LUMINOUS (Fantasy Novel)

By Gregor_io

11.1K 905 554

|| COMPLETED || Stand-Alone YA Fantasy Novel ANG BUHAY NI AMARIS ay puno ng pasakit sa kamay ng kanyang adopt... More

LUMINOUS
The Map
I : AMARIS
II : ALEK
III : AMARIS
IV : ALEK
V : AMARIS
VI : ALEK
VII : AMARIS
VIII : ALEK
IX : AMARIS
X : ALEK
XII : ALEK
XIII : AMARIS
XIV : ALEK
XV : AMARIS
XVI : ALEK
XVII : AMARIS
XVIII : ALEK
XIX : AMARIS
XX : ALEK
XXI : AMARIS
XXII : ALEK
XXIII : AMARIS
XXIV : ALEK
XXV : AMARIS
XXVI : ALEK
XXVII : AMARIS
XXVIII : ALEK
XXIX : AMARIS
XXX : ALEK
XXXI : AMARIS
XXXII : ALEK
XXXIII : AMARIS
XXXIV : ALEK
XXXV : AMARIS
XXXVI : ALEK
XXXVII : AMARIS
EPILOGUE
THANK YOU!
🌕

XI : AMARIS

126 13 3
By Gregor_io


Isang pagdaan ng segundo lang at nangyari ang mga hindi inaasahan. Nang mapagtanto ko ang lahat ng ito ay mabilis na gumuho ang lakas sa aking katawan.

Muntik na akong mamatay.

Bumagsak ako sa pagkakatayo at sa mahabang oras ay nakadirekta lamang sa wasak na mga sanga ang mata at isipan ko. Sa kabila ng malakas na hangin, ang makapal na apoy ay patuloy na nilalamon ang mga sanga—bahagyang nagdudulot ng pula-at-dilaw na anyo sa paligid.

Sigurado akong pabagsak na ang dalawang sanga sa akin, nang biglang kumislap ang dilaw na liwanag sa aking itaas direkta sa mga ito. Napakabilis ng pangyayari halos hindi ko na mapaniwalaan ang sarili kong mga mata at memorya.

May gumawa ng bagay na iyon.

Sumilay sa aking alaala ang lalaki kanina. Tuluyang nagbalik ang aking lakas at gamit ito ay ini-angat ko ang aking sarili.

Inusisa ko ang malayo at madilim na parte ng gubat salungat sa kinaroroonan ng nagliliyab na mga sanga, bago ko tuluyang maaninag ang lalaking kaharap ko lamang bago ang mga biglaang pangyayari. Bahagyang nagsikip ang aking mga mata upang lalo pa siyang makita. Mahabang distansya ang ngayo'y nagpapatlang sa amin. Biglang umalingawngaw sa isipan ko ang sigaw kanina na maaring mula sa kanya—ang dahilan kung bakit ko nagawang buksan ang aking mga mata matapos ang pilit kong pagbalewala sa mga kulog at kidlat, pagka't ang enerhiyang kanyang tinutukoy ay tila unti-unti ko nang natatagpuan.

Ngunit siya'y nasa lupa, nakahiga at nakadirekta ang mukha sa kalangitan. Kusang kumawala ang aking mga hakbang patungo sa kanya, bawat segundo ay pabilis nang pabilis kumpara sa aking nais. Bawat segundo'y nalalaman kong hindi lang siya basta nakahiga.

Sandali akong napaisip kung paano't siya'y napunta sa malayong distansya, bago ko mapuna ang nanginginig nyang labi, at ang halos nakapikit na nyang mga mata. Sa kung anong dahilan, ang aking liwanag ay bahagya nang nakakadapo sa kanya.

Muling kumulog sa kalangitan at naalala ko ang mga pagkidlat. At sa aking direksyon ay ang nanghihinang lalaki.

Naalarma ako sa aking naisip—na baka siya'y natamaan ng kidlat—at muli ay bumulalas ang aking mga paa papalapit sa kanya.

Ngunit ito'y napigilan, hindi ng aking sarili kundi ng lalaking bagsak sa lupa. Napahinto ako, pagka't ini-angat nya ang kanyang nanghihinang kamay sa aking direksyon—nanginginig gaya ng kanyang labi.

Ang kanyang labi. Hindi ito nanginginig. Mayroon siyang gustong sabihin.

Bumalik ang nangangamba kong mga mata sa kanyang naka-angat na kamay, at napansing wala na ang mga itim-at-pulang usok na umaaligid sa kanyang katawan.

Alam kong pinipilit nyang panatiliin ang nanghihina nyang kamay sa aking direksyon, at walang ilang segundo ay napagtanto ko ang gusto nyang iparating.

Pinipigilan nya ako sa paglapit.

