••• DIEZ •••

196 25 0
                                        

Nakita kong lumabas ng bahay si Ina kaya naman sinundan ko siya. May dala siyang gintong pandilig kaya naman naisip ko na baka magdidilig siya ng mga halaman. Mahilig din ako sa halaman kaya napangiti ako dahil mukhang magkakasundo kami sa ganoong bagay.

“Ina, saan ka po pupunta?”

Napalingon siya saka tumigil sa paglalakad. Hinintay niya rin na makalapit ako sa kaniya bago siya sumagot.

“Magdidilig ako ng halaman sa labas. Nais mong sumama?”

Sunod- sunod akong tumango.  “Opo! Mahilig din po ako sa mga halaman lalo na sa mga bulaklak. Gusto ko pong makita ang mga tanim ninyong halaman.”

“Sige halika, sumunod ka sa ’kin.”

Nagpatuloy siya sa paglalakad kaya naman sumunod ako sa kaniya. Nagtungo siya sa likuran ng bahay. Mula sa malayo ay kitang-kita ang ganda ng kanilang hardin. Hindi ko na napigilan ang sarili ko sa labis na kasabikan at pagkamangha, tumakbo ako papunta sa malawak na hardin.

Punong-puno ng iba’t ibang uri ng mga halaman ang buong hardin. Pero sadyang naakit ako sa mga bulaklak na sobrang ganda. Nilapitan ko ang isang bulaklak saka hinawakan at inamoy. Sobrang bango! Ano kaya ang pangalan ng bulaklak na ’to? Ngayon ko lang ’to nakita.

“Aaaaah!”

Natumba ako at bumagsak sa lupa nang ang hawak ko na bulaklak ay biglang gumalaw! Halos lahat ng bulaklak sa paligid ay nagsimulang gumalaw! Lahat na sila! Para silang sumasayaw habang nakasunod sa direksyon ng hangin.

Narinig ko ang pagtawa ni Ina sa di-kalayuan. Tinulungan niya rin akong makatayo.

“Hindi mo ba inaasahan na gagalaw ang mga iyan?”  natatawa pa rin si Inay.

Umiling ako.  “H-Hindi po. Nagulat talaga ako.”

“Hija, nasa mundo ka ng mga kakaibang nilalang. Kaya naman isipin mo na ang mga bagay-bagay rito ay hindi rin pang-karaniwan.”  Paliwanag ni Ina.  “Ibahin mo ang mundo namin sa mundo ninyo. Dahil maraming kakaibang mga bagay ang nagaganap dito sa mundo namin. Hayaan mo at masasanay ka rin,”  dagdag pa niya.

Napaisip ako.

Kailanman ay ayokong masanay. Ayokong masanay sa mundong ’to dahil natatakot ako na sa oras na makasanayan ko ang mga bagay sa mundong ’to, hindi ko na gugustuhin pang makabalik.

Kaya ang gagawin ko lang ay ang makisama at makibagay. Hindi na kailangan pang sanayin ang sarili ko dahil sa lalong madaling panahon ay lilisanin ko din naman ang mundong ’to.

“Oh, bakit bigla ka yatang tumahimik?”

Binalingan ko si Ina.  “Po? Ah, wala po.”

“Halika, tulungan mo akong magdilig ng mga halaman. Huwag kang mag-alala, hindi ka nila sasaktan.”

Tumango ako saka kinuha ang bitbit niyang pandilig. Diniligan ko ang mga bulaklak. Napapaigtad pa rin ako sa tuwing gumagalaw sila. Noong una ay natakot talaga ako pero nang tumagal ay nawala na rin naman. Kaya mas ikinatuwa ko ang ginagawa.

Pagkatapos diligan ang mga halaman ay bumalik na kami ni Ina sa loob. Sinabihan niya ako na magpahinga na muna kaya naman pumasok ako sa loob ng kwarto ko.

