Nilagpasan niya ako at nauna siyang naglakad matapos niyang sabihin sakin ang mga katagang iyon. Hinilot ko ang aking sintido bago sumunod sa kaniya. Sinusubukan niya talaga ang pasensya ko.
Hindi ako ’yong tipo ng tao na mabilis magalit dahil hangga’t maaari kinakalma ko ang aking sarili kapag galit ako dahil hindi ko napipigilan ang aking bibig. Masakit akong magsalita lalo na kapag galit. Nasisigawan ko rin ang mga taong nakakausap ko. Hindi ko nagugustuhan ang sarili ko kapag galit dahil parang nagiging ibang tao ako.
Wala ako sa sarili habang naglalakad at nakasunod kay Nexus. Ang daming bagay-bagay na bumabagabag sa aking isipan. Kaya naman hindi ko napansin na nakarating na pala kami sa dako ng pagdiriwang.
Walang iba kundi sa...
Kaharian ng Esquizer.
Tumigil sa paglalakad si Nexus sa harapan ng mataas na pader kaya naman tumigil din ako. Mangha akong napatingala sa taas nito. Nakasisilaw rin ang liwanag na dulot ng kumikinang nitong kulay. Napanganga ako, sobrang ganda!
Naisip ko na nasa gate pa lang kami, ano pa kaya kapag nakapasok na kami? Awtomatikong hinarangan ng dalawang bantay si Nexus nang makalapit kami sa bukana ng mataas na gate.
Tumigil siya saka nakita kong inilahad niya ang kaniyang kamay. Hinawakan ng isang bantay ang kaniyang palapulsuhan at parang may sinuri roon. Napaigtad naman ako nang makitang nasa akin ang atensyon ng isa pang bantay. Kinabahan ako at bumilis ang tibok ng aking puso.
Sinusuri pala ang sinumang papasok sa palasyo! Paano kapag nalaman nilang tao ako? Baka patayin nila ako at pugutan ng ulo!
Pinagpawisan ako nang malamig. Nanginig din sa kaba ang mga tuhod ko. Para akong mawawalan ng malay.
Nakita kong tumango ang bantay kay Nexus, hudyat na maaari na siyang pumasok sa loob. Sandali akong nilingon ni Nexus saka sinenyasan na sumunod sa kaniya.
Halos napako ang mga paa ko sa lupang kinatatayuan ko ngayon, parang ayaw ko nang pumasok sa loob. Nakakatakot ang paraan ng pagtitig sa akin ng mga bantay. Parang anumang oras ay kayang-kaya nila akong patayin.
Nakita kong muling sumenyas si Nexus. Bahagya akong umiling, ayoko.
Ayoko talaga. Natatakot ako.
Para na akong maiiyak dito. Hindi ko alam ang gagawin. Tutuloy pa ba ako? O hindi na? Alam ko na sa oras na dumaan ako sa dalawang bantay ay malalaman at malalaman nila na hindi nila ako kauri.
Umiling-iling si Nexus. Mukhang suko na siya sa pamimilit sa akin. Nagtataka na rin ang mga bantay kung bakit hindi pa ako gumagalaw sa kinatatayuan ko.
Nakita kong naglakad pabalik sa Nexus sa mga engkanto. Kinausap niya ang mga ito saka ako tinuro. Hindi ko naririnig ang usapan nila dahil bahagya akong nasa malayo. Binalingan ako ng dalawang bantay saka sila sabay na tumango. Matapos sabihin sa kanila ni Nexus ang kung ano man, ay muli silang bumalik sa kani-kanilang pwesto. Sumenyas naman si Nexus na pwede na akong pumasok.
Nag-aalangan man ay wala na akong nagawa dahil nagkusa na na maglakad ang aking mga paa. Nanginginig man ay sinubukan kong tatagan ang aking sarili.
Bago makaraan nang tuluyan at makapasok sa gate ay sinulyapan ko ang mga bantay at nagsitayuan ang mga balahibo ko nang makita ko silang kapwa nakangisi!
Dali-dali akong naglakad at sumabay kay Nexus sa paglalakad. Nakakatakot! Para akong kinakapos ng hininga! Saka lang ako nakahinga nang maluwag nang makalagpas kami sa gate.
Halos hindi maubos-ubos ang pagkamangha ko sa ganda ng tanawin na nasa paligid! Kung gaano kaganda ang palasyo sa labas ay halos sampung ulit ang ganda ng looban nito!
Sobrang maliwanag sa paligid! Yung tipong hindi mo aakalain na gabi na pala dahil sobrang maliwanag sa loob. Purong ginto ang mga kagamitan na bumungad sa amin ni Nexus. Napakalaking pintuan ang nasa bungad ng palasyo. May mga bantay rin na nakatayo sa magkabilang-gilid at mayroon ka ring makikita na naglilibot sa paligid.
Makikilala mo silang mga guwardiya dahil nakasuot sila ng puti na damit panlaban. May hawak-hawak din silang panangggalang at espada sa kanilang mga kamay.
