LUMINOUS (Fantasy Novel)

By Gregor_io

11.9K 911 556

|| COMPLETED || Stand-Alone YA Fantasy Novel ANG BUHAY NI AMARIS ay puno ng pasakit sa kamay ng kanyang adopt... More

LUMINOUS
The Map
I : AMARIS
II : ALEK
III : AMARIS
IV : ALEK
V : AMARIS
VI : ALEK
VII : AMARIS
VIII : ALEK
IX : AMARIS
X : ALEK
XI : AMARIS
XII : ALEK
XIII : AMARIS
XIV : ALEK
XV : AMARIS
XVI : ALEK
XVII : AMARIS
XVIII : ALEK
XIX : AMARIS
XX : ALEK
XXI : AMARIS
XXII : ALEK
XXIII : AMARIS
XXIV : ALEK
XXV : AMARIS
XXVI : ALEK
XXVII : AMARIS
XXVIII : ALEK
XXX : ALEK
XXXI : AMARIS
XXXII : ALEK
XXXIII : AMARIS
XXXIV : ALEK
XXXV : AMARIS
XXXVI : ALEK
XXXVII : AMARIS
EPILOGUE
THANK YOU!
🌕

XXIX : AMARIS

82 14 17
By Gregor_io


Napanaginipan ko si Alek, hindi dahil siya'y nasa aking pandama, kundi dahil siya'y wala rito. Sa panaginip ay pilit nyang inaabot ang aking kamay, ngunit ang dilim na nakabalot sa amin ay wagas ang aming distansya ay hindi nababawasan. Ngunit bakit nya inaabot ang aking kamay habang ako'y nagliliwanag?

Nagising ako sa kalong ng malambot at mainit na tela. Sa malawak na kama. Isang gigintong silid—ang magaang dilaw na liwanag nito ay humahagod sa aking mga mata.

Naagaw ng magaang buntong hininga ang aking atensyon. Natagpuan ko ang isang babae sa aking tabi. Ini-angat nya ang kanyang palad sa aking harapan, at ang magaan nyang kilos ay agad nagpakalma sa aking umaangat sa tensyon. "Ako'y hindi banta." May init sa malambot nyang boses, na para bang iyon ay magaang musika.

Marahang bumaba ang kanyang palad at kanya itong idinugtong sa isa pang kamay tapat sa kanyang tiyan. Tuluyan kong napuna ang kanyang hitsura, agad akong nahatak ng hiwaga nito. Ang kanyang pagkakatayo ay tuwid at kalmado, walang bahid ng katiting na panganib. Siya'y nasa dilaw, ginto, at puting kulay ng kasuotan; bawat tela ay magaang nakabalot sa kanyang katawan, at malayang dumadaloy sa sahig. Munting mga diyamante ang kumikinang sa ilang bahagi ng kanyang puting balat, na kapwa nagbibigay ng mainit na anyo mula sa dilaw na liwanag ng silid, ang init na nais kong mamalagi.

Ang kanyang buhok ay sing-kulay ng buhok ng lalaking sumagip sa akin kagabi—mala-gatas na uri ng olandes. Paalon itong dumaloy sa kanyang buong balikat, sa harap, sa likuran. Ang kanyang mga mata ay ang bukod-tanging inosenteng mata na aking nakita simula sa pagdating ko sa Zamarro, ang mga olandes na balintataw nito ay higit nabubuhay sa ilaw ng silid. Muli ko siyang tiningnan nang buo, at nakita ko ang depinisyon ng 'hiwaga'.

"Sera." Sera. Siya ang binaggit ni Erdem na naghihintay kay Corvus. "Nagagalak akong nagbalik na ang iyong malay. Tiyak na kumakalam na ang iyong sikmura." Kusang kumulo ang loob ng aking tiyan. "Mayroon akong dinalang pagkain para sa iyo."

Banayad, tumungo siya sa isang sulok ng ginintuang silid at dinala ang isang trey ng mga kakaiba ngunit nakakatakam na pagkain. Ang mga malalalim na kulay ng mga ito at kintab sa liwanag ay lalo pang nagpalawak ng puwang sa aking sikmura. Inilapag nya ito sa aking kama, at ako'y marahang umangat sa pagkakaupo.

Nanumbalik siya sa magaan nyang pagtayo. "Ang mga pagkaing iyan ay ligtas. Hinihiling ng aking kapatid na si Corvus ang iyong tiwala. Nais nyang magkalaman ang iyong sikmura bago ka nya ipakilala sa lahat dito."

Siya at ang lalaking sumagip sa akin ay magkapatid. Agad kong napuna ang kanilang pagkakahawig.

"Maraming salamat sa lahat, sa iyo at sa iyong kapatid."

Nagsilay siya ng dalisay na ngiti sa kanyang inosenteng labi. "Ako rin ay magpapasalamat sa iyong tiwala." Nagulat ako nang mag-alay siya ng munting pagyuko. "Gawin mong komportable ang iyong sarili. Kami ay nasasabik na ikaw ay makilala."

"Amaris." Kusa iyong lumabas ng aking bibig, na tila ito'y nananabik rin.

