LUMINOUS (Fantasy Novel)

By Gregor_io

11.1K 906 554

|| COMPLETED || Stand-Alone YA Fantasy Novel ANG BUHAY NI AMARIS ay puno ng pasakit sa kamay ng kanyang adopt... More

LUMINOUS
The Map
II : ALEK
III : AMARIS
IV : ALEK
V : AMARIS
VI : ALEK
VII : AMARIS
VIII : ALEK
IX : AMARIS
X : ALEK
XI : AMARIS
XII : ALEK
XIII : AMARIS
XIV : ALEK
XV : AMARIS
XVI : ALEK
XVII : AMARIS
XVIII : ALEK
XIX : AMARIS
XX : ALEK
XXI : AMARIS
XXII : ALEK
XXIII : AMARIS
XXIV : ALEK
XXV : AMARIS
XXVI : ALEK
XXVII : AMARIS
XXVIII : ALEK
XXIX : AMARIS
XXX : ALEK
XXXI : AMARIS
XXXII : ALEK
XXXIII : AMARIS
XXXIV : ALEK
XXXV : AMARIS
XXXVI : ALEK
XXXVII : AMARIS
EPILOGUE
THANK YOU!
🌕

I : AMARIS

1.7K 97 38
By Gregor_io

Baguio City,

Earth


Ang namumugto kong mga mata ay nakatuon lamang sa namumulang mukha ng aking tita. Magkasalubong nyang mga kilay, nag-aalab na mga mata, ang mga kamao'y nakakuyom na nakapatong sa kanyang baywang. Para bang hinihigop nya ang aking lakas sa pamamagitan ng sindak. Matapos ang kanyang pinakawalang masasakit na salita ay kusa na lamang bumaluktot ang aking dila. Ang aking puso ay nagbabantang kumawala sa mga buto at balat ng aking dibdib.

Matinis na singhay ang kanyang pinakawalan. "A bad luck to this family! Curse to this house!" Ang mga salita'y matalim pa rin sa aking damdamin, makailang ulit ko man na itong narinig. Ilang segundo pa nyang ibinaon ang mga mabibigat na tingin sa akin, nagpabulalas ng buntong hininga, at tuluyang tumalikod. Narinig ko pa rin ang kanyang mababang boses: kamalasan, kamalasan.

Tumungo siya sa pintuan, at halos mabasag ang aking tainga sa malakas na paghampas niya nito pasara. Napapikit na lamang ang aking mga mata, at doo'y napiga ang manipis kong luha. Ang mga namumugto kong mga mata ay hindi dulot ng kanyang pagbungad sa aking silid ngayon lamang, kundi ito'y dahil sa kanyang ginawang pagpapahiya sa akin sa harapan ng aming mga kamag-anak kanina.

Nanginginig ang aking mga balikat habang ako'y naiwang mag-isa sa aking silid, nakasukot sa isang sulok ng aking kama. Ilang minutong ako'y ganoon lamang. Dulot ng pagkabigla, hanggang ngayo'y wala pa rin akong kakayahang gumalaw.

A bad luck. Iyan ang palaging tawag sa akin ni Tita Freanessa, ang madalas nyang ibulyaw sa bawat pagkakamali ko, o kahit sa walang dahilan—araw-araw. At wala akong magawa. Kailangan kong manatiling tikom at tanggapin na lang ang kahit anong sabihin nya, kung gusto ko pa ng matutuluyan, ng mauuwian.

Magpahanggang ngayon ay mabigat pa rin ang aking dibdib. Nanunuyo ang lalamunan ko na para bang lahat ng tubig mula rito ay dumaloy paangat sa aking mga mata, kung saan mabigat na luha ang ngayo'y nagbabatang muling bumagsak, na kapag nagtagumpay ay hindi na hihinto pa.

Kaya naman pilit kong ini-angat ang aking mukha, kinalas ang mga kamay kong nakabalot sa aking tuhod, at ganap na bumaba sa kama.

Binura ko ang namumuong luha sa aking mga mata at kasabay nito'y tumungo sa cabinet sa isang sulok ng kuwarto. Pagbukas ay hinablot ko ang khaki sweater na unang bumungad sa akin.

