ang kaniyang pangalan. Narito siya ngayon sa hospital, nagpapagaling sa sakit niya."

Matagal muling pinakatitigan ng babae ang kuwardeno. Makalipas ang ilang minuto ay napatingin ito sa kaniya. Mapait siyang napangiti nang makita ang pinaghalong lungkot at pagtataka sa mukha ng babae.

"Bakit? Ano'ng nangyari sa kaniya?"

Ipinabasa nito sa kaniya ang tanong. Muling sumilay ang mapait na ngiti sa kaniyang mga labi, at tuluyang natahimik nang muling magbalik sa kaniya ang mga pangyayaring isang buwan na'ng nakalilipas.

"MAAARI na kayong umuwi," nakangiting anunsiyo ng dalawampu't limang taong gulang na gurong si Lorenzo sa kaniyang mga estudyante. Ang ilan sa mga ito ay nagsilabasan na upang makauwi habang siya naman ay nanatiling nakatayo sa harap ng pisara, isa-isang nililigpit ang kaniyang mga gamit.

Ilan sandali pa, napansin niya ang pagtayo ni Ara mula sa dulong bahagi ng silid. Sila na lamang ngayon ang natitira sa loob ng silid-aralan. Matulin itong naglakad palapit sa kinaroroonan niya habang mariing nakapukol ang mga mata sa kaniya.

Nang mag-angat siya ng mukha ay nagsalubong ang kanilang paningin. Mabilis na sumilay ang nang-aakit na ngiti mula sa mapupula nitong mga labi. Agad naman siyang nag-iwas ng tingin at muling ibinalik ang atensyon sa mga gamit.

"Hi, Sir Lorenz," malambing nitong bati. Umupo pa ito sa kaniyang mesa upang makuha ang atensyon niya. Kaswal naman siyang ngumiti rito at tumango bago muling nagbaba ng ulo.

Waring nadismaya ang babae sa kaniyang ipinakita. Sumimangot ito at umirap pa bago tumayo at tuluyang nagpaalam.

"Sige, bukas na lang ulit, sir," ani Ara sa bagong gurong pinagpapantasyahan ng karamihan sa mga babaeng estudyante nito.

Nang tuluyang makalabas ng pintuan ang babae; naiiling na naupo si Lorenzo sa kaniyang silya. Usap-usapan kasi sa kanilang opisina na nakikita itong kung kani-kaninong lalaki sumasama. Sobrang nanghihinayang siya rito. Wala naman magawa ang mga kapwa niya guro; anak kasi ng kilalang pulis ang babae.

Nasa ganoon siyang pag-iisip nang may biglang pumasok sa silid. Mabilis siyang napatayo nang makita ang bagong dating. "Lena," sambit niya sa pangalan ng nobya. Makikita sa kaniyang mga mata ang labis na pagkabighani nang masilayan ang babaeng pinakamamahal. Agad niya itong ikinulong sa kaniyang mga bisig at isinubsob ang sariling mukha sa leeg nito. "Na-miss kita," bulong niya rito.

Nakilala niya si Lena noong nag-aaral pa lang siya para sa license examination nila. Unang beses pa lang na magtama ang kanilang mga mata, alam na niya sa sarili na ito ang babaeng gusto niyang makasama habambuhay. Tatlong taon din ang hirap niya bago narinig ang matamis nitong 'oo'. Sa ngayon ay magdadalawang taon pa lang sila ng babae ngunit pakiramdam niya, hindi na niya kakayaning mabuhay nang wala ito.

Malayong-malayo ang kaniyang nobya sa ibang mga babaeng estudyante sa kanilang unibersidad. Kung gaano kasopistikada si Ara at ang iba, taliwas ng mga ito si Lena. Simple lang ang babae, hindi makabasag-pinggan, iyon ang isa sa maraming dahilan kung bakit niya ito nagustuhan. Para sa kaniya, bonus na lang ang kagandahan ng dalaga. May taas itong limang talampakan at anim na sintemetro, may makinis na balat, maliit na baywang, at bilugang balakang. Matangos din ang maliit nitong ilong, may bilugang mga mata, at manipis ang mapupula nitong mga labi. Sa madaling salita, maganda ito kahit na walang ipahid na anumang produktong pangkulay sa mga labi, o kahit na walang kolorete sa mukha.

"M-Mahal kita, Lorenzo. Sobrang mahal kita," biglang sabi ng babae. Mababakas ang kalungkutan sa boses nito na agad namang ikinabahala ni Lorenzo. Mabilis siyang kumalas sa pagkakayakap dito at hinaplos ang mukha gamit ng kaniyang mga kamay.