Lumiwanag ang kanyang maamong mukha. "Kaibig-ibig na ngalan. Mula sa bathala ng Buwan." Tila mali ako ng narinig. Bathala ng . . . buwan? "Amaris, ako muna'y lilisan, at magbabalik ilang sandali pagkatapos ng iyong pagkain."

Gumaralgal muli ang aking sikmura, at ang ginintuang babae ay nagsimula nang tumungo palabas ng silid.

Sera, tangka kong pigil, ngunit hindi ko itinuloy. May panahon sa bagay na iyon mamaya. Sa bathala ng buwan . . . Sa lugar na ito . . . Sa pagsagip ni Corvus sa akin.

At sa pagbalik ko sa mga isla ng Galora.

"Alek."

Lumingon akong muli sa naghihintay na mga pagkain sa aking harapan, at nilagyan ang aking nagkakalam na sikmura. At sa paglipas ng minuto, napuna ko ang aking kasuotan. Wala ang kayumanggi at mabigat na Kayumpata, at agad ako'y nangulila rito, sa kabila ng katotohang ako ngayo'y nababalutan ng magaan at banayad na kasuotan. Ito'y puti, at mahiwaga.

Umalingawngaw ang deskripsyon ni Alek sa lupain ng Earos . . . . Mahiwaga. "Ang mga Zamarron sa mahiwagang lupaing ito ay may mga kakayahang nauugnay sa liwanag."


◖ ◖ ❍ ◗ ◗


Kasama si Sera ay lumabas kami ng puting pinto ng silid, at dito ay sinalubong kami ng babaeng agad kong nakilala bilang si Nessa. Ang kanyang paalong itim na buhok ay makintab sa maaliwalas na pasilyo. Ang kanyang kayumangging balat ay nagliwanag nang siya'y ngumiti.

"Hinihintay na tayo, mahal na Prinsesa Sera."

Nanlaki ang aking mga mata. Ang aking katabi ay isang Prinsesa.

"Kung gayon," magaang sambit niya, "tumungo na tayo." Lumingon siya sa akin at ako'y hinikayat gamit ang kanyang maamong tingin.

Aming tinahak ang pasilyong gawa sa puting bato. Mga nag-aalab na tanglaw sa pader, mga sumasayaw nitong munting apoy ay nagdudulot ng kaaya-ayang init at buhay sa lugar.

"Paumanhin kung hindi ko agad ipinabatid ang aking katungkulan, Amaris," wika ni—Prinsesa—Sera sa pagliko namin sa kurbada. "Nais ko lamang na ikaw ay maging kumportable sa akin."

Mayroon siyang angking tangkad, gaya ng kanyang kapatid. Curvos—ang Prinsipe. "Paumanhin kung hindi ko naibigay ang mga nararapat na paggalang," tugon ko, iniisip na marahil maihahalintulad ko ang sistema rito sa mga nakikita sa pelikula sa Earth.

"Salamat sa iyong pagaalala sa bagay na iyon, subalit walang espesyal na paggalang ang kailangan sa palasyong ito, pawang likas at normal lamang ay sapat na sa akin at sa aking kapatid, na tinatanggihan ang pagtawag sa kanya ng Prinsipe." Nahinuha ko ang normal ang pakikitungo ni Erdem at Nessah kay Corvus kagabi, dahilan upang hindi ko matukoy na mayroon siyang mataas na katayuan. "Subalit, iba sa aking Amang Hari. Bilang Hari, nararapat lamang sa kanya ang lahat ng paggalang." Humarap siya sa akin, walang pangmamaliit sa halip ay pag-unawa. "Nawa'y iyong nauunawaan."

Gusto kong sabihing hindi ako taga rito, na nagmula ako sa ibang daigdig, ngunit pinili ko munang itago iyon. "Malugod kong iaalay ang aking buong paggalang sa kanyang ibinigay na kabutihan sa akin, na kanya akong pinatuloy sa kanyang palasyo."

Muling napaharap ang Prinsesa sa akin, at maging si Nessah sa mga mata nyang puno ng ekspresyon.

"Kaibig-ibig ang iyong pagkatao." Rumagasa ang init sa aking pisngi.

"Sinasang-ayunan ko . . ." tuwid na sambit ni Nessah, ngunit napahinto nang kanya nang babanggitin ang aking ngalan. Gaya ni Sera, tila maging siya'y naninibago rito, o nagulantang. ". . . Amaris."

Alam kong naninibago siya, gaya ng aking paninibago, dahil kapangalan ko ang kanilang Bathala ng Buwan. At ako'y nagliliwanag, na parang Buwan.

"Ikinalulugod kong malaman ang mga bagay na iyon mula sa inyo," simula kong tugon.

Nang hindi ko namamalayan, malapit na kaming makarating sa dulo ng pasilyo kung saan nakaabang ang maluwang na bulwagan. Ang palasyong ito ay maliwanag at ginintuan, napakalayo sa lahat ng inaasahan ko sa madilim na mundo ng Zamarro.

"Mahal kong Amang Hari," saad ni Sera nang maabot namin ang bulwagan. Ako'y huminto sa tabi ni Nessah habang si Sera ay naglakad sa sentro ng pabilog na disensyong nakapinta sa sahig—malawak, tapat sa nakaangat na entablado kung nasaan ang ginintuang trono, makintab sa bawat pagtama ng liwanag. Ang Hari ay nakaupo rito, una kong napansin ay ang kanyang edad, na kita sa kulubot nyang puting balat. Siya'y nakabalot sa puti, dilaw, at gintong kasuotan.

Sa sentro, ang Prinsesa ay nag-alay ng mababang pagyuko, bagay na aking bingyang pansin at kinabisado. "Ang ating panauhin ay narito na," tuloy nya matapos siyang mag-angat.

"Iyo siyang patuluyin." Magaslaw subalit malakas ang boses ng Hari.

Humarap ang prinsesa sa amin at binigyan kamin ng munting pagtango. Siya'y sunod tumungo sa ibaba ng entablado, kung saan tuwid na nakatayo ang kanyang kapatid. Natagpuan kong nakatuon ang atensyon ni Corvus sa akin.

"Sumunod ka sa akin," pabulong na anyaya ni Nessah, at tinahak namin ang espasyo tungo sa sentro. Sa loob ng malawak na bilog—sa paligid—nagtipon ang mga tingin ng iba-ibang mukha sa akin. Ang napakaluwang na espasyo ay mabilis na sumikip. Hindi ko mabilang ang mga narito dahil nakatutok lamang sa sahig ang aking tingin, ngunit sa nahahagip ko sa mga sulok nito, tila nasa dalawampu lamang sila, marahil mas mas kaunti.

"Ang ating panauhin, Mahal na Hari." Nag-alay ng paglubod si Nessah at akin iyong ginaya. Sa sulok ng aking paningin, ang mga tingin sa aking paligid ay bumaba at ako'y sinundan. Ang mga ito'y tumaas din nang ako'y mag-angat.

"Maaari mo na siyang iwan, Anessah."

Hindi na sa akin pa lumingon si Nessah at tumungo na rin kung nasaan ang lahat—sa aking paligid.

"Panauhin." Umangat ang aking mukha sa pagtawag sa aking ng Hari. Ang kanyang tingin ay direkta sa akin, at hindi ko alam kung ano ang aking mararamdaman. "Iyong ipakilala ang sarili sa lahat sa amin."

Bumitaw ako sa tingin ng Hari at lumingon sa tuwid at hindi mabasang ekspresyon ni Corvus. Lumipat ang aking mga mata kay Sera, at kanya akong binigyan ng bahagyang tango at munting ngiti.

Humatak ako ng pagatagong buntong hininga. "Mahal na Hari," panimula ko, gaya ng aking mga narinig, habang iniisip kung ano ang mga papakawalang salita. "Ikinalulugod kong inyo akong pinatuloy sa inyong palasyo. Ako ay nagmula sa kapuluan ng Galora, isang mababang uri ng Zamarron. Ang aking ngalan ay Amaris."

Umusbong ang mga pigil na reaksyon mula sa mga nakapaligid. Ang kanilang mga mata'y dumiin sa akin, ang espasyo ay lalong nagsikip. Ang gulat ay siya ring puminta sa seryosong mukha ni Corvus. Ang kanyang mga kilay—sa malalim na olandes—ay bahagyang nagtagtagpo.

"Amaris."

"Siyang tunay, Mahal na Hari."

"Batid mo ba ang kahulugan nito?" Magaan ang tono ng kanyang boses, at bagaman ito lamang ang aking napupuna, alam ko sa sarili kong mayroon siyang pagdududa. Sa maikling sandali ay kinabahan akong matutuklasan nilang nagmula ako sa Earth.

"Natuklasan ko lamang sa mga nagdaang sandali, na ito ay ngalan ng Bathala ng Buwan."

Kumislap ang mata ng Hari. At sa buhay kong pandama, ang mga nakapaligid sa akin ay higit pang nagtuon ng atensyon. Mas kailangan kong mag-ingat. Isang pagkakamali, at ako'y kanilang panghihinalaan. Hindi ko alam, ngunit labis-labis ang kanilang pagiingat. Maging si Erdem at Nessah ay nakipagdebate pa sa kanilang Prinsipe bago sumang-ayon na ako'y papasukin dito.

"At ano ang nauunawaan mo rito?" usisa ng Hari.

Para bang nakatayo ako sa ibabaw ng yelo, at nagkaroon na ito ng bitak nang lingid sa aking kaalaman, at sa isang iglap takot na akong gumalaw sa posibilidad na ito'y magdudulot ng mas malalaki pang bitak.

"Paumanhin, Mahal na Hari . . ." bumagsak ang aking tingin sa mababang pagyuko, "subalit hanggang doon na lamang ang aking nalalaman."

Ang pagsabi sa mga salitang iyo ay tila isang bahagyang paggalaw, at ngayo'y inaabangan ko ang mabilis na paglitaw ng mga malalaking bitak. Dahil hindi ako tiyak sa aking sinabi. Ang alam ko lamang ay walang Buwan ang Zamarro . . . O marahil mayroon, subalit lingid sa kaalaman ng mga normal na Zamarron, dahil ito'y natatakpan ng Zukos sa kalangitan daan-daang taon na ang nagdaan. Iyon ang mga sinambit ni Alek, habang aming pinagmamasdan ang mga asul na hibla ng Pagsalin bago ang naganap na pag-atake.

Pinili kong hilain ang barahang naglalaman ng kawalang-kaalaman patungkol sa buwan. Sa mahahabang patlang ng bawat segundo, ako ay inusisa lamang ng Hari, at ng bawat isa sa paligid.

Ako . . . ay nanatili . . . inaabangan ang mga bitak, inaabangan ang pagbagsak ng ibang baraha. At nangyari ang aking kinatatakutan.

"Mahal na Hari, ang babaeng iyan ay nagsisinungaling."

Tila bumagsak ang aking puso sa aking sikmura. Bumato ang aking tingin sa pinagmulan ng boses sa aking kanan at natagpuan ko ang babaeng nasa kayumangging kasuotan. Paano nya natuklasan? Dalawang orbe ng itim na usok ang lumulutang sa kanyang magkabilang balikat, at dito'y nanlaki ang aking mga mata. Ngunit sa kanyang tabi ay nagsalita ang isang lalaki.

"Huwad. Isa siyang Shadow."

Hindi ko agad natukoy kung sino ang kanyang sinasabihan. Kung ako, o ang babaeng mayroong dalawang nakalutang na itim na orbe. Subalit ang lahat ng tingin ay sa akin dumako.

"Nagkakamali kayo!" bugso kong dipensa. "Ang mga Shadow ang dahilan kung bakit ako napadpad dito." Lumipat ang aking tingin kay Corvus, na nagbato ng seryosong nakatingin sa namamaratang. "Dahil ako'y kanilang inuusig."

"At palagay mo ba'y hindi namin iyon titingnan bilang palabas lamang?" sumbat ng babaeng may dalawang orbe. Ang lahat ay nagmamasid, nagdududa, tila ang tangi lamang sinusubukang umintindi sa akin ay si Sera.

"Ngunit—"

"Katahimikan!" Mula iyon kay Corvus—sa wakas. Humawi ang manipis na ginhawa sa akin. Ang katahimikan ay sumabog at nilamon ang buong espasyo. "Ang mga Shadow ay hindi makakalikha ng sariling liwanag, gayon na rin ang magtanim ng enerhiya sa kanilang katawan nang kahit anong nauugnay sa liwanag." Bumaling ang kanyang seryosong tingin sa akin. "Kung ang akin ngang nakita sa gabing iyon ay kanya lamang pagpapanggap, may tanging paraan upang atin iyong mapatunayan." Humarap siya sa kanyang Amang Hari at binigyan sya nito ng sumasang-ayon na tingin. Ibinalik nya ang kanyang hindi-matinag na tingin sa akin. "Para sa ikapapanatag naming lahat, Binibini, maaari mo bang isagawang muli ang iyong pagliwanag?"

Hiniling kong totoong yelo nga ang sahig upang lamunin na ako nito. Paano ko magagawang magliwanag, kung minsan ko pa lamang iyon nagawa at nang hindi pa namamalayan?

Subalit wala akong ibang mapagpipilian pa. Pinilit kong maging kalmado. "Aking susubukan."

Dumiin ang aking mga paa sa sahig, at sunod gumaan. Pinakalma ko ang aking sarili, at nang hindi inaasahan ay nag-itsa sa aking alaala ang mga salita ni Alek sa mga una naming pagtatagpo.

"Marahil mayroong malakas na enerhiyang namamalagi sa iyo. Isang uri ng pambihirang enerhiya na siyang nagdudulot ng iyong pagliwanag."

Sa kabutihang palad, ang enerhiyang iyon ay tukoy ko na, at nakabaon na sa memorya ng aking pandama. Akin itong hinagilap, sa kailaliman ng aking utak, sa kaibuturan ng aking sensasyon. Hinagilap ko ang kakaibang taginting mula sa malawak na puwang sa kailaliman ng aking katawan. Hinintay ko ang pag-angat nito at paggapang sa aking balat.

At sa puntong ito, ang enerhiya ay naroon, sa isang lugar sa aking kamalayan na hindi ko akalaing mayroon.

Ang enerhiya ay aking hinatak. Ang taginting ay nabuhay, at ang hindi maka-tao at hindi-makamundong sensasyon. Gumapang ito sa aking balat, hanggang sa ang aking pandama ay kumislap—isang matindi at nakakasilaw na pagkislap. Unti-unti, bagaman nakapikit ay nagawa kong makakita. Ang buong paligid ay umukit sa aking sensasyon at pandama, pino, buo, at buhay. Ito'y napakalinaw kumpara sa lahat ng aking naramdaman. Ang sensasyon ay napakabuo kumpara sa lahat ng natamaan ng aking liwanag.

Na para bang . . . . Na para bang dito ako nabibilang.

Naramdaman ko ang bawat enerhiya ng bawat nakapaligid sa akin, ang tibay ng mga poste at sahig, ang tahimik na hangin, at higit sa lahat, ang lantad na emosyon ng bawat isa. Ang pagbabago sa kanilang mga enerhiya, ang sigalot ng pagduruda, ang alimpuyo ng kalituhan, ang dagundong ng sindak, at dahuyang damdamin.

Ang realidad ay hindi na nabalikdad sa aking pandama, bagkos ito ay nabuo sa aking isipan. Ito'y aking nahawakan. Inusisa ko ang mga gintong enerhiya ni Corvus, lantad at bukas sa espasyo ng aking pandama. Ang lahat ng kanyang emosyon ay aking nakikita, sa kabila ng sigalot ng pagkagulat, ay hindi siya malamig at manhid na nilalang gaya ng kanyang ipinapakita. Maging ang kanyang Amang Hari. At ang kay Sera, ang pinakamakintab at nagliliwanag.

Sa aking paligid, ang mga kulay ay sumasabog. At mayroon akong napansin. Ang mga hibla ng enerhiya, sa bawat paglipas ng segundo, ay lalo pang kumikintab at nabubuhay.

Gaano iyon nagtagal—ang aking sensasyon, ang magkakasalabit ng hibla ng mga enerhiya? Nang magkaroon ng sariling buhay ang mga ito ay nagawa ko na ring makabalik sa pisikal na mundo. Nagbukas ang aking mga mata, at sa gulantang na mga mata ng mga nakapaligid sa akin ay natukoy kong mayroon silang nakikita. Ang gulat sa mukha ng Hari ay hindi maipinta habang ang aking matinding liwanag ay himihilamos sa kanyang mukha.

Sa ibaba ng hagdan ng entablado, si Sera ay lumapit sa akin. Siya'y para ring nagliliwanag—ang balat, mga mata, kasuotan. Magaang kamay nya ang lumapat sa aking balikat. "Marahil hindi mo nakikita . . . . Ikaw ay nagliliwanag . . . At ang iyong balintataw ay makintab na ginto."

Umatras nang bahagya si Sera. Ini-angat nya ang nakasara nyang kamay. Nang kanya itong i-unat, munting asul na paruparo ang lumitaw at lumipad sa aking harapan. At sa munting kumpas ng kanyang kamay, ang paruparo ay sumabog sa makapal na alikabok, isang manipis na enerhiya. Ang asul na alikabok ay unti-unting kumintab, naging pilak, at porselana. At habang ito'y kumikinang sa marahang pagbagsak, ang alipato ay naghulma at nagkaroon ng hugis.

Aking repleksyon—REPLIKA.

Porselanang balat sa nagliliwanag na katawan—ulo, buhok, hanggang paa. Maging ang kasuotan.

Nagkaroon ng kulay ang porselanang replika. Pumahid sa labi nito ang manipis na kulay ng rosas—humaplos ang buhay. At ang aking mga mata'y nabigyan ng gintong balintataw.

Ngayon ko lamang nasilayan ang aking buong hitsura habang nagliliwanag . . . at maging ito ay isa pang depinisyon ng 'hiwaga,' ng 'hindi-makamundo," ng 'misteryo'.

Ang aking replika ay unti-unting naglaho.

"Amang Hari," pukol ni Corvus sa kanyang ama. "Sa nakikita ko, tiyak akong lahat ay sasang-ayon kung imumungkahi kong baguhin na ang ating mga katanungan sa kanya. Sa tingin ko'y sapat na ang atin ngayong natutunghayan."

Siya'y pinakinggan ng Hari ngunit ito'y nanatiling nakatitig sa akin. Siya'y marahang tumayo, at alistong tumungo sa kanyang tabi si Corvus, inalalayan ang kanyang ama. Marahan ay binalagtas ng matandang pinuno ang hagdan pababa at patungo sa akin.

Sa kalapitan ay napuna ko ang mga magaang-kayumangging pekas na nakabudbod sa kanyang mukha, at ang mga puting maiikling balbas. Ang kanyang buhok ay kapwa puti. Ang kanyang korono ay higit kumintab sa kalapitan nito sa aking liwanag—mga diyamante ay nagniningning.

"Maaari bang mahawakan ang iyong kamay . . . Amaris?"

Ang Amaris ay ngalan ng kanilang Bathala ng Buwan. At ako, bagaman malinaw na hindi ang Bathalang iyon, ay nagliliwanag na tila isang buwan sa kalangitan. Hindi ko maunawaan ang koneksyon ng mga ito, subalit ang mga titig ng Hari ay may ibang sinasabi.

Ibinigay ko sa kanya ang aking kanang kamay, at kanya itong maingat na inabot. Kung siya ay isang Hari, gaya sa pelikula ito ay aking malaking karangalan.

Inusisa nya ang aking nagliliwanag na kamay; dinama ang enerhiyang bumabalot at dumadaloy rito. "Sa isang daang taon kong pamamalagi sa Zamarro ay hindi pa ako nakasaksi ng ganitong kakayahan. Ang iyong enerhiya . . . ay maalamat." Umangat ang kanyang mukha at ipinukol ang madiing tingin sa akin—ang olandes nyang mga balintataw ay nagkukulay ginto sa aking liwanag. "Ihayag mo kung saan ang iyong pinagmulan?"

Earth, saad ng aking utak. "Sa Galora. Sa mga isla nito."

"Higit pa. Tiyak kong hindi ka nagmula sa Earos."

Dahil siya'y naninirahan sa lupaing ito sa kabuuan ng kanyang buhay, dapat lamang na kanya iyong matukoy. Subalit ako pa rin ay nabigla. Ngunit kung iyon ang kanyang tinuran, bilang isang Hari, sa harap ng kanyang tagasunod, alam kong tiyak siya sa kanyang mga sinabi.

