••• CATORCE •••

150 25 0
                                        

Hindi ko alam ang gagawin. Sobrang takot na takot na ako. Mga moticcusian pala ang humarang sa amin.

Pero bakit sila nandito sa lugar na ’to? Gayong sakop ’to ng kaharian ng Esquizer?

Napaigtad ako nang bigla na naman siyang sumigaw.  “Ikaw! Humarap ka! Ipakita mo ang iyong mukha!” 

Naiiyak na ako.

Naalala ko ang sinabi ni Nexus sa ’kin dati. Na mga masasama at walang-awa ang mga moticcusian. Pumapatay sila at nambibiktima.

Paano kung isa ako sa bibiktimahin nila ngayon?

Pumikit ako nang mariin. Halos naistatwa ako at hindi makagalaw sa kinatatayuan ko. Nanginginig na rin ang mga tuhod ko.

Mukhang katapusan ko na.

“Bingi ka ba? Ang sabi ko humarap ka!” muli niyang sigaw.

Tumitig ako kay Hlae at humingi ng tulong. Pero umiling lang siya tanda na wala siyang magagawa. Tinitigan niya pa ako pabalik na parang sinasabing humarap nalang ako para wala ng gulo.

Ang totoo niyan, kaya ko namang ipakita sa kanila ang mukha ko. Ang hindi ko makakaya ay kung malaman nila na hindi ako engkanto! Kilala na likas na masasama sila kaya naman tiyak na hindi sila magdadalawang-isip na patayin ako.

“Ayaw mong sumunod ah, Gnej! Unahin mong putulan ng ulo iyong kasama niyang babae!”

Taranta akong napatitig kay Hlae.

Hindi!

Huwag, pakiusap huwag si Hlae!

Napahakbang paatras si Hlae nang makitang papalapit na sa kaniya ang inutusan ng lalaki. Sinunggaban siya nito at pinaluhod. Pilit siyang lumaban ngunit wala siyang magawa dahil mas malakas sa kaniya ang lalaking engkanto.

Pinaluhod siya nito sa lupa saka sinabunutan ang kaniyang buhok habang hawak-hawak ng lalaki ang kaniyang mga kamay. Nanlaki ang mga mata ko na g binunot ng lalaking engkanto ang kaniyang espada saka itinuon ito sa leeg ni Hlae.

Kuminang ito sa sobrang talim!

Tuluyan na akong napaiyak. Hindi ko makitaan ng emosyon si Hlae, pero alam kong natatakot na din siya para sa kaniyang buhay.

Napapikit ako ng mariin.

Gusto kong iligtas ang sarili ko pero ayokong may mapahamak na ibang nilalang nang dahil sakin. Sunod-sunod akong lumunok saka umipon ng lakas ng loob. Pilit ko ring pinakalma ang sarili ko.

Dahan-dahan akong lumingon paharap sa lalaki na may malaking boses. Pagkalingon ko ay diretso ko siyang tinitigan sa kaniyang mga mata.

Nasindak ako nang makita ang kaniyang itsura. Sobrang pangit at nakakadiri! Malaki ang kaniyang ilong at butas-butas ang kaniyang mukha! Hindi pantay ang kaniyang mga ngipin at nangingitim ang kaniyang mga labi!

Para akong nasuka pagkakita sa kaniyang mukha lalo pa noong ngumisi siya habang mariin akong tinititigan. Kinilabutan ako sa klase ng pagkakatitig niya sa akin. Para siyang may binabalak na masama.

Pinunasan ko ang mga luha ko at matapang siyang tinitigan. Hindi dapat nila maisip na natatakot ako sa kanila. Kailangan kong magpakatatag para makaligtas kami ni Hlae sa mga ito. Kailangan kong makaisip ng paraan kung paano kami makakatakas.

Maliban sa lalaking lider na sobrang pangit at sa lalaking engkanto na ngayon ay hawak-hawak si Hlae, may dalawa pa silang kasama. Malalaki silang engkanto at dalawa lang kami ni Hlae. Kahit pa na sinabi niya kanina na mayroong siyang kapangyarihana ay tiyak na hindi namin matatalo ang apat na ’to.

Sa hula ko ay higit itong makapangyarihan dahil mga moticcusian sila. Kaya wala kaming laban sa kanila.

“Isang napakagandang dalaga, saan ka nanggaling?”  nakangisi niyang tanong.

Hindi ako sumagot at wala akong balak na sagutin siya. Kahit na hindi siya nanliligaw ay hindi ko talaga siya sasagutin!

