LUMINOUS (Fantasy Novel)

By Gregor_io

11.1K 906 554

|| COMPLETED || Stand-Alone YA Fantasy Novel ANG BUHAY NI AMARIS ay puno ng pasakit sa kamay ng kanyang adopt... More

LUMINOUS
The Map
I : AMARIS
II : ALEK
III : AMARIS
IV : ALEK
V : AMARIS
VI : ALEK
VII : AMARIS
VIII : ALEK
IX : AMARIS
X : ALEK
XI : AMARIS
XII : ALEK
XIII : AMARIS
XIV : ALEK
XV : AMARIS
XVI : ALEK
XVII : AMARIS
XVIII : ALEK
XIX : AMARIS
XX : ALEK
XXI : AMARIS
XXII : ALEK
XXIII : AMARIS
XXIV : ALEK
XXV : AMARIS
XXVII : AMARIS
XXVIII : ALEK
XXIX : AMARIS
XXX : ALEK
XXXI : AMARIS
XXXII : ALEK
XXXIII : AMARIS
XXXIV : ALEK
XXXV : AMARIS
XXXVI : ALEK
XXXVII : AMARIS
EPILOGUE
THANK YOU!
🌕

XXVI : ALEK

69 12 16
By Gregor_io


Akin nang nauunawaan ang lahat: Ang pangkat ng mga rebelde sa nagdaang Pagdilat lamang, ang aking sugat na hindi mapagaling ng itim na mahika, at ang pag-atake ng mga Shadow Nimrod. Sila ang mga maliliksi at mabibilis na uri ng Darkborne Shadow, ang uri ng Shadow na nais ko ring mapabilang pagkatapos ng aking misyon . . .

Noon . . .

Subalit hindi na ngayon.

Malinaw na sa akin na ang lahat ng iyon ay nagmula sa Dark Majesty.

Ang kasunduan ay ako mismo ang maghaharap sa kanya kay Amaris, na ako ang magdadala mismo sa Darkborne Castle. Ang usapan ay sa kahit anong paraan ko iyon isasagawa, sa aking paraan.

Subalit ano ang mga pag-atake na kanyang ibinato? At ngayon, ano ang kanyang sanhi sa pagsasara ng portal? Sa halip na galit ay sindak ang sumakop sa akin, sapagka't, paano kung tukoy na nya ang pag-aalangan ko sa misyon?

Nang sabihin kong kami na ay lilisan, magbabalik sa Earth, iyon ay tunay. Kung nais ko siyang makuha ng Dark Majesty, kanina pa lamang ay akin na sanang hinayaan ang mga Nimrod na gawin ang kanilang tungkulin. Ngunit ang aking damdamin at isipan ay nagtatalo, at ang boses ni Danil at kakaibang sensasyong aking nadarama (mula noong pagdating namin dito) ay nagbabago ng timpla sa aking sikmura, unti-unting tumitibag sa pader ng aking kasiguraduhan.

Hindi na lamang ngalan ko ang aking naririnig mula kay Danil, kundi mayroon pang ibang mga salita. Kung ano ang mga iyon ay hindi ko mapuna, nilalamon ng kawalan bago ko pa man matanggap nang buo at malinaw.

Subalit mayroong ihinahayag ang paghila ng sensasyon sa akin. O hindi sensasyon, kundi damdamin. Isang malungkot at nangungulilang damdamin, tiyak, ngunit mayroon itong kalakip na paghihirap, pagdurusa. Sa bawat pagkakataong ito'y aking nararamdaman, iyon din ang panahong naririnig ko ang hindi-maintindihang mga salita ni Danil, na higit malakas sa aking mga panaginip, subalit higit ring malayo.

At ngayon. Muli, akin siyang naririnig. Higit doon ay aking siyang nararamdaman. Ang lahat ng ito ay palihim na humahatak ng pagduruda sa mga ipinangako sa akin ng Dark Majesty sa mga panahong inilagi ko sa Darkborne Castle, na silay payapa, at hinihintay ang aking tagumpay.

"Baka . . . Baka hindi lang sapat ang iyong enerhiya."

Nanumbalik ako sa mungkahi ni Amaris. Kami ay nakatayo pa rin sa parehong lugar kung saan namin natuklasang nakasara ang lagusan.