Ngunit ano pa nga ba ang lugar na aking Alam?

Nhorgi, andap ng alaala sa akin. Warros. Szagi. Doon nagmula si Alek.

"Szagi, Driidu . . . Mahal na Hari." Sa loob ko'y nais kong sabihing Earth. Marahil kaya nila akong ibalik sa aking mundo.

Hindi kumbinsido ang mga mata ng Hari, ngunit siya'y tumango at sumang-ayon. "Aking nauunawaan."

Siya'y tumalikod sa amin at akma nang babalik sa kanyang trono, ngunit pumunit sa katahimikan ang panibagong boses, sa aking likuran.

"Kailangan ko 'tong ibahagi, Mahal na Hari," kanyang mungkahi. "Hindi siya nagmula sa daigdig na ito."

Napatigil ang Hari, at si Corvus, at sila'y magkasabay humarap sa pinagmulan ng boses.

"Lorcan," bigkas ni Corvus, ngunit ini-angat ng Hari ang kanyang kamay.

"Ika'y lumapit, Lorcan ng lupaing Menova."

Isang lalaki sa kayumangging buhok at asul-at-pilak na kasuotan ang huminto sa aking tabi. Magaan ang kanyang ekpresyon, sa seryosong ukit.

"Sa koleksyon ko ng uri ng enerhiya, ang sa kanya ay nabibilang sa ibang daigdig."

Bumagsak ang buong tensyon sa akin. Ang tingin ng lahat ay bamaon sa aking balat, namamayani ang pagkagulantang. Lahat sila'y agad kumapit sa sinambit ng lalaki, nang walang pagdadalawang isip, na para bang siya'y hindi pa kailanman nagkamali sa kanyang mga tinuran. Maging ang pinagmulan ko ay kanyang natukoy—nang tama.

Wala kong ibang mapagpipilian pa kundi sabihin ang totoo. Mabigat ang mga salita halos hindi ko mapakawalan ni isa. "Nagmula ako . . . sa . . . mundo ng Earth."

Ang Hari, sa aking gulat, ay hindi natinag. "Earth," bigkas nya sa mababang tono. Buo ang kanyang tindig. Ang ekspresyon ay magkakahalo. "Imungkahi mo sa lahat ng narito kung paano ka napadpad sa aming mundo."

Sa aking pagkabigla ay hindi na ako nakapagpigil pa. "Alam ninyo ang Earth?" Unti-unting bumagsak ang aking mukna. "Paumanhin . . . Mahal na Hari."

"Ang Earth ay ibang daigdig na pinaninirahan ng mga Tao," kanyang kalmadong tugon. "Sa kasaysayan ng Earos, ang mundong Earth ay naka-ukit. . . . Ngayon, Amaris, maaari mo bang ibahagi kung paano ka napadpad sa mundo ng Zamarro?"

Hindi ako nagmadaling tumugon. Sa halip, muli kong pinagmasdan ang buong lugar—malawak na espasyo, mataas na kisame, mga matatabang poste sa kakaibang, intrikong disenyo. Inusisa ang nakagiginhawang liwanag nito, mula sa mga apoy, mula sa mga naipong enerhiya. At muli kong dinama ang mga nakapaligid sa akin. Muli ay nagulat ako sa kakaibang enerhiya ng buong lugar, malayo at salungat sa una kong naramdaman pagdating ko sa Zamarro, ibang iba sa malamig at madilim na enerhiya ng mga Shadow. Hindi kaya . . . sila ang dahilan kung bakit ang Earos ay mahiwaga?

At, sa hindi ko inaasahang sandali, kumislap ang enerhiya ni Alek sa aking alaala—ang kanyang init, at ang kanyang lamig; magkasalungat, naglalaban, naghahalo. Kusa at likas, umalingawngaw ang sinabi ni Corvus, na ang mga Shadow ay hindi kayang lumikha ng sariling liwanag, o magtanim nito sa loob ng kanilang katawan. Ngunit si Alek ay nakakalikha ng dilaw na liwanag, malamlam kumpara sa mga enerhiya ng narito, subalit iyon ay liwanag. Marahil maging si Alek ay may hindi natutuklasan sa kanyang sarili. At kung nais ko siyang makitang muli, mabalikan, at marahil madala rito . . . kailangan kong sabihin sa mga narito ang mga nangyari—lahat.

Inayos ko ang aking tindig at hinarap nang buo ang Hari sa kanyang trono. Totoong hindi ko pa gamay ang aking misteryo, ang mga kakayahang ito, ang mga enerhiya, subalit ang mga ito'y tila kakaibang uri—mataas na uri—ng instict, ng sixth sense, o ng kung ano pang hindi-pisikal at hindi makamundong bagay. Ito na lamang ang mayroon ako, at kailangan ko ritong kumapit.


◖ ◖ ❍ ◗ ◗


Ilang mahahabang oras ang lumipas—o marahil sa pagtatapos ng araw—kami ay nagbalik sa bulwagan. Sa aking kuwento, ang pagkagulat ng mga Moonfolk ay unti-unting naging pagkamangha.