Sa halip na sumagot ay tinitigan ko siya nang masama.

Manigas ka riyan!

“Aba, matapang ka! Nagtataka ako dahil ngayon pa lamang kita nakita. Saan ka nakatira at sa anong lahi ka nabibilang?”

Hindi! Hindi niya maaaring malaman na isa akong tao. Tiyak na hindi lang ako ang mapapahamak kung sakali. Madadamay sina Ina, Hlae at Nexus dahil inilihim nila ang presensya ko.

“Kung hindi ka sasagot, ang mabuti pa ay tatapusin na lang namin kayo. Pero bago iyan, pakikinabangan muna namin kayo,”  sabi niya saka humalakhak.

Para siyang demonyo! Para silang demonyo! Sila ang engkanto version ni Satanas! Wala silang awa.

Napahakbang ako paatras nang humakbang siya papunta sakin. Naiyak ako dahil sa awa sa kalagayan namin ni Hlae, hanggang dito ba naman wala pa ring kapangyarihan ang mga kababaihan para lumaban?

Nilingon ko si Hlae.

Hindi ko makita ang kaniyang reaksyon dahil nakayuko siya. Maging siya ay parang nawalan na rin ng pag-asa na makaligtas pa sa kamay ng mga hayop na ’to. Nagpatuloy ako sa paghakbang paatras hanggang sa tumama ang likod ko sa isang puno. Pahiwatig na wala na akong maaatrasan pa.

Nanalangin nalang ako para sa kalagayan namin ni Hlae. Hindi ko matanggap na ito ang magiging wakas ng buhay ko.

Hindi makatarungan. Hindi man lang ako nakabalik sa aming mundo at mukhang hindi na ako makakabalik pa.

Pumikit nalang ako at hinayaan ang mga luha ko na dumaloy sa aking pisngi. Nais ko lang sabihin sa huling pagkakataon na... mahal na mahal ko sila. Lahat ng mga taong mahalaga sakin, sobrang mahal ko sila.

Hindi ko man madalas na maiparamdam at masabi sa kanila, bagay na labis na pinagsisisihan ko, totoong mahal ko sila.

Totoo nga pala ang sabi nila no? Na kapag nasa bingit ka na ng kamatayan ay ang daming mga bagay ang papasok sa isipan mo. Mga pagsisisi sa mga bagay na hindi mo noon ginawa, noong may pagkakataon ka pa. Mga salitang hindi mo nasabi noong pwede pa.

Ang daming mga “paano kung” na mga bagay ang pumapasok sa isipan ko. Isa lang ang masasabi ko, laging nasa huli ang pagsisisi.

Kaya naman hanggat may panahon ka pa, sabihin mo na ang lahat ng gusto mong sabihin. Gawin mo na ang lahat ng gusto mong gawin. Dahil kapag huli na, wala ka nang magagawa pa para maibalik ang mga panahong sinayang mo.

Kasabay ng paghawak ko sa suot na kwintas ay ang pagbanggit ko sa mga katagang...

“Mahal kita, Clov.”

Napadilat ako nang bigla akong may marinig na kung anong kumalabog.

Pagmulat ko ay tumambad sa akin na nakahandusay na sa lupa ang lider. Sa tingin ko ay wala na itong buhay dahil kumakalat sa lupa ang kaniyang dugo.

Tiningnan ko ang iba niya pang kasama at nakita kong nilalabanan na ngayon ni Hlae ang engkantong nakahawak sa kaniya kanina. Namangha ako sa galing niyang makipaglaban. Kinuha niya ang espada na malapit sa kaniya saka iwinasiwas iyon sa kalaban.

Magaling si Hlae pero mas malakas pa rin ang kalaban kaya medyo nahihirapan siyang talunin ito. Pero sa huli ay naiturok niya sa tiyan ng engkanto ang espada dahilan ng pagkatumba nito sa lupa at maya-maya pa ay tuluyan na itong nawalan ng hininga.

Bumaling ako sa iba pang kasamahan ng mga moticussian. Nagtaka ako sa nakita.

May isang misteryosong nilalang ang ngayon ay nakikipaglaban sa dalawang moticussian. Siya ay nakasuot ng itim na damit. Hindi ko malinawan ang kaniyang mukha dahil may suot siya na itim na tela sa mukha.

Sino ang nilalang na ito?

Siguro ay hindi na iyon mahalaga, ang mahalaga ay ang katotohanang, siya ang nagligtas sa amin... 

Sa akin.

THE PORTAL  [COMPLETED]Where stories live. Discover now