"Sa tingin ko'y mayroon pang mas posibleng dahilan."

Nagtagpo ang kanyang kilay, habang aking hinubad sa aking likuran ang nakasakbong kong kayumpata. Isinuot ko ito sa kanya. Puminta sa kanyang mga mata ang pangamba. Maging ito'y bumagsak din sa akin, subalit hindi ko ipinahalata.

"Ano ang binalak mo?"

Kinuha ko ang isa nyang kamay, malamig sa takot, at ikinapit ito sa lubid ng kayumpata. Tumango ako sa direksyon sa kanyang likuran. "Doon lamang ang kinaroroonan ng mga kabahayan, kung nasaan ang aleng nagpatuloy sa atin." Sa aking kanang kamay ay inipon ko ang itim na usok at ito'y pumabilog at bumuo isang bola ng itim na mahika. "Mayroon lamang akong kailangang puntahan. Tulong upang mabuksan ang lagusan." Hindi iyon kasinungalingan, subalit ang kalmadong kong boses ay isang panglilinlang. Matinding takot at kaba ang gumagapang sa akin sapagka't aking haharapin ang Dark Majesty . . . nang wala si Amaris.

Humila ako ng ngiti sa aking labi. Kalmado, banayad, wangis totoo.

"Si‐sigurado ka?"

Itinapik ko ang aking kaliwang kamay sa kanyang balikat, at hinayaan itong nakapatong habang aking ibinigay ang aking tugon. "Ako'y mag-iingat, Binibini."

Kumurap siya sa paraang alam kong hindi nya namamalayan. "Hihintayin kita."

Sa mga salitang iyon ay ninais ko siyang yakapin. Kakaibang bugso ng damdaming hindi ko maintindihan at hindi maipaliwanag.

Subalit kanya iyong ginawa, sa ikawalang pagkakaton.

Tila ba ako'y naparalisado. Lumawak ang aking mga mata sa gulat. At sa galak. Kusang kumalma ang aking mga kalamnan at aking ibinalot ang aking mga kamay sa kanya. Ang bola ng itim na usok ay aking pinanatili. Ipinikit ko ang aking mga mata at siya'y dinama. Ang malambot nyang balat sa akin, ang inosente nyang enerhiya, ang buo nyang tiwala. Sa kung anong paraan ay pinalambot nito ang aking puso, at hindi ko na nais pang bumitaw.

Subalit hindi maari. Unti-unti akong kumalas, at ganoon din siya. May kintab sa kanyang mukha na dulot ng manipis na luha. Sa maikli subalit wari'y napakahabang sandali, nanatili kaming tikom at nakatitig lamang sa isa't isa.

"Sandali lamang akong mawawala," sambit ko na siyang nagpabalik ng tensyon sa aming damdamin. "Upang masiguro ang iyong kaligtasan habang ako'y wala, kailangan mo ito." Iniharap ko sa kanya ang bola ng itim na usok sa aking palad. "Ikaw ay maglalaho sa paningin, kung patuloy kang kakapit sa enerhiya nito."

"S-salamat," kanyang pagtanggap.

"Maaari ko bang hingiin ang iyong palad?" Mayroong pagaatubili, ngunit alam kong hindi dahil sa kawalang tiwala kundi dahil sa pangamba sa maaring mangyari sa mga susunod na sandaling kami ay magkalayo. Kanya itong ini-unat.

Aking pinalutang ang itim na usok. Nang isara nya ang kanyang palad, ang manipis na anino ay unti-unting bumalot mula sa kanyang kamay paakyat at pababa sa kanyang buong katawan. Simula sa manipis na anino, na marahang kakapal at tuluyang magiging parte ng dilim. Subalit bago iyon mangyari ay nasilayan ko ang kanyang nangangambang tingin. Binigyan ko siyang muli ng ngiti, at tumalikod bago pa siya ganap maglaho.

Tumungo ako sa kabilang direksyon, kung nasaan ang dalampasigan at ang mga bangkang maghahatid sa akin tungo sa kabilang isla, at sa isa pa, bago ako makarating sa bulubunduking lupain ng Terra, kung saan sa hangganan nito ay ang pinakamalapit na Darkborne Tower, na siyang magdadalawa sa akin sa Darkborne Castle.