Ngunit hindi ganoon sa kuwento ni Alek. Ang pagbanggit ko sa kanya at sa kanyang pagiging Shadow ay humatak ng mga katanungang hindi ko masagot.

Anong uri siya ng Darkborne Shadow?

Bakit niya ako pinrotektahan laban sa kanyang mga kapwa Shadow?

Saan nya ako balak dalhin sa mundong ito? Ano ang kanyang pakay?

Paanong nagagawa nyang makalikha ng sariling liwanag?

Sa huli, kinailangan naming tapusin ang mabigat na usapan, at susubukan nila iyong hanapan ng kasagutan, sa paanong paraan ay hindi ko alam. Ngunit isa ang siniguro ng Hari: malakas ang kutob nyang ipinadala si Alek ng Dark Majesty—na taliwas sa sinambit ni Alek, ay hindi nagpapanatili ng balanse sa Zamarro, kundi kumukontrol dito.

Hindi ko alam ang aking paniniwalaan.

"Kanya ka na naman nyang nababagabag . . . " Naplingon ako kay Lorcan, tuwid at banayad sa aking tabi habang aming tinatahak ang panibagong pasilyo. Mga apoy ay taimtim sa pagwagayway. " . . . ng Alek na iyong tinutukoy."

"Nababagabag ako sa mga paratang sa kanya," paglilinaw ko.

Tinanggap nya ang aking tugon at muling humarap sa aming direksyon. Kami lamang sa pasilyo, at siya'y magaan sa aking pandama. Sa utos ng kanyang Hari ay reponsable siyang unawain ang aking enerhiya at kakayahan. Kalmado lamang ang iskolar nyang mukha—walang kahit anong hibla ng pagbabanta. Hindi ko mapigilang maging komportable sa kanyang tabi. "Maaari ding hindi siya totoong Shadow, Amaris. May posibilidad na katulad siya ni Licia at Bronemir, mga eksperimento sa Warros, kung saan itinanim sa kanila ang itim na mahika. Ngayo'y naging parte na ito sa kanila."

Licia, iyong babaeng may dalawang orbe ng itim na usok sa kanyang mga balikat. Ang kanyang kasamang nagparatang sa akin ay nakilala ko kanina bilang si Bronemir.

"Paano sila napadpad dito?"

Bumagal ang paglalakad ni Lorcan at tumungo sa malawak na kulay-tansong pintuang nakaabang sa amin—malapit sa dulo ng pasilyo sa kanan. "Sinubukan nilang tumakas sa mga kampo ng Warros kung saan sila'y pinageeksperimentuhan." Sa kahoy-at-tansong pinto ay nakaukit ang agad kong natukoy bilang mapa. Mapa ng Zamarro? Inilapat ni Lorcan ang kanyang kamay sa kanlurang bahagi ng mapa kung nasaan ang isang malawak na lupain, at marahan itong itinapat sa isa sa mga munting kapuluang nakapalibot dito. "Mula sa Avos ay nakarating sila sa Kentos." Sinundan ko ang paglayag ng kanyang darili sa mga lupain. "Hanggang sa kapuluan ng Nexus, kung saan amin silang nasagip. Simula noo'y naging parte na sila ng aming samahan." Bumaba ang kanyang daliri at hinawakan ang obalong busol ng pinto.

"Ang Moonfolk," tukoy ko at kanya iyong sinang-ayunan. "Ano ang sanhi ng inyong samahan?"

Huminto ang kanyang pagpihit sa busol at muli ay humarap sa akin. Sumilay ang ngiti sa kanyang maamong mukha. "Nais ng Mahal na Hari na siya mismo ang magbahagi ng bagay na iyon sa iyo."

Itinulak nya ang mabigat na pinto at, marahan, ito'y nagbukas. Hindi na ako nagtanong pa kaugnay sa kanilang samahan, dahil ang panibagong silid ay nag-udyok na naman sa akin ng mga panibagong katanungan, na naging pagkamangha.

Tila ako'y naglakbay pabalik sa panahon. Ang silid ay puno ng mga antigong bagay, at mga bagay na hindi ako pamilyar. Mga makikintab na bato, samu't saring mga larawan at iskultura, iba-ibang simbolo. Ang mga poste at kisame ay may intrikong disenyo, ang sahig ay tahimik sa pulang karpet nito. At sa pader, ay ang mga luma at antigong libro.

Habang ako'y napapatitig lamang at namamangha, si Lorcan ay tumungo sa iba't ibang sulok ng silid, kumuha ng mga kakaibang bato at inilapag sa sentro, nagsindi ng mga kandila na agad nagsabog ng luma at matamis na amoy sa hangin, at siya'y nagbukas ng ilang libro at piraso ng papel.

Ang kanyang kalmadong mukha ay naging seryoso habang kanyang inuusisa ang mga nasa pahina. Ilang minuto ang lumipas ay umangat ang kanyang mukha at pumukol sa akin. Kanya akong pinatayo sa sentro ng mga bato at kandila. At lubos pa akong nagliwanag alinsunod sa kanyang hiling.

Ang kanyang tingin ay lumilipat lamang sa akin, sa aking liwanag, sa papel at sa mga bukas na libro.

