Fog & Dew 23

62 11 2
                                    

Claude's Point of View:

Dahil sa nangyari na komprontasyon namin ni Ramses ay mas naging madalas kaming magkasama ni nick Patrick. Sa tuwing papasok ako ay hihintayin niya ako sa kanto ng lugar namin at mula doon ay sabay kaming maglalakad papunta sa terminal ng jeep. Sa totoo lang gusto ko 'yung mga sandaling iyon, minsan naiisip ko na magtapat sa kanya kaso natatakot ako na baka ma-reject lang ako, natatakot din ako na baka lumayo siya sa akin at isipin na oportunista ako dahil nag-take advantage ako sa sitwasyon, alam ko sinasabi nila na meron ding gusto sa akin si Nick Patrick pero ayoko pa din mag-assume ng sobra dahil tanda ko pa nang minsan akong mag-assume na mahal ako ng isang tao, ending naiwan pa din akong mag-isa.

Naging mabilis ang paglipas ng araw at sumapit na ang araw ng Huwebes at wala pa din akong naiisip na isusuot para sa ball. Lahat din ng shop at ukay-ukay na pinuntahan ko ay wala namang mura na papasok sa budget ko. Malaking pasasalamat ko na nga lang at na-cover ng scholarship ko 'yung ball fee kaya nabawasan ang gastos na iisipin ko.

Lunch break namin noon at tulad ng nakagawian kila nanay Mel na kami kumain. Simula kasi nang yayain ko sila doon ay sila na din mismo ang nagli-lead papunta doon, bukod sa pabor sa akin ay talagang feel at home din kami dahil nga sa kung ituring kami nila nanay Mel at tatay Canor ay parang mga anak na, naaalala nga daw nila sa akin ang anak nila na sobrang hawig ko daw kaya noong una daw nila akong makita ay sobrang saya nila dahil akala nila nagpakita na sa kanila ang anak nila, pero nang sabihin ko na hindi ako 'yung anak nila at nang tanungin ko ano ang nangyari dito ay hindi naman nila ako nagawang tugunin. Naisip ko na masiyado ding personal pa para tanungin ko ang bagay na 'yon kaya hindi ko na lang tinanong pa ulit.

"Uhm nanay Mel pwede po bang makahingi ng baso? Wala na po kasing baso doon sa tauban." ang sabi ko kay nanay Mel na inaayos noon ulam sa loob ng salaming lalagyan nila ng ulam.

"Ay gano'n ba ijo, sige, sige ikukuha na kita at dadalhin ko na lang sa mesa niyo." ang sabi nito at ngumiti akong tumango sa kanya bilang pagsang-ayon. "Mga ilan ba ang kailangan niyong baso?" ang dagdag nitong tanong.

"Ah sige po nanay Mel, mga walo po sana, salamat po." ang tugon ko.

"Oh sige ijo, ikukuha na kita at dadalhin ko na lang doon." ang sabi ni nanay Mel.

"Salamat po." ang muli kong pasasalamat at agad na umalis para bumalik na sa grupo.

"Moon, pinag-uusapan namin 'yung ball na gaganapin bukas, may isusuot ka na ba?" ang agad na tanong ni Venus sa akin habang paupo pa lang ako, at ang lahat ay nakatingin sa akin na para bang ang big deal ng magiging sagot ko. Agad akong umiling sa kanilang bilang sagot.

"Ang totoo wala pa akong nahahanap, masiyado kasing mahal 'yung mga nakikita ko." ang sabi ko bilang tugon.

"Perfect!" ang sabi ni Mercury.

"Huwag ka na humanap pa ng isusuot mo, kami nang bahala sa isusuot mo." ang sabi naman ni Mars.

"Ay naku hindi na, nakakahiya na kayo pa ang gagastos para sa isusuot ko." ang pagtanggi ko na tugon.

"Baliw, para kang hindi kaibigan naman. Tsaka sa ukay lang naman din namin 'yon nakita nila Mercury at Venus, to be honest isusuot sana ni Venus 'yon kaso hindi kasya sa kanya, kaya imbis na masayang eh di bigay na lang namin sa'yo." ang sabi ni Mars.

"True! Gandang ganda pa naman ako sa outfit na 'yon pero sa tingin ko mas perfect sa'yo 'yun." ang sabi naman ni Venus.

"Oh ayon naman pala Claude, grab mo na kaysa mamoblema ka pa sa isusuot mo." ang pangungumbinsi ni Jupiter.

"Pero nakakahiya kasi guys." ang nahihiya kong sabi.

"Ano ka ba, kaibigan ka naman namin, no need na mahiya ka pa." ang sabi ni Mercury.

Rain.Boys VIITahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon