Ika-Pitong Kabanata

128 21 8
                                    

GALIT.

Hinagpis.

Sakit.

Poot.

Halo-halong emosyon ang naramdaman ko sa pagkakataong ito at hindi ko alam anong gagawin sapagkat bumabalik na naman sa aking alaala ang masalimuot na nangyari sa nakaraan na siyang kay hirap kalimutan.

Hindi ko lubos inakalang makikita ko ulit siya... na makikita ko muli ang kaniyang pagmumukha... ang nakakasulasok na pagmumukha ni Haring Sejoong.

Bahagya akong napakuyom ng kamao at binigyan siya ng mga matatalim na tingin. Ramdam ko rin ang matinding panginginig ng aking buong katawan. Siguro dahil iyon sa galit na siyang namuo... galit na matagal ko ng kinakimkim.

Limang taon akong naghintay... limang taon kong hinintay ang pagkakataong ito... ang makapaghiganti sa kaniya.

Hindi na ako nag-aksaya pa ng oras at kaagad kong binunot ang patalim na nakasuksok sa aking tagiliran. Naalarma siya sa aking ginawa at ganoon rin ang mga kawal na siyang nakabantay sa kaniya, kung kaya't nagawa ng mga ito na bumunot ng espada at pinalibutan ang hari upang ito'y protektahan.

Isa-isa ko silang tinignan at namataan kong nasa humigit sampu ang kanilang bilang. Napahigpit ang hawak ko sa patalim at walang alinlangan silang sinugod.

Sabay-sabay ko silang nilabanan at hindi ko mapagkailang magaling at malakas rin sila. Kung oobserbahin ay may kaniya-kaniya silang estilo sa pakikipaglaban na siyang mahirap gayahin. Isama pa doon ang galaw nila na sobrang bilis. Kung kaya't dahil doon ay nahihirapan akong makagawa ng depensa na siyang magagamit ko laban sa kanila. Bagama't ang tanging tumatakbo lamang sa aking isipan ay kung paano ako makakaiwas sa kanilang atake.

Gayunpaman, nagawa kong pag-aralan ang bawat kilos at galaw nilang lahat, at may napansin akong kakaiba. Ewan ko ba, pero bigla na lamang akong napangiti sapagkat ang bagay na iyon ay isa pala nilang kahinaan.

Mabilis nga ang kanilang galaw at mahirap sabayin, subalit napansin ko na sa bawat galaw na kanilang ginagawa ay nakukulang sila ng grabidad at may pagkakataon pa na nahihirapan silang bumalanse. Sa aking palagay ay dahil iyon sa kanilang mga paa na kung saan may nakitaan akong sinyales ng pananakit.

Bilang mga kawal, ang kanilang pangunahing trabaho ay magbantay sa buong palasyo at panatilihing nasa ligtas ang mga Rheia o ang mga maharlika, kung kaya't buong araw silang nakatayo at nakabantay... na hindi sila uupo habang ginagawa ang kanilang trabaho. Kaya may katuturan ako na pagod na ang kanilang mga paa... na sa bawat galaw na kanilang ginagawa ay siya ring unti-unting panghihina nito at pananakit.

Nang mapansin ko ang bagay na iyon ay agad akong nag-isip ng plano. Aking napagpasyahan na hahaluan ng sipa ang bawat atakeng ibibigay ko sa kanila at ang pupuntiryahin ko ay ang kanilang mga paa upang sila'y mawalan ng balanse at matumba. At nang sila na'y matumba, ay agad kong ibabaon ang patalim sa kanilang leeg.

Habang nakikipaglaban, nahagip naman ng aking paningin ang kinaroroonan ni Haring Sejoong na kung saan makikita itong nasa isang tabi at tahimik na nanonood ng aming laban. Kahit hindi sabihin ay alam kong naaaliw siya sa kaniyang napanood... na nasisiyahan siyang panoorin ang mga taong nagbubuwis ng buhay. Kaya dahil doon ay lalong tumindi ang aking galit. Nagagalit ako dahil sa kaniyang kawalangyaan... nagagalit ako dahil parang wala lamang sa kaniya ang mga taong nagbuwis ng buhay para lamang protektahan siya. Hindi ko maiwasang isipin kung bakit pa siya naging hari? Kung ganyan lamang siya kung umasta?

Tinuon ko ulit ang atensyon ko sa mga kalaban. Lima na lamang ang natira at patuloy na lumalaban. Ilan sa kanila ay nakahilata na sa lupa at wala ng buhay. Wala naman talaga akong intensyon na patayin sila dahil una sa lahat ay hindi naman talaga sila iyong pakay ko. Pero dahil masyado silang harang at talagang gusto nila na mapatay ako ay napagpasyahan kong unahan na sila.

Imperial ThroneHikayelerin yaşadığı yer. Şimdi keşfedin