Isa akong Shadow, at gagamitin ko ang aking kakayahan upang agad makarating doon. Upang agad makaharap ang Dark Majesty. At kapag nangyari iyon . . . wala na akong kontrol pa sa mga susunod na mangyayari.


◖ ◖ 〄 ◗ ◗


Pilit akong kumalma habang unti-unting nabubuo ang malakas at natatanging enerhiya ng Darkborne Castle. Kasabay nito'y hinayaan ko lamang sa dulo ng aking isipan ang boses ni Danil, na ngayon ay mas malakas kumpara noong ako'y nasa Earos pa lamang. Subalit dito sa Nhorgi, wala pa ring nagbago sa linaw ng kanyang sinasabi. Tila nakalublob ang ulo ko sa tubig at kahit anong sigaw nya ay hindi ko iyon mapuna. Tila mayroong nakaharang, tila may pumipigil.

Ang damdamin din na aking nadarama ay higit tumindi, ang pagbaon ng kakaibang emosyon ay higit lumalim. Hindi ko namalayang ang aking mata'y may manipis na luha.

Ako ba'y umiiyak?

Kung ano man ang kasagutan, agad iyong nawalan ng halaga nang ang enerhiya ng palasyo ay buo nang bumagsak at sumakop sa akin, at ang itim na mahiwagang pader nito'y pumalibot na sa aking paningin. Ang mga malalamlam na orbe sa iba-ibang kulay ay taimtim sa mga sulok, makapal at matutulis na itim na usok ang walang tigil na bumabalot at pumapalibot dito.

Ako'y narito na, alingawngaw ng mga salita sa aking isipan. Bumagsak ang kaba sa aking sikmura.

Nakaabang sa akin ang isang mahaba at napakadilim na pasilyo. Sumibat ang sindak sa akin, sapagka't ako'y Darkborne Shadow at dapat lamang na ako'y makaaninag sa purong dilim, malayo man o malapit. Subalit hindi ganoon ang nangyayari sa nakaabang na pasilyong ito.

Ngunit, ito ang tanging daan. Dito ako ipinadala ng Dark Majesty, o ng ibang matataas na Darkborne, noong ipagbigay-alam ng mga Shadow sa Earos ang aking pagpunta rito.

Hindi sinabi kung ako ang uusad, o maghihintay lamang. Kaya pinakawalan ko ang aking hakbang. Ngunit agad ako'y napatigil.

Matinding enerhiya ang biglang lumitaw sa kailaliman ng mahaba at madilim na pasilyo, at ang uri nito ay katatwang nagpatindig ng aking balahibo. Ang lamig ay humagod sa aking likuran tungo sa batok.

At ang enerhiya ay naglaho, singbilis ng pagsulpot nito. Magagaan na yapak ang umalingawngaw at kumawala mula sa dilim. Sinubukan kong pakiramdaman ang enerhiya . . . subalit ako'y nabigo.

Paanong hindi ko maramdaman ang kanyang enerhiya? Isa lamang ang alam kong may ganoong kakayahan.

"Dark Majesty! Ako'y iyo!"

Bagaman hindi ko pa siya nasisilayan ay bumaba na ako sa pagluhod, at itinapik ang aking kanang kamao sa kaliwa kong dibdib.

"Aking kagalakan na makita ka, Shadow Alek." Ang kanyang malalim at dumadagundong na boses. "Ang tanging nakakapunta lamang ng palasyo ay ang mga mayroon napakahalagang sanhi, ngunit ikaw, Shadow Alek ng Driidu, Szagi, ay nabubukod, sa kadahilanang wala kang ibinigay na sanhi subalit akin pa ring binigyang basbas."

"Ako'y inyong lingkod," paggalang ko. Nagpatuloy ang kanyang mga hakbang. Siya'y humito sa malayong bahagi ng pabilog na bakanteng silid. Sa itim at matayog na pader, ang mga malalaking simbolo ng mahika ay nakaukit at taimtim na nagmamasid. Sabi ni Tiyo'y ang pader ng palasyong ito'y hindi magigiba, dahil sa mga mahiwaga at itim na sumpang nagbibigay ng kakaibang lakas. Maging ang enerhiya sa pader ay hindi ko maramdaman, o marahil higit na malaki at hindi na tugma sa aking kakayahan.

