17 - Unit 1806

110 7 0
                                    

Pagkagising ko kinabukasan sa sofa ay napansin kong may nakatalukbong na sa aking isang kumot, ngunit di ko maalala kung paano ito napunta sa akin. Nang mapaupo ako ay nakita kong wala na sa kama niya si Josh. Pagpunta ko sa banyo ay wala rin siya roon. Bigla akong nag-panic. Saan siya nagpunta?

Biglang bumukas ang pinto at pumasok si Josh, May bitbit siyang supot ng Rodics at isa pang supot ng pan de coco. Nagtinginan kami. "Hindi ako lumayas. Bumili lang ako ng almusal."

"Ba't ka naman lalayas eh condo mo ito?"

"Mukha ka kasing nagpa-panic."

Hindi ko na siya sinagot at imbes ay napaupo na lang ako sa tabi ng dining table. Tahimik kaming kumain ng tapsilog at pan de coco hanggang sa matapos kami. Tahimik na nagligpit ng kinainan, tahimik na nag-segregate ng colored at whites na labada, tahimik na nanood ng TV at nag-surf sa Facebook sa cellphone. Kung kaninang madaling araw ay malakas pa ang loob kong kausapin siya, ngayong nawala na ang tama ng beer ay parang nawalan ng silbi ang aking dila. Sa halip, ang nasabi ko lang ay "Luluwas pala ako ng San Pedro. Tutulungan ko si Nanay sa Christmas party nila sa school."

"Gusto mong ihatid--"

"Ay, hindi, okay lang, okay lang." Ngunit agad kong pinagsisihan ang sinabi ko. Sana ay umoo na lang ako.

"Fine."

Naligo at nagbihis na ako at nag-empake ng mga babauning damit. By 10 AM ay handa na akong umalis. "Josh, baka after Christmas na ako babalik. Sa San Pedro na ako magsa-submit ng grades."

"Okay."

Pagbukas ko ng pinto ay lumingon ako sa kanya. "Merry Christmas."

"Merry Christmas," tugon niya. Ngumiti naman siya sa akin, ngunit ang lungkot ng kanyang mga mata. Ngayon ko lang nahalatang namumugto pala ang mga ito. Agad akong umalis at pakiwari ko'y bibigay ang mga luha ko. Nasa bus na ako papuntang San Pedro nang maalala kong Tuesday pa lang ngayon at hindi weekend, ngunit bumili pa rin siya ng Rodics tapsilog at KNL pan de coco. Higit sa lahat, hindi ko siya nabigyan ng choco butternut donuts bilang Christmas gift.

Unti-unting naging civil naman kami. Nagsimula sa simple text messages na sinundan ng pag-like ng posts ng bawat isa sa Facebook. Kinamusta niya sina Nanay at Hope nung Noche Buena at nagkuwentong sumama siya sa Christmas party sa Cainta sa side ni Tito Joe, ngunit wala siyang binanggit kung nag-usap silang mag-ama. Napaisip ako kung may kailangan pa silang pag-usapan. Hayun, sa isang banda, parang... friends na kami. O friends na lang uli kami? Ngunit bakit lalo lang bumigat ang pakiramdam ko?

Bumalik ako sa UP Diliman nung umaga ng Dec 31 para may kuning files sa aking office bilang paghahanda sa aking bagong class. Dahil sa aking experience sa skeletal remains at applications nito sa Forensic Anthropology, binigyan ako ng additional teaching assignment bilang co-teacher sa Anthro 198 kasama ang isang senior professor sa department. Kailangan kong ayusin ang aming syllabus para maibigay ko na sa professor upang ma-review niya bago magsimula ang registration sa susunod na linggo.

Nag PM ako kay Josh sa Messenger kung nasa condo siya. Ang sabi niya ay hanggang 12 PM lang siya at kailangan niyang umuwi sa Green Meadows para sa New Year's party sa side naman ng nanay niya. Oo nga pala, nakalimutan ko na yun. Nung umalis na ako sa office ay pasado 11 AM na. Naisipan kong dumaan na lang muna sa Dunkin Donuts sa Philcoa. Mabilis naman akong nakabili ng kalahating dosenang choco butternut donuts, ngunit pagsakay ko ng UP Philcoa jeep, naghintay pa kami nang matagal bago mapuno ng pasahero. Nang makababa ako sa tapat ng Vinzons Hall sa loob ng UP Campus para sumakay naman ng Katipunan jeep, halos 12 PM na. Magme-message na sana ako kay Josh kung puwedeng hintayin ako nang mapansin kong namatay na ang battery ng cell phone. Ang malas ko naman! Wala akong magawa kundi mamilipit sa yamot hanggang sa makababa na ako sa harapan ng condo building. Ngunit nang pagsapit ko sa unit ay wala roon si Josh. Pagtingin ko sa wall clock ay 12:15 na.

Ang Kasarian ng Pag-ibigTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon