LUMINOUS (Fantasy Novel)

By Gregor_io

11.1K 906 554

|| COMPLETED || Stand-Alone YA Fantasy Novel ANG BUHAY NI AMARIS ay puno ng pasakit sa kamay ng kanyang adopt... More

LUMINOUS
The Map
I : AMARIS
II : ALEK
III : AMARIS
IV : ALEK
V : AMARIS
VI : ALEK
VII : AMARIS
VIII : ALEK
IX : AMARIS
X : ALEK
XI : AMARIS
XII : ALEK
XIII : AMARIS
XIV : ALEK
XV : AMARIS
XVI : ALEK
XVII : AMARIS
XVIII : ALEK
XIX : AMARIS
XX : ALEK
XXI : AMARIS
XXII : ALEK
XXIV : ALEK
XXV : AMARIS
XXVI : ALEK
XXVII : AMARIS
XXVIII : ALEK
XXIX : AMARIS
XXX : ALEK
XXXI : AMARIS
XXXII : ALEK
XXXIII : AMARIS
XXXIV : ALEK
XXXV : AMARIS
XXXVI : ALEK
XXXVII : AMARIS
EPILOGUE
THANK YOU!
🌕

XXIII : AMARIS

91 15 33
By Gregor_io


Pinanood ko ang paglitaw ng pulang bola ng liwanag palabas sa bisig ni Alek. Ang lahat ng tunog sa paligid ay naglaho sa aking pandinig at akin lang itong pinagmasdan sa pagpuwesto nito sa tapat ng aming ulo.

Unti-unti, pulang ring ang nabuo mula sa bola ng liwanag. Lumawak ng nasa tatlong metro, at iniwan ang napakadilim na espasyo sa gitna. Ang mga itim na usok ay agresibong pumapalibot.

Bukas na ang portal. Bumilis ang aking paghinga at dumiin ang mga paa ko sa lupa. Ang portal ay nagdudulot ng pagtaginting sa aking buong katawan—kakaibang sensasyon ng hindi-makamundong enerhiya. Ang hangin sa aming paligid ay unti-unting nagkaroon ng buhay, naipon sa aming kinatatayuan, at nanatili tangay ang mga tuyong dahon.

Humawi sa akin ang munting pagaalangan, ngunit binalewala ko ito.

Ito ang aking nais, paalala ko sa aking sarili. Simula pa lamang ay ito na ang aking hiling, ang takasan ang aking Tita at kanyang pamilya, ang makawala sa kadenang ako'y nakagapos, ang makaalis sa paghihirap at pagiisa.

Hinarap ko ang bukas na portal at tinanggap ang sensasyong nagmumula rito. Hindi ko alam kung ano ang naghihintay sa akin sa pagbalik kong muli rito, ngunit hindi ko iyon kailangan isipin kung wala nang dahilan upang ako'y manatili pa. At kung patuloy akong mag-aalala, hindi ko magagawang umusad.

Kung wala ang aking misteryo . . . kung wala si Alek at ang Zamarro, marahil hahayaan kong ako'y mamaltrato at mananatili ako sa kamay ni Tita hanggang sa ako'y tumuntong sa ika-labing walo. Ngunit maraming nagbago, at ngayo'y mayroon pang nakaabang na ibang mundo. Ngayong maari nang magkatotoo ang aking mga magagandang panaginip, hindi ko hahayaang manatili pa sa isang bangungot.

Lalayo ako, muli kong pasya sa aking sarili. Tatakas ako.

Maglalaho.

Magaan at mababang boses ang yumakap sa akin at hinatak ako nito pabalik sa kaganapan. "Ikaw ba'y handa na?"

Humarap ako at bahagyang tumingala kay Alek. Ngayong ako'y hindi na nagliliwanag, napakalapit na namin sa isa't isa. Ramdam ko ang init na nagmumula sa kanyang kayumpata, habang ito'y marahang humahawi sa akin sa bawat mahinang paghampas ng hangin.

Wala na rin ang mga aninong nakasalakbong sa kanya dahilan upang malaya kong masilayan ang kanyang mukha. Mayroong makintab na pag-asa sa kanyang mga mata, ngunit mayroon ding anino ng pangamba at tatag ng proteksyon.

Alam kong ako'y hindi mapapahamak.