Inilibot ko ang aking paningin sa paligid. Nakakalula ang ganda rito! Masasabi ko na walang kasing-gandang bahay o gusali kahit pa na galugarin mo ang buong mundo namin. Hindi afford kahit pa ng pinakamayamang tao na magpagawa nito.
Nakasunod ako sa likuran ni Nexus kaya naman hindi ko pa kita ang kabuuan ng palasyo. Nakita ko ang mga engkanto na dumalo sa pagdiriwang. Kung ako ang tatanungin ay hindi mo aakalain na mga engkanto at kakaibang nilalang sila. Para lang din silang mga tao na dumadalo sa espesyal na pagdiriwang.
Ang ipinagkaiba lang ay masyadong magagara ang mga damit na suot nila pati na rin ang mga alahas. Napatitig ako sa isang mesa. May babaeng engkanto na nakaupo roon. Sa tantiya ko ay halos kaedaran ko lang siya. Umiwas ako ng tingin matapos maasiwa sa klase ng pagkakatitig niya sa akin.
Kanina pa kasi niya ako tinititigan, noong pagpasok pa lang namin ay nasulyapan ko na siyang nakatitig sa direksyon namin ni Nexus. Akala ko ay aalisin na niya ang atensyon niya sa amin pero nagkamali ako dahil hanggang ngayon ay tinitingnan niya pa rin kami.
Patuloy akong nakasunod kay Nexus at pasimpleng sinusulyapan ang babae. Kumpirmado, sinusundan niya kami ng tingin. Hindi ko sigurado kung ako ba ang tinititigan niya o si Nexus. Pero ang nakapagtataka ay dahil masyadong tuon ang atensyon niya sa amin.
Nangilabot ako nang bigla siyang ngumisi! Katulad na katulad ang paraan ng pagngisi niya sa paraan ng pagngisi ng bantay kanina! Bakit ba ang hihilig ngumisi ng mga engkanto? Ang creepy kaya!
Umiwas ako ng tingin sa kaniya at sa halip ay iginawi sa ibang direksyon ang aking tingin. Ngunit mas lalo akong kinabahan nang makita na halos lahat ng bisita ay nakatuon na sa direksyon namin ni Nexus ang kanilang paningin!
May ilan pa na nakangisi rin! May ilan naman na nagbubulungan pagkatapos ay tititigan ako, saka sila tatawa nang mahina. Hindi ko na nagugustuhan itong nangyayari, iginala ko pa ang aking paningin at nalaman ko na halos lahat ay nasa akin na nakatuon ang kanilang atensyon.
Parang pinagsisihan ko na pumunta ako rito. Tunay ngang hindi maganda ang naidudulot ng labis na pagiging ignorante sa mga bagay-bagay dahil minsan ay hindi natin alam ang magiging kahahantungan ng mga bagay na pinipilit nating alamin. Tunay ngang palaging nasa huli ang pagsisisi.
Humarap ako ay Nexus dahil balak kong magpaalam na uuwi na lang ngunit hindi ako nakapagsalita nang makita ang mga engkantong papalapit sa gawi namin.
Nakita kong tinapik ng isang lalaking engkanto ang balikat ni Nexus. Nakatalikod si Nexus sa akin kaya naman hindi ko kita ang kaniyang reaksyon. Kasunod ng lalaki ay ang isang magandang babae na parang pamilyar sa akin. Parang nakita ko na siya rati pero hindi ko matandaan kung saan.
Nanlaki ang mga mata ko nang makita si Hlae na nakasunod sa magandang babae. Blangko ang kaniyang mukha at mariing nakatitig sa akin.
Sino ang mga ito?
Maya-maya pa ay narinig kong nagsalita ang lalaking tumapik sa balikat ni Nexus.
“Siya na ba ang sinasabi mo, Hijo?” tanong nito kay Nexus matapos akong sulyapan habang nakangisi.
Nakita ko mula sa likuran ni Nexus na marahan siyang tumango. Nakakunot naman ang noo ko. Hindi ko maintindihan ang nangyayari.
Anong ako na ang sinasabi ni Nexus?
Anong nangyayari?
Napa-atras ako nang nagsimulang maglakad papunta sa akin ang magandang babae. Nilagpasan niya si Nexus na hindi man lang nag-atubili na lingunin ako.
Bago pa man ako makapagprotesta ay nahawakan na niya ako sa kamay kasabay sa pagbanggit ng mga salitang hindi ko maintindihan hanggang sa naramdaman ko nalang na unti-unting nagsasara ang talukap ng aking mga mata.
Ang huling bagay na nakita ko ay ang paglingon sa akin ni Nexus at bago ako tuluyang bumagsak ay naramdaman ko ang mga brasong sumalo sa akin.
YOU ARE READING
THE PORTAL [COMPLETED]
FantasyEver since Daze was still young, she had been always warned by her grandfather not to play near or under the huge tree at the back of their house. She was wondering if what was the thing in there that her grandfather didn't want her to know. She jus...
![THE PORTAL [COMPLETED]](https://img.wattpad.com/cover/244980463-64-k618268.jpg)