Maaaring balisa na ang isipan ko pagka't agad akong napaatras. Nanatili ang atensyon ko sa kanya, at patuloy akong umatras hanggang sa hindi na siya maabot ng aking liwanag.

Noong una ko siyang natagpuan ay hindi siya tinatablan ng aking liwanag, at marahil may dahilan sa bagay na iyon.

Sana . . . ay tama ang ginawa ko.

Mula sa aking kinatatayuan ay pinanood ko lamang ang kanyang silweta sa dilim—sa tulong ng dilim ng gabi ay tila ba nanumbalik siya sa kanyang pagiging anino sa aking paglayo.

Hindi ko magawang alisin ang paningin ko sa kanya, at sa mahabang oras ay pinanood ko lamang ang pagtaas at pagbaba ng kanyang dibdib dala ng mabibigat na paghinga.


Nanatili akong nakatayo sa hindi ko mabilang na minuto—o oras. Nagpatuloy ang mga pagkulog at pagkidlat sa kalangitan. Nang muli kong mapansin ang aking sarili, ako'y nakaupo na sa isang tuyong sanga sa lupa. Ang malakas na ulan ay unti-unti nang humuhupa, gayon din ang malalakas na hangin. Maya't maya'y hindi ko mapigilang manginig mula sa matalim na lamig ng ulang nakabalot sa aking buong katawan.

Gamit ang aking palad ay pinunasan ko pababa ang nakayakap na tubig sa aking mukha. Doon ko napuna ang aking kamay—at ang humihinang liwanag dito.

Gumala ang aking mga mata sa aking bisig. Ang tila manipis na puting film sa aking balat ay unti-unting nawawala kasabay ng paglamlam ng liwanag, mula sa aking mga kamay pababa sa aking mga paa.

Ito'y hinayaan ko lamang. Habang ang liwanag ay naglalaho sa aking balat, ito naman ay marahang sumisilay sa paligid. Ang makapal na dilim ay unti-unting nagninipis, at sa kagiliran, sa mga espasyong pumapatlang sa mga walang hanggang puno, ang unang pahiwatig ng paparating na bagong umaga ay sumisibol na—ang kalangitan mula rito ay unti-unti nang nagkukulay lila.

May parte sa akin na gusto nang umalis, ngunit hindi ko ito magawa. Nanatili lang ako sa aking pagkakaupo, pinanood ko lamang ang paglaho ng liwanag sa akin. Kalauna'y napapalingon ako sa lalaking patuloy na bagsak ilang metro ang layo sa akin, subalit sa karamihan ng oras, nakatitig lamang ako sa aking mga kamay, at ang aking isipan ay malalim sa mga kagulumihanan.

Nabawi ang atensyon ko pabalik sa realidad nang marinig ko ang manipis na lagitik mula sa kinaroronan ng lalaki.

Ang dilim ay hindi na sing-kapal ng mga nagdaang oras, at nagawa ko siyang maaninag nang walang kahirap-hirap. Natagpuan ko siyang nasa kalagitnaan ng kanyang pagbangon. Mahabang buntong hininga ang kumawala sa akin at sinundan iyon ng pagbagsak ng aking tensyonadong mga balikat.

Ligtas siya.

Halos ako'y mapatayo at agad tumungo sa kanya, ngunit naalala ko ang kanyang pagpigil. Sa halip ay pinanood ko na lamang siya sa marahan nyang pag-angat—ang maingat nyang pagkontrol sa kanyang nanunumbalik na lakas.

Sa ganap nyang pagtayo ay gumala ang kanyang mukha sa paligid—mayroong hinahagilap.

Hindi na ako magtatako kung bakit hindi nya ako kaagad natagpuan, dahil ang aking pagliwanag ay tuluyan na ring naglaho. Ako'y nagbalik na sa normal, ang aking buhok at basang kasuotan ay mahigpit sa aking balat. Bagaman tuluyan nang tumila ang ulan, iniwan pa rin nitong basa ang kagubatan. Ang mga dahon ay mabigat sa nakabalot na tubig sa mga ito, samu't saring banayad na tunog ang nabubuo sa mga pagpatak mula sa basang mga dahon tungo sa malabnaw na putik sa lupa.

Malamlam ang paligid at hindi ko na kailangan ng matinding liwanag upang akin itong mausisa.

Ilang metro sa aking kanan, ang kanina'y nag-aalab na mga sanga ay tanging umuusok na lamang. Labis-labis ang pagkawasak nito kumpara sa una kong inakala, at malaking bahagi ay naging maitim na uling na lamang.

"Binibini."

Napaharap ako sa alam kong pinagmulan ng magaspang na boses at natagpuan ko ang lalaking ganap nang nakatayo at ngayo'y naglalakad na papalapit sa akin. Malawak ang kaguluhan sa kanyang mukha ngunit ang kanyang mga mata ay direkta lang sa akin.

