Twelve

491 34 0
                                    

Chapter Twelve: Warm Night

NARRATOR

"Tol! May nakasalubong kaming mga babae kanina. Baka naman pwede na naming makita ang mga kaibigan—"

Hindi natapos ni Gil ang sasabihin nang muli nanamang tabigin ni Apollo ang kapit niya sa balikat nito. Muntik pang matumba si Gil kung hindi lang siya napakapit sa balikat ni Ed na katabi niya. Hindi kasi pantay ang sahig dahil sa mga batong nakaharang.

"Sinabi nang huwag mo akong matawag-tawag na tol."

Humakbang siya palapit kay Gil. Parehong tumuwid ang tayo nang nakataas ang noo at ilang pulgada lang ang layo nilang dalawa mula sa isa't-isa.

"At tigilan mo na rin ang pagtapik sa balikat ko. Hindi kita kaibigan at ni minsan, hindi mangyayari 'yon," nanggagalaiting sabi pa niya.

Napayuko si Gil kasabay ang pagngisi na kaunti na lang ay hahagalpak na siya sa tawa. Tuwang-tuwa siyang iniinis ito. Pinanunuod lang din siya ng mga kaibigan at kahit sila'y pinipigilan lang ang mga sariling matawa.

"Ano bang problema mo? Gusto niyo na bang pare-parehong malagutan ng hininga nang hindi natatapos ang isang buwan niyo rito?"

Iniangat ni Gil ang ulo. "Sinabi nang gusto naming makita ang mga kaibigan namin. Pati ba 'yon ipagkakait mo? Sino ka ba?"

Napamasahe sa sentido si Apollo at dinuro-duro sa mukha si Gil. "Tapusin niyo muna ang mga trabaho niyo bago niyo atupagin ang mga babae. Iprioridad niyo ang mga reponsibildad niyo bago kayo makipaglokohan sa mga babaeng walang alam gawin sa buhay."

Pinanuod ni Gil ang paglisan ni Apollo bago niya muling ipagpatuloy ang pagsisibak ng kahoy. "Ang laki ng problema niya. Pasan-pasan siguro niya ang problema ng mundo."

"Required ba talaga 'tong ginagawa natin? Mukha ba tayong taga-probinsya para magsibak ng kahoy? At gusto pa talaga niyang maghuli tayo ng isda. Kahit ang magluto hindi ko binalak aralin dahil mayaman at may utusan ako, tapos uutusan niya lang?" si Ed na nakaiisang sibak pa lang ng kahoy, ramdam na agad ang pagod.

"Sino ba kasing gustong maging exchange students?" Iiling-iling na tinignan ni Prem si Gil. "We're not supposed to be here kung hindi mo nirekomenda kay Demon na tayo ang ipadala rito."

"Kahit hindi ko sabihin pre, tayo na ang planong ipadala ni Demon. Usap-usapan ng mga estudyante. 'Yong iba, gustong sila na lang ang maging exchange students pero buo na agad ang desisyon ni Demon. Ewan ko ba. Siguro naisip niyang wala naman pala siyang mapapala sa'tin."

"Tanda mo ba 'yong sinabi ko sa'yo, Prem?"

Nilingon ni Prem si Zed. "Na ano?"

"Na narinig kong nag-uusap 'yong apat na wala naman talagang ganitong eksena sa TDHU kung saan may pa-exchange students. Nagkataong may mga tumakas na estudyante mula rito at napadpad sa TDHU. Kaya imbes na ibalik sila, tayo ang hininging kapalit."

Patuloy lang na nagsisibak si Prem habang pinakikinggan ang sinasabi nila.

"At magsisilbing alay sa pinakamataas. Iluluto nila tayo nang buhay at pagkatapos, hihiwain ang mga katawan natin saka nila kakainin. Walang matitira kundi ang mga buto natin! Rawr!"

Nang mapansin ni Zed na seryoso pa rin ang mga ekspresyon ng mukha pagkatapos niyang magkwento ay humagalpak siya sa tawa. Saka lang nila napagtantong nagbibiro nanaman siya kaya sunod-sunod na batok ang natanggap niya. Inihamba pa ni Prem ang pantaga kung hindi pa siya titigil sa katatawa.

Sa kabilang dako, palinga-linga ang tingin ni Apollo sa paligid. Sinisigurado niyang walang ibang tao saka siya tuluyang pumasok sa tent.

Naabutan niya ang isang lalaking wala na yatang inatupag kundi ang magbasa. Kahit ang nakakrus niyang binti at nakasandal na likuran habang nakaangat ang libro na kapantay ang ulo niya ay walang pinagbago.

APHRODITE (Greek Myth Series #1)Where stories live. Discover now