"Ano'ng problema?" bulong niya sa dalaga. Sa halip na sumagot, ngiti lamang ang itinugon ng babae sa kaniya. Kasunod niyon ang pag-abot nito ng tatlong kulay lilang mga gumamela.

Muling sumilay ang malapad na ngiti sa mukha ng lalaki. Laging ganoon si Lena sa kaniya, bigla-bigla na lang itong mag-a-I love you, at pagkatapos ay maglalabas na ng kung ano-anong mga bulaklak na pinitas nito sa kung saan, minsan nga ay may kasama pang tsokolate. Ganoon kalambing ang kaniyang nobya. Parang ito pa nga ang lalaki sa kanilang dalawa. Naniniwala kasi ito na'ng tunay na pag-ibig, hindi makikita sa mamahaling mga bagay o anumang enggrandeng surpresa, kundi sa maliliit na bagay na ating ginagawa. Kaya napakasuwerte niya dahil siya ang napiling mahalin nito.

Ngunit kahit ganoon, kailangan pa rin nilang itago ang kanilang relasyon at magpanggap sa harap nang marami; lalo na sa loob ng unibersidad.

"K-Kailangan ko nang umalis," nakayukong wika ni Lena at saka dumistansya kay Lorenzo.

"Pero tapos na ang klase, a. Hindi ba puwedeng mag-usap muna tayo?" tanong niya rito. Titig na titig siya sa nahihiyang mukha ng babae. Hindi niya mapigilan ang pagguhit ng ngiti sa kaniyang mga labi. Lalong gumaganda sa kaniyang paningin ang dalaga. At para sa kaniya, ito pa rin ang pinakamaganda sa kabila ng kalungkutan na mababakas sa mukha nito.

"Nasa loob pa tayo ng paaralan, Lorenzo. Isa kang guro dito habang ako naman, e-estudyante lang," tugon nito. Napatango na lang si Lorenzo bago nagpakawala nang malalim na hininga.

"O, sige. Tutal, sa susunod na taon, ga-graduate ka na. Maitutuloy na natin ang kasal," malapad ang ngiting wika ni Lorenzo. Muli niyang ginagap ang kamay nito at dinala iyon sa kaniyang mga labi. Gusto niya sanang hagkan ang mga labi ng babae ngunit marahan siya nitong pinigilan. "Dumadalas ang pag-iwas mo sa akin, Mahal. May problema ba?"

Sa halip na sumagot, tuluyan nang nagpaalam sa kaniya ang babae. Nagmamadali itong umuwi dahil may kailangan daw itong tapusing trabaho sa bahay. Isang buntong-hininga na lang ang kaniyang pinakawalan habang nakatitig sa nakasaradong pinto kung saan lumabas ang katipan.

"MAGANDANG hapon, Sir dela Torre!" bungad ng mga estudyante sa pagpasok niya sa silid. Matapos silang batiin pabalik ay inumpisahan na niya ang kanilang leksyon. Katulad ng nakagawian, nag-umpisa siyang magsulat sa pisara at tinalakay ang paksa na kanilang pag-aaralan sa asignaturang matematika.

Nasa kalagitnaan sila ng diskusyon nang mahagip ng kaniyang tingin ang nakangiting mukha ni Ara habang nakatitig ito sa kaniya. Sa ilang segundong pagtatama ng kanilang mga mata ay bigla itong kumindat, na kaniya namang ikinaasiwa. Muli niyang ipinagpatuloy ang pagtuturo nang hindi na nililingon ang babae.

Mayamaya, tumunog na ang kampana, tapos na'ng kaniyang klase. Nang makalabas ang lahat, mabilis niyang inayos ang mga gamit dahil nananabik siyang makita ang nobya. Nalalapit na kasi ang pagsusulit ng mga mag-aaral, kaya naman alam niyang magiging abala na ito.

Akmang lalabas na rin siya ng silid nang bigla niyang maramdaman ang pagnginig ng kaniyang selpon. Mabilis niya itong kinuha sa pag-aakalang galing ang mensahe sa babae. Hindi naman siya nabigo, galing nga kay Lena ang mensaheng kaniyang natanggap. Ngunit labis siyang nadismaya nang makita ang nilalaman nito.

"Kailangan ko nang umuwi, Lorenzo. Marami pa 'kong gagawin. Pasensya ka na."