Mabigat na buntong hininga ang kusang kumawala sa aking, at nang maging kumportable na ako sa aking kasuotan, tumungo ako sa kanang tabi ng kama—sa may bintana.

Sandali akong napalingon sa orasan at natukoy na lagpas na ngang hating-gabi. Sa mga oras na ito'y alam kong tulog na ang lahat sa bahay.

Bahagyang gumaan ang aking dibdib. Oras na para sa isang tahimik na paglalakad. Hindi ako makakatulog sa lagay na ito at kailangan kong makalimot, kahit papaano, o mabawasan man lang ang bigat sa aking dibdib.

Binuksan ko ang bintana at sinalubong ang ragasa ng malamig na hangin. Ang bawat hibla ng aking buhok ay malayang natangay tungo sa aking likuran.

"Kakaiba na naman ang panahon," walang-malay kong sambit sa aking sarili. May kaunting pag-aalinlangan akong naramdaman sa paglabas sa ganitong lagay, ngunit agad din itong humupa singbilis ng pagsibol nito.

Dumungaw ako sa labas, kung saan ang liwanag mula sa buwan ay namamayani, nagbibigay ng itim at pilak na anyo sa buong paligid—sa mga pader na nakapaligid sa bahay, at sa mga sumasayaw na puno sa kabilang dako.

Iginala ko ang aking mata sa mga bintana ng bawat silid, at tulad nga ng aking inaasahan, ang lahat ng ilaw ay nakapatay na. Munting tuwa ang dumaloy sa aking katawan, ngunit hindi na ito umabot pa sa aking labi.

Ipinatong ko ang aking mga kamay sa hamba ng aking bintana. Gamit ang lakas na tinipon ko sa mga ito ay ini-angat ko ang aking sarili. Tumuntong ako rito at sandaling nanatili, ninamnam ang matalim na lamig sa bawat hampas ng hangin. At nang ako'y handa na, dahan-dahan akong bumaba sa aking bintana patungo sa bubungan ng likurang garahe na nasa aking ibaba.

Sandali akong nanatiling nakakapit sa hamba, huminga ng malalim, bago tuluyang bumitaw. Pinagaan ko ang aking sarili, at lumapag sa pinaka-tahimik na paraan na aking makakaya.

Mahinang kalatong lamang ang nabuo sa paglapag ko sa bubong, ngunit sapat na ito upang ako'y magyelo sa pagkakatayo. Hindi ko tinangkang gumalaw—hindi ko halos maramdaman ang aking paghinga.

Limang segundo . . . Sampo. Nanatili lamang ang aking mga mata sa bawat bintana.

Matinding ginhawa ang bumalot sa aking katawan nang wala akong makitang kakaiba. Hindi ako puwedeng mahuli ni Tita, o kahit sino man sa bahay. Nagpatuloy ako tungo sa dulo ng bubungan.

"Isang talon pa," buntong hininga ko habang ang mga mata'y nakapako sa damuhang naghihintay sa akin.

Muli, gumala ang aking mga mata sa mga bintana, bago ko tuluyang pinakawalan ang aking sarili sa isang magaang lundag.

Halos walang tunog na nabuo sa aking paglapag, at maging sa aking paggulong. Munting tuwa ang muling tumibok sa aking sikmura, ngunit hindi pa rin nito napaangat ang aking labi.

Umalingawngaw ang mga paulit-ulit na ibinubulyaw sa akin ni Tita. "You cannot be good enough! You will never be! Stupid!"

Sa tuwing natutuwa ako sa aking sarili, iyon ay hanggang sa loob ko na lamang, hindi na ito nakakalabas dahil sa malaking espasyo sa aking dibdib na hindi mapuna-punan, isang kawalan na unti-unti akong nilalamon.

Tumayo ako mula sa pagkakahiga sa damuhan at pinagpag ang aking sweater. Hindi na ako nagsayang pa ng oras at nagmadaling tumungo sa mini-gate sa likuran ng bahay at inilabas ang susi na bigay pa sa akin ni 'Nay Felisha.

Napahinto ako sa biglang pag-alala sa kanya. Ang susi sa aking kamay ay nanatiling nakababon sa kandado, naghihintay sa aking pagpihit.