Ikinandado ko ang aking tingin sa kanya at nagbigay ng buong pagtango. Hindi na nya kailangan pa ng ibang salita pagka't lahat ng paliwanag at mga kasagutan ay akin nang ibinigay. Para sa kanya, ito na lamang ang aking pag-asa. At ito nga. Ano ba ang aking maiiwan sa mundong ito bukod sa pasakit at pagiisa?

Sa marahan at banayad na paraan ay naramdaman ko ang pagdampi ng daliri sa aking kamay. Ang init mula rito ay ganap nang pamilyar—bagay na aking ikinabigla—at hinayaan ko itong dumaloy sa aking palad. Sa pagdaloy nito, napagtanto kong buong kamay na nya ang nakayapos sa akin. Ito'y humigpit. Ako'y kumapit.

Unang kumislap ang galak sa kanyang mga mata, bago ito puminta sa kanyang mukha. Ang kanyang labi ay ganap na nagsilay ng ngiti.

Ngumiti ako pabalik at tumingala sa bukas na portal sa aming uluhan. Ang walang hanggang dilim nito'y nasasabik lumamon sa amin.

"Ano ang mararamdaman ko?" magaan kong turan.

Ang aking kakaibang sensasyon ay tumindi. Ang taginting ay lumakas, tila nahihiwalay ang aking kaluluwa mula sa aking katawan.

"Kamatayan," matulis na tugon ni Alek at kasabay no'n ang paghigpit pa lalo ng kanyang kamay sa akin.

Lubos akong kumapit.

"Kumapit ka lamang sa akin, at huwag bibitaw." Tumango ako at hinarap siya. "Ipikit mo ang iyong mga mata." At akin iyong sinunod.

Sa pagkakapikit ay akin ring binawi ang aking pagkakaharap kay Alek at itinuon ito sa nakaabang na portal.

Ang pulang liwanag, bagama't malamlam, ay tumatagos pa rin sa aking nakasarang tulikap. Kaya nang unti-unti itong mawala, ito'y aking nasaksihan.

Ang dilim ang sunod na lumatag sa aking paningin, at ang taginting ay nagsimula nang humupa.

Sa sandali, inakala kong magbabalik ang bigat ng aking katawan at gaan ng aking kaluluwa, subalit hindi iyon ang nangyari. Sa halip, kasabay ng paglaho ng kakaibang sensasyon ay ang pagkawala ng aking pandama. Doon ko napagtanto na ang dilim sa paligid ay hindi na rin isang normal na dilim lamang. Ito'y nakabalot na sa akin.

Umalingawngaw sa aking utak ang boses ni Alek bago pa man ako mataranta. Kamatayan.

Ang bugsong-damdamin kong kagustuhan na buksan ang aking mga mata ay aking pinigilan, at mas tinangka ko pa itong isara. Ngunit wala na ang aking pandama at kahit anong uri ng sensasyon upang malaman kung iyon ba ay aking nagawa. Maaring ngayon ay nakabukas na ang aking mga mata, nang hindi ko namamalayan—nararamdaman.

Sa paglipas ng mga segundo ang kakaibang kawalan na iyon ay nanatili. Ang lahat ay naglaho, liban sa aking isipan.

O marahil ay nagkakamali ako. Pagka't unti-unti kong napuna ang panghihina ng aking boses, at ang pagbigat ng mga salita hanggang sa hindi ko na ito magawang bigkasin kahit ito'y pawang sa isipan ko lamang.

Unti-unti, ako'y tuluyang naglaho.


Nang ang aking sensasyon ay marahang sumibol, na parang isang panibagong umaga sa napakahaba at napakadilim na gabi, ang aking pandama ay mayroong napakalaking pagbabago.

Sa nakasara kong mga mata, ang paligid ay isa-isang nabuhay—nagtagpi-tagpi hanggang sa makabuo ng isang mundo . . . at katatwang pakiramdam.

Ramdam ko ang bigat ng espasyo, ang malamig at patay na hanging nasuspende rito.

Ako ba'y muling nagliliwanag? Pagka't ang paligid ay nabuo sa aking sensasyon, kahit na nananatiling nakasara ang aking mga mata.

Mayroong matabang lupa, mga munting, kakaibang uri ng damo at halaman, at mga malalamig na puno—ngunit kahit ang mga ito'y malalamig, tila ba sila'y buhay, na tila sa lamig nagmumula ang kanilang buhay at hindi sa init.

