Damsel In Distress (Sanford S...

By Emerald_Griffin

63.4K 3.5K 106

The life that River Louis Reyes lives in feels like she is walking on a rough road under the stormy sky. Ever... More

DISCLAIMER
TEASER
PROLOGUE
CHAPTER 1
CHAPTER 3
CHAPTER 4
CHAPTER 5
CHAPTER 6
CHAPTER 7
CHAPTER 8
CHAPTER 9
CHAPTER 10
CHAPTER 11
CHAPTER 12
CHAPTER 13
CHAPTER 14
CHAPTER 15
CHAPTER 16
CHAPTER 17
CHAPTER 18
CHAPTER 19
CHAPTER 20
CHAPTER 21
CHAPTER 22
EPILOGUE
SANFORD SERIES #5: MELTING ME SOFTLY

CHAPTER 2

2.3K 158 1
By Emerald_Griffin

PAGKAGALING sa apartment ni Mrs. Felimon ay dumiretso sila pauwi ni Maddie sa kanilang tinutuluyan.

Inilapag ni River kapatid sa kanilang kama at umupo sa gilid niyon. Isang ngiti ang sumilay sa kanyang mga labi habang nakatitig kay Maddie na payapang natutulog. Ilang sandali niya itong tinitigan bago dumukwang at pinatakan ng halik sa noo.

Dinampot niya ang dalawang maliliit na unan at inilagay sa magkabilang gilid nito.

Tumayo siya at dinampot ang tuwalyang nakahanger bago pumasok sa maliit na banyo. Iyon ang isa sa ipinagpapasalamat niya, ang pagkakaroon ng sariling banyo. Maliit man ay mas mabuti nang meron kaysa wala.

Mabilis siyang naglinis ng katawan at pagkalabas ng banyo ay naghanap ng maisusuot.

Makitid ang espasyo ng apat na sulok ng silid na iyon. Maliban sa kama, isang upuan at maliit na lamesa ay wala na masyadong gamit sa loob. May isang kaldero, dalawang pares ng pinggan at kutsara, kung susumain ay miniminal lang ang kanyang mga pag-aaring kasangkapan sa bahay. Maging ang kanilang mga damit ay nakalagay lang sa karton.

Pagkatapos magbihis ng preskong damit ay tinabihan ni River ang kapatid sa kanilang kama dala ang pamaypay na gawa sa abaniko. Mainit sa loob ng kanilang bahay, sa ngayon ay wala siyang naitabing pera upang ipambili ng electric fan. Maging ang pambili nila ng grocery ay naubos na dahil wala siyang trabaho ng ilang araw. Mabuti nalang at bago sila umuwi ay inanyayahan siya ni Mrs. Felimon na kumain. Pinaunlakan niya ang ginang, malaking tulong iyon sa kanila. Ang natitira niyang ulam kaninang umaga na ipang-uulam niya sana ngayon ay makakain pa niya bukas. Hindi naman iyon madaling mapanis.

Simula nang mamayapa ang kanilang mga magulang sa isang road accident ay lalong naghirap si River. Sabay na nawala ang mga ito at kung 'di dahil sa kapatid niya ay sumuko na siya. Nakaligtas si Maddie sa aksidente kahit nasa loob palang ito ng tiyan ng kanilang ina.

Nang isugod ang mga magulang sa ospital ay humihinga pa ang kanyang ina at nagmakaawang iligtas ang batang nasa sinapupunan. Kahit na kakapitong buwan palang noon ni Maddie ay nabuhay ito habang tuluyang namahinga ang kanilang ina kasama ng kanilang ama.

Hindi naging madali sa kanya ang lahat, halos mabaliw siya no'n sa pag-iisip kung ano ang gagawin. Nawalan siya ng magulang at may isang sanggol siyang dapat alagaan.

Napakahirap, lalo na't hindi normal ng ilabas ang kanyang kapatid. Nagkaroon ito ng komplikasyon, may butas ang puso nito at hindi iyon maliit. Naubos ang savings ng kanyang mga magulang sa pagpapagamot kay Maddie. Nabenta ang bahay na nabili ng kanyang ama ilang buwan mula nang lumawas sila mula sa probinsiya.