Tumayo ako mula sa pagkakaupo, ang aking mga kamay ay nagkrus sa harapan ng aking dibdib. Nanunuot ang lamig sa aking mga kalamnan ngunit pinigilan kong manginig.

Nang ilang metro na lamang ang kanyang lapit sa akin ay huminto siya. Inuusisa nya ako na tila ba ngayon lang nya ulit ako nakita.

Hindi ko namalayan sa sarili kong sinusuri ko na rin siya. Ang kanyang itim na mga balintataw direkta sa akin. Ang kanyang itim na buhok ay may ilang pulgadang haba kumpara sa pangkaraniwan, at ilang basang hibla sa mga ito ay nakaharang sa kanyang mukha. Ang kanyang mga labi ay magkahiwalay, at manipis na hamog ang nabubuo sa kanyang paghinga.

Nang dumapo ang aking atensyon sa kanyang magkabilang balikat at braso, nasurpresa akong napakakalmado nito gaya ng una ko siyang nakita. Wala akong makitang senyales na siya'y nanginginig sa matalim na lamig.

Akma ko na iyong babanggitin ngunit kanya akong inunahan, dahilan upang magbalik ang atensyon ko sa kanyang direktang tingin.

"Hindi ka na nagliliwanag." Mababa ang kanyang boses at gumala muli ang kanyang mata sa aking katawan, na tila ba hinahagilap ang kahit munting tuldok man lang ng liwanag.

Bahagya akong napabalikwas, hindi naging komportable sa kanyang ikinilos. At agad nyang inalis ang kanyang tingin.

Ibinaling nya ito sa lupa sa kanyang gilid at sinabing, "Paumanhin."

Bahagyang lumuwag ang pagkakakrus ng aking mga bisig at muli akong humarap sa kanya. "Anong nangyari sa iyo kanina?"

Ilang oras kong iniisip na marahil siya ang nagligtas sa akin. At may parte sa akin na tinitiyak na siya nga.

Patuloy ang pagbuo ng manipis na hamog sa kanyang bibig. "Kinailangan kong pigilan ang pagbagsak ng dalawang sanga sa iyo. Hindi ko inaasahang ganoon katindi ang aking mapapakawalang enerhiya."

At siya nga.

Higit pang lumuwag ang aking mga bisig. Inihaplos ko ang aking malalamig na kamay sa aking braso para sa kaunting init. Ngunit sumipol ang manipis na hangin at humawi ito sa akin.

Hindi ko napigilang manginig, mas matindi kumpara sa aking ninanais.

Ngunit ang lalaki sa aking harapan ay hindi natinag. Bagkos, nanlaki lamang ang kanyang mga mata nang mapagtantong ako'y basa mula sa ulan at ang buong lugar ay nababalutan ng matinding lamig, at isama pa ang paghaplos ng hangin.

Agad siyang gumalaw sa kanyang kinatatayuan at lalo pang lumapit sa akin. Nanlaki rin ang aking mga mata subalit ako'y nanigas lamang sa pagkakatayo.

Ilang hakbang na lamang at siya'y nag-alangan. Ngunit naglaho ito singbilis ng pagdating, at siya'y nagpatuloy. Kasabay niyon ay inalis nya ang nakasakbong na kayumangging kapa sa kanyang likuran. Sa kanya mismong pagtapat sa aking harapan ay ipinalibot nya ang kayumangging tela paloob sa akin.

Ang tela ay mabigat pagka't maging ito ay basa mula sa ulan, subalit nang bumagsak ito sa aking mga balikat tungo sa aking likuran at sakop ang aking buong katawan, bahagyang init ang aking naramdaman.

Agad kumalma ang aking mga kalamnan, at doon ko lamang napagtantong ang mga ito'y labis-labis palang nilalabanan ang lamig.

Binitawan ng lalaki ang tela at akin itong hinawakan sa itaas ng aking dibdib.

Tumuwid siya sa aking harapan. "May naidulot ba?" Sa kung anong dahilan, ang magaan at mababa nyang boses ay tila ba nakakadagdag sa init na nagpapakalma sa akin. At higit pa roon ay ramdam ko sa aking malutong-sa-lamig na mukha ang nakakaginhawang init na dala ng kalapitan namin sa isa't isa.

"Maraming salamat." Kasabay ng aking pagsambit ay ang pagdaloy rin ng aking ginhawa.

Muli ay dumako ang aking mga mata sa kanyang mga balikat, tungo sa kanyang mga braso at bisig na ngayo'y hindi na natatakpan ng kahit anong tela. Ang mga ito'y kalmado at hindi alintana ang lamig na ngayo'y namamayani. At nang tila ba nababasang muli ang aking isipan ay kanyang sinabing, "Hindi ako tinatablahan ng lamig."