Ako'y natauhan. Ilang magkakasunod na kurap ang kumawala sa aking mga mata bago ako muling makabalik sa realidad. "Kailangan ko munang makalabas rito," paalala ko sa aking sarili habang tuluyang pinihit ang susi, inalis ang kantado at binuksan ang mini-gate.

Malakas na hangin ang agad tumulak pabukas ng gate, at mapalad ko itong nasalo bago nito magawang humampas sa pader. Mahabang hininga ang bumulalas palabas sa akin nang matagumpay ko itong muling isara.

Kung ano man ang aking kaba na baka ako'y makita ng sino man ay naglaho na, at sa pagkakataong ito'y hinayaan ko na ang sarili kong usisahin ang paligid.

Matatayog na mga puno ang bumungad sa akin, at sa patuloy na pagbayo ng hangin ay rinig ko sa aking kinatatayuan ang mga langitngit na likha sa mga pag-ugong ng mga ito. Ang mga langitngit ay nagpatuloy pa sa kailaliman ng nakaabang na gubat.

Bigla akong nanginig. Hindi ko tukoy kung dulot iyon ng matinding lamig ng gabi o ng anyo ng gubat sa aking harapan. Gayumpaman, bahagya lamang ang dilim ng gubat dahil sa matinding liwanag ng buwan, dahilan upang magkaroon ako ng lakas ng loob na manatili. Bukod pa roon ay bihira lamang din akong makapunta rito kaya naman hindi ko ito gustong sayangin. Bago pa ako magbago ng isip ay sinumulan ko nang maglakad—tuwid sa mga matatayog na puno.

Maya't maya'y napapatingala ako sa kalangitan upang masulyapan ang nagliliwanag na buwan—makintab at mas malaki kumpara sa karaniwan. Lunar Perigee ang dahilan sa kaaya-aya nitong anyo ngayong gabi, kung saan napakalapit ng buwan sa Earth.

Napakaespesyal ng gabing ito para sa akin, dahil isa sa mga sinambit sa akin ni 'Nay Felisha ay nagmula raw ako sa buwan—hindi sa literal na paraan, kundi sa kung paano nya ako natagpuan.

"Espesyal ka, Amaris, maging ang oras na natagpuan kita," ang saad nya sa akin. "Lumabas ako na sana'y upang pagmasdan lamang nang sandali ang buwan habang ito ay nasa pinakamalapit nitong distansya sa atin, subalit sa halip ay narinig ko ang munti mong iyak sa harapan ng bahay. Isa ka pa lamang bagong panganak na sanggol. Sa gabing iyon, sa ilalim ng buo at nagliliwanag na buwan, walang mapagsidlan ang aking tuwa dahil isang anghel ang aking natagpuan."

Naalala ko ang marahan nyang pagharap sa akin, ang magaan nyang ngiti, habang kasama ko syang naglalakad sa parehong gubat na ito ngunit sa ilalim ng araw—mga huni ng ibon sa halip na wagas na langitngit ng mga puno, berdeng gubat at hindi pilak-at-itim.

Sa maikling sandali ay para bang nagbalik siya—buhay sa aking tabi. At nang hampasin muli ako ng lamig na dala ng hangin ay muli siyang naglaho.

Wala na siya. Lalo pang bumigat ang aking pagod na dibdib. Siya lamang ang taong tunay na nagparamdam sa akin na mahalaga ako. Siya lamang.

Tuloy-tuloy lang ako sa paglalakad. Pakiramdam ko'y namumuo na ang mabigat na luha sa aking mga mata. Kung wala na ang taong nagsisilbing liwanag sa daang tinatahak mo, paano mo magagawang magpatuloy pa?

Sa isang iglap, ang lahat ng ala-ala mula noong nawala si 'Nay ay nanumbalik sa akin. Ang paninisi sa akin ng aking Tita, ang nag-aakusang tingin ng mga anak nya sa akin at iba pa nilang kamag-anak . . . mga matitinding galit at pagmamaliit.