Naglalaban ang lamig at init sa espasyo—nagkakagulo.

Tumayo ang aking mga balahibo at kumalabog pa ang aking dibdib. Sa aking pang-amoy at panlasa, ang mundong nakapalibot sa akin ay patay . . . at buhay sa parehong oras.

Isang boses ang aking kinailangan upang mabawi ang aking sarili. "Buksan mo ang iyong mga mata."

Sa sandali ay tila hindi ko iyon magawa, ngunit unti-unti kong naiangat ang aking mga tulikap.

Ang unang bumungad sa akin ay ang dilim, at ang malamlam—napakanipis—na liwanag ng paligid. Ngunit gayunpaman, alam kong hindi na ito ang Earth.

Ang manipis na liwanag ay hindi nagmumula sa akin, kundi ito'y likas. Agad kong naalala ang deskripsyon ni Alek patungkol sa kanyang mundo, na ito'y nababalot ng dilim.

Sa unang hininga ay hindi ako makapaniwala. Sa pangalawa, ang puso ko'y lumundag.

"Ako'y nandito na sa Zamarro," bulalas ng mga salita sa pangatlong buntong hininga.

Mabilis at malalalim ang aking mga hininga nang mapagtanto ko ang lahat, na tila ba ako'y natulog lamang sa aking kama ngunit nagising sa sulok ng napakataas na gusali. Agad akong nalula.

Bago pa man manlamig ang aking katawan sa gulat ay naramdaman ko ang init na dumadaloy mula sa aking kamay. Ang isa pang kamay ay mariing nakakapit dito.

Doon ako tuluyang humarap kay Alek, at kanya akong sinalubong ng pagbati sa kanyang mababang boses. "Maligayang pagdating sa Zamarro, Amaris ng mundong Earth." Sa manipis na liwanag ay sumilay ang ngiti sa sulok ng kanyang labi. Ang matagpuan siya sa aking tabi sa dayuhan at katatwang mundong ito ay nagdulot ng pagragasa ng ginhawa sa aking kalooban. Binigyan nya ako ng maiksing pagkindat, at doon ko lamang napagtanto na akin na pala siyang tinititigan.

Nabuo ang init sa aking pisngi, at naging alerto ang aking mga mata. Gumuho ang tensyon sa aking buong katawan nang tangkahin kong matawa sa aking sarili. Ngunit pinigilan ko ito at binawi ang aking tingin. Ibinalik ko ito sa paligid.

"Ito ang iyong mundo," sambit ko matapos ang ilang segundo ng katahimikan, at hindi iyon patanong.

Pinagmasdan ko ang bawat punong nakapalibot sa amin. Ang lahat ng ito ay pawang mga tangkay at sanga lamang—walang mga dahon, bulaklak, bunga. Para silang mga puno sa nakakatakot na pelikula, liban sa ang mga ito'y matataba't malalawak.

"Ang mga ito ay buhay," muli kong sambit. At ako'y tiyak dahil ramdam ko ang malamig subalit dumadaloy na enerhiya rito.

"Tama ang iyong tinuran," magaang tugon ni Alek. Napansin ko ang kanyang pagiging tahimik, at nagbigay daan iyon upang malaman kong nakabitaw na pala kami sa isa't isa. Ang kanyang kamay ay kalmado sa kanyang likuran. Nagsimula kaming maglakad.

"Ang lahat ng puno ay walang dahon, saan nagmumula ang mga—" Oxygen. Ngunit naalala kong ito ay kakaiba at mahiwagang mundo. Binura ko ito sa aking isipan.

"Ang mga gulay ay nagmumula sa ilalim ng lupa," tugon nya sa naudlot kong katanungan.

Lumapit siya at lumuhod sa isang itim na halaman na aking inakalang patay at tuyo subalit hindi pala. Sa mga munti at maninipis na dahon nito ay isinuong ni Alek ang kanyang kamay at dinakop ang isang makapal na sanga sa sentro ng halaman.

Kanya itong hinila, at dahan-dahang nabuwal ang malambot na itim na lupa. Lumitaw ang mga kayumangging matatabang ugat, at sa tuluyang pag-angat ito'y nagmistulang mga kamote.

"Marami pang uri ng mga halaman at gulay ang iyong maaaring matagpuan." Kanya pa itong higit na ini-angat at ipinakita sa akin, bago nya ito muling ibalik sa lupa at bumalik sa aking tabi.