Ngayon, alam kong ang tanging daan palabas sa silid na ito ay ang bukas na pasilyo, tungo sa lugar na hindi tukoy.

"Intresado ako sa iyong sanhi ng pagpaparito." Lubos pa siyang lumapit, at humintong muli mahahabang hakba pa mula sa akin.

Nanatili akong nakayuko, hanggang kumawala ang kanyang basbas upang ako'y mag-angat. "Ito'y patungkol sa aking misyon, Dark Majesty," pag-amin ko.

"Ang iyong misyon." May nagkukubling pagkatuso sa nagagalak nyang tono. Batid nya.

"Kalapastanganan kung ituring ang aking ginawa, na siya'y aking dinala ng Zamarro nang hindi inihaharap sa inyo."

Naramdaman ko ang pagbabago ng patay na hangin, at sa isip ko'y nagbago ang ekspresyon ng Dark Majesty. Higit naging brutal. Nakakapasong lamig.

"At siya'y iyong pinrotektahan. Nang labis-labis."

"Nagsusumamo ako sa iyong pag-unawa, mahal kong Dark Majesty." Nakatitig lamang ako sa itim at markadong sahig, at sa itim na kayumpata ng Dark Majesty at ang mga itim na usok na dumadaloy sa kanya, nagmumula sa sahig na kanyang tinatapatan.

Siya'y humakbang muli tungo sa akin.

"Ang kapatawaran ay naghahangad muna ng kadahilanan, aking Shadow."

"Kinailangan kong makuha ang kanyang loob, bago ko siya magawang sumama sa akin dito at kayo'y makaharap."

"Sa anong ikabubuti ng iyong misyon? Hindi ba't ito'y nagpapatagal lamang?"

"Nais ko lamang na makatiyak. Nais kong maging maayos ang pagkumpleto ko sa misyon, at tanggapin ang nakaabang na gantimpala. . . . Ang aking pamilya."

"O marahil, natutuwa ka sa piling nya, at ang iyong pamilya ay iyo nang nakakaligtaan."

"Paumanhin, Dark Majesty, subalit ang lahat ng aking ginagawa ay para kay Inay at kapatid kong Danil."

"Kung ganoon, bakit iyo pang pinrotektahan ang babaeng iyon laban sa aking mga Shadow Nimrod? Hindi ba sapat na ipinagtanggol mo siya sa mga rebelde para sa tiwala na iyong ipinupukol?"

"Gusto ko siyang iharap mismo sa inyo, Dark Majesty." Ang aking boses ay higit madiin kumpara sa aking nais, at nararapat.

"Kung ano ang labis-labis kong kinamumuhian sa aking mga alagad? Iyon ang pagiging hipokrito." Mabigat ang kanyang tono, at ako'y nagimbal. Ramdam ko ang apoy sa kanyang tingin direkta sa akin. "Kasinungalingan, mababang Zamarron. Isang kalapastangan." Higit pa siyang lumapit sa magagaan ngunit nakakasindak na paraan. Patag subalit mabigat ang mga nagaapoy nyang mga salita. "Hindi mo ako tinitingnan bilang iyong pinuno, bilang iyong Dark Majesty. Ako'y itinuturing mo bilang tanging daan pabalik sa iyong pamilya na ikaw ang nagdulot ng kamatayan."

Ang kanyang mga salita ay apoy, at nilapnos ako ng mga ito. Wala akong magawa kundi ang magpumiglas. Hindi ko iyon ninais!

Isang iglap, ang boses ni Danil ay lumakas pa lalo sa aking isipan. Higit malakas sa aking inasahan, at ang malabong mga salita ay unti-unting nagkalaman at luminaw. Manipis at musmos na boses, napakapamilyar. Iyon ay ang mga salitang ipinapahayag ng aking mga nararamdaman.

"Tulungan mo kami. Palabas . . . . Dito. Kuya!"

Siyang humahagulgol. Tila ba agad akong nakawala sa pagpupumiglas, at ang aking takot ay natupok at naging abo ng galit. Nilamon ng makapal na abo ang aking dibdib.