Hindi ko ginusto ang nangyari kay 'Nay. Hindi ko ninais mahimatay habang dinadala sa kanyang silid ang kanyang gamot, dahilan upang hindi nya ito mainom at sa paglipas ng ilang oras ay nangyari ang bagay na hindi namin ninanais.

Wala akong ginusto ni isang pangyayari sa araw na iyon.

Kahit iginiit ng doktor na hindi lamang dahil sa kabiguan nyang uminom ng gamot kaya siya inatake sa puso, hindi iyon tinanggap ni Tita Freanessa. Maging ang lahat ng kamag-anak nya ay hindi na rin ako inintindi.

Sinigawan ako sa lamay, ipinahiya. Hindi ako pinayagang makapunta sa araw ng libing, at pinagbawalan ding bumisita sa kanyang puntod. "Isa kang ampon . . . na pumatay kay Mama!"

Minsan ay iniisip kong marahil tama nga si Tita. Marahil ako nga ang dahilan. Siguro nga'y isang akong kamalasan, at hindi lang iyon nakita ni 'Nay.

Mabigat na luha ang bumagsak pababa ng aking pisngi. Nangungulila ako habang sinisisi ang sarili, naghahanap ng mga kasagutan habang inuusid ng mga bulyaw at mabibigat na tingin sa aking isipan.

Noong nawala si 'Nay Felisha, tila nawala na rin ang aking sarili. Nang talikuran ako ng pamilyang kumupkop sa akin, parang tinalikuran na rin ako ng mundo.

Bumitak ang hikbi sa aking lalamunan. Nagbabanta ang pagtibag ng aking damdamin, ang pagsabog ng aking puso sa pag-iyak. Ngunit binuo ko ang aking sarili, pinigilan ang mga ito.

Hindi ako iiyak. Ako'y pagod na pagod na sa bagay na iyon. Mabigat na dibdib, namimilipit na lalamunan, mainit na luha sa mga mata, alab ng pasakit sa aking utak, ngunit hindi ako iiyak.

Naramdaman ko ang kagustuhang punasan ang aking luha, subalit pinigilan ko ang aking kamay. Sa halip, ako'y kumurap at piniga palabas ang natitirang manipis na luha. Hinayaan ko ang hangin na burahin ito sa aking pisngi. Marahil kung hindi ko ito mahahawakan, hindi ko na rin ito lubos mararamdaman.

Nagpatuloy ako sa paglalakad hanggang sa mawala na sa aking isipan ang takbo ng oras, at kung gaano na kalayo ang aking nararating. Sa aking tinatahak, ang lupa ay hindi na patag. Ngunit patuloy pa rin ako, pababa at pailalim sa gubat. Ngayon lamang ako nakakaabot sa ganitong layo.

Bumaba ako sa madalisdis na bahagi, ang mga tuyong dahon sa aking mga paa ay nagdulot ng magkakasunod na kaluskos bago tuluyang tangayin ng hangin. Sa aking paghinto, ang hangin at langitngit ng mga puno na lamang ang nanatili.

O siguro'y hindi.

Sa napakasubtil na paraan ay mayroon akong ibang narinig, ngunit napakabilis nito na tila ba hangin lamang na dumaan sa akin tainga.

Muli itong naulit, sa pagkakataong ito'y akin nang natukoy.

Isang uwak. . . . Ilang mga uwak.

Tumindi pa ang paghampas ng hangin sa paraang hindi ko inaasahan, at sa halip na tumila ay nagpatuloy ito. Ang sigaw ng mga uwak sa kalayuan ay lumakas at patuloy pang dumami. Isang kulupon.

Pangamba ang mabilis na lumamon sa akin. Lahat ng emosyon na mayroon ako kanina ay agad nabura.

"Kailangan ko nang umalis," nangangamba kong sambit. Hindi na maganda ang pakiramdam ko rito. Hindi ko maipaliwanag.

Binawi ko ang nag-ugat kong mga paa sa lupa at akma nang haharap pabalik sa direksyon ng aming bahay, ngunit naagaw muli ang aking atensyon.

Nagkamali ako nung inisip kong tanging mga uwak lamang ang aking narinig. Hindi ko napansin na kaya palakas nang palakas ang mga tunog mula sa uwak ay dahil patungo ang mga ito sa aking direksyon. At kasabay nito ang malalakas na ragasa ng hangin at mas bayolenteng pag-ugong ng mga puno.