"Kakaiba," singhal ko.

Pinagpag nya ang mga kumapit na itim na lupa sa kanyang mga kamay. Sandali kong napansin ang paglalayag ng kanyang mga mata sa kawalan bago nya ako bigyan ng tugon. "Ganyan din ang aking nahinuha sa Earth sa una kong pagdating doon."

"Hindi ko akalaing ito'y totoo."

"Subalit ika'y narito na." Ramdam kong mayroong bumabagabag sa kanyang isipan. "Ito'y labis na malayo sa katangian ng Earth, kagaya ng aking mga isinalaysay, subalit tunay."

"At ang mga puno ay buhay?" Iginala kong muli ang tingin ko sa mga kalansay na puno. Hindi ko maipaliwanag ngunit ramdam ko ang enerhiya na dumadaloy rito—matalim na parang tipak ng yelo.

"Siyang tunay," saad nya. "Taliwas sa iyong mundo, na nabubuhay sa init at liwanag, ang Zamarro ay sa lamig at dilim."

Lumapit ako sa puno at inilapat ang palad ko sa makinis na itim na katawan nito. Ang lamig ay bahagyang nagpaatras sa aking kamay.

Kung ako'y nagliliwanag, kaya ko ba itong pailawin?

Bumalik ako sa tabi ni Alek at nagpatuloy kami sa paglalakad. Ang aking atensyon ay hindi mapakali sa paligid. Ilang asul na mga munting rosas ang aking natagpuan at maging isang itim na paru-parong may malalawak na pakpak.

Kung ako'y nasa Earth, marahil iisipin kong iyon ay masamang pangitain, subalit ito ay Zamarro, kung saan karamihan sa tanawin ay nababalot ng kulay itim.

"Sa lupaing ito ka naninirahan?" Hindi ko matukoy kung bakit ko pa iyon itinanong gayong malinaw na ang kasagutan.

Ngunit ginulat ako ng kanyang tugon.

"Hindi." Napaharap ako sa kanya. "Ako ay nagmula sa mababang lupain ng Szagi, sa timog. Habang tayo ngayon ay nasa silangang bahagi ng Zamarro. Ang lupain ng Earos."

"Mga kontinente," aking tugon, at nagkunot ang kanyang mga kilay. "Sa Earth, iyon ang aming tawag. Mga malalaking lupain."

Naglaho ang tanong sa kanyang mukha. "Sa Zamarro ay mayroong apat. Ang sa hilaga ay Nhorgi, at sa kanluran naman ay ang Warros."

"At nakapunta ka na sa bawat lupaing ito?" Hindi ko mapigilan ang pagguhit ng pananabik sa aking mukha.

Ngunit umiling siya. "Sa Nhorgi pa lamang. At ngayon ay sa Earos."

Naagaw ang aking atensyon sa Nhorgi, kung saan minsan nyang nabanggit na naroon ang mga Darkborne na siyang nagpapanatili ng balanse sa madilim na mundong ito. "Ang Nhorgi ay kaayaaya sa pandinig."

Tila ba bumagsak ang mabigat na puwersa sa kanya at nilamon sya ng katahimikan. Ilang mahahabang segundo ang kanyang ginugol upang makapagsalita. "Ang Nhorgi ay isang sagradong lupain. Hindi iyon kaydaling mapuntahan." Binigyan nya ako ng naniniguradong tingin. "Subalit ako ay isang Darkborne Shadow, kung kaya ang pagpunta sa Nhorgi, kasama ka, ay hindi imposible." Umangat ang aking ngiti bago siya agad muling magsalita. "Subalit sa ngayon ay mananatili muna tayo sa lupaing ito ng Earos, na sa aking pagkakakilala ay mahiwaga."

"Earos," bigkas ko. "Mahiwaga sa paanong paraan?"

"Sa mga kuwentong aking naririnig, karamihan sa mga Zamarron na narito ay mayroong mga kaaya-ayang kakayahan. Mga kakayahang nauugnay sa liwanag."

"Sa mundong namamayani ang dilim . . . Tunay ngang mahiwaga ang lupaing ito kung ganun."

Nahinto ang aming usapan nang dumagundong ang kalangitan sa isang malakas na pagkulob.

Kusa among napatingala. At ang aking nasaksihan ay ang panibagong hiwaga—o lagim.