Bumalik ang gulat kong tingin sa kanya. Sinalubong nya ito ng maikling pagtango. Siya'y napakalapit lamang sa akin—ilang pulgadang patlang—dahilan upang bahagya akong mapatingala. Nagtatagpo ang mga hamog mula sa aming bibig at pansamantalang naghahalo bago mabilis na maglaho.

Ngayo'y muli siyang nakatitig sa akin, at sa kanyang tila hindi-makapaniwalang tingin ay naalala ko ang kanyang nakaangat na kamay ilang oras na ang nagdaan.

"Tinangka kitang lapitan noong ika'y nakahilata, pero . . ."

"Paumanhin sa bagay na iyon." Kita ko ang pagsibol ng alaala sa kanyang mga itim na balintataw—ang alaala sa kanyang sariling memorya. At sinundan iyon ng ginhawa. "Subalit salamat pagka't iyon ay iyong sinunod."

Napabuntong hininga lamang ako at napatango.

"Naalala mo iyong mga itim na usok at tila aninong nakabalot sa akin?"

Napatingala ako at muling napatango.

"Iyon ang nagsisilbing proteksyon ko sa iyong liwanag."

Nag-andap ang realisasyon sa aking iisipan, napagtantong hindi tugma ang katangian ng aming misteryo. O hindi lang hindi-tugma, kundi magkasalungat.

Napahakbang ako paatras, agad umiral ang pangamba. Subalit ako ri'y napahinto dahil sa kanyang winika, ang isa nyang kamay ay bahagyang napaangat.

"Wala na ang iyong liwanag," pigil nya at ibinaba ang kanyang palad, "sa ngayon ay walang panganib sa paglalapit nating dalawa."

Namalagi ang katahimikan sa aming pagitan. Sa ilang segundo ang tanging naririnig lamang ay ang musika sa mga munting pagpatak at ang aming mga paghinga.

Ramdam ko ang banayad na init na nagmumula sa kanya. Napapaisip ako sa kung ano ang tumatakbo sa kanyang isipan, nang tumingala siya sa mga puno tungo sa kalangitan.

Nang bumalik ang kanyang mga mata sa akin ay bakas ang katiyakan sa mga ito.

"Sa palagay ko'y hanggang dito na lamang ang tagpong ito."

Sa kagiliran, ang kulay-lilang kalangitan ay unti-unti nang nagkukulay asul. Hindi magtatagal at bibitak na ang kahel ng araw sa sulok nito.

Nais kong itanong kung saan siya tutungo, ngunit binigyan nya lang ako ng munting ngiti sa kalamado nyang labi, na tila ba kanyang tugon sa aking tanong. Sa halip ay nagbigay na lamang ako ng sumasang-ayon na tango.

Hinawakan nya ang aking magkabilang braso at naramdaman ko ang magaang pagpisil ng kanyang mga daliri dito. "Ingatan mo ang aking kayumpata."

Kayumpata. Sandaling gumala ang aking tingin sa kayumangging tela na nakabalot sa akin. "Kayumpata. . . . Makakaasa ka."

At tuluyan na syang bumitaw, na sinundan ng paglaho ng init na nagmumula sa kanyang palad. Humigpit ang kapit ko sa kanyang kayumpata, na hanggang ngayo'y namamalagi pa rin ang banayad na init.

Muli ay binigyan nya ako ng magaang ngiti. Inalis nya ang kanyang mga tingin sa akin at ipinukaw ito sa aking likuran. Tumungo siya rito at nagpatuloy.

Sa palagay ko'y ginusto kong tingnan siya sa pag-alis, ngunit sa halip ako'y humakbang paabante.

Ang paligid ay mabilis nang nilalamon ng malamlam na liwanag, at ilang tiririt ng mga ibon ang akin na ring naririnig. Unti-unti ko nang nararamdaman ang pagod sa aking katawan. Sa isipan ko ay siniguro kong tatawag ako kay Charles pagbalik ko sa kuwarto—hihingi ng kanyang tulong. Hindi ko magagawang pumasok sa Resto bago ang tanghali.

Continue Reading

You'll Also Like

28.2K 1.7K 77
COWER SO YOU SHALL BE VANQUISHED. Weeks have passed since their escape and Havierre's special project comes to its wake. With his army and his newly...
22.6K 1.2K 41
4 Demigods accidentally opened the chamber of the fallen Angels which will eventually be the reason for the rising war. Who will win this time? -- Al...
18.6K 1.2K 29
Agartha is a legendary city that is said to reside in the Earth's core. It is the existing inner earth kingdom, the undiscovered civilization underwo...
131K 4.1K 31
After the SL's fourth generation succeed the war the next Legendary is now going to face the hardest problem. The war betwen the Angels.