Malungkot siyang napangiti sa nabasa. Nitong nakaraan, ramdam niya ang pagdistansya ng nobya. Hindi niya alam kung bakit biglang naging mailap sa kaniya ang sinisinta. Nasa malalim siyang pag-iisip nang bigla siyang matigilan dahil sa pagsulpot ni Ara sa kaniyang harapan. May malapad itong ngiti sa mga labi.

"Kaya pala hindi mo 'ko pansin, may kesong mamon ka na pala," nakangisi nitong wika sabay tingin sa selpon na hawak niya. Mabilis naman siyang nag-iwas ng tingin sa babae at muling ibinulsa ang hawak, saka ito nilagpasan. Nang tuluyang makalabas ng silid ay hinabol pa siya nito at pinigilan sa braso.

"Ano ba'ng kailangan mo, Miss Garchitorena?"

Tumaas ang isang sulok ng labi ng babae. "Gusto lang kitang balaan, sir. Mukha kasing wala kang kaalam-alam."

Bigla naman sumeryoso ang ekspresyon ng mukha ni Lorenzo. "Tungkol saan?" Unti-unting nagsalubong ang kaniyang mga kilay.

"Tungkol sa isang estudyante rito, sir. Si Magdalena Reyes, ang pokpok ng kampus."

Kumuyom ang kamao ni Lorenzo. "Ang bibig mo, Miss Garchitorena."

Tinaasan naman siya ng isang kilay ng babae. "O? Totoo naman, Sir Lorenz. Ayaw mong maniwala sa akin? Sige, pumunta ka sa klab mamayang alas-otso ng gabi." Tumawa pa ito na parang nang-uuyam.

"Wala akong oras para dito," naiiling niyang wika. Pinilit pakalmahin ni Lorenzo ang sarili. Kilala niya ang sariling nobya, alam niyang hindi ganoong klase ang babae, ngunit baka magdilim ang kaniyang paningin kay Ara at malimutan niyang isa siyang guro.

"Gano'n ba kahirap tanggapin ang katotohanan, sir?" pang-uuyam pa ng estudyante sa kaniya.

Humugot nang malalim na hininga si Lorenzo bago muling binalingan ng tingin ang babae. "Mauuna na ako, Miss Garchito—"

"Naging parokyano niya ang pinsan ko," agad na putol ng dalaga. Doon niya tuluyan nabitiwan ang mga dalang gamit. Ilang beses siyang napalunok nang maramdaman ang panlalambot ng kaniyang mga tuhod.

Ang nang-uuyam na ngiti ng kaniyang estudyanteng si Ara ang huli niyang naalala bago tuluyang tinahak ang daan palayo roon.

'Ang pag-ibig ay malakas. Nagagawa nitong palakasin ang kung sino mang taong umiibig. At mas lalo itong lumalakas dahil ito ay totoo, at... walang bahid na kasinungalingan.' Parang naririnig pa ni Lorenzo sa kaniyang tainga ang boses ng babaeng minamahal habang sinasabi nito ang mga katagang iyon noon. Tuloy-tuloy lang sa paglandas ang luha sa kaniyang pisngi habang binabagtas ang daan patungo sa nag-iisang klab ng kanilang bayan.

SUMASABAY sa saliw ng tugtugin ang pag-indayog ng kaniyang katawan, dahan-dahan siyang gumigiling sa harap nang maraming lalaki na siyang naging dahilan upang lalong lumakas ang hiyawan ng mga ito. Tumalikod siya't unti-unting hinubad ang malaking puting kamiseta na suot, nang tuluyang mahubad, itinapon niya iyon sa mga lalaking hayok sa laman. Tanging ang panloob lang ang natitira niyang suot. Itinerno niya sa kaniyang pulang maskara ang suot niyang pulang thong at bra.

Napalunok si Lena nang muli niyang ipikit nang mariin ang mga mata, humugot nang malalim na hininga, at saka dahan-dahang hinagod ang sariling dibdib, pababa sa kaniyang bilugang balakang, hanggang sa pagitan ng kaniyang mga binti—natigilan siya sa ginagawa at napasinghap nang may marahas na kamay ang humila sa kaniyang braso at ipinihit siya paharap. Mabilis nitong tinanggal ang maskara na kaniyang suot kaya lumantad sa lahat ng naroon ang kaniyang mukha. Sandaling natigilan ang buong klab sa nasaksihan. Ilan sandali pa, nakarinig na siya ng mga bulong-bulungan.