Ayon sa doktor ay kailangan ni Maddie na sumalang sa operasyon para maisara ang butas sa puso nito. Subalit ngayon ay hindi pa ito maaaring maoperahan, maliit ang kanyang kapatid at mahina ang pangangatawan dahil narin sa premature baby ito, hindi kakayanin ng sanggol ang ganoon kalaking operasyon. Wala rin siyang pera para do'n, ngunit kung kinakailangan na talaga itong maoperahan ay gagawa at gagawa siya ng paraan upang makahanap ng pera. She'll do everything for Maddie, she's the only family left and she won't lose her.

Napapitlag si River ng maramdaman ang maliit na kamay ni Maddie na pumulupot sa kanyang hinliliit. Sa kabila ng lahat ng hirap ay hindi pumapalya ang bata na pangitiin siya. Maddie was her happiness.

Dumukwang ang dalaga at maingat na hinalikan ang kulay rosas na mga labi ng kapatid. Kumibot ang labi ni Maddie ngunit hindi nagising, isang munting ngiti ang sumilay roon.

"Goodnight, Maddie. Mahal na mahal ka ni Ate."

"GUSTO kong maging prinsesa, Mama," ani ng batang si River habang pipikit-pikit na nakahiga sa tabi ng kanyang ina.

Itiniklop ni Susan ang hawak na librong pambata at hinaplos ang mahabang buhok ng anak. "Prinsesa ka namin ng tatay mo, Ris." Tinapunan nito ng tingin ang asawa na nasa kabilang bahagi ng papag at masuyong ngumiti.

"Gusto ko po ng prinsipe, 'Nay." Hindi na nagulat ang mag-asawang Ador at Susan sa sinabi ng bata. Noon pa man ay nakahiligan na ni River ang mga fairytale book at hindi miminsang sabihin na gusto nito ng ganoong buhay paglaki. The couple was hoping and praying that their baby's wish will come true. That one day, she will find the man that will love her unconditionally. Gaya nang pagmamahal ni Ador kay Susan, kahit na hindi man prinsipe ang una. "Baka nasa malaking bahay siya at nagtatago dahil sa malahalimaw na anyo o 'di kaya ay isang palaka na naghihintay ng halik."

Natawa ang mag-asawa sa pagka-aliw. "O baka nasa isang palasyo at malungkot na naghihintay sa kanyang prinsesa," bulong ni Ador sa naghihikab na bata at tinapunan ng tingin ang asawa na kagaya niya ay nakangiti.

Tumango-tango si River na sumasang-ayon sa sinabi ng kanyang ama. Muli siyang naghikab at ipinikit ang mga mata. "Goodnight, Nanay, Tatay," mahinang saad ng bata bago nagpatangay sa antok.

Malalakas na katok sa pinto ang nagpagising kay River. Maging ang batang katabi ay nabulabog at nagsimula nang pumalahaw ng iyak. "Shh... Sleep ka uli." Marahan niyang tinapik-tapik ang bata upang makabalik sa pagtulog.

Patuloy ang pagkatok sa labas ngunit hindi siya umalis sa kama hanggang hindi pa napapayapa ang kapatid. Nang muli itong mahimbing ay mabilis siyang bumaba sa kama at binuksan ang pintuan.

"Ano ka ba naman, River! Kanina pa ako rito at ang tagal mong magbukas, pati bayad mo sa upa ang tagal! Aba, may binubuhay rin naman akong mga anak at may mga binabayaran. Magtatatlong buwan ka ng hindi nakakabayad ng upa at kailangan na kailangan ko ng pera," salubong ng kasera sa dalaga pagkabukas niya ng pinto.

Nakaramdam ng hiya si River dahil sa lakas ng boses nito, ang ibang mga kapitbahay ay napapalabas na sa mga tahanan at nakiki-usyuso. "Pasensiya na po, Aling Marites. Babayaran ko naman po ang bayarin sa upa, hindi nga lang ngayon." May pakiusap sa kanyang mga mata at boses.

"Kailan pa, aber? Sa susunod na taon? Hindi naman puwedeng gano'n nalang palagi, River. May mga anak akong binubuhay at mga apo."

"Nakahanap na po ako ng trabaho, mababayaran ko na po kayo." Nakiusap ang dalaga sa kanyang kasera at marahil ay may kaunti pa itong awa na natitira para sa kanila kaya napakiusapan niya ito na sa una niyang suweldo magbabayad.

