Kinabukasan ay naabutan ko si Ina na naghahanda ng agahan kaya naman tumulong ako. Sinaway pa niya ako no’ng una pero hinayaan na rin nang magpumilit ako. Nagpalinga-linga ako at hinanap sina Nexus at Hlae pero mukhang hindi pa sila gising.
Kaya nagkibit-balikat nalang ako. Sanay akong gumising nang maaga dahil gawain ko sa bahay ang maghanda ng aming almusal. Minsan ay naaabutan ako ni mama kaya tinutulungan niya ako pero madalas tapos na akong maghanda paggising nila.
Sabay-sabay kaming kakain sa hapag bago kami tumungo sa kaniya-kaniya naming lakad araw-araw. Sabay kaming pumapasok ni Pob sa university Grade 9 na siya samantalang Grade 11 naman ako. Si Papa naman at si Mama ang namamahala sa maliit naming negosyo. Nagtitinda kami ng mga school at office supplies sa harap ng school na pinapasukan namin. Sobrang mabili ang mga paninda kaya naman malaki ang naitutulong nito sa pang-araw-araw naming pamumuhay.
Matapos kaming maghanda ay inutusan ako ni Ina na umupo na at siya nalang ang tatawag sa magkapatid para makapag-almusal na kami. Maya-maya pa ay nakita ko si Hlae na nakasunod sa kaniyang ina habang pababa ng hagdan. Kinusot niya ang kaniyang mga mata saka humikab. Mukhang inaantok pa siya. Sumunod din kaagad si Nexus pababa saka umupo sa kaniyang pwesto na siyang kaharap ko.
Nagsimula na silang kumain pero hindi ko pa rin nagagalaw ang sa akin.
“Hija? Anong problema?” tanong ni Ina.
Nag-alangan akong sumagot.
Itatanong ko ba? Baka naman hindi na ’yon ginagawa rito?
“Ah, hindi po ba muna tayo mananalangin bago tayo kumain?”
Nagkatinginan sila na parang nagtataka sa bagay na itinanong ko.
Tinitigan ako ni Ina. “Ang tinutukoy mo ba ay ang pagpapasalamat sa bathala niyo, bago kumain?”
Tumango ako.
“Hija, hindi namin ginagawa ang bagay na ’yan dito dahil wala kaming kinikilalang bathala. Tanging ang Hari at Reyna lang ang kinikilala naming higit na makapangyarihan sa lahat,” paliwanag ni Inay.
Dahan-dahan akong tumango saka yumuko sa kahihiyan.
Kahit kailan talaga, Daze!
“Sorry po.”
Ngumiti si Inay. Nagsalita din si Nexus.
“Huwag mo nang isipin ang bagay na ’yon. Kumain ka na lang.”
“S-Sige.”
Kumain kami nang mapayapa. Walang sinuman ang umiimik. Hindi na rin lang ako nagsalita pa, mahirap pa. Baka may masabi na naman akong hindi dapat sabihin.
Pagkatapos mag-almusal ay nagpaalam si Nexus na pupuntang kagubatan. Sa hula ko ay magsisibak ulit siya ng mga kahoy. Balak ko sanang sumama para makapamasyal pero may bagay akong higit na kailangang pagtuunan ng pansin.
Hindi na kami nagkausap kagabi kaya naman ngayong umaga ko siya balak na kausapin tungkol sa plano. Kung paano ako makagagawa ng kabutihan na siyang magiging daan para makabalik ako sa aming mundo.
Inabangan ko siyang lumabas ng bahay. Bahagya pa siyang nagulat nang bigla akong sumulpot sa kaniyang harapan.
“K-Kanina pa riyan?” gulat niyang tanong.
Umiling ako. “Hindi naman.”
“Anong kailangan mo?” bumalik na ulit ang mukha niya sa pagiging seryoso.
Si Nexus ang tipo ng lalaki na sa unang kita mo pa lang ay masasabi mo ng suplado at mahirap pakisamahan. Iyong tipong mailap pagdating sa mga tao at pumipili lang siya ng mga kakaibiganin.
“Magtatanong sana ako,” panimula ko.
“Ng alin?”
“Kailan natin sisimulan ang misyon ko? Hindi naman sa minamadali kita, pero gusto ko na kasing makauwi sa mundo namin sa mas lalong madaling panahon. Kaya, itatanong ko kung ano ang bagay na kailangan kong gawin para makabalik.”
Sa halip na sumagot ay nagpatuloy siya sa paglalakad at nilagpasan ako. Sinundan ko siya.
“Uyy, Nexus. Ano na? Ano ang gagawin ko? Hindi ako pwedeng magtagal dito dahil paniguradong nag-aa—”
“Maghintay ka. May mga bagay rin akong ginagawa. Hindi nakalibot ang buhay ko sa misyon mo, kaya maghintay ka,” putol niya sa sinasabi ko.
Napahakbang ako paatras. Hindi ko inaasahan ’yon ah? Parang ngayon niya lang ’ata ako napagtaasan ng boses. Madalas kapag nag-uusap kami, malumanay siyang magsalita.
YOU ARE READING
THE PORTAL [COMPLETED]
FantasyEver since Daze was still young, she had been always warned by her grandfather not to play near or under the huge tree at the back of their house. She was wondering if what was the thing in there that her grandfather didn't want her to know. She jus...
![THE PORTAL [COMPLETED]](https://img.wattpad.com/cover/244980463-64-k618268.jpg)