Bumungad kay Lena ang blangkong mukha ni Lorenzo. Makikita ang pag-aapoy ng malalim at mapupungay nitong kulay kastanyas na mga mata. At ang paghigpit ng hawak nito sa kaniyang braso ang patunay sa matinding galit na nararamdaman nito. Nakagat niya ang ibabang labi sa takot, at para bang hinipan ng hangin ang kaniyang buong katawan.

Naramdaman na lamang ni Lena ang pamumuo ng luha sa kaniyang mga mata habang pinagmamasdan ang mukha ni Lorenzo. Malayo sa araw-araw na mala-anghel na mukha ng lalaki ang itsura nito ngayon.

Inasahan na niyang makatatanggap siya ng malutong na sampal mula rito ngunit nagkamali siya. Walang nanampal, walang tumulak, at walang nanigaw sa kaniya, dahilan upang mas lalong balutin ng takot ang kaniyang puso. Lalo na nang makita ang paglandas ng mga luha sa pisngi ng lalaki.

Unti-unting kumawala ang impit na iyak mula sa mga labi niya. Parang huminto ang mundo at biglang naging matulin ang paggalaw ng paligid. Kitang-kita niya ang pagbitiw ni Lorenzo sa kaniyang braso at ang pagtalikod nito sa kaniya na mahigit limang taon na niyang kinatatakutan mangyari.

"Lorenzo! Magpapaliwanag ako!" Humahagulgol siyang humabol sa nobyo. Inabutan niya ito sa labas ng klab, malapit sa kotse nitong naka-parke sa tabi. Pinagtitinginan na sila ng mga taong labas-masok sa klab. Pati ang ilang mga tambay sa tabi ay sa kanila na rin nakatingin. Pasalamat na lang siya dahil madilim at mausok ang paligid kaya halos hindi rin sila makilala ng mga tao.

Muli siyang nilingon ni Lorenzo; makikita sa mukha nito ang matinding sakit na idinulot niya. Namumula ang buong mukha ng lalaki habang kagat ang sariling labi at nakakuyom ang mga palad, waring pinipigilan ang sarili na ilabas ang galit na nararamdaman.

"Nagsinungaling ka," pabulong nitong wika.

"H-Hindi ko 'to g-ginusto, Lorenzo. P-Patawad... " Kinabahan siya sa uri ng tingin na ipinupukol sa kaniya ng nobyo. "K-Kinailangan ko lang 'tong gawin. Wala akong mapagpipilian, Lorenzo... patawad. Wala akong magawa."

Muling umiling si Lorenzo. Lalong kumuyom ang mga kamao habang nagtatagis ang bagang. "Alam mo ba kung gaano kasakit ang makita ka sa taas ng entabladong 'yon, Lena!"

Lalong bumuhos ang masaganang luha sa pisngi ni Lena. Mahigpit niyang hinawakan ang kamay ng lalaki at lumuhod sa harap nito. "P-Patawarin mo ako, Lorenzo. Wala akong magawa. S-sina Inay—"

Marahas na pinalis ni Lorenzo ang kaniyang kamay at muli siyang tinalikuran. Patuloy siya sa paghagulgol at pilit hinabol ang lalaki upang pigilan. Ramdam niya ang titig ng mga tao sa kanila, at ang pagdantay ng malamig na hangin sa kaniyang balat. Wala siyang ibang suot kundi ang kaniyang panloob, pero wala na siyang pakialam, hindi niya kayang mawala ang nobyo sa buhay niya.

"Lorenzo, hindi ako nakikipagtalik sa kanila! Maniwala ka, hindi—"

"Naging parokyano mo ang pinsan ng estudyante ko!" Dinuro siya ni Lorenzo at bigla pa itong sumigaw nang malakas. "Tangina!"

Muli siyang umiling dito. "It-in-able lang nila ako! P-pero hindi ako n-nakipagtalik sa kahit na kanino! Maniwala ka..."

Mabilis na naglakad si Lorenzo patungo sa kotse nito, kinuha ang isang dyaket sa loob at ibinato sa hubad niyang katawan, saka muling bumalik sa kotse at tuluyan siyang iniwan.