Isinara ni River ang pinto pagka-alis ni Aling Marites at humugot ng malalim na hininga. Totoong halos magtatatlong buwan na siyang hindi nakakabayad ng upa. Tanging ang nababayaran palang niya sa pagtira roon ay ang down payment nang lumipat sila ni Maddie may apat na buwan na ang nakakaraan.

Sa gamot palang ni Maddie at sa mga pangunahing pangangailangan ng bata ay hindi pa sapat ang kanyang suweldo mula sa dating pinapasukan.

Gusto niyang mapabulaslas ng iyak subalit pinigilan niya ang sarili at nagpakatatag.

Dumako ang kanyang mga mata sa larawan ng mga magulang na nakasabit sa dingding. Isang malungkot na ngiti ang sumilay sa mga labi ni River sa pagkatitig sa mga ito. She missed them, she missed those times they had together. Ang pagbabasa ng kaniyang ina ng pambatang libro para sa kanya bago siya matulog sa gabi. Ang nakangiting mukha ng kanyang nanay at tatay pagkagising niya sa umaga. Kahit mahirap ang buhay nila ay masaya siya noong kasama niya ang mga ito. Kung may pagkakataon na bumalik mahigit pitong buwan na ang nakakaraan ay mas pipiliin niyang manatili sa probinsiya kaysa sa lumuwas sa lungsod. Kung alam lang niyang gano'n ang kahahantungan nila ay mas mabuti nang maghirap sila sa kanilang munting bayan, magkasama naman sila. Subalit huli na ang lahat, hindi na niya maibabalik ang nakaraan.

Ang iyak ni Maddie ang pumukaw sa diwa niyang nababalik tanaw sa nakaraan. Nagmamadaling tinimplahan niya ito ng gatas dahil alam niyang nagugutom na ang kapatid. "Sandali lang, Maddie."

Inasikaso niya ang kapatid na siyang ginagawa niya tuwing umaga bago lumakad paalis sa trabaho o sa paghahanap ng pera. Naligo siya ng madalian at nagbihis para sa kaniyang unang araw sa restaurant bilang waitress.

Habang umiinom ng gatas ang kanyang kapatid ay kinain niya ang natirang ulam at kanin na tira niya kahapon, mabuti't hindi pa iyon napanis. Kadalasan, kung wala siyang pagkain ay nangungutang siya sa karinderya na pag-aari ng mama ni Leandro. Mahaba na ang listahan niya rito, mabuti nalang at maunawain at may mabuting puso ang ginang.

Siniguro ni River na maayos si Maddie bago tinungo ang apartment ng mag-asawang Felimon. Si Mr. Felimon ang nagbukas ng pinto, kagaya ng asawa ay nasa singkuwenta mahigit na ang edad nito. Maputi na ang buhok at kumukulubot na ang balat, bagaman ay malakas pa rin.

Iniwan niya sa mag-asawa ang kapatid dahil wala siyang ibang mapag-iiwanan sa bata. Kahit na ayaw niya itong iwan ay wala siyang magawa dahil kailangan niyang kumita ng pera para sa kanilang dalawa.

Dala ang kanyang shoulder bag ay binaybay niya ang daan patungo sa main highway. Gagastos lang siya kung magta-tricycle pa, kaya naman niyang maglakad patungo sa sakayan ng jeep.

Hindi pa man nakakalayo mula sa apartment ay isang taxi ang bumusina at tumigil sa gilid ni River. Napahinto siya sa paghakbang at tiningnan ang sasakyan. Bumaba ang bintana niyon sa may passenger side at sumungaw ang nakangiting mukha ni Leandro.

"Sakay na."

"Hindi na. Magje-jeep nalang ako, Leandro."

"Dali na. Hindi naman kita sisingilin, libre lang. Bawal tanggihan ang grasya, lalo na't napakapogi ng naghandog sa 'yo no'n," nakangiting giit nito sabay bukas sa pinto ng taxi.

Nahihiyang tumalima si River, umayos naman ng upo sa driver's seat si Leandro at hindi mawala-wala ang ngiting nakapaskil sa mga labi. "Hindi mo naman kailangang gawin 'to. Nakakahiya," ani ng dalaga sa mahinang boses. Totoong nahihiya siya sa kaibigan, ilang beses na ba siya nitong naihatid noon sa dati niyang pinagtatrabahuan? Hindi na niya mabilang. Kahit na tinatanggihan niya ay hindi nagpapapigil si Leandro.