Napakakapal na ulap ang nakalatag sa kabuuan ng kalangitan. Walang bahagi ang bakante, at sa kapal ng mga itim na ulap ay tila ba hindi na ako makahinga habang ito'y aking pinagmamasdan.

Ito ang . . .

"Zukos," tukoy ni Alek.

Nanatiling nakapako ang aking tingin. Hindi ako namangha. Sa halip ay tumindig ang aking mga balahibo at gumapang ang lamig paakyat sa aking dibdib.

Nag-alab sa aking alaala ang nangyari minsan sa Resto, ang napaka-kapal na ulap na aking nasaksihan sa kalangitan. Bigla kong binawi ang aking tingin nang maalala ang paninigas ng aking katawan sa araw na iyon.

Agad ay hindi ko na nais pang tumingala.

Muling yumanig ang katatwang itim na kalangitan.

"Paumanhin kung tila nagagalit ang Zukos. Hindi ito palaging ganito."

"Sa anyo ng kalangitan na nakita ko, hindi na ako magtataka kung palagi itong nagdadabog." Humarap ako sa kanya sa kalagitnaan ng mabagal naming paglalakad. "Hindi ko maisip na ang isang napakaitim at napakabigat na ulap na lumalamon sa isang buong daigdig ay kayang manahimik."

May pagkaaliw akong naaninag sa kanyang ekspresyon. "Gaya ng aking sinabi, madalang ang pag-ulan sa aking mundo. At maging ang mga ganitong pagkulog. Sa tuwing ito'y nagaganap, mayroon kaming paniniwalang ito'y may dahilan."

Naakit nya ang aking atensyon. "Ano ang dahilang ito?"

Tumingala siya at sandaling pinagmasdan ng kalangitan, tila ito'y inuusisa. "Sa tuwing mayroong Zamarron na namamatay, ang enerhiya nito ay lumalaya sa kanyang katawan. Sinasabi na ang enerhiya ay sandaling nagiging bahagi ng kalangitan, bago ito makarating sa Aodea, ang mahiwagang lugar para sa mga pumanaw na Zamarron." Muling dumagundong ang langit. "Sa sandaling pananatili ng enerhiya sa kalangitan ay nagkakaroon ito ng kontrol sa panahon. Sinasabing kung ito'y payapa, ang pumanaw ay tanggap ang kanyang naging kapalaran. Kung sumisipol ang banayad na hangin, ito ay masaya. At kung ito'y dumadagundong, ang pumanaw ay mayroong pagsisisi. Ang pagkidalat ay nangangahulugan siya'y may naiwang galit."

"At kung umulan," sambit ko. "Ito ba'y nangamgahulugan ng kalungkutan mula sa pumanaw?"

Binigyan nya ako ng munting pagtango. "At pangungulila."

Nagpatuloy lamang kami sa paglalakad at hinayaan kong mamalagi ang katahimikan, hanggang sa mabuo ko ang aking isipan.

"Paano tayo makatitiyak na ang pag-bagsak ng ulan ay nangangahulugan ng kalungkutan?" Bumaling ang atensyon ni Alek sa akin. "Ang pagluha ay hindi palaging nangangahulugan ng pagluluksa. Maging ang tuwa at galak ay maari ding umiyak."

Nakita ko ang pagguhit ng aliw sa kanyang mga mata, ang tila pagkamangha sa aking sinambit. Ngunit ang nakukubling emosyon sa mga ito ay hindi pa rin naglaho.

Ano ang bumabagabag sa kanya?

Habang patuloy kaming naglalakad at nagmamasid-masid, narinig ko ang isang tunog na bumuhay ng aking dugo.

Ang paghampas ng katawan ng tubig sa isang dalampasigan.

Dagat.

Continue Reading

You'll Also Like

1.6K 176 9
At the aftermath of their battle against Cronus and Syberria, Verdandi and her friends must learn about the mystery of the Herakles Kastamerr's Ancie...
97.5K 3.1K 57
Everything we built started crumbling into pieces. The place we thought we're building were actually ruins that made us believe was whole. Our once m...
45.6K 1.8K 42
[COMPLETED] Following the broken engagement with the Crown Prince while struggling to adapt to her new environment, Myrtle Edelwyse now needs to marr...
71K 3.7K 77
The sun turns black, earth sinks in the sea, The hot stars fall from the sky, And fire leaps high about heaven itself, -a prophecy in the ELDER EDDA...