Ika-Labing Tatlong Kabanata

15 2 0
                                    

HINDI ko alam anong gagawin ko sa mga oras na ito. Nakatingin lamang ako sa kaniya na may umaapaw na gulat sa aking mukha.

Hindi ko lubos inasahan na makita ko si Ryeo... na s'ya ang taong magdadala sa akin sa lugar na ito... na siya ang taong humila sa akin kanina. Gayunpaman, bumalot rin sa aking mukha ang matinding pagtataka. Hindi ko maintindihan kung bakit niya ito ginagawa?... kung bakit niya ako nagawang tulungan na makatakas mula sa mga kawal? Ngunit, ang bumabagabag sa aking isipan ay ang bagay kung ano ang kaniyang ginagawa sa lugar na iyon?... bakit siya nandoon?

Sumeryoso ang kaniyang mukha at binigyan ako ng mga matatalim na tingin. "Ano bang pumasok sa iyong utak at nagawa mo ang bagay na iyon?" Base sa tono ng kaniyang pananalita ay tila alam niya ang nangyayari... tila alam niya ang aking ginawa.

Sa pagkakataong iyon ay hindi ko na mapigilang mapakunot-noo. "Ano bang pakialam mo, ha?"

"Ano ba talaga ang binabalak mong gawin, ha?"

"Bakit? Kapag sinabi ko ba sa iyo ay sasabihin mo rin ba sa hari---ay mali, sa iyong ama?"

"Paano kung gawin ko ang bagay na iyan? Anong gagawin mo?"

Tumalim ang aking tingin. "Kung ganoon, kamatayan ang iyong haharapin. Papatayin kita kung iyan lamang ang tanging paraan para manahimik ka." Hindi siya nagsalita at nanatili lamang tahimik. Ni wala rin akong nakikitang ekspresyon sa kaniyang mukha.

Kung tutuusin, hindi ako magdadalawang isip na patayin siya lalo na't marami na siyang nalalaman tungkol sa akin. Hindi ko hahayaang siya ang magiging balakid sa aking hangarin.

"Kaya kung may balak ka na pigilan ako o mangialam sa mga binabalak kong gawin, hindi ako magdadalawang isip na patayin ka. Binabalaan kita, Prinsipe Ryeo." Banta ko at sinadyang diinan ang pagkakasabi ng salitang 'prinsipe'.

Nang wala na akong sasabibin ay napagpasyahan ko ng umalis at iniwan siyang nakatunganga. Binilisan ko rin ang aking paglalakad upang hindi niya ako mahabol o masundan.

Habang naglalakad ay marahan ko namang pinunasan ang aking mga kamay na nababalutan ng dugo na nakuha ko doon sa napatay kong kawal kanina. Maingat ko ring binalik sa pagkakatali ang tela sa aking kaliwang pulso kung saan naroon ang aking faték.

Bigla naman akong napatigil nang maalala ang naging usapan naming dalawa ni Ryeo noon... noong ikinuwento niya ang tungkol sa faték na ito at ang nakaraan ng aming tribo. Hindi ko maiwasang isipin ang bagay na alam niya ang lahat ng tungkol sa amin gayo'y isa siyang prinsipe at hindi nararapat sa isang prinsipe na magkaroon ng ugnayan sa aming tribo na s'yang tinuring na kaaway. Tila wala man lamang siyang pakialam na ang kaniyang kaalaman niyang iyon ay maaaring magdala sa kaniya sa kapahamakan.

"Ano kaya ang ginagawa ng isang tagapaglingkod sa lugar na ito ng ganitong oras?" Muntikan na akong mapasigaw nang may bigla na lamang akong marinig na boses.

Aking nilibot ang aking paningin sa paligid ngunit wala akong nakitang ibang tao bukod sa akin. Kung kaya't napagpasyahan ko na lamang na umalis at isinawalang-bahala ang aking narinig. Subalit, may napansin akong may gumalaw sa madilim na bahagi ng puno. Tinignan ko ito ng maigi at ako'y naalarma nang maanigan ang pigura ng isang lalaki. Hindi malinaw sa akin ang mukha nito sapagkat napakadilim.

Maya't maya ay namataan ko itong naglakad palapit sa akin. Napaatras ako ng kaunti at hinawakan ang isa ko pang patalim na nakatago sa aking likod. Dahan-dahan lamang ang kaniyang lakad at wala man lamang akong nakitaan ng kakaiba sa kaniyang kilos. Ngunit, hinanda ko pa rin ang sarili sa maaari niyang gawin, lalo na't hindi ko pa alam kung sino siya.

Imperial ThroneΌπου ζουν οι ιστορίες. Ανακάλυψε τώρα