Nanigas ang aking dibdib. Hindi ko na namalayan pa ang aking pagbulalas sa pagtakbo. Nilabanan ko ang puwersa ng hangin at pilit inakyat ang madalisdis na bahagi. Kumapit ako sa mga puno upang hindi matumba.

Nang makabalik na ako sa patag na bahagi, ang mga uwak ay napakalapit na. Sa kahit anong oras, sila ay tuluyang makakalabas sa madilim na dulo ng gubat.

Ang aking pagtakbo ay pinabilis pa ng pagkabalisa na ngayo'y nag-aalimpuyo sa aking isip. Nang mapalingon ako sa likuran, malaking kulupon ng mga itim na uwak ang pumunit sa dilim at kumawala sa itim na anino ng gubat.

Lumawig ang aking mga hakbang, bumilis ang aking pagtakbo—at bumilis pa. Ngunit wala na itong silbi. Ilang uwak ang naka-abot na sa akin at nagsisiliparan sa aking paligid.

Mas marami sila kumpara sa aking inaasahan.

Napayuko ako sa higit pa nilang pagdami, hanggang sa maramdaman ko ang ilang matatalim na kukong pumupunit sa tela ng aking sweater, diretso sa balat. Humiwa ang kirot at kumawala ang aking sigaw. Lubos pa akong napadapa, ngunit sa halip na makaiwas ay nawala ako sa balanse. Bumagsak ako sa mga tuyong dahon, at walang kalaban-laban ko na lamang idiniin ang aking sarili.

Sa kabila ng mga pagaspas at nakabibinging pagaw ng mga uwak ay nangibabaw pa rin ang ilang malalakas na dagundong, hanggang sa mapagtanto kong iyon ay mga kulog mula sa kalangitan. At sa kalayuan, mga kidlat.

Kanina lamang ay napakalinis ng himapapawid. Walang senyales ng sama ng panahon bukod sa malalakas na hangin. Gumuhit sa aking isipan ang mga matitinding kalamidad kaugnay sa kulog at kidlat nitong mga nagdaang linggo—magakakasunod na kidlat ang sumunog sa ilang gubat—at agad akong nilamon ng matalim na sindak.

Kailangan kong makaalis bago umulan ng kidlat sa parteng ito!

Gustuhin ko man ay hindi ko magawang tumayo mula sa pagkakadapa. Nanatili lamang ako sa lupa, hanggang sa maubos na ang kulupon ng mga uwak.

Ngunit bago ako makatayo ay napalundag ako sa gulat at napapikit nang sagad. Naalog ang buong paligid sa pagkislap ng matinding liwanag na mabilis sinabayan ng makabasag-taingang pagsabog. Kidlat! Isang matayog na puno malapit sa aking kinaroroonan ang agad nagliyab.

Hindi ako nakagalaw, na para bang sa kahit anong lugar ay muli na namang tatama ang panibagong kidlat.

Ang dagundong na nagmumula sa pagsiklab ng matayog na apoy at ng hanging humahampas rito ay nadagdagan pa ng panibago.

Isang bayolente at mahabang lagitik.

Balisang gumala ang aking mga mata, at bago ko pa matukoy ang pinagmumulan ng pagbitak ay natagpuan ko ang isang malaking sanga ng puno sa aking itaas, buong bigat na pabagsak sa akin.

Bumilis ang mga pangyayari. Lumabo ang paligid. Kusa na lamang kumilos ang aking katawan at inihagis ako nito papalayo sa pabagsak na sanga.

Isang metro. Wala halos isang metro. Iyon lamang ang naging pagitan—ang distansyang nagligtas sa akin. Maging ang pagyanig ng lupa na dulot ng pagbagsak ay buo kong naramdaman. Paralisado ang gimbal kong mga mata.

Binawi ko ang aking sarili at nanginginig na tumayo. Ang aking mga tuhod ay nagmistulang tubig. Hindi na ako nag-aksaya pa ng oras. Agad akong kumaripas.