Ini-angat ko ang aking mukha nang wala ang basbas ng Dark Majesty, at matalim na mga mata ang aking isinibat sa kanya. "Nasaan ang aking kapatid?" Hindi pa kailanman lumabas ang mga salita sa akin sa napakalamig na paraang akin lamang isinagawa. Ang abo ng aking galit ay naging yelo at sinakop nito ang aking puso. Ang pagduruda ay dumagundong.

Hindi natinag ang Dark Majesty. Ang kanyang walang-buhay na puting kulay ay hindi nagbago, ang kanyang pulang mga mata'y nag-aalab na dugo, ang itim nyang labi ay pirming nakatikom. "Paano ang iyong Inay?"

Ang kanyang pag-aamok ay nagpatindi pa ng aking pagkasuklam. Tila ibang Alek ang humihiwa palabas sa akin, ang Alek na aking ikinulong tuwing kaharap ang Dark Majesty . . . o ang Alek na lingid sa aking kaalaman. "Totoo bang sila'y namatay? O sila'y buhay pa? Nasaan sila?" Kung titingnan ko ang aking sarili sa mata ng iba, ako'y masisindak. Subalit hindi ko mapigilan ang aking sarili. Ang boses ni Danil ay buo sa aking isipan, walang-patid sa pagalingawngaw. "Saan mo sila ikinulong?"

Matalim na ngisi ang umukit sa labi ng Dark Majesty. Hindi man lamang siya nayanig. "Ang iyong mga salita, mababang uri ng nilalang."

Noon, ako'y katangi-tangi. Ngayon, ako'y mababang uri. Kung bakit ako'y nagpadala sa kanyang masasarap na salita?

Ang mga nagdurusang sigaw ni Danil ay buo na sa aking isipan, gayon din ang kanyang nararamdaman. Hindi. . . Hindi ito maari.

Ang Alek na kumakawala sa akin ay ganap nang nakalaya. Nawala ako sa aking isipan . . . o nagbalik. "Wala nang ibang higit na mababa kung hindi ang iyong katulad!"

Hindi ko napansing ang aking enerhiya ay umaapaw sa aking katawan, nagbabantang sumabog. Lumawig ang mga mata ng Dark Majesty, sa pinakasubtil na paraan. "Ngayon, ipaliwanag mo, paano ko mabibigyang kapatawaran ang isang kalapastanganang uri mo?"

"Kailanman ay hindi ko iyon ginawa!" bulalas ng mga salita. "At kailanman hindi mo ibinigay ang iyong kapatawaran."

"Tulong . . . . Kuya . . . Alek . . ."

Siya'y narito lamang.

Siya narito.

Nakatitiyak ako.

"Nais mo ang babaeng iyon, hindi ba? Ngayo'y nasa Zamarro na siya! Ang iyong pangako sa aking misyon, bilang isang Pinuno ng Zamarro, nasaan na?"

"Ang mga salita ng isang Pinuno ay hindi nararapat sa mga uri na hindi siya kinikilala bilang isa."

Maikling sandali ang aking ginugol bago humampas ang katotohanan sa akin. Ang aming kasunduan ay kanyang pinapawalang-bisa.

"Hindi. Iyon. Maaari!"

"Ako ay ang Pinuno ng buong Zamarro. Ako lamang. At ikaw? Isa kang lapastangan, rebelde, at mababang uri ng nilalang. Isa kang Gayola."

Nagkakamali siya. Pagka't hindi ako nalusaw sa takot. Ako'y tumibay. Bumulusok ako sa pagtayo. "Dalhin mo ako sa aking Inay at kapatid!"

Ang kamay ng batang Dark Majesty ay payapa sa kanyang likuran. "Nawa'y nauunawaan mo ang iyong salita. Ikaw na rin ang naghayag, kailanman, hindi ka nakatanggap ng kapatawaran." Umilingaw siya, ang tingin ay hindi nalingat sa akin. "Sa paanong paraan ko matutupad ang iyong munting pagsusumamo?"

Ang enerhiyang naipon sa akin ay tuluyang sumabog. Naglaho ang takbo ng panahon, ang silid ay yumanig, ang aking paningin ay lumabo. Nabalot ng dilaw na hibla ng liwanag ang buong lawak ng silid. Ngunit ang Dark Majesty ay nanatili sa pagkakatayo, na tila iyon ay mahinang hampas ng hangin lamang at tanging kasuotan nya lamang ang gumalaw.