HALOS isang linggo na rin ang nagdaan mula nang mangyari iyon. Isang linggo na ring hindi pumapasok si Lorenzo sa unibersidad upang magturo. Namamaga pa rin ang kaniyang mga mata sa ilang gabing pagluha, at sa mga oras na iyon; isa lang ang gusto niyang gawin, ang puntahan si Lena at lumuhod sa harap nito upang humingi ng tawad. Ngunit hindi niya magawa, hindi niya iyon kayang gawin dahil sa pagmamataas niya. Hindi niya kayang sikmurain ang katotohanang ganoon ang trabaho ng babaeng halos sambahin niya dahil sa pagmamahal.

Muli niyang tinungga ang natitirang alak sa hawak na baso. At mula sa kamang kinauupuan, nahagip ng kaniyang tingin ang bibliyang ibinigay sa kaniya ng babae noong huling monthsary nila. Ni minsan, hindi niya pa iyon binuksan dahil may sarili siyang bibliya. Hinayaan niyang nasa ibabaw lang iyon ng kaniyang mesa. Tumayo siya at nilapitan ito, matapos kunin ay dinala niya ito sa kaniyang kama. Nang mapansin ang isang tangkay ng bulaklak na nakaipit sa isa sa mga pahinang naroon ay binuksan niya iyon. Bumungad sa kaniya ang nalalantang bulaklak ng kulay lilang orkidya.

"Ang pag-ibig ay mapagpatawad, mapagtiwala, puno ng pag-asa, at mapagtiis hanggang wakas," basa ni Lorenzo sa bahaging nakamarka. Halos kalahating oras niya rin tinitigan ang bersong iyon. Pilit inuuwa kung bakit iyon lamang ang may marka sa lahat.

At nang mapagtanto ang tunay nitong kahulugan, para bang binuhusan nang malamig na tubig si Lorenzo. Muling bumalik sa kaniya ang tagpo kung paano lumuhod at nagmakaawa ang nobya sa kaniyang harapan. Muling bumuhos ang luha sa kaniyang mga mata at napasabunot sa sariling buhok na tila nasisiraan na.

Agad niyang tinawagan ang numero ng kasintahan. Nakaramdam siya ng kirot sa puso nang hindi sagutin ng babae ang kaniyang tawag. Nangamba siya na maaring tuluyan nang bumitiw ang nobya sa kaniya. Nang sa ika-apat na tawag ay hindi pa rin nito sinasagot, nagdesisyon siyang puntahan na lamang ito sa kanila.

"O, TAPOS? Ano'ng nangyari?" basa ni Lorenzo sa kuwadernong hawak ng babae.

Muli niyang tinitigan ang babaeng katabi at isang luha ang naglandas sa kaniyang pisngi.

"Nang gabing puntahan ko siya, sinubukan niyang magbigti, pero salamat sa Diyos, hindi siya nagtagumpay. Nasa daan na kami noon para itakbo siya sa hospital nang mabangga kami ng rumaragasang trak."

Makikita ang gulat sa mga mata ng babae nang mabasa ang sulat niya. Napatakip pa ito sa sariling bibig nang muling ibaling ang tingin sa kaniya.

"Kaya ka ba nawalan ng pandinig? Dahil sa aksidente? E, ang nobya mo, ano'ng nangyari sa kaniya?"

Malungkot na tumango si Lorenzo sa mga nabasa. Ngumiti siya bago ipinakita sa babae ang isang punit na papel.

"Nawalan siya ng memorya."

Matagal na tinitigan ng babae ang kapirasong papel. Unti-unting nangunot ang noo nito at mabilis na napahawak sa sariling ulo. Muling nagsulat sa papel si Lorenzo bago naluluhang itinaas iyon sa harap ng babae.

"Ang pag-ibig ay mapagpatawad, mapagtiwala, puno ng pag-asa, at mapagtiis hanggang wakas."

Napangiwi ang dalaga sa matinding sakit ng ulo. Kasabay nang pag-ihip ng hangin, ang pagpatak ng luha sa pisngi nito.

"L-Lorenzo..." sambit ng babae.

Sumilay ang malapad na ngiti sa mga labi ni Lorenzo. Hindi man niya naririnig, naintindihan naman niya iyon.

"Lena, mahal ko."

Wakas

Continue Reading

You'll Also Like

117K 3K 28
GXG
137M 5.3M 131
Masarap mapunta sa Section na may pagkaka-isa. Meron mang hnd pagkaka-unawaan, napag-uusapan naman. Panu kung mapunta ka sa Section na ikaw lang ang...
73.7K 136 49
Enjoy
21.7M 705K 46
Ingrid is being stalked by a mysterious stranger. She thinks he's a psycho and is deeply afraid of him. However, her curiosity got the better of her...