"Sagutin mo na ako para bayad ka na. Masipag naman ako... tsaka guwapo," anito sa magaang boses ngunit puno ng kahulugan ang kislap sa mga mata.

Nailang si River dahil sa sinabi ni Leandro. Hindi man diretsahang sabihin ay alam niyang may pagtingin sa kanya ang kaibigan, ang mga ginagawa nito para sa kaniya at ang mga sinasabi ng ibang tao ang basehan niya. Hindi niya alam kung paano magre-react sa hirit nito.

"Ito naman... ang seryoso," tudyo ni Leandro nang matahimik si River. Itinuon niya ang mga mata sa pagmamaneho kahit na gusto niyang titigan ang maamong mukha ng dalaga. "Saan nga pala kita ihahatid? Saan ang bago mong trabaho?" pag-iiba nito sa usapan.

Sinagot ito ni River sa tonong tila nakahinga ng maluwag dahil sa pag-iiba nito ng usapan. Nang mapatingin ang dalaga sa kaibigan ay sandali niya itong tinitigan. Hindi lang ang panglabas nitong anyo ang maganda, maging ang kalooban. Masipag rin at mapagmahal sa pamilya.

Nang sandaling lumingon si Leandro sa direksiyon ng dalaga at mahuli itong nakatingin sa kanya ay namula ang magkabilang pisngi ng huli dahil sa pagkapahiya. Iniiwas ni River ang mga mata rito at muling ibinalik sa daan.

"Ang pogi ko, 'di ba?" tudyo nito.

Napangiti lang ang dalaga, hindi naman mahangin si Leandro, sadyang mapagbiro lang ito at masayahin. Subalit hindi naman biro kung maituturing ang sinabi nito.

"Maraming salamat talaga, Leandro," usal ni River nang makarating sila sa tapat ng restaurant. Hindi tinanggap ng kaibigan ang kaunting perang kanyang ibinigay. "Hindi ko alam kung paano ako makakabayad ng utang na loob sa 'yo."

Napapitlag si River nang sapuhin ng dalawa nitong kamay ang kanyang pisngi at inunat iyon para sa isang ngiti. "Ngiti mo lang bayad ka na," anito. Bumilis ang tibok ng puso ng dalaga dahil sa ginawa nito at hindi malaman ang sasabihin. "Goodluck sa unang araw mo sa trabaho. Maiingat ka ha, 'wag kang titingin sa ibang lalaki," dagdag ni Leandro sa magaang tono at pinakawalan ang pisngi niya.

Isang kiming ngiti ang nagawa niya. "Salamat ulit."

Lumabas na siya ng taxi at hinintay na makaalis ang kaibigan bago pumasok sa loob ng restaurant at hinanap ang supervisor na nakilala na niya kahapon.

Nang araw na iyon ay nakabisado na niya ang mga gagawin sa kaniyang trabaho. Mababait naman ang kaniyang mga kasama at may libre siyang pananghalian. Hindi lang basta basta, kundi iba't ibang luto na noon lang niya natikman sa tanang buhay niya.

KINATOK niya ang pinto ng opisina bago iyon binuksan. Inutusan siyang hatiran ng pagkain ang kung sinuman ang naroon.

Tahimik na pumasok si River sa loob. Nang mapatingin sa lalaking nakaupo sa likod ng lamesa kasabay ng pagtaas nito ng tingin ay nahigit niya ang hininga. Hayon na naman ang mga matang iyon na matitiim kung tumitig at tumutagos sa kanyang kalamnan, at ang pamilyar na pagtahip ng kanyang dibdib ay nagpapawala ng kanyang hininga.

Ano ba ang nangyayari sa kanya?

Continue Reading

You'll Also Like

25.4K 645 33
Catalina Alfonso, daughter of the most influenced Mayor in town, was sent under the supervision to one of the sons of her father's most trusted man...
268K 6.8K 58
R18 3rd Generation of Villaraza Legacy This is a series where girls squad encounters different pleasure. Zyren Goron Villaraza BLURB: Zyren took an...
82.9K 2.4K 30
Versalius Brothers #1 Gregory Versalius is a bad boy who's untamed for a long years until he'll meet Grace Ross who will make him unsure of being un...
10.9K 373 42
UNICORN SERIES#1 (COMPLETED) This story is about a gay who firmly believes that he will never fall in love with a girl but everything changes when he...