Sumibad ako sa aking kinatatayuan at isang-kurap na bumulusok sa kanya, ngunit pumailanglang ako tungo sa pasilyo.

Agad ko siyang hinagilap, ngayo'y nakatayo sa aking kinatatayuan kanina. "Taksil!"

Nagpa-ulan ako ng magkakasunod na puwersa sa kanyang direksyon, at sa kaliwa, at sa itaas. Aking sinundan ang kanyang paglaho at paglitaw. Walang nagbabago. Wala akong magawa. Subalit ako't nagpatuloy.

Siya'y nasa kaliwang kisame, at sa pagkawala ng aking mga enerhiya ako'y naglaho, at lumitaw sa kanan. Ibinato ko ang nagliliwanag kong kamao sa hangin, at doo'y lumitaw ang mukha ng Dark Majesty.

Akin siyang natamaan.

O akala ko lamang.

Matinding puwersa ang nakaharang sa kanya, ilang dosenang beses na mas matindi laban sa akin, at ang pagsalpok ay nagdulot ng pagsabog ng puwersa pabalik sa akin.

Ako'y tumilapon at pumailangang. Sinalo ko ang aking sarili bago ang pagsalpok ko sa tumataginting na pader, ilang katiting na distansya. Pinakawalan ko ang puwersang nagdulot ng aking paglutang at ako'y bumagsak. Ang itim na sahig ay hindi nayanig.

Nang ako'y tumingala at tumayong muli, naramdmaan ko ang nakasarang puwersa sa akin. Hindi ko maigalaw ang aking katawan. Ang aking mga buto't kalamnan at wari nagmistulang bato.

Ang aking enerhiya ay mabilis na nalagas.

Nakalutang sa sentro ng espasyo ang Dark Majesty, buong nakaharap pababa sa akin. Hindi nawala ang kanyang mga kamay sa kanyang likuran. Ang sulok ng aking paningin ay nagkukulay pula ay unti-unting lumalabo. Ang mabibigat kong pahinga ay saligutgot sa aking pandinig.

"Huling mga salita, Mababang uri?"

Ang aking enerhiya at lakas ay napakabilis nalagas, hindi ko na naramdaman ang aking pagbagsak. Ang mga malalamlam na orbe ay tahimik na nagmamatyag. Bago lamunin ng dilim ang aking paningin, muli kong hinarap ang Dark Majesty. "Ang nagliliwanag na babae. Siya'y banta sa iyo, hindi ba? Hindi mo siya matatagpuan." Subalit maging ako'y hirap iyong paniwalaan. Hinatak ko ang katiting na enerhiyang natitira sa akin, at gamit ito'y inabot ko ang enerhiya ni Amaris, ang uri ng koneksyon na aking ipinukaw habang kami ay magkayakap kanina lamang. Gaya ni Danil, nagbigay ako ng pakiramdam, sing-linaw ng aking makakaya.

Nawa'y kanya iyong maunawaan.

Nabuhay ang malalim at dumadagundong na halakhak ng Dark Majesty, at nilamon nito ang buong silid. Naglaho ang kanyang mukha at katawan at siya'y nagbalik sa kanyang itim na anyo. Ang kanyang boses ay nagmumula sa Zukos. "Sa palagay mo ba'y wala akong ipinadalang mga malalakas na Shadow upang dakpin siya?"

Continue Reading

You'll Also Like

18.2K 1.1K 51
What will happen if a cool and hearthrob man will accidentally open his sixth sense? And he will meet a very weird, unattracted and annoying ghost. M...
11.3M 507K 74
â—¤ SEMIDEUS SAGA #02 â—¢ Elysian Oracle - the oracle of Elysium, the highest oracle of the realms. The Alphas know it isn't over. The Gods are cons...
177K 12.8K 46
Lavender is in love with Yuan, the perfect guy--kind, sweet, charming, and a musician like her. The problem? He's not real. He only exists in her dre...
21M 767K 74
â—¤ SEMIDEUS SAGA #01 â—¢ Semideus - demigod, a half-immortal child of a God or Goddess. Abigail Young is a student recently expelled from her previo...