At sa wakas siya'y tumayo. Namamangha at hindi makapaniwalang mukha, siya'y lumapit sa akin. "Hayaan mong ibahagi ko ang bagay na ito sa iyo," saad nya. "Kami ay mga bagong henerasyon ng Moonfolk, at kung mayroon lamang Buwan sa kalangitan, kami ay makatatanggap ng enerhiya mula sa liwanag nito. Ilang daang taon na ang nagdaan, ang Zamarro ay mayroong Buwan, at ang liwanag nito'y natatamasa ng mga Moonfolk na aming ninuno. At ang enerhiyang ito, mula sa BuwanBathala ng Buwan—ay tinawag nilang Moon Blessing." Lumingon siya sa mga nakabukas na libro sa lamesa, at sa mga tore ng libro sa haligi ng silid, at sa mga larawan. "Iyon ay nakasaad sa mga lumang libro ng kasaysayan . . . . Sa mga larawan ng lumang Zamarro."

Ngayo'y direkta ang kanyang tingin sa akin. At habang ang enerhiya ng aking liwanag ay patuloy at likas na dumadaloy sa kanya, ang kanyang balintataw ay kumikinang, sa mga sulok nito ay sumasayaw ang mga liwanag na alam kong hindi lamang repleksyon kundi nagmumula sa kanyang loob.

"Amaris . . . . Ang enerhiya sa iyong liwanag ay kahalintulad ng enerhiya ng Moon Blessing."


◖ ◖ ❍ ◗ ◗


Ang aking enerhiya, ay nagsusuplay sa mga Moonfolks ng natatanging Enerhiya, isang uri na daan-daang taon nang nabura sa Zamarro. Ang bagay na iyon ay yumanig sa buong palasyo.

"Ang mga Bathala ay may sariling laro," saad ng Hari matapos kong matutunan ang patungkol sa kanilang Limang Bathala, at ang pagpapatalsik ng mga ito sa Bathala ng Buwan. At ang pagprotekta ng mga Moonfolk sa Zamarro, at ang pagkapanalo ng mga Darkborne sa labanan—tatlong daang taon na ang nakalipas.

"At kung ang ating panauhin, Amaris," sambit ni Lorcan at lumingon sa akin, "ay suko ng Bathala ng Buwan sa parehong ngalan, hindi ba tayo nakikialam sa laban ng mga Bathala?"

"Wala tayong laban sa kanila," mahinang sambit ni Erdem.

Ngayong ako'y hindi na nagliliwanag, hindi ko na maramdaman ang enerhiya ng lahat sa parehong bulwagang ito.

Tumayo ang Hari, ang kanyang puti-at-gintong kasuotan ay maharlika. "Hayaan natin ang mga Bathalang laruin ang kanilang laro. Tayong mga Moonfolk ay mayroon ding sariling sayaw sa mga Darkborne, sa musikang nabura na sa alaala ng lupa at naglaho na sa saliw hangin."

"Sa pagkakataong ito ay atin ang huling kumpas," saad ni Corvus. Kanya akong tinitingnan, na tila isang malakas na armas ang kanyang natagpuan.

"Ang liwanag ng maharlikang Zamarro ay manunumbalik," buo at tiyak na bigkas ni Sera, sa kanyang mala-reynang tono.

Inulit iyon ng lahat.

"Mabuhay ang mga Moonfolk!" tuloy ng Prinsesa. At iyon ay umangat sa buong palasyo . . . ng kahariang nakalimutan, at nagtatago sa paningin ng lahat.

Nang humupa ang mga salita, ang atensyon ay bumaling muli sa akin.

"Amaris, maaari ka bang maging Parte ng aming samahan?"

Inisip ko ang sanhi ng mga Moonfolk, na maibalik ang liwanag sa mundong ito. At ang mga Darkborne, ang paghahari ng mga ito, ang pagkontrol nito sa mga Zamarron, ang sapilitang Pagsalin, ang pagpapanatili ng kadiliman para lamang maghari.

Gusto kong makita si Alek. Gusto kong marinig sa kanya mismong mga salita na iyon ay hindi totoo. Na mabuti ang mga Darkborne—ang dilim sa mundong ito. Na hindi siya nagsisinungaling sa lahat ng kanyang ikinuwento.

Ngunit kailangan ko ring manatili sa proteksyon ng mga nasa aking paligid, hanggang sa akin siyang makaharap muli. Kaya ibinigay ko ang aking pasya. Ako'y nanumpa, bilang kanilang bagong kasamahan.

Continue Reading

You'll Also Like

360K 8.9K 35
[COMPLETED] Zanelli Terrington has a few more months to live. Just like her past lives, nothing changes as she is still the 2nd princess of the Kingd...
46K 1.1K 41
A story about family, friendship, pure love, sacrifice, faith and life. Hindi pangkaraniwan ang kanyang boses, lahat gustong malaman kung sino siya...
156K 9.1K 55
Isa lang naman ang gusto ni Rhia, ang maiahon ang kanyang pamilya sa kahirapan. Matapos mamatay ng kanyang ama, siya na ang nagsilbing haligi ng baha...
933 376 23
"Almost perfect" kung ilarawan si Cassandra Montemayor ng mga taong humahanga sa kaniya. Halos lahat ng magagandang katangian ay nasa kaniya na: maga...