Sa aking pagtakbo—at makaraan ang ilang distansya—ay hindi ko napigilang mabagabag. Ang nangyari kanina . . . Paano ko iyon nagawa? Sa mga oras na iyon ay nagyelo ang aking katawan sa sindak at pagkabigla at iba pang emosyon, hindi dapat ako nakaligtas mula sa pagbagsak ng malaking sanga na iyon.

Ngunit hindi ganoon ang nangyari. Matinding puwersa sa aking mga ugat ang bumuhay sa aking buong katawan, at ang puwersang iyon ang nagpaalis sa akin sa bingit ng kamatayan.

Ramdam ko pa rin ang kakaibang puwersa sa aking katawan. Dulot lang ng pagkalagay ko sa panganib.

Nagpatuloy ako sa pagtakbo; hanggang ngayon ay wala pa ring natatanaw na bahay. Gaano ba kalayo ang narating ko?

Ang malalakas na hampas ng hangin ay sinasabayan na ng mga kulog at kidlat mula sa mga mas malalapit na lugar.

Hanggang sa matanaw ko na ang aking inaasam. Ang matayog na pader. Ang maliit na pulang gate. Bumilis pa lalo ang aking pagtakbo.

Ngunit isang liwanag ang nahagip ng aking mata. Hindi isang kidlat. Maliit subalit makintab na liwanag.

Tumindi ang pagkalabog ng aking puso nang maisip kong marahil mula iyon sa aking Tita o kahit sino sa bahay. Ngunit nasiguro kong hindi. Nakasara ang gate, at walang naghahanap sa akin.

Bigla akong mapahinto sa pagtakbo. Muli kong natagpuan ang puting liwanag, at ito'y hindi mula sa paligid, at lalong hindi isang guni-guni lamang.

Ang liwanag ay nagmumula mismo sa akin. Sa aking mga daliri.

Huminto ang aking isipan kasabay ng paghinto ng aking katawan. Ang aking mga mata'y gimbal na nakatitig sa aking kanang kamay. Ang liwanag sa aking mga daliri ay umakyat sa aking palad, umiilaw sa hindi ko mawaring paraan—sa hindi normal na paraan.

Ang puting liwanag ay mabilis na gumapang sa aking balat, sa pulso, kabuuan ng aking bisig, paakyat sa balikat.

Naagaw ang aking atensyon ng panibagong liwanag, at ngayon, mula ito sa aking kaliwang kamay.

Ang liwanag sa aking kanang kamay ay nakaakyat na sa aking leeg, at ngayo'y pababa sa aking dibdib at buong katawan. Ako'y naiwang paralisado. Pakiramdam ko'y sasabog ang aking utak subalit labis itong nagyeyelo sa sindak at pagkagulat. Ginusto kong sumigaw, ngunit lahat ng iyon ay bumara sa aking lalamunan.

Malamlam na lamig ang naramdaman ko sa loob ng aking katawan—sa dugo, ugat . . . sa aking buto. Kalakip ng paggapang ng liwanag ay ang kakatwang taginting sa aking balat.

Ang malalakas na hampas ng hangin, pagbayo ng mga puno, at mga kulog at kidlat sa kalangitan ay sabay-sabay na nabura sa aking isip.

Umabot ang liwanag sa aking mga paa, sa bawat hibla ng aking buhok. Ang aking buong katawan ay ganap nang nilamon ng matinding liwanag.

Continue Reading

You'll Also Like

45.2K 1.8K 42
[COMPLETED] Following the broken engagement with the Crown Prince while struggling to adapt to her new environment, Myrtle Edelwyse now needs to marr...
496K 35.1K 54
I have always seen myself as a savior from the depth of the sea--a place that I have long conquered. But when you appeared right before my eyes, I re...
831K 44.4K 88
VRMMORPG | TAGLISH | Unedited A Sci-fi/Fantasy Story ⋘ ───────── ∗ ⋅◈⋅ ∗ ───────── ⋙ The life of a gamer is perfectly ordinary. Eat, game, sleep a...
230K 14.2K 69
[Royal Academy's 3rd book] When she thought things were finally coming to an end, that's when everything began crumbling. As she bid her goodbye and...