Hindi naman ganoon kalaki ang kanilang bahay. Halos kasinglaki lang din ’to ng bahay namin.

Mayroong dalawang kwarto rito ibaba. Hindi ko naman alam kung anong mayroon sa itaas dahil hindi pa ako nakakaakyat doon. Pero siguro ang kwarto ni Ina saka si Hlae eh nandoon sa itaas.

Aakyat ako riyan, pero huwag na muna sa ngayon. Magpapahinga muna ako. Medyo napagod din kasi ako sa pagdidilig namin ni Inay ng mga halaman kanina. Natatawa nalang ako kapag naaalala ko ang naging reaksyon ko kanina.

Grabe, laptrip!

In-fairness, ilang araw pa lang akong nandito pero andami ko nang karanasan. Sana lang kung sakali man na makaalis ako rito at makabalik ako sa mundo namin ay hindi ko makalimutan ang mga ala-ala ko sa lugar na ’to. Kahit iyon nalang ang manatili sa akin, para balang-araw may mai-kwento ako sa mga anak ko.

Isang kwento tungkol sa isang babae na minsang naligaw sa mundo ng mga engkanto.

Tiyak na magiging interesado sila sa ibabahagi ko. Isipin man nilang gawa-gawa ko lang ang lahat, ang mahalaga alam ko sa sarili ko na totoong karanasan ko iyon.

Naupo ako sa kama saka tinitigan ang kwintas na bigay ni Clov. Tanging ito lang ang bagay na naisama ko sa mundong ’to at labis akong nagpapasalamat dahil sa pamamagitan nito, ay maalaala ko ang mga taong naiwan ko sa kabilang mundo.

Sina Mama, Papa at Pob, at ang ‘tropang-mukbang’. Hindi ko tuloy mapigilan na maging malungkot at mag-alala sa kalagayan nila. Kamusta na kaya sila?

Nalaman na kaya nina mama na nawawala ako?

Kung sakali nga ay baka hinahanap na nila ako ngayon kung saan-saan. Naaawa ako sa kanila. Siguradong mahihirapan sila na hanapin ako. Ayokong mag-alala sina Mama at Papa lalo pa’t matanda na sila. Hindi makabubuti sa kalusugan nila ang labis na pag-aalala.

Si Pob naman, tiyak nag- aalala na din ’yon. Kapag kasi may mga assignments siya na hindi maintindihan, sa ’kin siya nagpapaturo. Minsan nanghihiram din siya ng gamit sa akin kaya baka nagtataka na rin siya kung bakit bigla nalang akong nawala.

Si Mity, ang bestfriend ko. For sure, tinatadtad na ako ng chats saka calls no’n.

Si Sef din, kahit na tahimik lang ang isang ’yon, kapag may problema kami, isa din siya sa mga pinaka-matulungin. Kaya nga sabi ko, mas matino siya kaysa kina Dew at Clov.

Si Dew, kahit na tarantado lang yun madalas, pero kapag kailangan namin ng tulong lagi naman siyang nandiyan. Never niya kaming binigo.

At saka...

Si Clov.

Mahigpit kong hinawakan ang kwintas. Kung sakali man na alam na niyang nawawala ako, tiyak na susugod iyon sa bahay. Tatanungin sina Mama kung saan ako maaaring pumunta. Hindi man niya sabihin ay alam kong labis siyang mag-aalala sa kalagayan ko.

Hindi siya titigil hangga’t hindi ako nahahanap. Gagawin niya ang lahat para makita ako. Iyan ang pagkakakilala ko kay Clov. Tarantado man, alam kong may mabuti siyang puso.

Kung meron mang higit na nakakakilala sa kaniya, ako ’yon. Ganoon naman talaga ’di ba? Kapag gusto mo ang isang tao, kikilalanin mo siya nang lubos.

Oo, may gusto ako kay Clov.

THE PORTAL  [COMPLETED]Место, где живут истории. Откройте их для себя