Chapter 4

51.2K 4.2K 112
                                    

Hindi naging madali ang pagkumbinsi kay Mommy na bigyan kami ng pera para sa pag-aaral ko sa St. Bernadette. At sa mahal ng tuition doon ay katakot-takot na sigawan ang nangyari sa pagitan nilang dalawa ni Yaya.

"Ya, h'wag na lang po kaya?" I hesitantly said.

"Bunso, karapatan mong hingin 'yun sa Mommy mo at responsibilidad n'yang bigyan ka ng matinong edukasyon. Ngayon ka lang hihingi sa kanya. Ngayon ka lang may hiningi sa kanya."

"Pero, Ya, ayoko po kasing nagsisigawan po kayo sa telepono..."

"Aleph, gustung-gusto mong doon mag-aral, hindi ba? Ilang buwan mo kayang bukambibig ang St. Bernadette. Bakit parang nagdadalawang-isip ka?"

"Kasi po kahit naman po anong gawin natin ay kung hindi po magbibigay ng pera si Mommy ay wala pa rin naman po tayong magagawa. At ayoko pong malungkot po kayo, Ya, dahil hindi ko po nakuha ang gusto ko..."

"Bunso, kinabukasan mo ito kaya hindi pwedeng hindi natin ipaglaban. Kung hindi ka makakapagtapos ay habambuhay kang maghihintay na lang ng bigay ng Mommy mo. Ayokong mangyari 'yun."

"Makakapagtapos pa rin naman po ako kahit sa eskwelahan po ni Kuya Delfin ako mag-aaral. 'Tsaka po, ang lapit lang po sa bahay natin 'yun kaya hindi na po tayo mamomoblema sa pamasahe. Ang sabi n'yo po kasi medyo may kalayuan po sa atin ang St. Bernadette kaya h'wag na lang po."

"Ang bilis naman magbago ng isip ng bunso namin. Hindi dapat gan'un, Bunso. Kapag may gusto ka dapat ipinaglalaban mo."

"Para saan naman po 'yun, Ya, kung kayo naman po ang mahihirapan?"

Yaya Lucille smiled at me. "Kaya ni Yaya. H'wag mo akong alalahanin, Anak. Ayoko na bibitiwan mo itong pangarap mong 'to. Hindi ko alam kung ano ba talaga ang totoong rason kung bakit doon mo gustong mag-aral pero nagtanung-tanong ako sa mga kapitbahay natin at ang sabi nila ay kilalang magaling na paaralan ang St. Bernadette. Ang dami raw sikat na abogado, inhinyero, doktor, at mga kilalang pulitiko na doon galing."

"Pero, Ya..."

"Mahirap nga raw pumasok doon, eh. At hindi tulad ng ibang private schools na puro pera at palakasan, bago ka nila tatanggapin ay katakot-takot na exams muna ang kailangan mong ipasa. Hindi nga raw pumasa doon 'yung kakilala ni Lerma na anak ng abogado."

"Baka po hindi po ako pumasa..." I said. "Sa center lang po ako nag-kinder, eh."

"Ano naman kung sa center? Taga-U.P. si Teacher Annie, magagaling ang mga guro sa center."

I lowered my head.

"Ayaw mo bang makita ulit si Ingrid?"

I looked up. "Yaya naman..."

Yaya Lucille laughed. "O, marunong nang mahiya ang bunso namin? Binata ka na? Pero sabihin mo sa akin ang totoo, si Ingrid ang dahilan, hindi ba, kung bakit gusto mo doon?"

"Opo..."

"Bakit mo binibitiwan 'yung pangarap mong mag-aral sa St. Bernadette ngayon?"

"Kasi po wala po tayong pera."

"Tayo wala pero 'yung Mommy mo marami. Pero, h'wag ka munang mag-aasawa, Bunso, ha. Baka naman unahan mo pa si Kuya Delfin mo."

"Yaya, six lang po ako kaya, hindi pa po pwede."

"Ibig sabihin pag seven ka na ay pwede na?"

"Yaya naman, eh..."

Yaya Lucille laughed again before she patted my head. "Gusto kong mangarap ka. Ayokong maging dahilan 'yung kawalan natin ng pera para bitiwan mo ang isang bagay na gustung-gusto mo."

Aleph's Heart (Self-published)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon